Kinabukasan ay pormal akong pinakilala ni Tiyang Melva sa mag-asawang Carson.
Noong una ay naguluhan pa ako kung sino sa tatlong hindi magkakamukha pero naggugwapuhang triplets ang asawa ng napakagandang si Ma'am Kofie pero nang mahinahong ipaliwanag sa'kin ni Ma'am Kofie ang lahat ay ramdam kong tinakasan ako ng dugo sa mukha.
Muntik na akong himatayin sa gulat pero hindi sa panghuhusga sa relasyong mayroon sila kundi dahil sa isiping nakaya ni Ma'am Kofie na pagsabayin ang tatlong lalaking nagsitikasan iyong mga katawan.
Si Ma'am Kofie ay normal lang iyong kaseksihan at medyo may kaliitan siyang babae pero sina Sir Kian, Sir Klaus at Sir Kevin ay may dugo silang imported kaya kitang-kita sa laki ng mga katawan at tindig nila ang pagiging extra large.
Ito pala iyong sinasabi ni Tiyang na kaibahan ng lifestyle ng mga magiging amo ko kaysa normal na relasyong nakasanayan ko.
Pwede pala ang ganito? Wala pa akong nabalitaang ganito rito sa Pilipinas kaya medyo nawindang ako.
Pure Pinay si Ma'am Kofie pero nakaya niyang pumasok sa ganitong relasyon pero kung ako ang nasa lugar niya ay mahihirapan din akong mamili sa triplets kong amo kasi nga walang itulak kabigin sa mga ito kahit na medyo may edad na sila.
Nahimasmasan lang ako sa mga nalaman ko nang ipakilala sa'kin iyong si Ma'am Khaila na nag-iisang anak nilang babae at ang asawa nitong isang tunay na prinsipe sa pinanggalingang bansa.
Parang gusto kong magtatalon kanina at magsisigaw nang ngitian ako ni Sir Prince Shawn... at kinausap niya pa ako at sinabing Kuya Shawn na lang daw itawag ko sa kanya kasi tinuturing nilang kapamilya lahat ng mga naninilbihan sa mga Carson.
Kinikilig ako pero pinipigilan ko lang baka magselos si Ma'am- este Ate Khaila. Gusto niya rin kasi Ate iyong itawag ko sa kanya. Gusto ko tuloy magpaampon pero dahil mahal ko ang totoo kong pamilya ay pinigil ko ang sarili ko.
Habang naglilinis ako sa nakatokang lugar sa'kin dito sa ground floor nitong malapalasyong mansion ng mga Carson ay hindi pa rin mawaglit-waglit sa mga labi ko ang ngiti dahil sa pagkakaroon ko ng instant Ate at Kuya.
At ang pinakamagandang balita ngayong araw ay ang kaalamang marunong mag- Tagalog lahat ng mga amo ko!
Iyong baon kong mga English ay hinding-hindi sila mauubos at pati dugo ko ay hindi matutuyo.
"Hooooy!"
"Ay! Pukeng*namo!!" Gulat akong napatingin sa pabiga-biglang gumambala sa pag-daydreaming ko.
Isang halos kaedaran kong babae ang nakangising nakatunghay sa'kin mula sa itaas ng isang hagdan na ginagamit sa pagkuha ng mga aklat na halos hanggang sa kisame na nitong napakalaking library na kasalukuyan kong nililinis.
"Ako nga pala si Julienne! Ikaw ba iyong pamangkin ni Manang Melva?" magiliw nitong pakilala at tanong sa'kin.
Ah, ito siguro ang Julienne na anak ni Kuya Poloy.
"Oo, ako si Kaye-"
"Akala ko ba Kikay ang pangalan mo?" sansala nitong tanong sa pagpapakilala ko.
Napangiwi ako sa kanya at bahagyang napakamot ng buhok.
"Ang bantot pakinggan ng Kikay," nakangiwi kong reklamo.
"Hindi ah, ang cute kaya!" kontra niya.
Pinanood ko siyang ekspertong bumaba mula sa hagdan habang bitbit ang isang makapal na aklat.
"Kailangan ko 'to sa research ko," paliwanag nito nang makitang nasa dala nito ang tingin ko.
