HINDI naman mahaba ang naging biyahe naming magkapatid mula sa UP papunta ng sementeryo kung saan nakalagak ang labi ng aming mga magulang. Isang bungkos ng mga bulaklak na gawa sa puting daisy at angel's breath ang dala naming dalawa. Ang death anniversary nila ay magkasabay naming isinecelebrate dahil isang linggo lang ang pagitan nito.
"Sabi ko kasi sa'yo dalhan natin ng pagkain sila kagaya ng ginagawa ng iba---" banggit ko muli kay Frion. Ilang ulit kong sinabi sa kanya na ipagdala namin ng makakain ang aming mga dadalawin ngunit matigas ang pagtutol niya. Ang totoo ay napanood ko lang naman iyong ganoong ritwal sa MMFF kapag Pasko.
"Alam mo naman 'yang parents natin. Isusubo na lang nila ibinibigay pa sa ating dalawa. Lalo na at kitang-kita nila na pinagkakasya lang natin ang mga panggastos natin sa araw-araw. Kaya 'wag ka na gumaya sa mga napapanood mo sa mga palabas. Iyang mga movie kapag pasko gaya ng Mano Po, 'wag mong masyadong dinidibdib! Mayayaman ang mga bida doon kaya pwedeng maghanda pati maglagay ng insenso kapag anibersaryo ng pagkamatay." Napailing ako sa haba ng paliwanag ni Frion. Totoo namang doon galing ang ideya ko. Tuwing Pasko lang kami nakakanood ng sineng magkapatid. Bonding time namin iyon kaya alam niya kung saan ko nakita ang pagaalay ng pagkain sa mga kaluluwa ng mga namayapa.
"Grabe and dami mo namang sinabi! Napakahaba naman ng paliwanag mo. Nay, Tay, si Frion ang lakas magsermon. Baka kapag nagka-asawa ito mapagkamalan na tatay siya dahil daig pa ang matanda kung makapangaral at magbunganga." Nakairap kong tugon. Biro ko lang naman iyon. Sa aming dalawa, halos pantay lang kami ng pagtatalak sa isa't-isa. Lamang lang minsan si Frion dahil siya ang nagbibigay ng extrang pera sa 'kin.
Walang tao halos sa sementeryo kaya't naupo kami sa damuhan bago nagtirik ng kandila. Sumandal ako sa balikat ng kapatid ko na nakapikit. Nang mapagtanto ko na nakakatulog siya ay inayos ko ang pwesto naming dalawa.
"Huy, huwag kang matulog! Sabi na nga ba makakatulugan mo lang ang pagdalaw dito, eh. Magdasal na tayo para makauwi na at makapagpahinga ka--" tugon ko nang mapansing hikab ng hikab ang aking katabi at parang nagpipigil pang mapapikit. Dahil antok na antok siya ay ako na ang nagsimulang dumaldal.
"Alam mo, maswerte talaga tayo, eh. Biruin mo, best friend ni Nanay ay madre at in charged pa sa bahay ampunan. Naimagine mo ba kung sakaling walang Sister Jayde sa buhay natin?" tanong ko sa kapatid kong namumungay ang mga mata at nakadantay na rin ang ulo sa akin. Pumuwesto ako ng maayos para makasandal kaming dalawa sa isa't isa. Ganoon naman talaga kami n Frion, kami ang haligi at sandalan, walang ibang kakapitan kung hindi kaming dalawa lamang.
"Siguro nasa kalye? O baka naman may asawa ka na ngayon--" Natatawa niyang sabi. Inundayan ko siya ng aking siko at napa-aray siya at saka natawa.
"Grabe ka. Ang bata ko pa! Hindi ko pa naiisip ang mga ganyang bagay-bagay."
"Parang hindi naman halata na hindi mo naiisip. Freya, si Stefano, bigyan mo ng hangganan ang pagiging mapusok, ha. Ayokong magpapabuntis ka sa mama's boy na 'yan." Gigil na gigil na nanamg sabi ni Frion.
Napapikit ako at napabuntonghininga ng malalim. Hindi na natapos ang usapan naming iyon tungkol kay Stefano.
"Feeling ko naman baka late pa ako mag-aasawa. Ang dami ko pang pangarap sa buhay. Gusto ko magtayo ng sarili kong negosyo. Iyong masasabi ko na pinaghirapan ko at sa akin talaga."
