Kinaumagahan.
Maagang pumasok sina Ace at Sailor sa kanilang school. Katulad ng dati, wala silang kibuan sa loob ng kotse. Parang normal na araw lamang kahit ito ang unang araw na papasok sila sa school bilang mag-asawa. Ngunit kabilin-bilinan nga pala ni Ace kay Sailor, wag na wag sasabihin kahit kanino na ikinasal sila. Sinunod naman iyon ni Sailor, alam niyang hindi naman talaga siya nararapat sa lalaki at batid din niyang hindi nito nais na pakasalan siya. Napilitan lamang ito dahil sa kagustuhan ng kanilang lola.
Pagdating nila sa school, ilang mga studyante ang nag-aabang sa kanila sa may gate. Napansin niyang may mga dala-dala itong mga gift at ang iba naman ay pagkain. Tiyak niyang ibibigay ng mga ito sa kanyang asawa ang mga iyon.
"OMGGG! Andiyan na sya, Aceee!" narinig niyang sigaw ng isa.
"Oppaaa! Saranghae!" wika pa ng isa.
"Che, maganda ba ako? Bilis na sagot agad, baka makapal yong make up ko ei, bababa na pa naman siya ng kotse," nakasimangot naman na wika ng isa pa.
Siya ay nakababa na ng time na iyon at inaanatay niya si Ace. Naiinis siya sa mga babae, parang gusto niyang ipamukha sa mga ito na wala ng karapatan ang mga ito na magpacute pa sa kanyang asawa. Pero hindi naman niya magawa dahil pinagbabawal nito na ipagsabi niya.
"Tabi mga panget!" mataray na wika ni Miles, ito ang anak ng kanilang adviser at lantarang fling ni Ace. Nakikita nila ito palaging kasama ni Ace. Hindi lamang siya sigurado kong may relasyon talaga ang dalawa.
Tinabig nito ang tatlo, ang isa nga ay nalaglag pa ang dalang regalo para kay Ace. Tinaasan siya nito ng kilay tsaka sinamaan ng tingin.
"Oh, anong tinitingin-tingin mo diyan? Hindi ba sinabi ko mga panget, it means kasama ka sa tatlong yan kaya tabi!" inis na wika nito sa kanya tsaka tinabig din siya at kusang pumasok sa kotse.
Inis na hinarap niya ito pero agad na nanlamig ang kanyang buong katawan ng makita itong hinalikan si Ace. Para siyang itinulos sa kanyang kinatatayuan lalo na ng makita niya si Ace na tinutugon ang halik nito. Parang nais niyang hilahin palabas ng kotse ang babae, sabunutan ito at ipamukha niya dito na wala itong karapatan dahil asawa na siya ng lalaki. Pero hindi niya kaya, natatakot siyang magalit muli si Ace baka pa masaktan na siya nito ng tuluyan kapag isiniwalat niya iyon.
Matapos ang ilang sandali, inaya na ito ng babae dahil mali-late na daw sila. Baby pa ang tawag nito kay Ace. Sumunod naman dito si Ace pero bago umalis ang mga ito, tiningnan siya ng masama ni Ace. Tila sinasabi na wag na wag siyang magkakamaling magsalita ng tungkol sa kasal nila. Parang nais niyang maluha habang sinusundan ng tingin ang mga ito. Nakahawak sa braso ni Ace ang babae, nakaakbay naman dito ang kanyang asawa. Ang sakit isiping wala talagang pakialam sa damdamin niya si Ace. Sabagay, mukhang nagiging assuming nanaman siya dahil umaasa pa talaga siyang may pakialam sa kanya si Ace.
Mabigat ang loob na naglakad na siya patungo sa kanilang room. Baka malate pa siya mahirap na, siguradong mabu-bully nanaman siya ng kanyang mga classmate. Classmate niya si Ace at maging si Miles kaya alam niyang maghapon nanaman siyang sasama ang loob. Dati palagi niya itong sinusundan dahil na rin sa utos sa kanya ng kanyang Lola pero simula nong saktan siya nito tumigil na siya. Ang dali kasing uminit ang ulo nito pagdating sa kanya. Parang napakadali lamang nitong saktan siya pisikal at emosyonal. Pero pagdating sa ibang babae, puro pa-cute at fake na pagka-gentleman ang pinapakita nito.
