Arriane's pov,
,
,
Para akong tanga na uurong-sulong. Kanina pa ako sa tapat ng DAM textile company, pero hanggang ngayon hindi ko pa alam ang gagawin. Kung lalapit ba ako o uuwi na lang. Kinakabahan kasi talaga ako, lalo pa at nakita ko kung gaano kalaki ang kumpanya na nasa harapan ko ngayon. Halos isang oras na akong nakatingin lang do'n.
Isang buntong-hininga naman muna ang ginawa ko upang kalmahin ang sarili ko. Hindi puwedeng magbago ang isip ko dahil maraming nakasalalay sa 'kin.
At isa pa, ilang araw kong kinulit si Mama para lang payagan niya akong mag-apply dito. Kaya kailangan kong tumuloy. Kailangang lakasan ko ang loob ko.
Isa pang malalim na buntong-hininga ang ginawa ko bago nagsimulang maglakad patawid sa kabilang kalsada.
Mabilis naman akong napaatras ng biglang labas ng isang kotse na hindi ko alam kung saang lugar nanggaling.
Sobrang bilis ng takbo niyon at sa tindi ng takot na masagasaan ay napabalik ako sa pinanggalingan ko.
At sa kamalasan natisod ang isang paa ko dahilan para bumagsak ang puwetan ko.
"Aww, s**t ang sakit," halos maiyak na saad ko.
Napangiwi ako ng makita kong nagasgasan ang paa ko, sa matulis na bato pala 'yon napatama. Maging ang puwetan ko ay masakit din.
Dahan-dahan akong tumayo mula sa pagkakaupo ko dahil nakita kong tumigil ang sasakyan.
Paika-ikang naglakad ako palapit sa kotse nito. Malakas kong kinalampag ang tapat ng driver seat.
"Hoy! Bumaba ka riyan! Walang hiya ka papatayin mo pa ako!" galit na sabi ko.
Ang daming what ifs sa utak ko, isabay pang ang lakas ng kabog ng dibdib ko.
"Hoy! Bumaba ka riyan!" muling sigaw ko. Mas lalo kong nilakasan ang kalampag sa bintana ng kotse nito.
Patuloy kong kinalabog ang bintana ng kotse.
Nabitin sa ere ang gagawin ko sanang paghampas sa kotse nito ng biglang bumukas ang bintana sa may driver's seat at sumungaw roon ang isang pares ng kulay tsokolateng mga mata. Gulo ang buhok pero hindi iyon nakabawas sa taglay nitong kaguwapuhan. Medyo pangahan din ito pero bumagay sa mukha nito. At ang labi, jusko ang pula parang naka-lipstick.
Lipstick nyeh baka bading naman ang isang 'to.
'Wag naman sayang ang lahi nito.
Parang dumoble ang bilis ng t***k ng puso ko dahil sa maitim nitong pagtitig sa akin o mas tamang sabihin na ako ang nakatitig dito.
Bakit naman kasi ganito ka-perfect ang hinayupak na 'to.
"Are you done?" baritonong tanong nito.
Tila naman ako natuhan dahil ngumisi ito ng nakakaloko. Lumabas tuloy ang ngipin nitong pantay-pantay.
"H-Ha? Anong done?"
Ngumisi naman itong lalo ng nakakaloko. "Mas'yado ba akong guwapo para matulala ka ng ganiyan?"
Doon muling sumiklab ang inis ko para sa hudyong nasa harapan ko.
"Ang kapal mo! Hoy, for your information hindi ka guwapo! Mukha kang impakto!"
Sa halip na magalit sa sinabi ko ay ngumisi lang itong lalo dahilan para lalo akong manggigil dito.
"It's too late, nakita ko na kung paano tumulo iyang laway mo. Ayan pa nga ang ebidensya oh," anito sabay turo sa gilid ng labi ko.
Kinapa ko naman iyon at lalo akong nabuwisit dahil niloloko lang pala ako nito.
"Kapal mo! Buwisit ka! Muntik mo na akong mapatay!" gigil na sabi ko.
"Stop shouting, Miss, lumalaki ang butas ng ilong mo. At ano bang ikinakagalit mo? Hindi naman kita napatay, ah."
"So, ano? Hihintayin ko pang mapatay mo ako bago ako magalit?! Pakakainin mo ba ang pamilya ko kung napatay mo ako?"
