CHAPTER 1

2742 Words
MUNTIK nang mahirinan si Lettie nang biglang ipukpok ng kaibigan at katrabaho niyang si Aya ang mga kamay sa lamesa habang nagsasalita. Lunch break nila kaya nasa cafeteria sila at nagkaroon sila nang pagkakataong mag kwentuhan. Nagtatrabaho sila bilang mga office staff ng General Affairs Department ng Valencia Furnitures, isa sa pinakamalaking kumpanyang nag iimport at nageexport ng mga furnitures sa bansa. "Ang kapal talaga ng mukha niya sobra! Pagkatapos ng lahat ng ginawa ko sa kanya? Pagkatapos kong hindi pakinggan ang pamilya ko ng sabihin nila sa akin na ayaw nila sa kaniya ay iiwan niya lang din ako at ipagpapalit sa matronang mala pawnshop dahil sa dami ng alahas sa katawan? Hinayupak siya! Kapag nakita ko siya makakatikim siya ng mag-asawang sampal mula sa akin!" galit na kwento nito.  Tahimik lamang na sumisimsim ng juice si Lettie habang nakikinig sa kaibigan at katrabaho. Ang lalaking tinutukoy nito ay ang nobyo nitong mahigit isang taon na nitong karelasyon. Kailan lamang ay palagi nitong ibinibida ang lalaking iyon. Aspiring actor daw iyon at madalas nagbibida sa mga independent film. Ang sabi pa nito sa kanila noon ay mahal na mahal daw ito ng boyfriend nito at loyal na loyal dito kaya kahit maraming naghahabol na babae at bading sa binata ay hindi ito nag-alala. Ang kaso, nabingwit naman ng matronang ubod daw ng yaman. Kaya ngayon ay nagpuputok ang butse ng kaibigan niya. “Hay naku hayaan mo na iyon. Maraming lalaki diyan! Kung gusto mo pwede kitang ihanap ng ka blind date para mapalitan mo siya," sabi naman dito ni Jena sa pagitan nang pagsubo nito sa kinakaing kanin at kalderetang baon nito. Kaibigan din nila si Jena at ka-department. Marahas na bumuntong hininga si Aya. "Sige nga. Ayoko namang tumagal na single. Baka isipin ng lalaking iyon at ng matronang iyon di ako makaget over. Ha madali siyang palitan no! Teka, kamusta naman pala ang date mo kahapon? Hindi ba may blind date ka?" tanong nito kay Jena, mukhang nabawasan na ang iritasyon nito matapos maglabas ng inis. Si Jena naman ang nagtirik ng mga mata. "Hay naku fail. He was so boring and irritating. Walang ginawa kung hindi ang buhatin ang sariling bangko.Ni hindi niya ako binigyan ng chance magsalita. Para akong nanonood ng isang taong nagmomonologue sa totoo lang. I left him in the middle of his monologue about how great he is in business." Sabay pang pumalatak ang mga ito sa sinabing iyon ni Jena. Napailing siya sa usapan ng mga ito. "Palaging sumasakit ang ulo niyo sa mga lalaking iyan pero di naman kayo nadadala.  Is it that bad not to have boyfriends? Sakit lang naman ng ulo iyang mga lalaking iyan," sa wakas ay komento niya sa usapan ng mga ito pagkatapos ay bumuntong hininga. Balewalang sumubo siya at tumingin sa mga ito. Awtomatiko siyang napalunok nang makitang nakatitig ang mga ito sa kaniya na parang gusto siyang sakalin. "What? Totoo naman ah," sabi pa niya sa mga ito. "Hindi ko alam kung bakit pinapasakit - "Teka teka nga Letticia!" saway sa kaniya ni Aya na pinanlakihan pa siya ng mga mata. "Hindi ko talaga maintindihan kung bakit ganiyan ka magsalita. Siguro ay matatanggap ko pa ang mga sinasabi mong iyan kung alam kong may bitter experience ka sa pakikipagrelasyon sa isang lalaki eh. Ang kaso wala! You never even had a boyfriend for the past twenty eight years of your life but you are saying things as if you had numerous failed relationships! Tatanda kang dalaga niyan Lettie!" sabi nitong tila matandang nanenermon ng bata. "Well she's acting like an old maid already actually. Naku Lettie hindi maganda kung ipagpapatuloy mo iyan alam mo ba. Hindi ka makakahanap ng boyfriend kapag ganiyan ka," komento din ni Jena na kung makatingin sa kaniya ay para bang isa siyang worst case at wala ng pag-asa pang mabago. "I'm not acting like an old maid okay. Besides kailangan ba na may experience ang isang tao sa pakikipagrelasyon para malaman na sakit lang sila ng