"Tama 'yan. Be ambitious. Sayang ang ganda at talino ng lahi natin kung sa Stefano lang na ' yon ka mapupunta---"
"Kuya---"
"Sabi ko nga titigil na 'ko. Pero kidding aside, kapag naisip mo na kung ano ba talaga ang gusto mong gawin sa buhay, pursue it. Kapag naging nurse na 'ko mauuna na akong mag-abroad. Papadalhan kita ng maraming pera para makapagtayo ka ng negosyo mo."
Lumapad ang ngiti ko.
"Wow. Ang bait ng kapatid ko. Nakabawi ka na agad sa panlalait mo kay Stefano." Nakangiti kong sabi.
"Wag mo na ngang binabanggit 'yang jowa mong 'yan. Basta, makaraos lang tayo ngayong nag-aaral pa tayo, giginhawa rin ang buhay nating dalawa. I-manifest natin 'yan, kapatid ko, okay?"
"Nay, Tay, narinig po ninyo, ha? Bibigyan daw ako ng pera ng pinakagwapo kong kapatid--"
"Foul! Isa lang ang kapatid mo at magkamukha tayo--" Pinitik ni Frion ang braso ko.
Umalingawgaw sa sementeryo ang tawa ko. Mabuti hindi niya sinabi na matagal naman na niya 'kong binibigyan ng pera.
"Sabi ko nga babaguhin ko ang statement. Nay, Tay, ang kakambal kong sobrang gwapo, matalino at simpatiko, bibigyan daw po ako ng pang-kapital sa negosyo kapag nurse na siyang nagtatrabaho sa abroad."
"Binanggit pa talaga natin ang salitang abroad." Napapailing na sabi ni Frion.
"Oo nga. Naalala ko sabi ni Nanay, kapag nag OFW daw ang mga Pilipino, sinasayang raw ang talento sa ibang lahi. Sana daw sa kapwa Pilipino na lang gugulin ang talino at sipag."
"Oo, naalala ko rin. Pero isipin mo rin, bakit ba umaalis ang mga propesyonal sa bansa natin?" tanong niya. Biglang naging seryoso ang usapan.
"Dahil ang traffic dito ay nakakasulasok at sobrang lala?"
"Oo tama kasama 'yon, pero may iba pa---"
"Dahil walang oportunidad at walang maayos na kita at talaga namang kapag dito sa atin, kapag mahirap ka, mahirap ka. Parang wala kang chance na yumaman--"
"Tumpak. Kaya masaya ako at natanggap akong care giver s***h nursing aide."
Alam kong simula iyon ng pagtupad niya ng mga gusto niyang gawin sa buhay.
"True. So paano, simulan na natin ang pagdarasal, ha, Kuya?"
Tumango si Frion at saka kami nagsimulang magdasal na dalawa. Napangiti ako nang makitang nilalabanan ng kapatid ko ang sobrang antok. Tuwing mahuhuli siya ng pagsagot sa dasal ay sinisiko ko siya. Nakakasagot naman siya kapag biglang nagising. Nagtagal lang ng kinse minutos ang pagdarasal namin. Baka nga dapat ay sampung minuto lang iyon, kaso ay nakakatulugan nga ng masipag kong kapatid kaya't medyo napatagal ang pagtapos ng panalangin namin para sa mga kaluluwa.
Nang matapos ang aming misyon sa puntod ng aming mga magulang at naubos na ang dalawang maliit na kandila na itinirik namin malapit sa puntod, naunang tumayo si Frion at saka ako hinilang patayo.
Palabas na kami ng sementeryo, naglalakad sa mahabang driveway doon nang may dumaan na kotseng itim. Huminto iyon sa tapat namin at sumilip sa bintana ang tatlong babaeng sakay niyon. Kahit hindi pa gabi ay napakakapal ng make-up nila lalo na sa mata na parang akala mo ay pinausukan o inulingan sa sobrang pagka-smokey eyes effect.
"Pogi, sama ka sa'min?"
Inangklahan ko ang kapatid ko para isipin ng mga babaeng iyon na hindi pwede si Frion. Ngunit sadyang malandi ang kapatid ko.
"May lakad kami ng kapatid ko, eh. Sa ibang araw na lang." Natatawang sabi nito habang sinipa ko ang paa niya. Kahit kailan mapagpatol talaga itong kapatid ko.
"Sayang naman. Mag-eenjoy ka pa naman sana, Foursome, ayaw mo?"