Nang makarating na siya sa kanilang room. Hingal na hingal siya dahil nasa third floor kasi ang kanilang class room. At agad na napako ang mata niya sa dalawang tao super sweet. Ang kanyang asawa at si Miles iyon. Wala itong pakialam sa kanilang mga classmate basta patuloy lamang na naglaladian ang dalawa. Lalo na ng tila may ibinulong sa tenga nito si Ace. Naupo na rin siya at nagkunyaring may binabasa sa kanyang libro para lamang hindi na lalo pang masaktan sa ka-sweetan ng kanyang asawa kay Miles.
Pinilit niyang mag-focus sa klase kahit napakahirap para sa kanya dahil ang lalagkit ng tinginan ng dalawa. Bawal na kasing magdidikit dito si Miles dahil nandiyan na ang teacher nila kaya naman siguro, ganon-ganon lang ang tinginan ng dalawa.
Lunch time.
Mag-isa siyang nagtungo sa school canteen para kumain. Ganito naman siya palagi, mag-isang kumakain tuwing lunch, wala ni isa man sa kanyang mga classmate ang kanyang nakakasabay dahil na rin sa itsura daw niya. Parang diring-diri ang mga ito sa kanya, sabagay sino nga ba naman ang matutuwang makipagkaibigan sa kanya. Napakataba niya, puro tagihawat ang mukha at hiwa-hiwalay pa ang kanyang mga ngipin. Animo sinadyang itanim iyon na may mga pagitan. Kumpara kay Miles at sa mga alam niyang naging fling ni Ace walang-wala talaga siyang binatbat. Sexy at talaga namang magaganda ang mga ito. Kaya imposibleng magustuhan din siya nito. Kahit ito ei diring-diri din sa kanya. Pero kahit ganon, ipinapangako naman niyang magiging mabuting asawa siya dito. Aalagaan niya ito at pakamamahalin kahit pa wala iyong kapalit.
"Hi, pwede maupo? Wala na kasing bakanteng upuan ei," wika ng isang lalaki, sa tingin niyan bagong transfer ito kasi bago lang ang mukha nito.
"Oo naman, dito oh," wika niya saka umusod ng konti para mabigyan ito ng space. Pang tatluhan kasi ang mahabang upuan pero dahil sa mataba siya parang pangdalawahan na lamang ang kinalabasan.
"Salamat," pasasalamat nito.
Ngumiti na lamang siya, tsaka ipinagpatuloy ang pagkain.
"Bago lang ako, kakalipat lang kasi namin dito last week. Ikaw saan ka nakatira?" tanong nito.
"Diyan lang ako sa Villa ng mga Del Valle," nakangiting wika niya dito.
"Ay wow talaga, ibigsabihin Del Valle ka rin? So kayo ang may ari ng school na ito?" nakangiting tanong nito.
"Ay hindi, sila lang ang may ari bale nakikitira lang ako sa kanila," nakangiting sagot niya dito.
Magaan ang pakiramdam niya sa lalaki, sabagay ito lang naman ang kaisa-isang taong nakipag-usap sa kanya ng normal sa school na ito. Pero naisip niya na baka dahil bagong transfer lang ito at wala pang mga kaibigan kaya no choice kundi siya ang kausapin.
"Aah ganon ba? Uhmm, doon lang kami sa kabilang bahay nakatira. May malaking bahay na madadaanan bago ang villa ng Del Valle doon kami nakatira, mga magulang ko ang nakabili ng bahay at lupang iyon," wika nito.
"Ay ganon ba? Buti may nakabili na sa bahay na iyon, natatakot kasi ako kapag dumadaan doon feeling ko may nakatingin sa aking multo," medyo nangaligkig pang wika niya.
"Ay grabe sya, wag mo naman akong takutin," nakangiting wika nito.
"Sorry, maganda at maaliwalas naman ang bahay na iyon pero dahil sa wala sigurong tao kaya natatakot ako," wika niya.
"Sabagay, minsan sama ka don sakin. Uhmm, dimo siguro ako napansin kanina pero classmate tayo," nakangiting wika nito.
"Ha?! Talaga, magclassmate tayo?" gulat na wika niya.
"Oo naman, palagi ka kasing nakatungo kaya hindi mo na napapansin mga tao sa paligid mo," wika nitong muli.
"Aaah, nahihiya kasi ako, uhmm alam mo na?" nakangiwing wika niya tsaka bahagyang ikinibit ang balikat.
"Sus, bakit naman? Ano namang masama sa katawan mo? Isipin mo na lang na biniyayaan ka ng maraming pagkain kaya ganyan. Tsaka hindi naman basehan ang sukat ng katawan para maging confident ka, hindi rin iyan basehan para umiwas ka sa lahat," mariing wika nito.