ulo? Tingnan niyo nga kayo o lalo ka na Aya, palagi kang pinapangakuan ng ex mo ng kung anu-ano noon pero anong ginawa niya? He betrayed you," katwiran niya. Bumuntong hininga ito at sumimsim muna ng juice bago muling bumaling sa kaniya. "True. But it doesn’t mean na magpapakabitter ako sa kaniya habang buhay. After all marami pa naman diyan. Ayokong sumuko na darating ang panahon na makakakita ako ng lalaking hindi ako lolokohin. At least sinubukan ko kung siya nga ba ang lalaking hinahanap ko hindi ba? Kung hindi umubra o di hindi. Move on na," sabi nito na para bang hindi ito nagdadadaldal kanina lamang.  But then again, that’s the ever so strong Aya she’s talking to anyway. Isa iyon sa kinabibilib niya kay Aya. Mature itong mag-isip at palaging positive sa buhay. Kapag ito ang nagsasalita ay parang ang dali ng lahat ng bagay. "Ayan! Dahil diyan mag seset ako ng date for us! Idadamay na rin kita Lettie para hindi ka tumandang dalaga," sabi naman ni Jena, ang kaisa isang babaeng nakilala niya na hindi yata nawawalan ng kadate. Sa palagay niya nga sa lawak ng connection nito na mga singles ay maari na itong magtayo ng matchmaking company. Napalabi siya. "Hindi naman siguro ako tatandang dalaga. If I could find a guy taller than me, responsible and could take care of himself at siyempre ako na rin, iyong walang bisyo at hindi playboy, iyong matalino at magiging mabuting ama okay na ako. I'd fall in love with him at any moment," aniyang bahagya pang napangiti. Hindi naman siya masyadong choosy. Ganoong klase lang naman ng lalaki ang gusto niya. Kahit hindi masyadong mayaman o hindi ubod ng guwapo basta mayroon ng mga kuwalipikasyong iyon ay masaya na siya. Muli ay tinitigan siya ng mga ito. Pagkuwa'y sabay pang bumuntong hininga. "Wala ka na talagang pag-asa Lettie. Mag-alaga ka na lang ng aso para pag tanda mo may kasama kang living thing," naiiling na sabi ni Jena. "Bakit naman?" defensive na tanong niya. Tinapik siya ni Aya sa balikat. "That kind of man runs out the fastest you know.  Sa bagal mo malabong makakita ka ng ganyang lalaki na hindi pa natatalian," sabi nitong tila nakikisimpatya. "Huwag naman kayong ganyan. Actually okay lang sa akin kahit hindi sobrang guwapo. A normal guy is fine. Besides, if you find a handsome guy at single pa that means there's something wrong with him right? Kaya okay lang sa akin ang normal na lalaki. Marami naman siguro niyon hind iba?" aniya pa sa mga ito. "Whatever you say Lettie," magkapanabay pa na sabi ng mga ito. Hindi niya tuloy alam kung maiinis o hindi na para bang ayaw na siyang kausap ng mga ito. Hindi na lamang siya nagkomento at itinuon ang pansin sa pag-ubos ng pagkain niya. Ah boyfriend huh? Ang totoo ay hindi pumasok sa isip niya na seryosong humanap ng magiging kasintahan. Ang utak niya ay masyadong abala sa pagiisip ng ibang mga bagay tulad ng mga gastusin sa bahay at problema sa pamilya. Idagdag pa na isang buwan pa lang naman siya sa trabaho niya sa Valencia Furnitures kaya ang focus niya ay sa trabaho. Sa naisip ay muli siyang napasulyap kina Aya at Jena. Magkakasabay silang nakapasok sa kumpanyang iyon. In fact, sa interview proper pa lamang ay nagkakilala na silang tatlo. They all hit it off at magkasundong magkasundo sila sa kabila ng pagkakaiba nila sa ibang bagay. Kaya naman ang laki ng tuwa niya nang malamang tatlo silang natanggap sa trabaho. Mula noon ay naging matalik na silang magkakaibigan.  Dahil sa mga ito kaya naeenjoy niya ng husto ang pagtatrabaho roon. "Hey, speaking of a handsome guy, what do you think of our company president? He was so hot right?" komento ni Jena na kumislap pa ang mga mata. Ngumiti si Aya. "Yes he is. Kaso masyadong elite naman ang lalaking ganoon. Mayaman, ubod ng guwapo at powerful.  He was even hailed as the hottest company president bachelor of a magazine right? Alam ko isa ang issue na iyon sa magazine sa dahilan kung bakit dumami ang kliyente ng kumpanya. Karamihan sa mga bagong kliyente ay mga babaeng entrepreneur o mga babaeng anak mayaman na nais magpagawa ng mga furnitures para mapalapit kay president. Kaya asset ang pagiging single niya. May nakalap pa akong balita na mas gusto daw ng mga board of directors na manatili siyang single sa kasalukuyan dahil baka daw bumaba ang income ng kumpanya kapag bigla siyang nag-asawa dahil tiyak magpu-pull out ang ibang kliyenteng siya ang main target.” “Ang weird naman ‘non. Dahil lang mag-aasawa siya mababawasan na ang kliyente? Walang tiwala ang mga board of directors sa kakayahan ng presidente at sa ganda ng mga furnitures ng kumpanya?” singit niya sa usapan. Itinirik ni Jena ang mga mata. “Well, mahirap i-grasp ang takbo ng utak ng mayayaman. Kahit naman ako mas pipiliin kong makipagnegosasyon sa guwapo at single kaysa sa may asawa no. After all, personal na hinahandle ng presidente ang mga VIP clients ng kumpanya,” sabi pa nito. Hindi na lang siya sumagot at ipinagpatuloy ang pagkain.  “Kaso nga he’s so out of reach. At kahit yata within reach ko ang ganoong lalaki ay hinding hindi ako lalapit. He’s a walking heartache," natatawang sabi ni Aya. "Hay tama ka diyan. He’s an every woman's dream and at the same time nightmare. In short talagang hanggang pangarap lang siya at hindi pwedeng seryosohin. But still we are lucky to work for a company na may ganoong presidente. Inspirasyon na rin. Kaso bihira din naman natin makita dahil lagi siyang nasa top floor o kaya nasa ibang bansa at out of town," sabi naman ni Jena na hindi itinago ang panghihinayang. Isa ang presidente ng kumpanya nila sa palaging usap-usapan ng mga empleyado. Actually hindi lamang ng mga empleyado ng Valencia kung hindi maging ng buong bansa at ng press. Ito lang yata ang businessman na palaging laman ng mga showbiz reports. Paano ay ayon sa mga kaibigan niya ay palaging mga sikat na celebrity o kaya ay socialite ang mga ka date nito. In short though he was a ruthless and extremely intelligent businessman, he was still a certified womanizer.  "Ano ngang itsura niya?" curious na tanong na naman niya. Hindi pa kasi niya ito nakikita ng personal. Hindi rin siya nag-aabalang manood ng telebisyon o magbasa ng mga diyaryo para lamang hanapin ang mukha nito. Masyado siyang abala para doon. Isa pa ay nasa ground floor ang departamento nila kaya malabong makita nila ang presidente. Maang na napatingin ang mga ito sa kaniya. "What? You don’t know?! Nagsalita siya noong orientation natin ah!" sabi ni Jena. Napangiwi siya. "Natulog ako noong orientation actually," amin niya. Bukod kasi sa pagtatrabaho sa araw ay nag papart time call center agent pa siya sa gabi noong mga panahong iyon. Noong una ay full time siya roon. Pero sa huli ay narealize niya na hindi talaga siya pang ganoong klase ng trabaho. Kahit maraming nagsasabing mas malaki ang kikitain niya kung ituon na lamang niya ang atensyon sa call center company dahil malaki ang kita ay mas ginusto niya pa ring magkaroon ng day job sa isang kumpanya. Iyon kasi ang pangarap niya. Ang maging isang normal na empleyado sa isang malaking kumpanya. Tuloy ay pinagsasabay niya iyon noon para makadagdag sa kita dahil kailangang kailangan niya ng pera.  Nang araw ng orientation nila ay nag overtime siya sa part time job niya kaya wala siyang tulog nang dumating siya sa Valencia Furnitures. Kaya kahit ayaw niya ay nakatulog siya sa orientation. Mabuti na lamang ay hindi siya nahuli. Pagkatapos ng meeting itinanong na lamang niya kina Jena at Aya kung ano ang sinabi sa orientation. "Oo nga pala natulog ka lang ng araw na iyon. I really can’t believe it. You let the chance of seeing a handsome guy like that in person slip away," manghang komento ni Jena. Kung magsalita ito ay parang kalahati ng buhay niya ang sinayang niya sa ginawa niya. "I can’t help it. At that time mas mahalaga na makatulog ako kahit papaano kaysa sa lalaki. Alam niyo naman kailangang kailangan kong kumayod ng husto," pagtatanggol niya sa sarili. Aya sighed. "Hanggang ngayon naman eh. Ang dami mo kasing baggages Lettie sa totoo lang. Ni wala kang panahong para sa sarili mo. And how old are we? We are already twenty eight. Malapit na tayong mawala sa kalendaryo hindi mo pa nararanasan makipagdate. Paano ka na lang kapag nakapag-asawa na kami ni Jena? Mapagiiwanan ka namin," sabi naman nito at tinapik siya sa balikat. Hindi naman siya nakaimik. May punto naman kasi ito sa mga sinabi nito. Sigurado naman talaga siya na mauunang magsipag-asawa ang mga ito sa kaniya. Sa kanilang tatlo rin, siya ang wala pang experience sa pakikipagrelasyon. Naturingang bente otso na siya ay never been kissed never been touched pa siya. Noon kasi, well hanggang ngayon naman, ay hindi naman siya masyadong mahilig tumingin sa lalaki. Nang makilala niya lang sina Jena at Aya at ipoint out ng mga ito sa kaniya ang mga advantages at disadvantages ng paghahanap ng lalaki sa edad nila ay saka lang siya naalarma kahit papaano.  Pero sa dami naman kasi ng problema niya ay hindi na nga niya alam ang uunahing isipin magdadagdag pa ba naman siya ng lalaking sakit lang din ng ulo? Ah, di bale na lang. Sobra sobra na sa kaniya ang mahigit isang milyon at patuloy pang nagkakainteres na utang na iniwan ng tatay niya sa kanila nang malulong ito sa casino. Mayaman sila dati. Ang lola niya na siyang ina ng kanyang ama ay kilalang negosyante. Marami silang malalaking grocery stores sa iba't ibang panig ng maynila noon. Nang mamatay ang lola niya noong sampung taong gulang siya ay ang papa niya ang nagmana niyon. Pero di tulad ng lola niya ay mukhang walang swerte sa negosyo ang papa niya. Idagdag pa nga na bigla itong nalulong sa bisyo. Noong high school siya ay unti-unti silang nalugi at isa-isang nagsara ang mga grocery stores nila. Noong tumuntong siya ng kolehiyo ay wala nang matira sa kanila kung hindi ang bahay na pamana sa kaniya ng lola niya na sa kabutihang palad ay hindi nasama sa mga ginawang collateral ng papa niya sa mga utang nito dahil kung hindi ay hindi na niya alam kung saan sila pupulutin ng mama niya. Ngunit dahil masasamang tao pala ang napagkautangan ng papa niya dahil sa pagsusugal ay tumubo ng tumubo ang mga utang nito. Isang araw ay hindi na lamang niya ito nagisnan sa bahay at nag-iwan lamang ng sulat. Tumakbo ito sa mga pinagkakautangan nito. Tanda niya ay kakagraduate pa lamang niya sa kolehiyo nang araw na mangyari iyon.  Dahil doon ay sila naman ang ginugulo ng mga pinagkakautangan nito. At kapag hindi niya nabayaran ang utang sa lalong madaling panahon ay tiyak na kukunin ng mga ito ang bahay nila na mahal na mahal ng lola niya habang pabaon sila ng pabaon sa utang. Worst, baka kapag nainip ang mga ito ay saktan pa sila ng mama niya. At ayaw niyang mangyari iyon. Pero ilang taon na siyang kumakayod ng husto ay hindi pa rin mabawas-bawasan ang mga utang nila. Dahil hindi naman malaki ang suweldo niya ay halos tubo lamang ng utang nila ang nababayaran niya. Ganoon katinding sakit ng ulo ang iniwan ng papa niya sa kanila. Kaya masisisi ba siya ng mga ito kung ituring niyang sakit ng ulo ang mga lalaki? Ang kanyang ama ang matibay na pruweba. Tumikhim si Jena. "Ay naku. Pasasaan ba at magkakaroon din ng kasagutan ang lahat ng problema mo Lettie.  For sure," pagpapalakas loob nito sa kaniya. Ngumiti siya. "I hope so. Hay tara na nga lang at bumalik sa trabaho tapos na ang lunch break. Ang dami pa nating gagawin pala," sabi na lamang niya. Sumang-ayon naman ang mga ito at sabay sabay na tumayo. Bumuntong hininga siya nang masigurong hindi na ito nakatingin sa kaniya. Tama, pasasaan ba at magiging maayos rin ang lahat sa buhay nila. Makikita rin nila ang lalaking hinahanap nila, siya naman ay maayos na ang gusot na iniwan ng papa niya sa kanila ng mama niya. Kung sana lang talaga may madaling paraan para maresolba ang problema niya. Ang saya sana.
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD