"Kanina ka pa?" tanong ni Frion sa akin. Nag-inat pa muna ito at saka naghikab. Si Frion na male version ko. We may be fraternal twins but we look like a replica of each other. Siguro kung naka-wig siya ay mapagkakamalan kaming identical twins.
"Kakadating lang. Iba ka rin, eh, no? Nakaamoy ka ng pagkain bigla-bigla kang nagigising?" Napapailing kong sabi. Naghikab siyang muli at saka ngumiti. Matapos ang final exam namin ng nobyo kong si Stefano ay kumain lang kami sa isang eatery doon sa may UP kung saan kami nag-aaral at saka ako nagpahatid na sa bahay. Doon na lang namin napagkasunduang magkita ni Frion para sabay kaming magpunta ng sementeryo para dalawin ang mga magulang namin. Sa Loyola Memorial Park sa Marikina nakahimlay ang mga magulang namin. Kapwa nag-iisang anak ang mga magulang namin at wala silang ipinakilalang ibang kamag-anak. Sa himlayan ng mga Sevilla na pag-aari ng aming Lolo at Lola sa father side ibinilin ng mga magulang namin sila ihimlay matapos nilang pumanaw. Kasama iyon sa huling habilin nila. Dahil walang ibang mag-aalaga sa amin ay sa bahay ampunan muna kami ipinakisuyong manatili kahit na katorse anyos na kami noon. Matalik na kaibigan ng aming ina ang madreng kumupkop at nag-alaga sa amin, si Sister Jayde.
Pagdating ko sa bahay ay pinauwi ko kaagad si Stefano. Alam kong naghihintay ang kakambal ko sa loob dahil matapos ang tutorial session niya ay nagabiso itong uuwi kaagad. Pagbukas ko ng pintuan ay naroon nga siya at natutulog. Inilapag ko muna ang dala kong gamit sa may gilid ng higaan habang isinalin ko ang dala kong nakasupot na ulam sa isang platito. Ang kanin naman ay inilagay ko na sa plato. Siguradong hindi pa kumakain si Frion kaya't ipinagdala ko na ng pagkain. Kahit hindi ko naman ginigising ay tila may radar ang kapatid ko sa pagkain. Napadilat ito at nang makita ang igado na ulam na paborito niya ay agad itong bumangon.
"Kanina pa nga ako gutom. Mamon at zesto lang ang pinameryenda ng tinuruan ko kanina. Ang barat na bata."
Natawa ako at napailing. Lagi naman siyang pinapakain ng mga tutees niya pero ngayon lang siya nagreklamo na hindi siya nabusog. Baka walang pera ang tinuruan niya.
"Antok na antok lang? Dami mong antok?" Sita ko nang naghikab na naman si Frion.
"Sige na kumain ka na muna bago tayo umalis. Hindi kaya matraffic ngayon papunta doon?" Dagdag ko pa habang iniaabot sa kanya ang mga kubyertos para makapagsimula na siyang kumain ng dala kong isang kanin at dalawang piraso ng barbeque.
"Baka hindi naman matrapik dahil hindi pa rush hour. Kaya nga buti maaga ka rin umuwi. Hindi rin tayo pwedeng gabihin kasi may trabaho ako mamayang ala-seis." Napanganga ako sa sinabi niya. Halos hindi na siya natutulog dahil sa kakatrabaho. He's supporing us both with his jobs. Kahit scholar kami ay kailangan pa rin ng panggastos.
"May trabaho ka na naman? Akala ko ba end of contract ka na doon sa fastfood chain?" Nagkakamot ang ulo kong tanong. Isa sa mga trabaho ni Frion ay staff sa isang kilalang fastfood chain, ang Jollibee.
"Hindi pa pala effective, mali ang alam kong date. Sa Lunes pa. Nagpaalam nga akong mag-overtime para makaipon ng kaunti habang wala pang kapalit na trabaho. Nakapag-aral naman na 'ko. Kaunting review na lang bago ang last day ng finals sa Lunes."
"Naka-ilang oras na tulog ka na ba? Baka magkasakit ka naman niyan. Mas okay sana kung isang trabaho na lang hanapin mo. Pagka-graduate ba mag-rereview ka at exam kaagad?" Dahil nursing ang kurso ng kapatid ko ay iyon naman talaga ang plano. Ngunit hindi iyon madali dahil magastos mag-review at exam. Matapos pa ang board exam at makapasa ang bagong nurse ay hindi pa agad makakapagtrabaho ng may sweldo dahil ang kalimitang kinukuha ng mga ospital ay iyong may experience na.
"Ngayon na lang naman ito. Hindi ko pa pala nasabi na may kumukuha sa aking nursing aid or care giver after graduation. Maganda ang sahod at stay in din. Mas makakapagreview ako kung ganoon ang trabaho ko. At least nga isang trabaho na lang at isang tao lang ang aalagaan. Babae daw ang aalagaan ko. Kakilala ni Prof. Martinez ng Philosophy. Alam mo naman si Prof, kapag may mga raket ako kaagad ang naiisip." Nakangising sabi ni Frion. Ang Professor Martinez na sinasabi niya ay kababata ni Sister Jayde. Nabanggit ni Frion noon na sa St. Mary's Orphanage kami lumaki at tinanong nito kung may kakilala kaming madre na Jaydelyn ang pangalan. Simula noon ay lagi na silang nakakapagkwentuhan. Si Sister Jayde pala ang the one that got away ni Professor Martinez kaya't hindi na ito nag-asawa.
"Care giver ng sino?" Tanong ko. Hindi ko maaring ipaalam na may nagsabi na sa akin ng balita dahil mas maasar si Frion kay Stefano na siyang nagtsismis sa akin tungkol doon.
