JANE POV
Pagkarating ko sa hospital, may dala akong pagkain para sa mga kapatid at mama ko. Natitiyak ko na magugustuhan nila ang binili kong mga pagkain. Subalit pagpasok ko sa loob, imbis na pamilya ko ang madatnan kong nagbantay, ang ex boyfriend ko pang si Kevin!
Kasama niya ang 7 years old kong kapatid na si Mila. Sinara ko ang pintuan at dito ay napalingon silang dalawa sa akin. Lumapit si Mila at niyakap niya ako ng mahigpit. Samantalang si Kevin naman, nginitian ako.
"Ate, nakiusap po si Mama kay kuya Kevin na bantayan muna si papa. Ang sabi kasi niya sa akin, wala na raw tayong pangkain kaya isinangla na niya ang wedding ring nila ni papa."
Nalungkot ako sa narinig ko kay Mila, 30 years nang kasal ang parents namin pero ni minsan ay hindi pumayag si Mama na isangla ang wedding ring nila. Nangangahulugan lang ito na walang wala na kami.
"Ha? May dala akong pagkain Mila, itetext ko na lang si mama na bumalik rito," sambit ko, naiyak na lamang akong bigla dahil alam ko na mahalaga kay mama ang wedding ring at masakit para sa kanya na isangla ito.
"Panyo?"
Lumingon ako kay Kevin na nag oofer sa akin ng panyo niya, I gave him a side eye.
"Anong ginagawa mo rito Kevin? Gusto mo talaga akong magkaroon ng utang na loob sayo eh no?!"
"Hindi naman sa ganun, pero napamahal na sa akin ang pamilya mo."
Tumingin ako kay Mila at binigay ko sa kanya ang supot ng pagkain.
"Dito ka lang Mila ha? Mag uusap lang si Ate at si kuya sa labas, saglit na saglit lang kaming dalawa," sambit ko sa kanya.
Hinila ko si Kevin sa labas at dinuro ko siya, "Ano bang ginagawa mo rito ha?" kunot noo kong tanong.
May mga taong dumadaan sa hallway ng hospital subalit wala akong pakialam. Mas gugustuhin ko na sila ang makarinig nito kaysa sa musmos kong kapatid.
"Oh bakit ka naman ganyan sa akin? Dapat nga pinapasalamatan mo pa ako dahil pumayag ako kaagad sa mama mo."
"Well, salamat at makaka alis ka na. Sa pagkakaalam ko, tapos na tayong dalawa, nakipag break ka na sa akin at pinangako mo sa akin na hindi na tayo mag babalikan pa."
Pinigilan ko ang pagtulo ng luha sa aking mga mata. Hindi ko alam pero sinisigaw ng puso ko na sana ay kami ulit dalawa. At yung sinabi ko na gusto ko siyang umalis, sinasabi ko lang yun. Pero ang totoo, gusto ko siyang mag stay rito... at mag stay sa relasyon naming dalawa.
"One month pa lang tayong nag break. Pero wag kang mag alala, isasantabi ko muna ang nakaraan natin. Sa totoo lang, may dine date na akong iba ngayon pero nag paalam naman ako sa kanya na dadalaw lang ako sa papa mo. At kung gusto mo na akong umalis, sige aalis na ako. Kukuhain ko lang ang bag ko sa loob."
Ang sakit sakit marinig ng mga sinabi niya sa akin, at hindi ko lubos matanggap ang mabilis niyang pagpapalit sa akin.
"Bakit paran ang bilis mo lang maka move on sa akin? Ganun lang ba kadali itapon sayo ang tatlong taon nating relasyon?"
"Sorry Jane, sadyang madali lang talaga akong ma in love sa babae. Alam mo naman siguro 'yan kasi one week pa lang tayong magkakilala noon tapos niligawan na kita. Wag mo sanang isipin na hindi malalim ang pagmamahal ko sayo at mas lalong hindi ko itinatapon ang tatlong taon nating relasyon."
Tiningnan ko siya sa mga mata niya subalit hindi ko na maramdaman na may pagmamahal pa rin siya sa akin. Isang malakas na sampal ang binitawan ko sa mukha niya at kasabay nito ang pag patak ng luha sa mga mata ko.
"Ang sabihin mo, babaero ka talaga pero hindi lang kita nahuli. Siguro noong tayong dalawa pa, kayo na ng kabit mo. Sinagot kita kasi akala ko mabait ka at mukha kang santo, pero anong ginawa mo sa akin? Hindi mo ako magawang pakasalan kasi iniisip mo na pasan pasan ko pa rin ang pamilya ko."
"Bakit hindi ba? Ano ba ang nangyayari ngayon? Ikaw ang sumasalo ng responsibilidad ng pamilya mo."
"Sa bibig mo na rin nanggaling, pamilya ko sila at hindi ko sila kayang iwan. At handa kong lunukin ang pride ko para lamang mabigyan sila ng magandang kinabukasan."
"Saan ka galing?" paglihis niya ng topic.
"Wala nang tayo so bakit ko pa sasabihin sayo kung saan ako nagpunta. Basta, importante ang nilakad ko, ayun lang ang kailangan mong malaman."
Pumasok siya sa loob ng pinto at paglabas niya ay dala na niya ang bag niya. Hindi man lang siya tumingin o nagpaalam sa akin. Dumeretso lamang siya ng lakad na parang wala ako sa paningin niya.
At sa ginawa niya, para na rin niyang dinala ang puso kong sugatan. Ang sakit sakit, hindi man lang niya naisip na sa isang sorry niya ay kaya ko siyang patawarin. Pumasok na ako sa loob at naabutan ko si Mila na kumakain. Lumipas ang ilang oras, nakatulog siya sa upuan at dumating bigla si Mama.
Mayroon siyang dalang pagkain. Nginitian ko siya ng tipid pero hindi niya ako pinansin.
"Nasaan po si Shaina?" ang tanong ko, siya ang pangalawa kong kapatid na high school student pa lamang.
"Nasa bahay, mayroon daw silang school project," sagot niya sabay lapag ng pagkain sa mesa. Tumingin siya sa paligid at parang mayroon itong hinahanap.
"Ma, pinauwi ko na po si Kevin," sagot ko sa kanya.
"Nagpasalamat ka ba sa kanya?" tanong niya.
"Bakit ko naman gagawin 'yun kung hindi naman ako ang nanghingi ng pabor sa kanya?" sagot ko.
"Hay nako Jane! Ako ang nakiusap doon sa tao na magbantay rito habang wala ka tapos hindi ka man lang nanghingi ng salamat, aba naman anak!"
"Ma? Bakit po sa lahat ng tao, sa kanya pa kayo nanghingi ng pabor? Alam niyo naman siguro na wala na kaming dalawa diba? Ang awkward naman kung magkikita pa kami ulit pagkatapos naming mag break."
"Aba! Di ba one month na kayong hiwalay dalawa? Dapat naka move on ka na sa kanya."
Heto na naman ang nanay ko na walang pakialam sa feelings ko. Basta gagawin lang niya ang lahat at kahit feelings namin ng mga anak niya ay handa niyang isantabi.