Naalala ko bigla, pinapaaral pala ito ng mga Carson.
"'Di ba bakasyon ninyo ngayon?" nagtataka kong tanong dahil iyon kasi ang naikwento ni Kuya Poloy sa'kin.
"Oo bakasyon pero may pabaon na research... nakakaasar lang!" himutok nito.
Kahit kitang-kita ko ang pagkaasar sa mukha niya ay nakaramdam pa rin ako ng kaunting inggit dahil nagawa niyang mag-aral hindi tulad ko na kahit gustuhin ko man ay imposible.
Bilang pampalubag-loob ay inisip ko ang mga kapatid ko na maaaring makamit ang gusto kong maabot dahil sa maliit kong sakripisyo at sapat na iyon upang bumalik ang positibo kong pananaw sa buhay.
"Marami ka pa bang lilinisin? Tutulungan na kita para ipasyal kita mamaya sa labas." Nangislap ang mga mata niyang inagaw mula sa akin ang hawak kong walis.
Hindi na ako nakahindi nang magsimula na siyang magwalis kaya kinuha ko na lang iyong pamunas at sa pagpupunas ng mga naroong kasangkapan ang inatupag ko.
"Magpapaalam tayo mamaya kay Manang Melva na gagala tayo sa covered court nitong subdivision. Naku ang daming gwapo roon, tiyak mabubuhay ang dugo mo!"
Nakakahawa ang kasiglahan niya habang nagkukwento.
"Baka 'di pumayag si Tiyang," nag-alala kong sagot sa kanya.
"Akong bahala sa'yo!" bibo niyang sabi.
Dahil sa tulong ni Julienne ay maaga kong natapos ang mga gawaing nakatoka sa'kin.
Nang magpaalam siya kay Tiyang na ipasyal ako sa labas ng mansion ng mga Carson ay pigil-hininga kong hinintay ang sagot ng tiyahin ko.
"Julienne, hindi sanay rito sa siyudad iyang pamangkin ko kaya huwag mong hiwalayan ng tingin iyan," mariing habilin ni Tiyang sa kanya.
Napahinga ako nang maluwang at pareho kami ni Julienne na impit na napatili dahil sa pagpayag ni Tiyang.
"Ako pong bahala, Manang Melva! Tuturuan ko po itong si Kikay ng galawang pang-siyudad."
Napangiwi ako dahil sa tinawag niya sa'kin. Kanina ko pa iginiit sa kanya na Kaye iyong pangalan ko pero Kikay pa rin ang tawag niya sa'kin.
Bago pa ako nakahuma ay hila-hila na ako ni Julienne patakbo palabas sa malaking gate ng mga Carson kung saan ay ngumiti pa sa amin ang guard na nakabantay.
"Kuya Garry, mamasyal po kami sa labas nitong si Kikay! Pamangkin po siya ni Manang Melva," nakangiting pakilala sa'kin ni Julienne sa guard habang mano-manong pinagbuksan kami ng maliit na gate.
Naalala ko kahapon no'ng dumating kami dito nina Tiyang Melva at Kuya Poloy ay automatic na bumukas itong malaking gate at hindi ko nakita itong guard na tinatawag na Kuya Garry ni Julienne.
"Kaygandang bata naman pala nitong pamangkin ni Manang Melva," magiliw na puri sa'kin ni Kuya Garry.
"Salamat po," nahihiya kong sagot.
"Isang paligo na lang ang kulang Kuya upang mapantayan na niya ang alindog ko," pagbibiro ni Julienne na ikinatawa nang malakas ni Kuya Garry.
May kaliitang babae itong si Julienne at maganda naman siya kahit na may pagka- chubby, nakyu-cute-an nga ako sa kanya.
"Sige po, Kuya, alis muna kami." Hindi na ako nakapagpaalam pa kay Kuya Garry dahil excited na akong muling hinila ni Julienne.
"Pupunta tayo sa covered court nitong subdivision dahil sa ganitong oras ay umuulan ng mga gwapo roon," kilig na kilig na saad nitong kasama ko habang iginigiya ako sa direksiyon papunta sa tinutukoy niyang lugar.
Sa tantiya ko ay malapit na mag-alas tres ng hapon kaya medyo masakit pa iyong init.
"Nalimutan nating magdala ng payong, ang init!" reklamo ni Julienne at nagpaypay pa ng sarili gamit ang kamay.
"Malayo ba iyong sinasabi mong covered court?"
"Ayan na oh."
Napatingin ako sa ininguso niya. Muli ay namangha na naman ako hindi dahil sa lawak at laki ng tinutukoy niyang court kundi dahil sa dami ng mga taong kasalukuyang naroon at may pinanonood sa gitna nito.
Kapansin-pansin din ang mga nakaparadang magagarang sasakyan sa paligid ng lugar.
Walang malapit na bahay sa covered court at parang pinasadya itong itayo sa lugar na ito upang walang maaaring maisturbo dahil mula sa kinatatayuan namin ni Julienne ay rinig na rinig ko ang mga tilian at sigawan ng mga kababaehang nagkukumpulan.
"Mukhang nagsisimula na maglaro ang naggugwapuhang residenti nitong subdivision."
Mabilis akong hinila ni Julienne at saglit lang ay hawak kamay na kaming nakikisiksik sa mga naunang naroon.
Wala naman akong plano makisiksik pero itong kasama ko ay may balak yatang mambalya basta makarating lang sa unahn at makita iyong pinagkakaguluhan.
Wala na kaming mauupuan kaya rito kami sa lugar kung saan nakatayo lahat ng mga nanonood at talagang pinagsiksikan iyong mga sarili namin.
May mga narinig akong nagrereklamo sa'min pero wala namang pakialam itong kasama ko kaya ako na lang iyong nagpaumanhin.
"Sorry po."
"Excuse po."
"Pasensiya na po kayo."
Iyong mga babae ay sinasamaan lang ako nang tingin sabay irap habang iyong iilang mga kalalakihan naman ay natitigilan tuwing napapatingin sa mukha ko.
"Andiyan na silaaa! Gooooo Sir Kenzoooo!"
Singbilis ng kidlat na napabaling ako sa tinitingnan ni Julienne nang marinig ko ang pangalang isinigaw niya.
Nahigit ko ang paghinga at parang nag-slow motion ang paligid nang makita ko ang pawisang si Sir Kenzo habang nagdi-dribble ng bola. Napasunod dito ang mga mata ko nang tumalon ito upang i-shoot sa ring ang hawak na bola.
Nakakabinging tili ni Julienne sa mismong tainga ko ang gumising sa pagkatulala ko at mabilis akong nag-iwas ng tingin mula kay Sir Kenzo bago pa nitong mapansin ang paninitig ko.
"Ang galing ni Sir Kenzo!!" Tumalon-talon pa itong kasama ko at katulad ng halos lahat ng mga kababaihang nandito ay malakas din itong tumili at sumigaw.
Sir Sir Kenzo ba ang pinunta namin dito? Kung alam ko lang sana ay hindi na lang ako sumama.
Nagpasalamat nga ako dahil hindi nagsanga muli ang landas namin simula kaninang umaga nang kausapin ako nina Ma'am Kofie tapos ngayon ay ako pa talaga ang dumayo rito. Hindi ko naman kasi alam.
Wala naman akong kasalanan o nagawang mali sa kanya pero parang hindi ako komportableng muli siyang makaharap.
Para kasi akong nahihirapang huminga dahil sa paraan ng paninitig niya. OA man masyadong pakinggan pero iyon ang dulot sa'kin ng mga titig ni Sir Kenzo.
"Sir Kiroooo! Galingan ni'yo po!"
Muli ay bumalik sa mga naglalaro ang tingin ko.
Tulad nang isinigaw ni Julienne ay si Sir Kiro na nga ang may hawak ng bola.
Mukhang magkalaban sila ng team ni Sir Kenzo.
Kahit magkamukhang-magkamukha sila ay mabilis kong natatandaan kung sino si Sir Kiro at sino si Sir Kenzo.
Ang masungit tumingin na parang nakakaasiwa na may hatid na ligalig ay si Sir Kenzo at ang laging nangingislap ang mga mata at laging nakangiti at may hatid na kiliti ay si Sir Kiro.
Halos mayanig ng malakas tilian at sigawan ang buong lugar nang humarang si Sir Kenzo kay Sir Kiro kaya silang dalawa ngayon ang magkaharap at nag-aagawan ng bola.
"Sana bola na lang akoooo!" malakas na tili ng isang baklang nasa bandang likuran namin.
"Huwag kang mang-agaw ng pangarap, tse!" sagot naman ng kasama yata nito bago sabay na tumili ang mga ito.
Aksidenting nagtama ang mga mata namin ni Sir Kenzo habang binabantayan niya si Sir Kiro at parang saglit siyang nalingat kaya nalusutan siya ng huli.
Umalingawngaw ang sigawan sa paligid dahil sa pagka-shoot ng bola pero hindi pa rin humihiwalay sa'kin ang titig ni Sir Kenzo kaya medyo naasiwa ako.
"Oh my gosh! He's looking at me," impit na tili ng babaeng katabi ko.
Bahagya akong dumikit kay Julienne at medyo itinago ang sarili ko rito. Ayokong malaman ng mga nandito na sa'kin nakatitig si Sir Kenzo at hindi sa babaeng duling yata kaya nang-aangkin ng spot light.
"Oy, Kikay,...kumaway ka, nakita tayo ni Sir Kenzo." Siniko ako ni Julienne habang kumaway-kaway.
Bahagya akong sumulyap sa kinaroroonan ni Sir Kenzo at talagang lantaran ang ginawa niyang pagtitig sa direksiyon namin at bulag lang ang 'di makakapansin no'n.
Sa katunayan ay napatingin na rin sa pwesto namin iyong ibang mga nanonood habang panay naman ang pa-cute ng mga nakapwesto malapit sa'min dahil akala nila ay sa kanila nakatitig si Sir Kenzo.
Tapos na ba ang laro? Hindi kasi kumikilos sa gitna ng court si Sir Kenzo.
Mukhang tapos na nga kasi may mga lumalapit na roon sa ibang player.
Sino ba ang nanalo?
Kahit hindi ko na tinapunan nang tingin si Sir Kenzo ay nanunuot pa rin sa'kin ang mga titig niya.
Kahit pilit kong iniiwas ang tingin ko sa kanya ay parang may sariling isip iyong mga mata ko na laging bumabalik sa kanya.
Nang muli akong tumingin sa kanya ay kausap na niya si Sir Kiro pero nasa akin pa rin ang matiim niyang titig.
Nang dumako ang tingin ko kay Sir Kiro ay tiyempo namang tumingin ito sa direksiyong tinitingnan ni Sir Kenzo kaya nagtama ang paningin namin.
Awtomatikong gumuhit ang malaking ngiti sa mga labi nito nang makita kami ni Julienne.
Halos himatayin naman sa kilig iyong mga katabi namin.
"Halika, lumapit tayo kina Sir."
Matigas ang pagtanggi ko nang akma akong hilahin ni Julienne.
Nagtataka siyang napatingin sa'kin dahil talagang hinila ko ang kamay ko mula sa pagkakahawak niya.
"Nakakahiya," mahina pero mariin kong sabi sa kanya.
Talaga namang nakakahiya kasi tingnan mo nga iyong ibang mga babaeng nasa paligid.
Ang gaganda nila at halatang mayayaman pero nakakapagtatakang kahit halatang baliw na baliw sila sa magkakapatid ay walang sinumang nangahas na lumapit sa mga ito, tapos ako na halatang dukha ay maglakas loob na lumapit sa taong hinahangaan ng karamihan mula sa malayo.
"Hello, girls."
Halos mabali ang leeg ko sa paglingon sa pinanggalingan ng pamilyar na boses ni Sir Kiro dahil sobrang lapit nito sa pandinig ko.
Nanlaki ang mga mata ko nang makitang nasa harapan na namin ito at gusto kong lumubog sa kinatatayuan nang mapansin ang matiim na paninitig ni Sir Kenzo na nasa likuran nito.
Hindi pa ba siya tapos sa paninitig niya? Tama na please...konti na lang at parang kandila na akong mauupos dito sa kinatatayuan ko!