"Ikaw ang kakain ko, mukhang masarap ka rin naman kahit papano. Laman tiyan din kung baga," anito sabay kindat.
Halos malaglag naman ang panga ko sa sinabi nito.
"Aba't, hoy! Hindi ka lang impakto, manyak ka rin!"
"Bye, Miss ganda. I'm Ariston," sabi nito
"Wala akong pakialam sa pangalan mo, Demon!"
"Ariston, hindi Demon," pagtatama nito.
Ako naman ang napangisi rito.
"Demon, meaning Demonyo!" sabi ko.
"What? Hindi ako Demonyo. Saan ka nakakita ng demonyo na kasing guwapo ko?"
"Hambog! Hindi ka guwapo, ano." sabi ko sabay irap dito.
"Palibhasa ngayon ka lang bumaba sa bundok kaya hindi ka marunong maka-appreciate ng guwapo," sabi pa nito.
"Wala kasing ka-appreciate-appreciate sa mukha mo!" ganting pang-iinis ko rito.
"Aba't----"
"Bye, Demonyo, ingat sila sa sungay mo!" sigaw ko at saka kumuripas ng takbo.
Narinig kong tinawag pa ako nitong Manang pero hindi ko na ito pinansin pa.
Tuloy-tuloy na akong tumawid ng kalsada at saka pumunta sa may puwesto ng security guard.
Nagtanong lang ako kung puwedeng pumasok, nang sabihin nitong oo ay agad na akong pumasok.
Inihanda ko na ang isang mapang-akit na mga ngiti ko bago lumapit sa receptionist.
Agad naman itong ngumiti ng makita ako.
"Good morning, Ma'am, how may I help you?" malambing na bati nito.
"Good morning din po, gusto ko po sanang makausap si Mrs Annika Montana," magalang na sabi ko.
Halatang nagulat naman ang mukha nito. Parang hindi nito inaasahan na kilala ko ng personal ang may-ari ng kumpanyang iyon.
"Do you have an appointment with her Ma'am?" tanong pa nito
Kinakabahang umiling naman ako.
"I'm so sorry, Ma'am, but you still need to make an appointment to speak with her," apologetic na saad nito.
"Gano'n po ba? Sinabi niya po kasi sa 'kin na kapag gusto ko siyang makita ipakita ko lang daw po ito," saad ko sabay abot dito ng hawak kong calling card.
Seryoso namang nagpalipat-lipat ang tingin nito sa akin at sa calling card na ngayon ay hawak nito.
Hindi naman ako nakaramdam ng panliliit dahil presentable naman ang ayos at suot ko. Naka-formal attire rin ako dahil nga mag-aaply ako. Naka-make up din ako na si Ash ang naglagay.
"I apologize Ma'am, but that is the procedure in this case. You need to make an appointment first," mabait na sabi nito.
Kiming ngumiti naman ako dito kahit medyo nalungkot ako. Kasi naman, paano ba humingi ng appointment.
"I'm sorry, Ma'am," muling hingi nito ng paumanhin.
Nakita siguro nito na nalungkot ako.
"Ayos lang po, Ma'am, naiintindihan ko naman po. Pasensya na po sa abala," sagot ko.
Hindi ko mas'yadong pinahalata na disappointed ako. Paano ba naman ilang libong lakas ng loob ang inipon ko para makalapit dito sa kumpanya nila tapos waley naman pala.
Aray ko po!
"You may leave your name here if you want. For me to notify the boss if I see her. That's all I can do for you Ma'am," saad nito.
Kinuha ko naman ang papel na inabot nito sa akin at mabilis kong isinulat do'n ang pangalan ko. Pagkatapos ay ibinalik ko na rin agad iyon sa receptionist.
"Thank you po, Ma'am," pasalamat ko bago ako umalis sa harap nito.
Nalulumbay na naglakad ako palabas ng building na iyon.
Hay, buhay! Sayang naman hindi ko nakita si Ma'am Annika.
,
,
Habang naglalakad ay hindi ko maiwasang makaramdam ng lungkot. Tumingala pa ako ng bahagya upang pigilan ang nagbabadya kong mga luha. Sinong hindi maluluha, iyong tipong asang-asa na ako tapos mabibigo pala ako.
Nakatingala pa rin ako habang naglalakad nang may matigas na bagay ang bumangga sa katawan ko. Kasabay niyon ay ang mainit na natapon sa dibdib ko.
"Aray! Ang init, aray ko! Pusang gala, aray!" daing ko.
Hindi ako magkandaugaga sa pagpunas sa dibdib ko. Tumalon-talon pa ako sa sobrang init at sakit niyon.
"Aray! Syete, ang sakit, ang hapdi!"
Mangiyak-ngiyak na pinunasan ko ng kamay ko ang basang damit ko na tumatagos sa dibdib ko.
Hapdi takte. Kapag minamalas ka nga naman oh oo.
"Sorry, Miss, hindi ko sinasadya," baritonong boses. "I'm sorry, I'm sorry," aligaga pang sabi nito.
"Ako na!" mabilis na sabi ko dahil nakita kong hahawakan nito ang dibdib ko.
"Pero--"
"Ako na!" putol ko sa sasabihin nito.
"I'm sorry talaga, Miss, hindi kita nakita agad," hinging paumanhin na lang nito.
"Hindi matutuyo ng sorry mo ang damit ko, mapapatay ako ng may-ari nito kapag hindi nawala ang mantsa," sagot ko.
"Sorry talaga, papalitan ko na lang ang damit mo," sabi nito.
Naks yayamanin, papalitan daw. Hindi ko naman ito pinansin dahil patuloy kong pinupunasan ang damit kong basang-basa.
"I'm really sorry, Miss. Papalitan ko na lang ang damit na hiniram mo," sabi pa nito.
Doon na ako nagtaas ng mukha para makita ang may-ari ng boses na iyon.
Literal na nanlaki ang mga mata ko nang makita ko kung sino ang nasa harapan ko.
Walang iba kun'di ang anak ni Ma'am Annika na na si Sir Adam.
Maging ito ay nanlaki rin ang mga mata habang nakatingin sa akin. Kagaya ko, mukhang nakilala rin ako nito.
"Sir Adam!"
"Miss Lozada?" hindi maka-paniwalang saad nito.
Ngumiti naman ako nang ubod tamis dito. Hindi ako nagpa-pacute ha. Masaya lang talaga akong makita ito.
"Ako nga po, Sir."
"Here, use this," saad nito sabay abot ng panyo.
Tinanggap ko naman iyon at saka ipinunas sa dibdib kong nanlalagkit.
"Thank you po rito, Sir."
"It's okay. Pasensya ka na hindi kita napansin agad," hingi nito ng paumanhin.
"Naku, ayos lang po, Sir. Hindi rin po kasi ako nakatingin sa dinaraanan ko eh," pa-cool na sabi ko kahit ang totoo mahapdi ang dibdib ko.
Sa init ba naman ng kapeng tumapon. Jusko kung puwede lang magmura kanina ko pa nagawa.
Narinig kong may tumikhim sa malapit sa amin kaya mabilis akong lumingon.
Namangha naman ako sa nalingunan ko. May isa pang lalaki sa may gilid ko at halos iisa ang mukha nito at ni Sir Adam. Kagaya nito ay guwapo rin ang lalaki.
"Miss Lozada?" tawag ni Sir Adam.
Inalis ko naman ang atensyon ko sa kasama nito at ibinalik iyon kay Sir Adam.
"Sir."
"I'm glad to see you here," anito.
"Oo nga po, Sir eh," sagot ko.
Bigla akong nahiyang makipag-usap dito. Nagmukha kasi akong yagit sa harap ng mga ito. Sobrang ganda ng mga suot nila, animo rarampa sa fashion show.
"Galing ka sa loob, right? Saan ang punta mo, bakit palabas ka na?" pagkuwa'y tanong nito.
"Pauwi na po ako, Sir. Galing po kasi ako sa receptionist, kaso hindi po ako pinapasok kasi kailangan ko raw po ng appointment bago makausap si Ma'am Annika," sagot ko.
Tumango-tango naman ito saka ako nginitian. Ngiting naging dahilan para mabuhayan ako ng pag-asa.
"Oh, I see."
"Opo, sige po, Sir, mauuna na po ako sa inyo. Nice meeting you po," sabi ko at saka tumalikod na.
"Wait!" sabi nito. Mabilis naman akong lumingon.
"Sir?"
Ngumiti ito sa akin. "Where are you going?"
"Uuwi na po," sagot ko.
"No, gusto mong makausap si Mommy, hindi ba?"
Tumango naman ako bilang sagot.
"Come here, then," sabi pa nito at nagsimulang maglakad palapit sa receptionist.
Nag-atubi naman akong sumunod sa mga ito.
"Come on, follow us, Miss," sabi ng lalaking kasama ni Sir Adam.
Wala naman akong nagawa kun'di ang sumunod sa mga ito.
Kinausap ni Sir Adam ang mabait na babae.
"I'm sorry, Sir, if I didn't let her in," rinig kong sabi ng babae.
"Na, it's fine Anne, that's your job, so no worries," sagot nito sa receptionist na Anne pala ang pangalan.
Ilang sandali pang nag-usap ang mga ito bago ako binalingan ni Sir Adam.
"Miss Lozada, come with us," untag nito.
Umiikot kasi ang mga mata ko sa kabuuan ng kumpanya nila. Napakaganda at ang lamig. Ang sarap magtrabaho dito for sure.
Nagpatiuna naman ng maglakad ang dalawang lalaki habang ako ay nasa likuran nila. Tahimik lang akong nakasunod sa mga ito.
"Who is she?" tanong ng kasama ni Sir Adam.
Mahina lang ang boses nila pero sapat na iyon para marinig ko.
"Do you remember that lady who was always Mom's talking about?"
"Hmm, yeah the girl in Quiapo," sagot ng kausap nito.
"Siya iyon, David."
"Ohh! Really?" tila hindi makapaniwala nitong tanong.
Aba't minamaliit yata ng mamang ito ang abilidad ko ah. Hmm.
"Yes, and Mommy will definitely be happy when she finds out that Arriane is here," rinig ko pang sabi ni Sir Adam.
"That's for sure, Bro," tugon naman ng lalaking David pala ang pangalan.
Pabulong-bulong pa ang mga ito habang naglalakad. At alam kong ako ang pinag-uusapan nila.
Tahimik pa rin akong sumunod sa mga ito, hanggang sa makarating kami sa isang napakagandang kuwarto. Ang lawak niyon at sobrang ganda.
Namamangha kong pinasadahan ang kabuuan niyon at sobrang ganda talaga. Malaki pa iyon sa bahay namin jusko.
"Have a sit, Miss Lozada," baritonong saad ni David. Lakas makatanda eh, Miss Lozada talaga.
Sumunod naman ako sa utos nito. Umupo ako sa sofa na malapit sa akin pero gusto kong pagsisihan iyon.
"Ay! Bakit lumubog! Ay, ay, ano ba iyan!" nataranta ako dahil hindi ako makaalis. Lubog na lubog kasi ang puwet ko sa sofa at bahagya nang nakataas ang paa ko.
Nagkakawag pa ako dahil pilit kong iniaalis ang puwet ko sa pagkakalubog pero hindi ko mailapat ang mga paa ko sa sahig.
Halos mamula ang mukha ko ng marinig ko ang sabay na tawa ng dalawang lalaki sa harap ko.
Hindi ko naman mapigilan ang pagsimangot dahil nagmukha akong gaga sa harap ng mga guwapong ito. Pero sa halip na tulungan ako, pinagtawanan pa talaga ako.
"Puwede po bang patulong?" lakas-loob na tanong ko.
Tumayo naman si David at tinulungan akong makatayo. Nag-init ang mukha ko dahil sa sobrang pagkapahiya.
Jusko nakakahiya ka Arriane. Sikmat ko sa sarili ko.
Batid kong pulang-pula na ang mukha ko dahil sa kahihiyan.
Ang tanga mo talaga. Jusko ko. Kotang-kota na ako sa katangahan ngayong araw.
Pakiramdam ko ang Demon na iyon ang malas sa buhay ko. Siya lang naman ang nakita ko kanina at pagkatapos niyon minalas na talaga ako.
Hmp! Huwag ko lang makita ang pagmumukha ng hambog na iyon.
"Are you okay?" tanong ni Sir Adam.
Napangiwi naman ako dahil nakita ko ang pinipigil nitong tawanin. Habang si Sir David ay nakahawak sa noo nito habang hinihimas iyon at bahagyang nakatungo.
At alam kong pinagtatawanan din ako nito dahil yumuyugyog ang mga balikat nito.
"Masama pong pigilan iyan, baka sa puwet lumabas," pagbibiro ko.
Dinaan ko na lang sa kapal ng mukha ang kahihiyang inabot ko dahil sa lintik na sofa na iyon. Jusko panira ng ganda. Kainis.
Sabay namang tumawa ang dalawang hereduris.
