Chapter 1 CAW
ARRIANE'S POV
Pagod na pagod ang pakiramdam na kumatok ako sa pinto ng bahay namin. Alas nuebe na ng gabi pero kauuwi ko lamang galing sa pangalawang trabaho ko.
Nang marinig ko ang yabag papalapit sa pintuan ay agad kong inayos ang mukha ko. Inihanda ko na ang isang magandang ngiti para sa taong pinakamahalaga sa buhay ko.
"Anak," bungad ni Mama. Ang aking super Mama Carla.
"Ma," sabi ko. Nagmano naman ako rito at saka sumunod dito papasok sa bahay namin.
"Magpahinga ka muna. Iinitin ko lang 'yong pagkain mo," sabi pa nito bago pumunta sa kusina.
Pabagsak na umupo ako sa maliit na sofa ng munting bahay namin. Isinandal ko ang ulo ko sa sandalan at padausdos na umupo. Nakakapagod sobra. Pero kayang-kaya naman. Laban lang Ara. Bawal sumuko ang isang Ara, para sa pamilya gora lang nang gora. Pasasaan ba't makakaraos din kami.
Pipikit na sana ako nang marinig ko ang boses ni Mama.
"Ara, halika na para makakain ka na at nang makapagpahinga ka na," tawag ni Mama.
Tumayo naman na ako at pumunta na sa kusina. Napangiti naman ako ng makita kong nakahain na. Nakaupo si Mama, lagi namang ganito. Hihintayin niya akong matapos kumain bago ito matulog.
Ilang beses ko na itong sinabihan na 'wag na akong hintayin na umuwi pero mapilit ito. Kalaunan ay hinayaan ko na lamang dahil masaya raw itong hintayin ako. Lagi nitong sinasabi na malungkot kumaing mag-isa. Kaya kahit kumain na ito sinasamahan pa rin ako nito.
"Ako na, Ma," sabi ko nang tangkain nitong lagyan ng ulam ang plato ko.
Ngumiti naman ito at nagpumilit na siya na ang maglagay.
"Ikaw talaga, Ma, kayang-kaya ko nang gawin iyan eh," ani ko.
"Ito na nga lang ang puwede kong gawin para sa'yo ipagkakait mo pa, Anak," sabi naman nito.
Napangiti naman ako dahil doon. Pinaka the best na Nanay talaga ito.
"Sweet-sweet-an na naman ang Mader earth ko," ngiting sabi ko.
Gumanti naman ito nang ngiti habang pinanunuod akong kumain. Nauuna na kasi silang kumain ng mga kapatid ko. Hinihintay lang talaga ako nito, para may kasama akong kumain.
"Para naman makabawi ako sa lahat ng sakripisyo mo sa amin ng mga kapatid mo, Nak," sagot nito.
Ito na naman ang mga linyahan ng Mama ko eh. Magda-drama na naman ito.
"Sus, si Mama talaga parang laging others," pabiro kong sabi.
"Totoo naman ang sinabi ko, Ara. Kahit nahihiya ako sa'yo wala akong magawa dahil walang titingin sa mga kapatid mo. At idagdag pa ang kalagayan ko," parang iiyak na sabi nito.
Tapos na akong kumain pero nanatili pa rin kaming nakaupo ni Mama. Madalas ay nagkukuwentuhan muna kami nito bago matulog. Kahit pagod na ako sa dami ng trabaho.
"'Wag mo ng mas'yadong isipin 'yon, Ma, ang mahalaga ay iyong importante," sabi ko na ikinatawa ni Mama.
Hinampas pa nito ang braso ko. "Ikaw talaga, puro ka kalokohan. Hindi na kita makausap nang matino," natatawang reklamo nito.
Ayaw ko kasi ng mas'yadong ma-drama. Dapat masaya lang lagi.
"Para hindi pumangit, Ma, paano ako makakahanap ng lalaki kung mahirap na nga tayo tapos pangit pa ako," ngiting sabi ko.
Joke lang naman 'yon dahil wala akong balak maghanap ng lalaki. No time for love. Choss.
"Hindi ka naman pangit, Nak, ang ganda-ganda mo nga eh. At masuwerte ang lalaking mamahalin mo."