"Tara na nga, Kuya. Nakakadiri, ha. Dito pa kayo nagusap sa harapan ko ng kahalayan--" Pairap kong bulong sa kanya.
"Bye girls!" Kumaway pa ang lalaking gwapong-gwapo sa sarili at saka kami muling naglakad papalabas ng lugar na iyon. Napaisip ako bigla kung bakit sa sementeryo naghahanap ng makaka-hook up ang mga babaeng malalanding iyon.
"Bakit sa sementeryo pa naghahanap ng boylet ang mga 'yon?" tanong ko nang hindi na ako nakatiis.
"Alam ko ang trend ngayon, para daw mas exciting ang s*x, humahanap ng mga ka-hook up tapos sa isang bakanteng lote dito sila mag-aanuhan."
"Potek na 'yan. Di na ginalang ang mga patay---"
"Ang term pa nga dito, papatayin daw sa sarap--" Natatawang sabi pa ni Frion.
"Kadiri, Kuya! Ano ba, TMI na masyado, ha. Parang natutuwa ka pa habang kinukwento mo sa'kin!"
"Oo nga tama. Bakit ko ba kinukwento sa'yo. Siguruhin mong birhen kang haharap sa altar, Freya. Kakalbuhin talaga kita kapag nagpabuntis ka sa---"
"Aish! Oo na ngaaaa!" Nakatakip ang tainga kong sigaw. Nagmadali akong maglakad habang papadyak ang mga yabag. Ipinakita kong inis na inis na ako sa kakaulit niya ng bagay na iyon. Imbis na mag-sorry ang kapatid ko ay tumawa lang ito ng malakas. Tumakbo palapit sa akin at saka umakbay sa aking balikat.
"Joke lang naman. Matanda ka na. Alam mo na 'yan. Inaasar lang kita. Ang cute mo kasi pag napipikon." Nakangisi niyang sabi. Humarap ako sa kanya at saka ko piningot ang kanyang tainga.
"Wala ka lang talagang ma-asar. Kung naghahanap ka na kasi ng girlfriend, hindi 'yang puro pambababae lang ang gawa mo---"
"Marami pa akong pangarap sa buhay, Frey."
"Gaya ng?"
"Gaya ng matikman ang half ng population sa Metro Manila---"
"Gagu ka talagaaaa!" Gigil kong sigaw sa kanya. Tawang-tawa siyang bumitiw sa akin at saka tumakbong papalayo habang hinahabol ko siya para hampasin, kurutin o pingutin.
Kapwa kaming hinihingal pagdating namin sa labas ng sementeryo, sa lugar kung saan pwede nang sumakay ng dyip.
"O di ba, ang bilis natin nakarating dito---"
"Ibig mong sabihin---" tanong ko.
"Oo para mabilis tayong makauwi nagpahabol ako sa'yo. Kung hinayaan kita kanina maglakad lang ng kusa, baka isang oras na wala pa tayo dito sa kanto! Joke lang naman ang sinabi ko tungkol sa population!"
"Grabe ka. Mabilis naman akong maglakad."
"Para sabihin ko sa'yo. Iba ang paglalakad sa park at sa memorial park!"
Ako naman ang natawa dahil sa pagnguso at pag-irap niya.
"Parehas namang park 'yon, ah."
Hindi na niya nasagot pa ang pasaring ko dahil may parating na dyip na biyahe sa lugar na uuwian namin.
"Ayan, may dyip na. Dali para, mama!" Sigaw ng kapatid kong eskandaloso.
Paghinto ng dyip na gawa sa stainless steel at biyaheng Katipunan, pinauna ako ng kapatid kong sumakay at saka siya sumunod. Magkatapat kaming nakaupon sa may gitna ng dyip na halos puno na ng sakay.
Ilang minuto pa ay naipakita na ng kapatid ko ang talento niya. Pagsandal niya sa sandalan ay agad siyang nakatulog. Gusto ko sanang tabihan siya nang may bumaba na isang lalaking katabi niya ngunit naunahan ako ng isang baklita. Napailing ako at napairap. Hinayaan ko na lang na pagpiyestahan ng taong iyon ang kagwapuhan ng kapatid ko. Kung sabagay, tingin lang naman. Wala rin namang masama kung may gusto siya kay Frion dahil gwapo naman talaga ang kakambal ko. Nagpigil na lang ako ng tawa nang biglang mapasandal si Frion sa balikat ng katabi niya. Napakagat ng labi ang binabaeng iyon at saka nagpaypay pa ng mukha. Mas napangisi ako nang nagsimulang amuyin si Frion ng taong iyon.
"O sinong bababa ng Katipunan!" Pagsigaw ng driver ng dyip ay agad na iniangat ng kapatid ko ang ulo niya. Sakto namang paamoy sa buhok ni Frion ang binabae. Tumama ang ulo ni Frion sa labi nito . Sa tigas ng ulo ng kapatid ko, literally at figuratively, nagdugo ang bibig ng binabae. Si Frion naman ay hindi napansing may natamaan siya dahil pumara ito at saka tinapik ang tuhod ko.
"Miss, sorry, ha." Sabi ko sa binabaeng nagpupunas ng bibig na nagdurugo pa rin.
Pagbaba namin ni Frion ay saka ko ikinwento sa kanya ang nangyari. Tawang-tawa ako habang siya naman ay nakanganga at hindi makapaniwala.
"Langya ka, hinayaan mo akong mamolestiya!"
"Hoy, 'wag kang OA at judgemental! Nag-appreciate lang ng kaguwapuhan mo iyong tao. Isa pa. Ikaw naman ang naunang dumantay sa kanya. Pasalamat ka nga hindi ka itinulak. Binangasan mo pa ang labi." Napapailing at nakangisi kong sabi.
Nakakita na kami noon ng sasakyang dyip at pumara na si Frion. Hanggang sa makauwi kami ng bahay ay hindi kami tumigil sa pagkukulitan at pagbabangayan.
"Sa susunod kasi, tatabi ka sa'kin agad para hindi ako napupuruhan ng mga fans ko--"
"Kapal mo talaga, Frion. Ibang-iba ang level ng kahambugan mo." Pairap kong sabi.
"Nagsasabi lang ako ng totoo. Kung pinatulan ko ang mga modelling agencies ay baka sikat na 'ko ngayon. O kaya kung sumali ako sa mga Mr. Pogi, Mr. Universe, ganiyan, baka nadiscover na 'ko, lalo na at may sob story tayo. Iyon ang mga tinatanggap sa pakontest hindi ba?"
"Naalala ko noong nagpaalam ka sa'kin na pipila ka sa PBB." Humagalpak ng tawa ang kapatid ko. Umabot pa kaming dalawa sa pila noon na sobrang haba na parang kinabukasan pa kami aabot sa pintuan ng bahay ni Kuya kung sakaling itinuloy namin ang pag-apply.
"Oo ayaw ng langit dahil umulan ng malakas tapos na-postpone ang auditions. Tapos kinabukasan nilagnat ka kaya hindi na tayo nakabalik."
"Naalala mo abang na abang tayo sa may ABS-CBN noon, naghahanap tayo ng artista---"
"Huy, ikaw lang ang nag-aabang ng artista! Mas mukha pa akong artista sa kanila--"
"Kapal mo talaga. MInsan hindi lang din gwapo ang labanan. Humility rin."
"Siyempre kapag ikaw kausap ko sa totoo lang tayo. Walang humility!"
Napailing ako at napabuntonghininga nang sinubukan naming buksan ang ilaw ng tinutuluyan naming kwarto.
"Pinutulan ata tayo ng kuryente, Kuya?"
Ang masaya naming paguusap ay nauwi sa sabay naming pagbuntonghininga.
"Hindi ko pa kasi nabayaran ang renta. Alam mo naman dito. Nakiki-jumper lang ang landlord feeling pa niya siya ang may-ari ng meralco."
"Buti na lang malamig ang panahon. May kandila ka ba sa loob?" tanong ko. Ayaw ko. sana ng madilim.
"Hala. Ginamit na natin kanina---"
Kapwa kami napabuntonghiningang muli.
Inakbayan ako ng kapatid ko at saka humilig sa ulo ko.
"Kaunting tiis na lang, Frey. Makakaahon din tayo sa lugar na ito at makakaraos sa buhay. Kaunting tiis na lang."
Tumango ako at umakbay rin pabalik sa kanya. Tama si Frion. Kailangan lang naming magtiis muna. Malapit na malapit nang matupad ang mga pangarap naming dalawa. Makapagtapos lang kami ng pag-aaral ay magiging simula na ng maganda naming buhay.