Aba't tumawa nga. Mga tinamaan ng lintik talaga oh.
Kahit namumula ang mukha ay hinayaan ko silang matapos na tumawa. Nang mukhang naka-move on na ang mga ito ay muling bumalik ang kaseryosohan sa mga mukha ng mga ito.
"Puwede kang maupo, Miss Lozada," sabi ni Sir Adam.
Halos mabali ang leeg ko sa tindi ng iling na ginawa ko.
Umupo? Hindi na oy!
Hindi nakaligtas sa akin ang ngiting kumawala sa mga labi ng dalawang pogi.
"Why? Mas magiging kumportable ka kung uupo ka," sabi nito.
"No thanks, Sir. Nakakatakot po kasi ang sofa n'yo, Sir. Feeling ko kakainin po ako ng buhay eh," puno ng katotohanan na sagot ko.
Simpatiko namang ngumiti ito, maging ang kapatid nitong si David ay ngumiti rin.
"Use this," sabi ni Sir David sabay abot ng swivel chair sa akin.
"Salamat po," sabi at walang keme namang umupo ako ro'n.
Mas gusto kong sa matigas kaysa naman malambot nga puro kahihiyan naman ang napala ko.
"So, how can we help you?" pagkuway tanong ni sir Drake.
"Sir, honestly, I'd like to submit an application," sagot ko sabay abot dito ng envelope na dala ko.
Oh, 'di ba English iyon, kaya huwag kayong ano d'yan.
Tumango-tango naman ito habang pinaiikot-ikot ang hawak na ballpen.
"What kind of job do you want to do?" seryoso na tanong nito.
Hala ano ito? Interview na agad-agad?
On the spot talaga. Enebe yen hende eke hende.
"Miss Lozada," untag pa nito. Medyo kinabahan kasi ako.
"Anything sir," kabadong sagot ko.
Hinawakan naman nito ang envelope na dala ko pero hindi nito iyon pinag-aksayahan ng panahon na tingnan man lang.
"You said before that you didn't finish the accounting course, is that right?"
"Yes sir."
"Are you willing to work with us?"
"I do," mabilis na sagot ko. Wala ng atrasan ito.
Tumango-tango naman ito.
"Okay if that so, I can put you in charge of the finance. Do you think, you know a lot about that work even though you don't have a diploma?" tanong pa nito.
Abay oo naman, deans listed kaya ito.
"Yes Sir, and I'm willing to learn," sagot ko na ikinangiti nito.
"Then, you're hired," sagot nito.
Nanlaki naman ang mga mata ko sa sinabi nito. Tanggap na ako? Agad-agad? Oh my God.
Gustong-gusto kong magtatalon ng mga oras na iyon pero pinigilan ko ang sarili ko.
"Talaga po, Sir?"
"Yes," sagot nito dahilan para impit akong mapatili.
Tinakpan ko pa ang bibig ko para walang ingay na lumabas.
Nang makamove on na ako sa tuwa ay tumayo na ako at saka ngumiti sa mga ito.
"Salamat po mga Sir. Pasensya na po dahil sobrang masaya lang po ako."
Hindi mawala-wala ang mga ngiti sa mga labi ko.
Ngumiti lang naman ang mga ito.
"You're welcome. And you can start by tomorrow if you want," sagot naman ni Sir Adam.
"Yes po, Sir. Maraming salamat po ulit," parang maiiyak sa tuwa na sabi ko.
Ilang ulit pa akong nagpasalamat sa mga ito bago ako tuluyang umalis sa lugar na iyon. At habang papauwi sa bahay namin sa Quiapo ay parang lumulutang ang pakiramdam ko.
Jusko office girl na ako starting tomorrow. Oh my God, sobrang saya ko talaga.
Walang pagsidlan ang saya sa puso ko.
Sa wakas ay matutupad na ang pangarap ko na mapagtapos ang mga kapatid ko. At alam kong matutuwa sila sa dala kong balita. Habang naglalakad ay hindi ko naiwasang mapatingala.
Thank you Lord. Thank you for always being there for me. Hindi kita nakikita pero lagi Kang nariyan para gabayan ako. Hindi Mo po ako pinabayaan kahit kailan.
Marami man pong naging aberya dahil sa lalaking muntik makasagasa sa akin, pero sulit naman po iyon dahil ibinigay N'yo ang inaasam kong trabaho para sa aking pamilya.