Napangiti naman ako. Tss. Walang duda Nanay ko talaga ito.
"Syempre Nanay kita kaya sasabihin mong maganda ako, Ma."
Umiling naman ito at hinawakan pa ang kamay ko. "Maganda ka, Anak, lalo na ang kalooban mo. At alam kong darating ang araw na makilala mo ang lalaking makakasama mo sa buhay. At sana lang buhay pa ako no'n," seryoso nitong sabi.
Napangiwi naman ako sa tinuran nito. Nagsisimula na naman itong mag-lecture tungkol sa buhay-buhay.
"Ma, antok na akets . Tara let's, sleep na us," sa halip ay sagot ko at saka tumayo na. Iniligay ko na sa lababo ang pinagkainan ko at niligpitan iyon.
Narinig ko namang napapalatak si Mama.
"Ayusin mo nga 'yang mga salita mo Arriane, malapit na akong mabuang d'yan sa mga lengguwahe mo," ingos na sabi ni Mama.
"Ikaw talaga Mader earth. Try mo ring makipag-usap sa mga tropey kong jokla d'yan sa kanto at maiintindihan mo akets."
"Heh, naririndi na ako d'yan sa mga pinagsasasabi mo. Tuwirin mo nga 'yang dila mong bata ka," saad pa nito at pabirong hinila ang buhok ko.
Natatawang napasunod naman ako rito. Hindi ko naramdaman na lumapit pala ito sa akin.
"Ang buhok ko, Ma, baka masira ha. Kakatuwid lang niyan eh," reklamo ko pa dito.
Napagkatuwaan kasi ako ng mga kaibigan kong bading kahapon. At para raw mas gumanda ako kaya pinagtripan nilang tuwirin ang buhok ko. Na agad naman akong pumayag dahil bukod sa libre na gaganda pa ako.
Oh 'di ba, aarte pa ba ako?
"Matulog ka na nga, Arriane," sabi nito at binitawan na sa wakas ang buhok ko.
Hmmp. Balak pa yatang sirain ang bagong hairdo ko. Baka kalbuhin na ako ng mga kaibigan kong bading na siyang nagpakahirap tumuwid sa buhok kong mala-alambre raw sa tigas. Mga laiterang frog talaga ang mga kaibigan ko.
"Sige Ma, Good night," mabilis na sagot ko at saka ito hinalikan sa pisngi.
"Good night din, Anak. Matulog na ha," bilin pa nito at hinagod nito ang buhok ko.
"Ikaw din Ma, tulog na, okay? 'Wag na mag-isip ng kung ano-ano. Nakakapangit 'yon."
Tumango lamang naman ito at saka pumasok na sa kuwarto nito. Kasama nito sa kuwarto ang bunso kong kapatid na si Audrey.
Pumasok na rin ako sa kuwarto ko.
Maliit lang ang bahay namin, kumpara sa bahay ng mga kapitbahay namin. May tatlong maliit na kuwarto, ang isa ay ang tulugan ni Mama at Audrey. Ang isa ay sa dalawa kong kapatid na lalaki, na sina Alfred, at Albert actually they're twins.
At ang pangatlo ay ang tulugan ko.
NAHAHAPONG humiga ako sa kama ko. Tamang-tama lang naman ang lambot niyon, sapat na para makatulog ako nang mahimbing tuwing gabi. Gabi-gabi ay alas nuebe na ako nakakauwi mula sa trabaho ko.
Dalawa ang trabaho ko, mula alas-otso ng umaga hanggang alas-onse ng umaga ay tutor ako ng isang elementary student. Pagdating naman ng ala-una ng hapon ay sa isang restaurant ako nagtatrabho bilang cashier. Mga trabahong malayong-malayo sa kurso kong hindi ko na natapos.
Nasa pangatlong taon na sana ako sa kursong accountancy nang dumating ang mabigat na problema sa aming pamilya. Nagkasakit si Mama dahilan para malugi na ang flower shop na pinagkakakitaan nito. Dati naman ay hindi kami kasing hirap ng nararanasan namin ngayon.
