CHAPTER 2

2609 Words
GABI na nang makaalis ng opisina si Lettie. Pinag-overtime kasi siya ni Mrs. Ramos, ang immediate boss niya upang hanapin ang lahat ng files ng mga designs ng mga bedroom furnitures ng kumpanya sa data stock room. Ipinapahanda raw iyon ng designs department dahil ipepresent daw iyon sa magiging bagong head ng mga ito na kasalukuyang nasa europa pa at darating sa bansa sa susunod ng buwan. Nang makarating siya sa tapat ng bahay nila ay napakunot noo siya nang makitang madilim sa loob. Kahit gaano siya kagabi umuwi ay palaging iniiwang bukas ng mama niya ang ilaw sa sala ng bahay nila. Malabo namang wala ito sa bahay nila dahil mula nang biglang umalis ang papa niya ay hindi na ito naglalabas masyado ng bahay nila. Imposible ring brownout dahil may ilaw ang ibang bahay sa subdivision nila. Hindi kaya may nangyaring masama dito? Sa naisip ay nakaramdam siya ng kaba at nagmamadaling binuksan niya ang gate. Pagkatapos ay patakbong lumapit siya sa pinto ng bahay nila at nagmamadaling binuksan iyon. “Ma!” pasigaw na tawag niya sa kaniyang ina nang makapasok siya. “Lettie! Ano ka bang bata ka huwag kang sumigaw,” mahinang saway ng boses ng mama niya. Kinapa niya ang switch ng ilaw at pinindot iyon. Kumalat ang liwanag sa sala nila. Nanlaki ang mga mata niya nang makitang naroon ang mama niya at ang kaniyang ama! “Pa!” mangha ring tawag niya rito. Taon na ang nakalilipas mula ng huli niyang makita ang papa niya at hindi niya alam kung makakaramdam siya ng saya na naroon na ito, pagkagulat sa bigla nitong pagsulpot o inis dahil bigla itong nawala at inatang sa kaniya ang pagbabayad ng mga utang nito. Sa huli ay tila ipinako siya sa kinatatayuan niya habang nakatitig dito. Mas pumayat ito at tumanda kaysa noong huli niya itong makita. Mas lumamang ang pagkaawa niya sa itsura nito kaysa sa iba pa niyang emosyon. Sabay pa siyang sinaway ng mga ito. “Huwag kang maingay Letticia! At isara mo ang pintuan dali,” mahinang utos ng papa niya. Itinikom niya ang bibig at tumalima. Pagkatapos ay lumakad siya palapit sa mga ito. “Saan ka nagpunta papa? Bakit ngayon ka lang umuwi? Pinag-alala mo kami ni mama! At alam mo ba kung ilang beses na kaming pinuntahan ng mga pinagkakautangan mo at tinakot na magbayad?” dere-deretsong sabi niya rito. Bumakas ang guilt sa mukha nito. “Pasensiya ka na anak. Kung hindi ako umalis ay mas lalo lamang kayong madadamay sa katangahang ginawa ko sa buhay ko. Alam ko na ikaw ang umaako ng mga problemang ginawa ko anak. I’m really sorry Lettie.  Hindi ko na talaga uulitin ang ginawa ko,” hinging paumanhin nito. Napabuga siya ng hangin at napasalampak ng upo sa one seater na katapat ng kinauupuan ng mga ito. Ano pa bang maari niyang sabihin kung humihingi na ito ng tawad na gaya niyon? Kahit anong gawin niya ay hindi na mababago ang katotohanang lubog sila sa utang. Isa pa ay ito pa rin ang kaniyang ama. Bukod naman sa pagkalulong sa bisyo nito ay naging mabuting ama naman ito sa kaniya. “Pa, naiintindihan ko na nagsisisi ka na sa nangyari. Pero sana man lang sinabi niyo kung nasaan kayo para hindi kami nag-aalala lalo na si mama. Para kung paano na lang tayo makakabayad ang poproblemahin ko,” napapagal na sabi niya. Tumikhim ito. “Ah, tungkol sa bagay na iyan hija, may paraan para mabayaran ang lahat ng utang ko at muli kong maitaguyod ang negosyong iniwan ng lola mo kahit papaano. Iyon ang dahilan kung bakit nagkaroon na ako ng lakas ng loob na bumalik dito,” sabi nito. Napaderetso siya ng upo at napatitig dito. Bahagya siyang nabuhayan ng pag-asa. “Paano ho?” tanong niya. Nagpalitan ng tingin ang mga magulang niya. Bigla ay nawala ang pag-asang kanina ay naramdaman