Para tuloy siyang naluluha, ito ang unang beses na may nakipag-usap sa kanya ng matagal at hindi siya minaliit at kinutya.
"S-Salamat, uhmm ano nga pala name mo?" lakas loob na tanong niya, sana lang hindi siya nito pandirihan kasi ang totoo gustong-gusto talaga niyang magkaron ng kaibigan.
"Zion, Zion Valdemor. Ikaw anong pangalan mo?" tanong nito.
"Ako naman si Sailor Vuenafe," nakangiting wika niya.
"Wow, same letter na V ang surename natin ah. Pero ang cool ng name mo ha, parang idol yata ng parents mo iyong Sailor Moon na anime ah," nakangiting wika nito.
"Aah, baka nga h-hindi ko na rin kasi matandaan sobrang tagal na kasi. Inampon lang kasi ako ni Lola Adelaida kaya ako napunta sa villa ng mga Del Valle," kibit-balikat na wika niya.
"Oh, s-sorry," nahihiyang wika nito.
"Okey lang, naku malapit na matapos ang lunch break bilisan na natin," wika niya dito.
"Oo nga, uhmm alam mo Sailor bago lang kasi ako, at alam mo na wala akong kaibigan dito. Ikaw pa lang iyong nakausap ko ng ganito dito, p-pwede bang maging magkaibigan tayo?" nakangiting wika nito.
Hindi agad siya nakapagsalita, nakaawang lang ang kanyang bibig habang nakatingin dito. Habang ito naman ay patuloy lang na kumakain, mukhang seryoso ito sa sinabi pero parang hindi pa rin siya makapaniwala.
"K-Kaibigan? P-Pero hindi ka ba nabibigla lang o baka naman may lagnat ka lang?" tanong niya dito.
"Okey na okey ako no? Ayaw mo lang yata akong maging friend ei," kunwa'y nagtatampong sabi nito, sinadya pang pahabain ang nguso.
"Hindi ah, uhmmm k-kasi ikaw palang ang nagsabi sakin niyan. P-Pero bakit sakin? Marami naman diyang iba na magaganda at sexy," nauutal pang wika niya. Hindi talaga siya makapaniwala na may mag-aalok sa kanya bilang kaibigan.
"Hindi naman kailangang maging sexy at maging maganda para magkaron ng kaibigan, ikaw talaga, wag mo nga sanaying i-down yang sarili mo. Tsaka bakit ko naman gugustuhing kaibiganin ang mga iyon kong hindi ko naman gusto ang mga ugali nila. Tsaka, anong gagawin ko kong mas palagay ang loob ko sayo?" mahabang wika nito.
Napangiti siya, sa tingin niya ay sincere talaga ito.
"Pero—,"
"Opss wala ng pero-pero basta friends na tayo," nakangiti nitong wika sabay lahad ng kamay.
Napangiti na rin siya tsaka tinanggap ang pakikipagkamay nito.
"Uhmm, teka nga pala bakit sinabi mo na ako pang ang unang nakipagkaibigan sayo? Uhmm, mabait ka naman ah," takang tanong nito.
"Uhmm, totoo yon, kadalasan kasi ang kanilang nais maging kaibigan ay maganda, sexy at gwapo katulad mo," wika niya dito sabay kibit-balikat.
"Ay, grabe naman yon so may basehan pala sa school na ito kapag nais mong makipag-kaibigan? Pero yong huli mong sinabi, gusto ko yon ha mukhang hindi nga ako nagkamali na makipag-kaibigan sayo," natatawang wika nito.
Napakunot noo siya.
"Aling huling sinabi?" maang na tanong niya.
"Iyong pogi ako," malapad ang ngiting wika nito. Lalo tuloy siyang napangiti, totoo naman kasi ang kanyang sinabi, pogi ito at tiyak na marami itong magiging admirer sa kanilang campus.
"Totoo kaya yon, promise walang halong biro baka nga isa sa mga araw na ito, mararanasan mo na rin ang ulanin ng mga gifts at sulat ei," nakangiting wika niya dito.
"Ngeekk, parang na-excite ako bigla!" tumatawang wika nito. "Biro lang yon, maiba tayo sabi mo ito ang unang beses na may naging kaibigan ka dito sa campus? Ei ang apo ng mga Del Valle? Iyong si Ace ba iyon, iyong asawa mo?" tanong nito na ikinabigla niya.
"A-Alam mo?!" gulat na tanong niya dito.
ITUTULOY