Nagkaroon ng problema ang kidney ni Mama noon, kaya nalimas ang pera namin. Napilitan na rin kaming isara ang flower shop dahil halos wala ng laman iyon. At isa pa wala ng mag-aasikaso dahil nga hindi na kaya ni Mama. Habang ako naman ay napilitan na ring huminto sa pag-aaral ko. Kahit masama sa loob ko dahil dalawang taon na lang sana at tapos na ako, kaso hindi na talaga kinaya.
Sinubukan kong ituloy kaso talagang hindi na kaya ng bulsa lalo pa at nagme-maintenance na si Mama. Idagdag pang nag-aaral din ang mga kapatid ko.
Wala akong choice kun'di ang dumiskarte para mabuhay.
Sa edad na bente ay kung ano-anong trabaho ang pinasok ko, pero lahat naman iyon ay marangal kaya proud ako sa sarili ko. At ngayon nga ay tatlong taon na akong raketera. Maraming trabaho na ang pinasok ko, wala akong choice para mamili dahil baka mamatay kaming dilat ang mga mata dahil sa gutom.
Ang Tatay ko naman, ewan ko hindi ko alam. Kung buhay pa ba siya o ano. Dahil bata pa lamang kaming lahat ng maging missing in action ito. Siguro nasa sampung taon pa lamang ako noon, at apat na taon naman ang kambal, si Audrey ay baka dalawang taon pa lamang noon. Mula noon ay hindi ko na nakita maski ang anino nito.
Gusto kong magalit sa Tatay ko dahil pinabayaan niya kami, pero naisip ko mas'yadong mabigat na dalahin. Waste of time kumbaga.
Ilang taon na rin naman ang lumipas, labing tatlong-taon na. Mas'yado ng matagal para masaktan pa ako dahil sa pang-aabandona nito sa aming magkakapatid. Tuloy lang ang buhay ika nga ng iba. Lalo na ngayon na malalaki na ang mga kapatid ko, si kambal ay labing-anim na taon na ngayon at nasa huling taon na sa high school. Si bunso naman ay labing-apat na taon na at nasa pangalawang taon sa high school.
Kaya kayod-kalabaw ang ginagawa ko dahil malapit ng magkolehiyo ang kambal.
Nakakapagod minsan, ay hindi madalas pala. Pero laban lang, basta mabigyan ko sila ng magandang buhay.
Pasalamat na lang din ako dahil mababait ang mga kapatid ko. Hindi sila iyong tipo ng mga batang sakit sa ulo ng mga magulang. Matatalino rin sila kaya hindi nakakapanghinayang na pag-aralin. Hangga't kaya ko, gusto ko silang pag-aralin sa mga eskwelahan na gusto nilang pasukan. Bawing-bawi naman ang lahat ng pagod at pawis ko kapag nakikita ko kung gaano sila kasipag mag-aral.
May plano rin akong magpatuloy sa pag-aaral basta suwertehin lang ako ay talagang mag-aaral ako. Kahit pa matanda na ako. Wala namang batas na kapag matanda ka na hindi na puwedeng mag-aral.
Kung nasaan man ang Tatay ko ngayon, dalangin ko pa rin na sana ay maayos at masaya na siya sa buhay niya. Sana'y dumating pa rin ang araw na makita namin siya. Kung kailan, hindi ko alam. Bahala na si Lord kung ipagkakaloob Niya.
Pumikit na ako at pinilit na makatulog. Kailangan ko na rin magpahinga dahil may pasok pa ako kinabukasan.
,
,
KINABUKASAN ay maaga akong nagising, mas maaga sa karaniwan kong gising. Pero dahil hindi naman ako sanay magbabad sa kama kaya bumangon na ako. Dumiretso ako sa kusina. Magluluto na lamang ako ng aming umagahan.
Hindi pa umabot ng isang oras ay tapos na akong magluto kaya naman naligo na rin ako. Hindi naman ako matagal maligo kaya tamang-tama lang ang tapos ko.
Papasok na sana ako sa kuwarto ko nang makita ko si Audrey. Parang hindi ito mapakali.
Nilapitan ko ito. Mukhang nagulat pa ito nang makita ako.
"Morning, Ate," sabi nito.
"Morning din," sagot ko naman. "Bakit pala ganiyan ang mukha mo?" tanong ko.
Paano ba naman alumpihit na ito na parang hindi alam ang gagawin.
"Ate kasi--" Hindi na nito naituloy ang sasabihin nang hawakan ko ang braso nito.
"Sabihin mo na, Audrey, parehas tayong mali-late kung hindi mo pa sasabihin 'yan," sabi ko.
Sa halip na magsalita ay tumungo lamang ito. Naiiling na hinawakan ko ang baba nito.
Mataman akong nakatingin dito. "Audrey," untag ko.
Hindi ko maintindihan kung nahihiya ba ito o ano.
"Magsasalita ka o magsasalita ka?" pabirong sabi ko.
Napangiti naman ito at saka tumingin sa akin. "May field trip kasi kami, Ate, last month pa 'yon napag-usapan. At sinabi ko na sasama ako," sa wakas ay sagot nito.
Mataman lang akong nakikinig dito. Mukhang nakuha naman nito ang ibig sabihin ng mga tingin ko kaya nagpatuloy ito.
"Sinabi ng Adviser namin na kailangan na raaw magbigay ng bayad. Kaso hindi ko pa nasasabi sa'yo, Ate eh," dugtong pa nito.
"Kailan ang field trip?"
"Next week na, Ate,"
Tumango-tango naman ako habang nakangiti. At ang kaninang malungkot at aligaga nitong mukha ay napalitan nang tuwa. Kilala na nila ako kaya basta tumango ako alam na nilang pumapayag ako.
"Sige sa Monday ko ibibigay ang bayad mo. Hihintayin ko lang iyong bayad sa akin ng amo ko," sabi ko dahilan para magtatalon ito sa tuwa. Niyakap pa ako nito kaya halos maalog ang utak ko.
Sasahod naman na ako sa friday kaya makakabayad ito bago mag-field trip.
Dagli akong napahiwalay dito nang may naalala akong itanong.
"Magkano pala ang kailangan mo?"
"Three thousand, Ate,"
Tila naman ako naistatwa sa sinabi nito. Parang bigla akong nabingi. "Magkano?" ulit ko. Baka naman mali lang ang narinig ko 'di ba.
"Three thousand, Ate," ulit na sagot nito.
"3 kiyaw?" bulalas ko sa kapatid ko.
Pero hindi eh, tama ang narinig ko. 3kiyaw talaga. Hayp na field trip iyon.
"Oo, Ate. Basta wala ng bawian ha, pumayag ka na," ngiting-ngiti pang sabi nito.
"Ba't naman ang mahal? Saan ba ang field trip nyo?" nanlulumong tanong ko. Wala eh, napasubo na ako. Ba't ba nakalimutan kong itanong muna kung magkano bago ako pumayag.
"Sa Baguio, Ate, pero kasama na raw do'n lahat-lahat," sabi pa nito.
Tumaas naman ang kilay ko sa sinabi nito. "Lahat? Pati pocket money kasama na?" tanong ko.
Nakangiwi naman itong napakamot sa ulo. Kitamss. Naisahan talaga ako nitong kapatid ko.
"Hindi pa, pero hindi mo na ako kailangang bigyan ng extra money, Ate. Kasi may na ipon naman ako eh," ngiting sabi nito.
Nangingiting lumapit naman ako rito at saka ito inakbayan. Halos matataasan na ako nito. Matangkad na kasi ito sa edad na katorse. Dalaginding na ang bunsoy ko.
Paano ko naman matatanggihan ang mga ito. Eh sobrang babait naman talaga ng mga kapatid ko. Hindi ko inaasahan na sa maliit na baon sa araw-araw ay nagagawa pa nilang mag-ipon para sa mga biglaan nilang pangangailangan.
Nakakaproud sabihin na mga kapatid ko sila.
"Okay sige, sa Monday ko ibibigay ang pambayad mo," sagot ko.
Tuwang-tuwa naman ito at talagang yumakap pa sa akin. Ang lambing nitong baby namin. "Thank you, Ate, the best ka talaga," sabi nito.
Natatawang lumayo naman ako rito at saka ginulo ang buhok nito. Bobolahin na naman ako nito eh.
"Sige na, maligo ka na," sagot ko na lamang.
Mabilis na sumunod naman ito sa sinabi ko. Nasa may pinto na ito ng banyo nang muli akong tawagin.
"Bakit na naman?" tanong ko. Kinakabahan na ako sa babaeng ito eh.
"I love you, Ate," malawak ang ngiting saad nito sabay flying kiss. Natatawa na kunwari ay sinalo ko iyon at nilagay sa pisngi ko.
"Love you," sagot ko. Tuluyan naman na itong pumasok ng banyo.
Malawak ang ngiting pumasok na rin ako sa kuwarto ko. Ang galing talagang mambola ng kapatid ko.
Pasalamat na lamang din ako dahil sila ang mga kapatid ko. Hindi ako nagsisisi na pinag-aaral ko sila dahil sulit na sulit naman ang pagod at hirap ko. Sila ang inspirasyon ko sa buhay. Si Mama, si kambal at si Audrey. Kahit sila lang masaya na ako. Hindi ko nararamdaman na may kulang sa buhay ko dahil sa kanila.
,
,
"BAKLAA!"
"Ay baklang di puta!" malakas na sigaw ko. Muntik pa akong mahulog sa kanal dahil sa panggugulat nitong kaibigan kong bakla.
Papasok na ako sa trabaho ko nang bigla itong sumulpot sa tabi ko. Mabuti na lang talaga at hindi tuluyang bumagsak ang balakang ko.
"Ang aga ng mura mo," ingos nito. Pakending-kending pang lumapit sa akin ang baklitang ito.
"Langya kang bakla ka! Balak mo ba akong patayin?" sabi ko sabay irap dito.
Natatawang hinila naman nito ang kamay ko. At tinulungan akong ayusin ang bike kong natanggal ang kadena.
"Tsugi agad? Hindi puwedeng mahospital muna?" mataray na tanong nito with matching taas kilay pa.
"Eh kung ikaw ang dalhin ko sa hospital? Baka gusto mong ipa-cremate kita nang buhay! asik ko rito.
Nagasgas kasi ang paa ko dahil sa baklitang ito.
"Shunget nemen netey," nakangusong sabi nito. Akma nitong hahampasin ang braso ko nang masama ko itong tingnan. Nabitin sa ere ang kamay nitong puro grasa.
"Subukan mong ihampas sa 'kin 'yan, babasagin ko 'yang betlog mo!" pananakot ko naman dito.
Nanghaba ang nguso nito. "Waley akong betlog day."
Tumaas naman ang kilay ko. Assumerang froglet talaga ang babaitang ito. Wala raw betlog.
"Tssk, mayro'n," pang-aasar ko.
"Waley," sabi nito sabay irap. Kanina pa ito irap nang irap.
'Wag lang mahipan ng hangin ang mata nito dahil tiyak na duling ang aabutin ng baklang ito.
"Ows, patingin?" udyok ko. Umigkas naman ang paa nito papunta sa paa ko.
Napangiwi naman ako nang tumama 'yon sa bukong-bukong ko.
Pinong kurot ang isinukli ko rito dahilan para mapaaray ito.
Matapos nitong ayusin ang kadena ng bike ko ay sabay na kaming tumayo.
"Saan na naman kasi ang gora mo?" tanong ni Ashton. Ang kaibigan kong bading Ashton sa araw, Ashley sa gabi.
At ito rin ang nag-ayos ng buhok ko.
"Saan pa ba eh 'di sa trabaho," sagot ko.
"Sumama ka na lang sa akin mas madali ang pera, sasayaw ka lang may datong ka na gurl," malanding saad nito.
Matinding irap naman ang ibinigay ko rito. "Gaga, anong akala mo sa 'kin? Mas gusto ko pang magkargador sa palengke kaysa ang sumayaw d'yan sa sinasabi mo, ano? Baka mapatay ako ni Mama sa gusto mo," asik ko rito.
"Sasayaw lang Aryanaa! Wala akong sinabi na magbebenta ka ng katawan mo!"
"Hindi ko trip iyon," sagot ko.
"Sayang ang ganda mo kung mabuburo lang," sabi pa nito.
Alam ko naman na marangal na trabaho ang pagsasayaw na matagal na nitong ini-o-offer sa akin. Kaso sadyang wala akong hilig sumayaw at isa pa parehong kaliwa ang mga paa ko.
"Ash, alam mo namang wala akong hilig d'yan eh," sagot ko.
"Kasi mas trip mong magpakapagod sa kakaturo at kakabilang ng perang hindi naman sa'yo," ingos pa nito.
"At least masaya ako sa ginagawa ko. Hindi man akin, at least naranasan kong magbilang 'no!"
Matinding irap naman ang ginawa nito.
"Ewan ko sa'yo, minsan nakakaasar na 'yang pagiging mabait mo!"
Natawa naman ako sa sinabi nito. "At madalas namang nakakagigil 'yang pagiging haliparot mo!"
"Sinong haliparot?" nanlalaki ang matang tanong nito.
Natawa naman ako dahil pati butas ng ilong nito ay nanlalaki na.
"Aba'y ikaw, alangan namang ako eh ikaw itong hindi nauubusan ng lalaki," sagot ko.
Lumapit naman ito sa akin at hinila ang buhok kong kakarebond lang nito.
"'Wag ang buhok ko bakla!" sabi ko sabay layo rito.
"Gusto mong lalaki?" pagkuwa'y tanong nito.
Hindi ko naman malaman kung seryoso ito o nagbibiro lamang.
"Ayaw," sagot ko na may kasama pang iling.
"MMMM iyon," sabi pa nito.
Nangunot naman ang noo ko. "Anong MMMM? Matandang mayaman madaling mamatay," sabi ko.
Ngiting-ngiti namang umiling ang haliparot na baklang ito. "MMMM meaning Malaki, Mahaba, Mataba at Malapusa," malanding sagot nito.
Hindi ko naman napigilan ang matawa sa kalandian nito.
Malapusa talaga? Lintik wasak ang bahay bata do'n.
"Ang baboy mo, Ash. Saan ka naman nakakita ng talong na kasing laki ng pusa, aber?" natatawang tanong ko pa.
Masasabunutan ako ni Mama kapag narinig na ganito ang usapan namin nito. Mas'yadong BI ang baklitang ito.
"Sumama ka sa 'kin mamaya ipapakita ko sa'yo, Ara." Hintatakutan naman akong umiling.
No wayyyyy.
"Mag-isa ka, malanding bakla!" sigaw ko rito habang nakasakay na sa bike ko.
"At least nakatikim na ng Malapusa," ganting sigaw nito.
"At least virgin."
"Hindi tinatanggap sa langit ang birhen."
"Matagal pa akong mapupunta do'n, mauuna ka muna, bakla!"
"Babaeng tigang!" sigaw pa nito.
"Baklang mukhang tikbalang!" ganting sigaw ko.
Natawa naman ako nang ambahan ako nito ng suntok.
Proud to be tigang 'wag lang mukhang tikbalang.
Tinalikuran ko na ito at umalis na ako. Pero nakakailang pedal pa lamang ako nang marinig ko itong malutong na nagmura.
"Ay, p*tangina!" sigaw nito. Naging boses maton na rin ito.
Malakas akong tumawa nang makita ko itong nakapada. Natisod ang paa nito. Mukhang nauna pa yata ang mukha ng baklitang ito. Susmaryusep mababangasan pa yata.
"Ash, ayos ka lang?" tanong ko habang pigil ang tawanin.
"T*ngina ka! Nakita mo bang ayos ako?" asik nito. Boses lalaki na ito. Nawala ang kalandian sa boses nito.
Nakita ko itong nakangiwing tumayo.
"Parang hindi. Ipapa-cremate na ba kita?"
"T*ngina mo, lumayas ka na!"
"Okay, bye lampang bakla!" ngising sabi ko sabay tawa nang malakas. Don't get me wrong po, ganito kami lagi ni Ash.
Mas malala pa nga.
Nag-dirty finger naman ito nang marinig ang tawa ko. Benelatan ko lang naman ito bago tuluyan ng umalis.
Malalate na ako sa trabaho kapag nagtagal pa ako rito. Minumulat lang ako nito sa kamunduhan choss..