niya. Base sa paraan ng pagtitinginan ng mga ito at nababahalang ekspresyon sa mukha ng mama niya ay mukhang hindi niya magugustuhan ang sasabihin ng papa niya. Nag-iwas ng tingin ang mama niya. “L-lettie, patawarin mo sana ang papa mo,” pahikbing sabi pa nito. Tuluyan nang kumabog ang dibdib niya. “A-ano ba hong paraan iyang sinasabi niyo?” tanong niya. Ibebenta ba siya ng papa niya sa sindikatong pinagkakautangan nito? Ganoon na ba ito kadesperado? Muling tumikhim ang papa niya. “Well you see, nang mga panahong umalis ako ay hindi naman ako nagtatago lang. Humahanap ako ng mahihiraman ng perang pambayad sa kanila,” panimula nito. Gusto niyang sabihin dito na kapag ganoon ang ginawa nito ay wala rin namang mababago sa sitwasyon nila. Maiiba lang ang taong pagkakautangan nila. Pero nanatiling tikom ang bibig niya. “Noong nakaraang linggo lamang ay aksidente kong nakita ang lolo Mel mo, natatandaan mo ba siya hija? Siya iyong matalik na kaibigan ng lola Kristina mo.” Tumango siya. Natatandaan niya nga na mayroon siyang tinatawag na lolo Mel mula pa noong magkaisip siya. Noong buhay pa ang lola Kristina niya ay palaging naroon si lolo Mel kapag kaarawan nito. Hindi na niya masyadong matandaan ang mukha nito pero ang dahilan kung bakit hindi niya nakakalimutan si lolo Mel ay dahil sa mga bulaklak na lagi nitong dala para sa lola niya at mga maliliit na gamit para sa doll house niya na lagi nitong binibigay sa kaniya.  “Humingi kayo ng tulong kay lolo Mel?” tanong niya. Nang tumango ang kaniyang ama ay kahit papaano nakahinga siya ng maluwag. Kung si lolo Mel ang tutulong sa kaniya ay siguradong hindi naman sila madedehado. Sa pagkakatanda niya ay mabait ang matandang iyon. Muling tumikhim ang papa niya at nagpatuloy sa pagsasalita. “Sinabi ko sa kaniya ang sitwasyon natin. At kahit sinermunan niya ako at nagalit siya sa akin dahil sa ginawa ko sa pinakamamahal na negosyo ni mama ay tinanggap ko iyon dahil alam kong mali ako. Mabuti na lamang at kahit nagalit siya ay nangako siyang tutulungan niya tayo. He offered to pay all my debts. Bukod doon ay sinabi nito na bibigyan niya ako ng puhunan upang muling buhayin ang negosyong iniwan ni mama sa akin.” Tumigil ito sa pagsasalita at tumingin sa kaniya. Maging ang mama niya ay nakatingin sa kaniya. Huminga siya ng malalim. “A-anong kapalit?” mahinang tanong niya. Nagbuga ng hangin ang papa niya bago sumagot. “Kapalit niyon… g-gusto niyang p-pakasalan mo ang panganay niyang apo,” mahina ring sabi nito. Nanlaki ang mga mata niya sa pagkamangha. “What?! Magpapakasal ako sa isang lalaking hindi ko kilala? Absurd!” marahas na sagot niya. Namutla ang papa niya. Ang mama niya ay tuluyang naluha. “Well, n-nabayaran na niya ang mga utang ko at n-naibigay na niya ang perang puhunang kailangan natin. K-kaya bukas ng umaga ay may darating dito upang sunduin ka at pormal na makita ni Don Melchor.” “Ano?!” napasigaw na siya at napatayo. Bumugso ang hinanakit niya sa sinabi nito. Parang gusto niyang maiyak sa tila bombang ibinagsak nito sa harap niya. “Pumayag kang ipakasal ako sa kung sino kapalit ng pera?! Papa para mo akong ibinenta! In fact ibinenta mo talaga ako! How could you do that?!” naiiyak sa frustration na sabi niya sa malakas na boses. Hindi siya makapaniwala na matapos ang maraming taon na hindi ito nagpakita sa kanila ay iyon ang ihahatid nitong balita sa kaniya. “But I don’t have a choice! Ayoko nang hinahabol tayo ng pinagkakautangan ko! Ayoko ng nagtatrabaho ka ng husto para bayaran ang mga utang ko. Ayoko ng mahirapan ka dahil sa kagagawan ko Lettie!” garalgal na ang boses na sabi ng papa niya. Wala siyang naapuhap na sabihin dito. Frustrated na napabuga siya ng hangin at nasuklay ng kamay ang buhok niya. Lumakas ang iyak ng mama niya. “Isa pa ay hindi naman kita ibibigay sa pamilya ng kung sino kung hindi ako tiwalang hindi ka mapapahamak. Mabait at mapagkumbaba ang lolo Mel mo kaya sigurado akong ganoon din ang apo niya. Hindi ka nila pababayaan at hindi mo na kakailanganing magtrabaho ng husto. Nasa edad ka na rin na dapat nag-aasawa na. Ikaw lang ang iniisip ko Lettie nang pumayag ako sa kasunduang iyon. Maniwala ka sa akin anak,” namamasa ang mga matang sabi pa nito.           