"Cancer patient. Mag-isa daw sa bahay. May taga-linis lang yata at kusinera pero hindi stay-in. Sabi ni Prof, pwede pa daw magpagamot kaso aayaw na daw pumayag. Malungkot daw kasi kaya maghihintay na lang ng nalalabing araw."
"Grabe naman ang lungkot siguro ng buhay niya para hindi niya piliing magpagamot. Mayaman naman siguro dahil naghahanap pa nga ng care giver?"
"Mayaman daw. May mga pagmamay-aring buildings for lease at apartments for rent. Real estate daw ang negosyo, eh. Tapos sabi pa ni Prof. Martinez, borderline billionaire daw iyon at walang tagapag-mana."
Napaisip ako kung maganda nga ba talagang magtrabaho si Frion doon kung ganoon ang sitwasyon.
"Uy, Kuya, ah. Baka naman magkagusto ka pa doon sa matanda?"
"Hindi naman daw matanda. 47 years old. Matanda ba 'yon?"
"Ang sinasabi ko lang, mahirap na ma-involved sa ganyan. Baka masabihan ka pa na ginayuma mo or nilason kapag namatay--"
"Huy, Freya, ang bibig mo nga. Nakakainis ka! 'Wag ka ngang ganyan. Una sa lahat, hindi masamang pumatol sa matanda o bata, basta mahal ninyo ang isa't-isa. Pangalawa, hindi pa nga natin kilala iyong tao, ang dami mo nang sinasabi. Masyado kang advanced mag-isip. Magtatrabaho lang naman ako, hindi naman ako mag-dedate!"
"Malay ko ba. Alam mo na uso ang tsismis ngayon. Ayoko lang ma-tsismis ka, Frion. Masira pa ang pagka-babaero image mo."
"Kaya nga image, ang tawag dahil hindi totoo. Never naman ako nambabae. Nagpapalibre lang ako ng pagkain di ko naman sila pinapatulan," nakangising sabi ng kapatid kong habulin ng mga babae.
"Grabe sa pagpapalibre."
"Para sa akin, I'm providing them with my expensive presence, kaya magpapakipot pa ba ko na sila ang manlilibre ng pagkain? Makakatipid na rin ako, nakatulong pa 'ko sa kanila."
"Wow. Kailan pa naging help to mankind ang pakikipag-date sa 'yo?" Nakapameywang kong tanong.
"Nananahimik ako sa library, may mga lumalapit. Iba nagpapa-tutor. So may bayad na 'ko, libre pagkain pa. Tapos kung di na sila nakakapagpigil, inaaya na ko kumain sa labas. Wala naman akong ipinangako sa kanila na kahit ano. O hindi ba tinulungan ko na sila sa lagay na iyon?"
"Ewan ko sa'yo. Kakaiba ang mga prinsipyo mo sa buhay. Parang lahat na lang pwede."
"Why do you have to limit yourself just to please other people? Dapat be kind to yourself. Sarili mo lang muna isipin mo. Sa buhay ngayon, survival of the fittest dito sa mundo lalo na sa mga katulad natin na wala pang nararating sa buhay. Ang importante, hindi nanggagamit ng garapalan. Give and take. Ako sa kaso ko, ibinibigay ko ang oras ko sa kanila, na napaka-precious, kaya bakit naman ako mahihiya na magpalibre o magpabayad sa tutorials, hindi ba?"
"Oo na. Lumamig na ang pagkain. Ikaw talaga. Dapat nag-abugado ka, hindi nurse. Baka mas matalino ka pa sa judge."
"Ikaw ang judgemental kaya dapat ikaw ang nag-abugasya."
Nagkakatitigan kaming dalawa at saka nagtawanan ng malakas. May mga oras na ganoon lang kaming dalawa. Nagtatalo tapos magtatawanan. Kahit kakaibang mag-isip ang kapatid ko ay bilib na bilid ako sa prinisipyo niya at paninindigan sa buhay. Kung tatanungin ako kung sino ang pnakaresponsableng taong kilala ko, wala akong ibang sasabihin kung hindi ang kapatid ko.
Kahit magkasing-edad lang kaming magkakambal ay inako niya ang pagiging magulang. Sa mga simpleng paraan ay lagi niyang ipinapakita ang suporta niya at paggabay sa akin kaya nga marami siyang trabaho para hindi ako mahirapan. Kung kaya niyang ibigay ang kailangan ko ay siya na ang nagpupuno nito.
"Pagkakain mo, alis na tayo, ha. Tapos isama mo na 'ko sa trabaho. Libre mo naman ako sa Jollibee." Pabiro kong sabi kay Frion. Itinaas baba ko pa ang kilay ko para magpa-cute.
"Magpalibre ka doon sa jowa mong hilaw. Tuka ng tuka hindi ka naman pinapakain?" Napanganga ako at tumango naman siya. Malamang ay nakita pala niya kami sa may labas noong humalik si Stefano sa akin.
"Grabe siya--" Mukhang hindi gumana ang pagpapa-cute ko dahil nabanggit pa si Stefano.
"Sinasabi ko sa'yo Freya, masama talaga ang kutob ko diyan sa jowa mo." Nakakunot ang noong sabi ng kapatid ko.
"Kuya--" Napakapit ako sa noo dahil sa hahaba na naman ang usapan naming dalawa.
"Oo na sige na. Tahimik na 'ko. Mabilis lang akong kakain tapos aalis na tayo. Mag-chill ka lang muna diyan."
Napabuntonghininga ako at tumango. Kahit ilang beses naman sabihin ni Frion na hindi siya boto kay Stefano ay hindi ko naman bibitiwan ang lalaking iyon. Kahit pa minsan ay alagain din siya, sigurado naman akong mahal ako at hindi ako iiwan.