ELLA
PAGKALIPAS ng apat na araw na pagkaka-admit ni Lolo Carlos, sa wakas pinayagan na rin siyang lumabas ngayong araw. Hindi ko alam kung bakit umabot ng apat na araw gayong ang pagkakaalam ko noong una ay dalawang araw lamang. Basta noong akala ko'y lalabas na siya, sinabi ng doktor niya na kailangan pa niyang mag-stay kahit dalawang araw pa uli.
Kahit nakikita kong malakas naman si Lolo Carlos, hindi na ako nag-usisa pa kung bakit gusto niyang mag-stay pa sa hospital. Inisip ko na lamang na baka gusto pa niyang makasama si Vincent dahil minsan kong narinig na nagpaalam ito sa abuelo na babalik ng Maynila para daw sa importanteng meeting. Na hindi rin naman nakaalis dahil nga sumama ang pakiramdam ng lolo niya.
Hindi ko itatanggi na natuwa ako nang hindi umalis si Vincent para bumalik ng Maynila at iwanan ang lolo niya. Kahit papa'no medyo nabawasan ang inis ko sa kaniya lalo na't nakikita ko kung gaano kasaya si Lolo Carlos dahil sa presensya niya. Kahit kabaliktaran niyon ang nararamdaman ko dahil sa pagiging arogante niya.
Sana lang talaga panindigan niya ang pagbawing pangako niya sa lolo niy— Natigilan ako sa pag-aayos ng gamit ni Lolo Carlos nang bumukas ang pinto.
Sumungaw roon ang mukha ng kapatid ko.
“Hi, Ate! Hi, Lolo Carlos!” Masiglang bati niya sa amin ni Lolo na ngayon ay nakaupo sa may paanan ng kama.
Kaming dalawa lang dito ngayon dahil lumabas si Vincent para mag-asikaso sa paglabas ni Lolo mamayang alas diyes ng umaga.
Napangiti ako nang magiliw na yakapin ni Lolo ang kapatid ko at gano'n din ang huli.
“Ang bango-bango ng aming lolo, ah. Himala, hindi amoy efficascent oil at omega.” Tudyo ni Elma na ikinatawa ni Lolo.
“Ikaw talagang bata ka. Manang-mana ka talaga sa ate mo.”
“Mali iyan, Lo. Ang totoo niyan si Ate Ella ang nagmana sa akin.” Nilingon niya ako. “‘Di ba, Ate?”
Itinigil ko ang pag-iimpake at lumapit sa mga ito.
“Anong ginagawa mo rito? Hindi ba't sinabi ko na sa ‘yo na lalabas na si Lolo ngayong araw kaya hindi mo na kailangang bumalik ngayon?” Sita ko pero ngumiti lang ito sabay turo kay Lolo.
“Gusto ni Lolo na pumunta ako ngayon.”
Tinaasan ko siya ng kilay habang nang-aarok ang tingin.
“Totoo, ‘no? Kahit itanong mo pa kay Lolo. Siya ang nagpapunta sa akin dito ngayon. ‘Di ba, Lo?”
“Maniwala ka sa kapatid mo, Ella. Nagsasabi siya ng totoo. Ako talaga ang nagpapunta sa kaniya rito.”
Napatango-tango na lang ako at binalikan ang ginagawa ko. Pero bago iyon, hindi nakaligtas sa akin ang pagpapalitan nila ng mga tingin. Maging ang ginawang pagkindat ni Lolo sa kapatid ko.
Pagkatapos kong ayusin ang mga gamit, nakisali na rin ako sa bolahan nilang dalawa.
“Maniniwala ba kayo na bukod sa ala-ala ng aking pinakamamahal na si Carolina ay isa rin kayong magkakapatid sa dahilan kung bakit ayaw kong umalis sa bahay ko?”
Nagkatinginan kaming magkapatid.
“Bakit naman ho kasali kami?” Si Elma na bakas ang katuwaan sa mukha.
“Dahil mahal na mahal n'yo ako. Though, alam ko naman na mahal din ako ng mga apo ko, pero hindi ako sigurado kung kaya rin nila akong bigyan ng oras kagaya ng ginagawa n'yo sa akin. Iniisip ko, kapag ba bumalik ako sa Maynila kasama sila, sasamahan ba nila ako sa bahay o baka mag-isa lang din naman ako. Knowing them, mga busy sila sa trabaho.”
Sabay kaming umupo ni Elma sa tabi nito at hinayaang magkuwento.
“Nalulungkot ako dahil hindi pa nila nari-realize na hindi lang pera ang nagpapasaya sa bawat tao. Alam n'yo, masuwerte kayong magkakapatid dahil masaya ang pamilyang kinalakhan n'yo kahit medyo salat sa karangyaan. Iyong mga apo ko, maraming pera, nabibili ang lahat ng luho sa mga sarili nila at nakakapunta sa kung saan-saan na gustuhin nila. Pero sigurado ako na hindi na nila alam kung kailan sila huling kumain ng sabay-sabay. O, kung nagkikita-kita pa ba sila sa bahay nila.”
Malungkot itong ngumiti.
“Kaya kayong magkakapatid, maging thankful kayo. Mas mahalaga pa rin ang pamilya kaysa sa anumang bagay sa mundong ito. Iyan ang gusto kong ipa-realize sa mga apo ko pero matataas na ang lipad nila. Ang hirap na nilang abutin, pero kay Vincent hindi pa ako nawawalan ng pag-asa. Kailangan lang niyang mas makilala pa ang tamang tao para sa kaniya. At mukhang kailangan ko nang gumawa ng paraan para imulat ang mga mata ni Vincent kung sino ang tamang taong iyon.”
Nagtaka ako dahil habang sinasabi niya iyon ay sa akin nakatutok ang mga mata niya.
“Mismo, Lo.” Mabilis na sang-ayon ni Elma.
Lalo akong naguluhan nang magngitian ang mga ito. Ngiting alam kong may laman.
“Bakit ganiyan ang mga ngiti n'yo? Mayro'n ba akong hindi alam?” Hindi napigilang usisa ko kapagkuwan. Iba talaga, e.
“Wala naman, Ate.”
“Sure kayo?”
“Oo naman. ‘Di ba, Lo?”
Napakibit-balikat na lamang ako nang tumango si Lolo Carlos.
Nang muling magkuwentuhan ang dalawa, hindi na ako nakisali. Nagpasya akong maligo at linisin na rin ang banyo para malinis na paglabas namin mamaya.
“I really need your help about this, Elma.”
Awtomatikong napahinto sa paghakbang ang mga paa ko palabas ng banyo nang maulinigan ko ang boses ni Lolo Carlos.
“Hindi ba talaga puwedeng ako na lang, Lo?” Naulinigan kong sagot ng kapatid ko sa nagbibirong tono.
“You are too young for him.”
“Puwede na iyon, Lo."
"Hahanapin na lang kita ng para sa 'yo."
"Talaga, Lo?"
"Oo ba, basta tulungan mo ako sa kanilang dalawa."
Dinig na dinig ko ang tawanan nilang dalawa at ang paanas nilang pag-uusap. Mukhang hindi nila gustong marinig ko.
Tumigil lamang sila sa pagbubulungan nang maramdaman na lumabas ako ng banyo. Eksakto namang bumukas din ang pinto at pumasok si Vincent kasunod ang isang babaeng nurse.
Cheneck niya si Lolo Carlos at maya-maya'y lumabas na rin. Sinabi ni Vincent na okay na ang bills ng lolo nito at hihintayin na lang iyong doktor na pipirma para sa paglabas niya.
________
PASADO ALAS DIYES na ng tuluyan kaming makalabas ng hospital.
Kaming dalawa ni Elma ang nakaalalay kay Lolo Carlos habang si Vincent nama'y nauna sa labas para iabang ang kotse niya.
At paglabas nga namin ay nakaabang na siya sa labas.
Kaagad niyang nilapitan si Lolo at siya na ang umalalay rito pasakay sa backseat.
Akmang susunod ako kay Lolo nang hilahin ako ni Elma at siya ang umupo sa tabi nito.
Nanlaki ang mga mata ko dahil agad nitong kinabig pasara ang pinto gayong hindi pa ako nakakasakay. Umikot ako sa kabila para sa kabilang side ni Lolo umupo pero naka-lock na ang pinto.
Kinatok ko nang kinatok.
“Lo, iiwan n'yo na ba ako?” Nakasimangot na bungad ko nang bumukas ang bintana sa gilid nito.
“Nope.”
“Pabukas ho ng pinto.”
“Masikip na tayo rito. Doon ka na sa unahan, sa tabi ni Vincent.”
“Pero, Lo–” Magpoprotesta pa sana ako nang bumukas ang bintana sa gawi ni Vincent.
Parang nanuyo bigla ang lalamunan ko dahil sa matiim nitong tingin.
“Are you going with us or not?” Baritonong boses na tanong nito habang salubong na naman ang mga kilay.
Napaka arogante talaga ng lalaking ito.
“Sige na, Ella, sumakay ka na para makaalis na tayo.” Udyok ni Lolo Carlos na sinegundahan ng kapatid kong ang lawak ng ngisi.
Isang buntong-hininga ang pinakawalan ko bago umikot sa kabilang side at sumakay sa unahan. Sa tabi ni Vincent.
Nagtaka ako nang hindi pa kami umalis gayong nakasakay na ako.
“Hindi pa ba tayo aalis?” Kunot-noo kong tanong kapagkuwan.
Tinapunan niya ako ng tingin. “Fasten your seatbelt.”
Nagkukumahog kong kinuha sa likuran ko ang seatbelt at sinubukang ikabit, pero hindi ko magawa. Hindi ko alam kung bakit bigla-bigla ay kinabahan ako sa presensya niya.
“Faster.” Tila naiinip na utos nito.
“Sandali. Hindi ko maipasok—”
“Tss.” Pumalatak ito at dumukhang palapit sa akin.
Hindi na ako nakakilos nang siya na ang magkabit niyon sa akin.
“Done—,Syet!” Bulalas nito nang mapabahing ako at tumalsik ang laway ko sa mismong mukha niya.
“Naku! Sorry, sorry.” Hiyang-hiya ako habang hindi malaman kung paano pupunasan ang nabasa niyang pisngi.
“Don't touch me!” Angil niya sabay tabig sa kamay ko. “You honestly don't know how to shield your mouth when you sneeze? It's disgusting.”
“Kaya nga pasensya na, ‘di ba? Ang sangsang naman kasi ng amoy ng pabango mo.” Pagtataray ko upang pagtakpan ang pagkapahiya.
“What sangsang?”
“Mabaho.”
“Excuse me? For your information my perfume is a limited edition of–”
“Mamatay na ang nagtanong.” Pabulong na banat ko na lalong ikisama ng hilatsa ng pagmumukha nito.
“What did you say?”
“Wala. Kako tara at nakakaabala ka na sa ibang sasakyan.” Panunupla ko.
Narinig ko ang impit na tawa mula sa dalawang hudyo sa likuran. Mukhang aliw na aliw pa sila sa pag-aangilan namin ni Vincent.
Isang matalim na tingin ang ipinukol sa akin ni Vincent bago tuluyang pinasibad ang sasakyan paalis ng Madrid Hospital.
Buong biyahe ay wala kaming kibuan ni Vincent habang ang dalawa sa likod ay daldal nang daldal. Paminsan-minsan, isinasali nila kami ni Vincent, pero napakatipid magsalita ng aroganteng guwapo–este kwago sa tabi ko. Mga ilang salita lamang ang lumabas sa bibig nito hanggang sa makarating kami sa Baryo Dimagiba.
As I expected, naroon ang pamilya ko sa bahay ni Lolo Carlos para salubungin ang pagdating niya.
Tuwang-tuwa si Lolo Carlos nang sabay-sabay siyang i-welcome ng mga kapatid ko at ni Nanay.
“Maraming salamat sa inyong lahat!” Mangiyak-ngiyak ito nang sabihin iyon.
“You're welcome, Lolo Carlos.” Si Evelyn at nagmano pa rito. “Masaya po kaming lahat dahil nakauwi na kayo.”
“Oo nga po, Lolo. Nakailang araw din kayo sa hospital, a. Siguro may crush kayong nurse kaya nagtagal kayo roon.” Si Eriziah.
Pinagtutulungan ng mga kapatid kong asarin si Lolo Carlos nang kap'wa sila matigilan. Parehong lumarawan sa mukha ni Eriziah at Evelyn ang pagkamangha.
Lumingon ako sa likuran ko kung saan sila nakatingin. Hindi na ako nagulat nang makita ko roon si Vincent na tila haring nakatayo sa bungad ng pinto.
Nasa mga mata niya ang pagtatanong kung sino ang mga naroon. Agad namang ipinakilala ni Lolo Carlos sa apo ang mga kapatid ko.
“Hijo, si Evelyn at si Eriziah nga pala, mga kapatid sila ni Ella.”
“Nice to finally meet you, Vincent.” Si Eriziah na naglahad pa ng kamay.
Tinanggap naman nito iyon.
Napairap ako dahil halatang napipilitan lamang ito nang kamayan ang mga kapatid ko. Arogante talaga. Akala mo nama’y hindi naghuhugas ng puwet niya. Hmp!
Sa muli kong pag-irap, hindi sinasadyang napatingin ito sa akin kaya huling-huli niya ako. Ngunit sa halip na matakot, nakipagsukatan ako ng tingin sa kaniya. Tiningnan ko siya ng may pagbabanta. Bastusin at maliitin mo na ako hanggang gusto mo, pero huwag na huwag ang pamilya ko.
Ang pagtikhim ni Lolo Carlos ang pumutol sa pagtatagisan namin ng tingin.