Napabuntong hininga siya at muling napasalampak ng upo. Gusto niyang pumalahaw ng iyak pero kapag ginawa niya iyon ay wala rin namang mangyayari. Nangyari na ang lahat at wala na siyang pagpipilian kung hindi ang makiayon sa kasal na iyon. Kahit na binigla siya ng papa niya ay hindi rin niya magawang magalit sa ginawa nito. Alam niyang tulad niya ay nais lang nitong mawala ang mga utang nila at muling mapabuti ang buhay nilang tatlo.           “A-anong oras darating ang susundo sa akin?” tanong niya makalipas ang mahabang katahimikan. “Alas otso.” Huminga siya ng malalim at tumayo na. “Kung ganoon matutulog na ako dahil maaga pala masyado. Matulog na rin po kayo papa, mama. Goodnight,” kalmadong sabi niya sa mga ito at lumakad na patungo sa silid niya. “Lettie, ang ibig mo bang sabihin ay pumapayag ka?” pahabol na tanong ng papa niya. Huminto siya at nilingon ito. Pilit siyang ngumiti. “We don’t have a choice papa kung nabayaran na nila ang utang natin. Kung ang kapalit ay ang pagpapakasal ko then so be it.” Muli na siyang tumalikod at tuluyan nang nagtungo sa silid niya. Nang nasa loob na siya ng kuwarto niya ay pabagsak siyang humiga sa kama. Kahit na tinatanggap ng isip niya na magpapakasal siya sa isang estranghero ay hindi iyon matanggap ng puso niya. Argh, I could not believe I will get married this way!   NAG-RI-RING na telepono ang pumukaw sa atensyon ni Damon mula sa pagtitig at pagtipa sa laptop niya. Huminto siya sa ginagawa at sinagot iyon. “Sinasabi ko na nga ba at nasa opisina ka pa ring bata ka. Nakalimutan mo bang tumingin sa relo Damon?” tinig iyon ng lolo niya. Sa sinabi nito ay napatingin siya sa wristwatch niya. Alas dose na ng gabi at nagtatrabaho pa siya. Ni hindi niya namalayan ang oras. “I will just finish this up then I will go home. Bakit napatawag ka lolo? At ganitong oras? An old man like you should be sleeping at this hour,” aniya rito kasabay ng pagsandal niya sa backrest ng swivel chair niya. Ngayong inilayo niya ang atensiyon sa trabaho ay bahagya siyang nakaramdam ng pagod. “Kanina pa kita tinatawagan sa unit mo pero hindi ka sumasagot. Kaya sigurado akong nandiyan ka. Kailangan kong sabihin sa iyong magpunta ka rito sa bahay bukas bago mag alas nuwebe ng umaga,” sabi nito. Hindi nag-uutos ang tono nito pero mula pa noon ay kapag may sinabi ito ay itinuturing niyang reponsibilidad na sundin iyon. Iyon ang paraan niya ng pagbabayad ng utang na loob dito. “Okay. But what for?” hindi interesadong tanong niya. Ipinagpatuloy niya ang ginagawa habang nakaipit ang telepono sa pagitan ng tainga at balikat niya. “Dahil ipapakilala ko sa iyo ang magiging asawa mo,” walang gatol na sagot nito. Natigilan siya. Tama ba ang narinig niya o nabibingi na siya sa pagod? “What?” Tumawa ang lolo niya sa kabilang linya na tila aliw na aliw pa sa reaksiyon niya. “Hindi ba sinabi ko na sa iyo dati? Na darating ang araw ay ipapakilala ko sa iyo ang babaeng pakakasalan mo? Bukas na ang araw na iyon.” Napabuntong hininga siya. Matagal na nga nilang napag-usapan ng lolo niya iyon. Na kadikit ng posisyon niya sa kumpanya at posibilidad na pagmamay-ari niyon ay ang pagpapakasal niya sa babaeng napili nito. Pumayag siya sa kasunduang iyon dahil wala naman sa kaniya kung sino man ang mapangasawa niya. Ang mahalaga ay magawa niya ang lahat ng naayon sa plano niya. “But this is too sudden lolo. At alam niyong hindi pa ako pwedeng magpakasal sa ngayon. Getting married will ruin the business,” paliwanag niya rito. “Hijo huwag mong alalahanin iyan. Napag-isipan ko ng mabuti ang lahat at ipapaliwanag ko ang lahat bukas. Ang kailangan mong gawin ay magpakita ka sa akin bukas kung hindi ay si Brett ang ipapakilala ko sa kaniya. At alam mo ang ibig sabihin niyon hindi ba?” sabi pa nito. Napahawak siya sa sentido niya. Si Brett ay pinsan niya. Sa pamilya nila ay ito ang sumunod sa kaniya sa edad. Ito rin ang matindi niyang kakumpetensiya sa kumpanya. Alam niya na kapag si Brett ang ipinakilala nito sa babaeng napili nito ay siguradong kay Brett nito ibibigay ang kumpanya. “Fine. Pupunta ako diyan bukas,” sagot na lamang niya. “Mabuti naman. O siya, tapusin mo na ang ginagawa mo at umuwi ka na.” Iyon lang at nawala na ito sa linya. Napapailing pa rin siya nang ibaba niya ang awditibo. Sa totoo lang ay nacu-curious siya kung sino ang babaeng gusto ng lolo niya na pakasalan niya. Siguradong galing iyon sa kung anong maimpluwensiyang pamilya o may natatanging katangian kaya matindi ang pagnanais ng lolo niya na maging bahagi ng pamilya nila ang babaeng iyon. Dahil kung hindi ay bakit kailangang idikit ng lolo niya sa pagmamay-ari ng kumpanya ang pagpapakasal sa babaeng iyon? I’ll find out tomorrow.   HINDI pa rin mawala ang kaba ni Lettie kahit ilang beses na siyang huminga ng malalim. Nasa sala siya ng bahay nila kasama ang mga magulang niya at hinihintay ang pagdating ng sundo niya.  Alam niya na kahit ang mga magulang niya ay natetensiyon. Saglit pa ay nakarinig na sila ng tunog ng sasakyan at busina mula sa labas ng bahay nila. Nagkatinginan silang tatlo. Tumikhim ang papa niya. “A-ako na ang magbubukas ng pinto,” sabi nito at tumayo. Naiwan sila ng mama niya. “A-anak, kung hindi mo makakayang pakisamahan ang lalaking iyon ay tutulungan kitang pakiusapan ang lolo Mel mo na huwag na lamang ituloy ang napagkasunduan nila ng papa mo,” sabi nitong ginagap pa ang mga kamay niya. Kahit papaano ay gumaan ang pakiramdam niya sa sinabing iyon ng mama niya. Pilit siyang ngumiti. “Thank you mama. But I will be fine. Tama naman si papa. Mabait si lolo Mel kaya sigurado namang mabait din ang apo niya. I will be okay.” Bumuntong hininga ang mama niya at niyakap siya. “Mag-iingat ka.” Nasa ganoong akto sila nang pumasok na ang papa niya. Kasunod nito ang isang lalaking naka itim na amerikana. Dark sunglasses na lang ang kulang dito ay papasa na itong yakuza. “Miss Padilla, hinihintay na ho tayo ni Sir,” sabi pa nito. Muli siyang huminga ng malalim at tumayo na. Nagpaalam siya sa mga magulang niya at kabadong sumunod sa lalaki. Sa labas ng bahay nila ay may nakaparada ring itim na mercedez. Napalingon siya sa papa niyang nakasunod sa kanila. “P-papa, sigurado ka bang hindi mo ako ibebenta sa sindikato?” hindi niya napigilang itanong. Kumunot ang noo nito. Napalingon naman siya sa lalaking sumundo sa kaniya nang tumawa ito. “Huwag kayong mag-alala Miss Padillia, hindi sindikato ang amo ko,” sabi pa nito. Kahit papaano ay napanatag siya. Nang buksan nito ang pinto ng backseat ay walang magawang sumakay na lamang siya doon. Tinapunan niya ng huling tingin ang mga magulang niya at ang bahay nila. Nang magsimulang umandar ang sinasakyan niya ay alam niya na malaki ang magiging pagbabago sa buhay niya mula sa araw na iyon.
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD