NAPAAWANG ang mga labi ni Lettie nang ihinto ng sumundo sa kaniya ang sasakyan sa garahe ng isang engrandeng bahay. Di hamak na mas malaki at mas moderno iyon kumpara sa bahay na pamana ng lola niya sa kaniya.
Nang makapasok siya sa loob ay lalo siyang namangha sa nakita. Tila isang malaking showroom ng mga furnitures ang living room ng bahay sa ganda ng mga gamit doon. At ang nakakamangha ay sigurado siyang lahat ng mga gamit doon ay galing sa kumpanyang pinapasukan niya! Sigurado siya roon dahil kakatingin pa lamang niya kagabi ng mga designs na iyon. Diyata’t suki ng kumpanya nila si lolo Mel?
“Maghintay lang ho kayo sandali rito Miss Padilla. Tatawagin ko lang si Sir Melchor,” sabi sa kaniya nang nagsundo sa kaniya. Nang tumango siya ay iniwan na siya nito at umakyat ng hagdan.
Muli siyang huminga ng malalim kahit papaano ay mapawi ang kaba niya. Iniisip niya kung anong klaseng tao ang apo ni tito Mel. Nahiling niya na sana ay madali naman itong pakitunguhan kahit papaano. Sana naman.
Nasa ganoong pag-iisip siya nang makarinig ng sunod-sunod na busina mula sa labas ng bahay. Nagpalinga-linga siya upang tingan kung may taong lalabas upang buksan ang gate. Pero wala siyang makitang taong lumalabas. Ano bang klaseng bahay ito? Ang laki-laki wala sila kahit isang kasambahay? Nagpatuloy ang pagbusina mula sa labas.
Hindi siya nakatiis. Pagkatapos niyang igala ang paningin para sa kasambahay sa huling pagkakataon ay siya na ang lumabas ng bahay. Nakita niya ang isang pulang magarang sasakyan sa tapat ng gate at patuloy na bumubusina. Binilisan niya ang pagkilos at binuksan ang gate.
Nasundan niya ng tingin ang sasakyan hanggang sa huminto ito sa garahe. Nagsimula na siyang kumilos pabalik sa loob ng bahay nang bumukas ang pinto ng driver’s seat ng sasakyan niyon at umibis ang isang lalaki. “What took you so long to open the gate?” malakas na tanong nitong bakas ang iritasyon sa tinig.
Napabaling siya rito. Matangkad ang lalaki at maganda ang tindig. Sa suot nitong three piece suit ay mukha itong maawtoridad na tao. Nang mapatingin siya sa mukha nito ay bahagya siyang natigilan. Kahit naka-kunot kasi ang noo nito habang nakatitig sa kaniya ay hindi niya maipagkakailang guwapo ito. Makapal ang mga kilay nitong ipinares sa itim na itim na mga matang sa opinyon niya ay tila walang buhay. Aristokrato ang ilong nito at manipis ang makurbang mga labi. Iyon ang unang pagkakataong nakakita siya ng ganoong lalaki sa malapitan.
Lalong lumalim ang gatla sa noo nito. “Tititigan mo na lang ba ako? Geez, I could not believe lolo got a new hired help like you,” sabi nitong tila sarili lamang ang kausap at nilampasan siya.
Napakurap siya at natauhan sa sinabi nito. Akala nito ay kasambahay siya?! Ang kapal! Oo nga at hindi siya kasing ganda ng mga celebrity o kasing sopistikada ng mga socialite pero ginawa niya ang lahat ng makakaya niya upang maging maayos ang itsura niya nang nagpunta siya roon. Pagkatapos ay ganoon lamang ang sasabihin nito sa kaniya? And who is he in the first place?!
Pero kahit gusto niya itong awayin ay hindi bumuka ang bibig niya at inis na nasundan na lang ito ng tingin. Nasa tamang pag-iisip pa siya para magiskandalo sa pamamahay ni lolo Mel. Saglit niyang kinalma ang sarili bago bumalik sa living room. Namataan niya ang aroganteng lalaki na naglalakad na paakyat ng hagdan.
Noon naman lumabas ang lalaking sumundo sa kaniya kanina at isang matandang lalaki. “L-lolo Mel!” malakas na naiusal niya nang makilala niya ang matanda.
Napabaling ang mga ito sa kaniya. Si lolo Mel ay malawak na ngumiti at mabilis na bumaba at lumapit sa kaniya. “Letticia! Ikaw nga hija. Kamukhang kamukha mo ang lola mo noong kabataan niya,” masayang sabi nito sa kaniya at niyakap siya.
Napangiti na rin siya at nawala ang kaba. “Sabi rin ho iyan nila mama,” aniya rito nang pakawalan siya nito.
Hindi pa rin napapalis ang ngiti sa mga labi nito. “I will be glad to accept you as a real granddaughter Lettie. Kapag kasal na kayo ng apo ko ay magiging tunay na apo na kita,” nasasabik na sabi pa nito. Noon nawala ang ngiti niya. Kaya nga pala siya naroon ay dahil sa kasal na wala siyang choice kung hindi ang pasukan.
“Wait a minute, don’t tell me lolo na siya ang babaeng sinasabi mo?” pukaw ng aroganteng lalaki. Napatingala siya rito. Nakakunot na naman ang noo nito at bumaba na rin ng hagdan. Parang alam na niya kung sino ang lalaking ito.
“Yes. She’s your soon to be wife Damon. Hija, siya ang apo ko na magiging asawa mo,” nakangiti pang pakilala sa kanila ni lolo Mel.
Nagkatinginan sila ni Damon. Ito ang lalaking pakakasalan niya. Magagawa ba niyang makasundo ang lalaking ito?
“GUSTO kong magpakasal kayo sa lalong madaling panahon,” seryoso ng sabi ni lolo Mel nang nasa loob na sila ng silid na tumatayong library sa bahay na iyon. Magkatabi sila ni Damon na nakaupo sa mahabang sofa habang si lolo Mel naman ay nasa tapat nilang couch.
“Pero tulad ng sinabi ko sa iyo kagabi lolo, I could not afford to get married at this time. Makakaapekto sa mga business deals ko ang pagpapalit ko ng marital status,” seryoso ring sabi ni Damon.
Sinulyapan niya ito. Paano naman makakaapekto ang marital status ng lalaking ito sa negosyo? May kutob siya ng palusot lang nito iyon at ayaw lang talaga nitong magpakasal. Sabagay, walang problema sa kaniya iyon. Sa ugali ng lalaking ito at sa malamig na mga mata nito ay may palagay siyang hindi ito madaling pakisamahan.
“Alam ko na iyan Damon. Kaya kahit na labag sa kalooban ko ay magpapakasal muna kayo na hindi ipapaalam sa iba. Ang makakaalam lang ay kayong dalawa, ako at ang mga magulang mo Lettie,” sabi ng matanda. Napamaang siya rito. Si Damon ay hindi umimik sa tabi niya. Marahil ay pinag-iisipan nito ang sinasabi ng matanda. “But of course, you will be a real married couple. May nakahanda na kayong titirhang bahay na regalo ko sa inyo. Pero Damon, magkakaroon kayo ng announced wedding six months from now kahit ano pa ang mangyari sa business. Hindi ako papayag na maging sikreto si Lettie,” seryoso pa ring dagdag nito.
Kahit papaano ay naantig ang puso niya sa sinabi ni lolo Mel. At least, alam niya na hindi siya ipapahamak ng matanda. Pero ang problema niya ay ang lalaki sa tabi niya. Afterall, dito siya ikakasal at ito ang papakisamahan niya bilang asawa.
“In six months, give me what you promised and it’s a deal,” sa wakas ay sabi ni Damon. Muli siyang napalingon dito. Deretso itong nakatingin sa matanda na para bang nakikipagtransaksiyon.
“Kapag nakita kong maganda ang pagsasama niyo bilang mag-asawa sa loob ng anim na buwan ay ibibigay ko. Fair deal?”
Umangat ang gilid ng mga labi ni Damon pero nasiguro niya na hindi iyon ngiti. “Deal.”
Hindi niya masundan ang pinag-uusapan ng mga ito pero isa lang ang sigurado niya, magpapakasal talaga siya sa walang pusong lalaking ito. “Lettie,” tawag sa kaniya ng matanda.
Napalingon siya rito. “P-po?”
Ngumiti ito. “Ikaw na ang bahala sa apo ko. And with this marriage ay magiging pamilya na tayo,” sabi pa nitong nagniningning ang mga mata. Hindi nakaligtas sa kaniya ang kislap ng kalungkutan sa mga mata nito. Ngunit bago pa niya ito matanong ay tumayo na ito. “Well, magaayos lang ako at pupunta tayo sa inyo para mamanhikan.”
“I have a business meeting at ten lolo,” sabi ni Damon.
“K-kailangan ko na hong pumasok sa trabaho lolo Mel,” sabi niya rin.
Kumunot ang noo nito. “Cancel it. At umabset ka na lang muna Lettie. Mas mahalaga ito.”
“Then let me ask you lolo, why her?” tanong ni Damon na tumayo pa.
Napatingala siya rito. Mukhang may reklamo ito sa kaniya. May reklamo din ako sa iyo! You are heartless! Napatayo rin tuloy siya at tinitigan ito ng masama. Pero hindi siya nito nilingon.
“Because she’s a good woman. Kung siya ang mapapangasawa mo ay mapapanatag akong magiging maayos ang buhay mo apo,” sagot ni lolo Mel. Napalingon siya rito. Nakangiti ito habang nakatingin sa kaniya bago lumabas na ng silid.
Naiwan silang dalawa na nakatayo lang doon at nakatingin sa pintong nilabasan ng matanda.
“I could not believe this,” usal ni Damon at muling napaupo sa sofa. Nagpantig ang tainga niya sa sinabi nito at nasundan ito ng tingin. “I am so disappointed. Ang akala ko pa naman kaya matindi ang pagnanais ni lolo na magpakasal ako sa babaeng napili niya ay dahil may natatanging katangian ang babaeng iyon. Masyadong mataas ang expectations ko.”
Naikuyom niya ang mga palad sa sinabi nito. “Well, sorry for being normal! Hindi ka rin naman pumasa sa expectations ko! Akala ko dahil apo ka ni lolo ay mabait ka rin na gaya niya! Hindi pala,” asik niya rin dito.
Tiningala siya nito at umismid. “Sa ating dalawa kahit saan mo tingnan ako ang lugi at hindi ikaw,” sarkastikong sabi nito.
“E di huwag mo akong pakasalan!” asar ng sabi niya rito.
Hindi nito inalis ang tingin sa kaniya at sumandal. “Kung kasama iyan sa pagpipilian ko ay kanina ko pa sana sinabi kay lolo iyan. Unfortunately, hindi ako magba-back out. I have a lot to gain in this marriage. At sigurado akong ikaw rin.”
Hindi siya nakasagot dahil tama ito. Hindi rin siya maaring umatras dahil nabayaran na ni lolo Mel ang utang ng papa niya. Napabuga na lang siya ng hangin at pabagsak na umupo sa kanina ay inuupuan ni lolo Mel. Namayani ang katahimikan sa pagitan nilang dalawa. Maya-maya pa ay muling pumasok sa silid ang matanda at tinawag na sila. Pupunta na sila sa bahay niya para raw mamanhikan.
Napahinga siya ng malalim. Wala na talagang atrasan ‘to.
KATULAD ng napag-usapan nila Lettie, Damon at lolo Mel ay isang simpleng civil wedding lamang ang naging kasal ng dalawa. Iyon ay matapos mamanhikan ni Damon at ng lolo nito sa mga magulang niya. Mabilis lamang na nangyari ang pamamanhikan dahil halos si lolo Mel lang naman ang nagsalita. Saglit lang din siyang ibinilin ng mga magulang niya kay Damon na puro tango lamang ang isinagot.
Bago ang araw ng kasal ay masinsinan siyang kinausap ng mama niya kung kakayanin ba daw niyang makisama sa isang estranghero. She assured her mother that she will be fine. Ayaw niyang mag-alala pa ito sa kaniya.
Sa araw ng kasal ay lima lamang silang dumalo. Ang seremonya ay simple lamang din. Tahimik lamang sila ni Damon habang nasa harap ng huwes. Ni hindi nga siya nito sinusulpayan man lang. At ng magsabi ang huwes ng “you may kiss the bride” ay siya lang yata ang nabahala roon. Katunayan ay walang salitang iniharap siya ni Damon dito at mabilis na ginawaran ng halik ang mga labi niya. Pagkatapos ay balewalang muling humarap sa huwes habang siya ay tila naestatwa. Kung hindi pa tumikhim ang huwes ay baka hindi siya nabalik sa huwisyo.
Paano naman kasi, iyon ang first kiss niya. Pero ang lalaking nakakuha ng unang halik niya ay wala man lang kaemo-emosyon. Sa huli ay bumuntong hininga na lamang siya. Wala naman siyang magagawa dahil hindi naman pag-ibig ang dahilan ng pagpapakasal niya. Nang maisip iyon ay nakaramdam na naman siya ng lungkot. Hindi iyon ang pinangarap niyang pagpapakasal. Gusto niya sana kahit simpleng tao lamang ang mapangasawa niya ay ayos lang basta mahal nila ang isa’t isa. Pero si Damon ay hindi simpleng tao lang at hindi siya nito mahal.
“K-KAILANGAN ba talaga nating gawin ito?” kabadong tanong ni Lettie kay Damon.
Bumaling ito sa kaniya at matiim siyang tinitigan habang niluluwagan ang kurbata nito. Nanlambot ang mga tuhod niya sa nerbiyos at nanghihinang napaupo sa gilid ng kama. “We have no choice. Sinasabi ko na nga ba at planado ni lolo ang lahat. Kaya pala may nakahanda na agad siyang bahay para sa atin at nag-hire na rin ng mga kasambahay. He will not leave us alone,” sabi nito at tuluyan ng inalis ang kurbata. “Anyways, you don’t have to be that nervous. Kahit sa iisang kama pa tayo matulog ay wala akong gagawin sa iyo. You are not my type,” balewalang sabi nito at tinalikuran na siya. Nagpunta ito sa maliit na silid sa loob ng kuwartong iyon.
Nawala na ang kaba niya at napalitan ng inis. “Wala rin akong interes sa iyo!” pasigaw na sabi niya rito.
“That’s good,” narinig pa niyang sagot nito mula roon.
Inis na pabagsak siyang humiga sa kama at tumitig sa kisame. Mula sa araw na iyon ay ang silid na iyon na ang magiging kuwarto nila. Kanina ay doon sila inihatid ng driver na kinuha ni lolo Mel para sa kanila. Kailangan daw niya ang driver na iyon para hindi na siya magco-commute pag pumapasok siya sa trabaho. Noong una ay ayaw niyang tumanggap ng driver pero ang sabi nito ay iyon man lang daw ay tanggapin niya. Tumanggi kasi siya nang isuhestiyon nito na magresign na lang siya sa trabaho niya tutal naman daw ay kaya siyang buhayin ni Damon. Pero ayaw niya ng ganoon dahil may palagay siyang maiinip siya bilang isang simpleng may bahay ng sing lamig ng lalaking iyon. Isa pa ay mahal niya ang trabaho niya.
Nang makita niya kanina na may kalakihan ang bahay na bigay ni lolo Mel ay naisip niya na maari silang magkaroon ng tig-isang silid ni Damon. Hindi niya kasi maimagine na magkasama sila sa iisang silid dahil kung tutuusin ay estranghero ito sa kaniya. Ang kaso pagkadating na pagkadating pa lamang nila ay inilagay na ni Aling Isyang, ang tumatayong caretaker daw nila ang mga gamit nila sa master’s bedroom. Gusto niya sanang magreklamo noon kung hindi lamang siya hinatak kaagad ni Damon sa silid.
“Don’t say anything recklessly woman. Hindi itinao ni lolo ang mga kasambahay dito dahil lang gusto niya. I am sure they are his eyes and ears in this household. Hindi niya tayo pababayaang gawin ang gusto natin dito. Kapag hiniling mo na sa ibang silid ka matutulog ay tiyak na malalaman iyon ni lolo. Don’t forget that we have to be a “real” married couple,” naalala niyang paalala ni Damon sa kaniya.
Kaya ngayon ay wala siyang pagpipilian kung hindi ang matulog doon kasama si Damon. Tiningnan niya ang kama. Sabagay, masyado namang malaki iyon para sa isang tao. Kahit na dalawa silang matulog doon ay posible namang hindi sila magkabungguan. Sabi rin naman nito ay wala itong balak gawan siya ng kung ano dahil hindi siya nito type. Kahit na nainis siya sa sinabi nito ay mas okay na iyon kaysa puwersahin siya nitong… Marahas siyang napailing nang may tumakbong malaswang bagay sa utak niya.
Bumangon siya at bahagyang lumapit sa silid na pinasukan ni Damon. Nakita niya itong nakaupo sa harap ng isang lamesa at abala sa ginagawa nito sa laptop nito. Kakakasal pa lamang nila kani-kanina lang ay nagtatrabaho na ito kaagad. At may palagay siyang magagalit ito kapag inistorbo niya ito sa ginagawa nito. Saglit niyang tinitigan ang malapad na likod nito bago buntong hiningang lumayo na roon.
Nag-iisip siya ng gagawin nang mapatingin siya sa banyo. Makaligo na nga lang at makatulog ng maaga. Kumuha lang siya ng pantulog na ipampapalit niya sa suot niya at pumasok na sa banyo.