Agad akong itinulak ni Lorden. Itinapat niya ulit sa akin ang kahoy na hawak niya. "A-ano'ng ginagawa mo?! H-hindi kita kilala sabi!"
Tila maluluha ang mga mata niya at nanginginig sa matinding takot. Tila may sumaksak naman sa puso ko dahil sa nakita ko. Ayoko ng nakikita siyang natatakot... Gusto kong sumaya naman siya. Gusto kong makaramdam naman siya ng kapayapaan sa puso niya.
"Lorden... H-hindi ako masamang tao... Hindi kita sasaktan," sinabi ko sa marahang boses.
"H-hindi ako naniniwala sa'yo..." bulong niya saka hinigpitan ang kapit sa kahoy.
Natigilan kaming pareho nang marinig kong kumalam ang sikmura niya. Nag-aalalang tumingin ako sa kaniya pero agad naman siyaang napaiwas ng tingin, tila nahihiya.
"N-nagugutom ka ba?" tanong ko pa.
He looked at me. Even in the dark, I could see his shy and blushing face through the moonlight. His eyes went down to my hand. He stared at the candies in my hands. I gulped and showed it to him.
"G-gusto mo ba nito?" tanong ko sa kaniya.
Naging alerto ulit siya at inangat ang kahoy na hawak niya. "H-hindi mo ako mauuto!" Pero hindi maalis ang tingin niya sa mga candy. "A-ayoko niyan."
Napangiti ako saka mas inilapit ang kamay ko. "Sa'yo na 'to... Ibibili rin kita ng pagkain... Sumama ka sa'kin, hmm?"
Napalunok siya at paulit-ulit na umiling. "H-hindi kita kilala..."
"Hmm, alam ko... pero hindi ako masamang tao." Kinuha ko ang cellphone ko mula sa bulsa ko. Ipinakita ko sa kaniya ang picture naming magkasama noong nagbakasyon kami sa French Polynesia. "T-tingnan mo... Kilala kita, magkakilala tayo. Nawalan ka lang ng alaala."
Napalunok siya, bahagyang lumambot ang ekspresyon niya pero tila alerto pa rin. "B-baka magic lang 'yan," bulong niya.
"M-magic?" nagtatakang tanong ko.
"Y-yung napapalitan ang picture," bulong niya pa.
"A-ang ibig mo bang sabihin... edit?" Napakurap ako, pero 'di kalaunan ay napangiti na lang.
Mas lalong pumula ang mukha niya. "A-alam ko 'yon! S-sinasadya ko lang maliin!" depensa niya, tila hindi inaamin na nagkamali siya.
Ngumiti ako at tumango. "Alam ko..."
Napalunok siya saka muling tumingin sa hawak kong candies. Agad siyang lumapit sa'kin at hinablot 'yon, pero bago pa siya makalayo, humawak ako sa kamay niya. Naramdaman kong napapitlag siya sa ginawa ko at akmang hahampasin ako ulit, pero hindi ako umilag o kumurap man lang, kaya natigilan siya.
"H-hahampasin ulit talaga kita," bulong niya.
Bahagya akong ngumiti at tumango. "Ikaw ang bahala."
Napaiwas siya ng tingin. Inalis na lang niya agad ang pagkakahawak ko sa kaniya at lumayo sa akin. "H-hindi ako magtitiwala sa'yo... kahit meron kang candy," binulong niya ang huling sinabi.
"A-ayos lang kung hindi ka pa magtitiwala sa akin... pero hayaan mo akong pakainin ka at alagaan... hmm? Promise, w-wala akong gagawing masama sa'yo."
Napalunok si Lorden saka napahawak nang mahigpit sa kahoy na hawak niya. "A-alam ko ang gagawin mo... S-siguro, pipilitin mo akong magtrabaho sa'yo... kasi alam mong malakas ako... H-hindi ako papatay ng tao ulit," bulong niya. Mas tumindi ang panginginig ng katawan niya, tila takot na takot.
Mas lalo akong napaluha habang nakatitig sa kaniya... Hindi ko halos maisip kung anong klaseng trauma ang naranasan niya para maging ganito... para maging ganito katakot.
Noong sinabi ko noon na mabuti siyang tao... hindi 'yon dahil gusto ko lang kunin ang tiwala niya, kundi dahil iyon ang nararamdaman ko. I knew he never wanted to live a life like this in the first place. He was just scared... and manipulated. He just wanted to be free and happy.
Napakagat ako sa ibabang labi ko at mas lalong napaluha. Gaano ba kabigat ang dinadala niya sa puso niya? Parang hindi ko kayang isipin... sa paningin ko ngayon, tila batang Lorden ang nasa harapan ko... takot na takot at walang tiwala sa mundong naging marahas sa kaniya.
"B-bakit ka umiiyak... a-ate?" tanong niya saka tumitig sa akin, bakas ang pag-aalala sa mukha.
Tipid na ngumiti ako at umiling. "W-wala lang... Masaya lang talaga ako na makita ka ulit. A-akala ko... talagang nawala ka na sa'kin."
Nanatiling nakatitig sa akin si Lorden, tila naguguluhan sa sinasabi ko. "A-ano'ng pangalan mo?"
Ngumiti ako bago sumagot. "Ako si Kate."
"K-Kate," bulong niya.
Napalunok na lang ako at pilit na pinakalma ang puso ko. Hindi ko inakala na mangyayari pa 'to... na maririnig kong banggitin niya ang pangalan ko.
"O-oo, Lorden... Ako si Kate. Hindi ako masamang tao. Hindi rin kita pagtatrabahuhin, gusto lang kitang alagaan..."
Nakita kong lumunok siya. "M-may gano'ng tao ba? Mabait tapos walang kailangan? W-walang gano'n..."
"Siyempre may kailangan ako..." nakangiting sabi ko na lang, pero napapaluha pa rin.
Muli siyang naging alerto saka tumingin nang masama sa akin. "S-sabi na nga ba. May kailangan ka sa'kin!"
"Kailangan kita, Lorden... Kailangan kita makasama, kailangan kitang alagaan, kailangan kita... K-kapag nawala ka pa ulit sa akin, hindi ko na alam ang mangyayari sa'kin... kaya please, b-bumalik ka na sa'kin, hmm?"
Natahimik na lang siya sa sinabi ko. I could see his eyes softened, but he was still hesitant, as if he wasn't planning to trust me at all.
Muling kumalam ang sikmura niya, napahawak pa siya sa tiyan niya. Napangiti na lang ako. Lumapit ako sa kaniya at kinuha ang kahoy mula sa kaniya at hinagis 'yon. Napaatras siya sa ginawa ko pero hinawaka ko na lang ang kamay niya. Napapitlag siya sa ginawa ko.
"Halika na? Kailangan mo nang kumain," sabi ko na lang saka inalalayan siya palabas doon. Kahit halatang ayaw niya pa ring sumama sa'kin, nagpatianod na lang siya, dahil na rin siguro sa gutom.
Natigilan kami paglabas namin dahil naghihintay pala roon ang mga kapit-bahay. Naramdaman kong napakapit si Lorden sa damit ko at nagtago sa likod ko kahit 'di hamak na mas malaki siya sa akin. Tipid na ngumiti na lang ako sa kanila.
"Buti naman at lumabas na siya!"
"Aba'y gwapo naman pala kahit ang dungis!"
"Boyfriend mo ba 'yan, 'neng?"
Napalunok na lang ako at lumapit sa tindera kanina. Kumuha ako ng five thousand sa wallet ko at inabot sa kaniya. "Ito na po ang bayad ko sa mga ninakaw niya... Pasensya na po."
Nanlaki ang mga mata niya. "A-ang laki naman nito. Wala pa nga yatang one hundred pesos ang ninakaw niya, e."
Tipid na ngumiti na lang ako at hinila na lang si Lorden palayo roon. Lumabas na kami ng looban. Pinagtinginan kami ng karamihan pero wala na akong pakialam doon. Naramdaman kong nanginginig lang si Lorden sa likuran ko habang nakakakapit nang mahigpit sa damit ko.
Nilingon ko siya. "Huwag kang matakot, ako ang bahala sa'yo."
"M-malakas ka ba?" tanong niya.
Mahina akong natawa. "Oo, sobrang lakas ko."
Naglakad kami papuntang hotel na tinutuluyan ko. Panay ang tingin ni Lorden sa paligid, habang pinagtitinginan naman siya ng ibang tao. Sa unang tingin, hindi talaga makikilala si Lorden dahil medyo madungis siya. Nakasuot din siya ng itim na jacket at itim na sweatpants. Sira na rin ang suot niyang tsinelas at tila bibigay na 'yon,
Agad ko siyang dinala sa hotel room ko. Napaawang ang labi niya habang nakatingin sa paligid, kitang kita ang pagkamangha sa mga mata niya.
"Ate Kate... mayaman ka ba?" biglang tanong niya.
Natawa na lang ako sa sinabi niya. "Kate na lang... saka hindi... hindi ako mayaman. Lahat ng meron ako, sa'yo galing. Ikaw ang mayaman."
Bahagyang nanlaki ang mga mata niya at itinuro ang sarili niya. "Sa'kin? Mayaman ako?" tila hindi makapaniwalang tanong niya. "Sabi na nga ba at hindi ka mapagkakatiwalaan... Imposible 'yang sinasabi mo."
Ngumiti na lang ako at nagtawag ng staff sa telephone. Nagpadala ako ng maraming pagkain pati na rin ng damit para sa lalaki.
"Lorden, habang hinihintay natin ang food, maligo ka muna. Hmm?"
Bahagyang namula ang mukha niya saka tumango. "S-sige."
Itinuro ko sa kaniya ang bathroom. Agad naman siyang pumasok doon. Napabuga na lang ako ng hangin at umupo sa kama habang naghihintay sa kaniya. Natigilan lang ako nang maalala ko si Cadence. Agad kong kinuha ang cellphone ko at tinawagan siya na agad niya namang sinagot.
"Hello, Kate?"
"Cadence... nahanap ko na si Lorden."
Saglit siyang natahimik sa kabilang linya. I even checked my phone to see if he was still on the other line. He remained silent.
"Hello?"
"Tangina? Nahanap mo na? Naunahan mo pa kami, pati Black Cross?" tila hindi makapaniwalang tanong niya.
Napakamot ako sa batok ko. "Sinuwerte lang."
"Wow, 'te. Baka naman mas makapangyarihan ka pa sa'min. Patayo ka na rin ng organization mo, tutal talbog mo naman kami."
"Sira," napapailing na sabi ko na lang.
"Nasaan pala kayo? Pupunta kami agad diyan, ngayon mismo."
"Uhm... Cadence, siguro huwag na muna. Sa ngayon, takot pa rin siya magtiwala sa mga tao, lalo pa na hindi niya tayo naaalala. Lalo lang siyang matatakot, baka ma-overwhelmed din dahil ang dami niyo... Huwag kayong mag-alala, ako muna ang bahala sa kaniya. Tatawagan ko na lang kayo kapag sa tingin ko handa na siya."
Napabuntonghininga si Cadence. "We will trust you, Kate. We will wait for him. Basta kapag kailangan mo ng tulong namin, tumawag ka lang. Okay?"
"Salamat..."
Binaba ko na ang tawag pero napapitlag ako nang marinig ang sigaw ni Lorden mula sa banyo. Agad naman akong napatayo at sumugod doon, pero napakurap na lang ako nang mapansing naghahabol siya ng hininga habang malayo sa tubig. May shampoo pa ang buhok niya at puno ng bula ang katawan.
"B-bakit, Lorden? May problema ba?" nag-aalalang tanong ko.
"B-bakit biglang uminit 'yung tubig? Pinihit ko lang naman 'yon?" tanong niya saka itinuro ang shower heater.
Marahang natawa na lang ako at lumapit doon saka pinatay ang heater. Hindi ko na pinansin kahit na nabasa rin ako.
"Iyan, okay na... Hindi na mainit," sabi ko na lang.
Ayaw niya pa rin lumapit kaya hinawakan ko na ang kamay niya saka hinila siya pabalik sa shower. Tila kumalma naman siya nang mapansing hindi na mainit ang tubig. Pero napaatras din siya kasabay ng pamumula ng mukha niya.
"N-nakahubad ako..." tila nahihiyang sabi niya.
Natawa na lang ako. Gusto ko sanang sabihin na nakita ko na naman lahat 'yon pero baka ma-wirdohan pa siya sa akin.
"Okay lang... Balik ka na ulit sa pagligo," sabi ko na lang saka ngumiti sa kaniya.
Napatingin siya sa damit ko. "N-nabasa ka..."
Natawa na lang ako. "Magpapalit na lang ako ng damit."
Lumabas na rin ako ng bathroom. Ch-in-eck ko muna ang in-order ko, mga five minutes pa raw makakarating. Naghanap na lang ako ng damit na susuotin saka hinubad ang nabasa kong damit.
I stopped when Lorden went out of the bathroom wearing a robe. His lips parted and his eyes widened when he saw me topless, without even my bra on. I just smiled at him. He immediately turned his back at me and it made me giggle.
I suddenly remember our first time together. I was too flustered around him and he was just cool... though he admitted to me that it was also his first time and he was just acting to be cool.
"B-bakit bigla ka na lang naghuhubad kahit may lalaki?" nauutal na tanong nito.
Natawa na lang ako at nagsuot ng white t-shirt. Agad din akong nagtungo sa pinto nang marinig kong tumunog ang doorbell. Binuksan ko ang pinto at agad na ipinasok ng staff ang food trolley.
Napatingin naman agad si Lorden sa pagkain. Napangiti na lang ako nang mapansing tila natakam siya roon. Inabot na sa akin ng staff ang damit bago ito umalis.
"Lorden, let's eat..."
Ipinaghain ko na siya saka iginiya paupo sa upuan. Tahimik lang naman siya habang ipinaghahain ko siya, pero pansin ko na medyo nahihiya siya dahil hindi mapakali sa upuan. Umupo na lang ako sa tabi niya saka inabutan siya ng kutsara't tinidor.
Hindi niya kinuha iyon. He used his hand instead. I just stared at him as he started eating. Halatang gutom na gutom talaga siya pero pilit na hindi pinapahalata. Patingin tingin pa rin siya sa akin at mukhang nahihiya pa rin.
Halos hindi ako nakakain dahil abala ako sa panonood sa kaniya. Hindi maalis ang ngiti sa labi ko... Hindi pa rin ako makapaniwala na nasa harapan ko na siya ngayon. Sana talaga hindi 'to panaginip... Sana totoong kasama ko si Lorden ngayon.
Inangat ko ang kamay ko saka humawak sa pisngi niya na puno ng pagkain. Mahinang natawa na lang ako dahil lobong lobo ang magkabilang pisngi niya. Napatingin na lang siya sa akin dahil sa ginawa ko.
"B-bakit?" tanong niya saka napakurap.
"Totoo ka ba? Hindi ba ako nag-iilusyon lang?" mahinang tanong ko.
"B-bakit naman ako magiging hindi totoo?" tanong niya pa.
Umiling na lang ako. "W-wala lang... Baka kapag gumising ako... hindi pala totoo na nasa tabi kita ngayon... na buhay ka."
Napakunot na lang ang noo ni Lorden, tila ba nawiwirdohan siya sa sinasabi ko. Napakibit-balikat na lang siya saka tumuloy sa pagkain. Napangiti lang naman ako at tila naaaliw na pinanood siya.
Pagkatapos niyang kumain, agad ko siyang pinagligpitan. Inabot ko rin sa kaniya ang damit niya. Bumalik naman siya sa bathroom at bumalik na nakabihis na. Mas lalo akong napangiti nang makita siyang malinis na at nakabihis nang ayos. Napansin ko bigla na humaba nang kaunti ang buhok niya.
"Lorden... Ano'ng gusto mo? Gusto mo na bang matulog?" tanong ko.
Umupo si Lorden sa couch. "Gusto kong manood ng TV. Okay lang ba? Ang laki ng TV mo, 'yung TV namin dati, maliit lang tapos malabo pa."
"Gusto mo bang ibili kita ng malaking TV?" tanong ko sa kaniya.
Namula ang pisngi ni Lorden. "B-bakit mo naman ako ibibili ng malaking TV? Hindi naman ako mabait sa'yo, saka hinampas pa kita."
"Hindi mo naman ginustong gawin 'yon, natatakot ka lang... Ang gusto ko lang, palagi kang nasa tabi ko, at hayaan mo akong alagaan ka."
Natahimik naman si Lorden at pinaglaruan ang mga kamay niya. "N-nagdududa pa rin ako sa'yo. Wala pa rin akong tiwala sa'yo kaya hindi ako magiging mabait sa'yo."
"I don't mind. Basta huwag ka lang umalis." Nakatitig pa rin ako sa kaniya.
Napakamot si Lorden sa batok niya saka nag-iwas ng tingin. "B-bakit ba ayaw mong umalis ako? Magiging pabigat lang naman ako sa'yo."
"Hindi ka pabigat... Gustong gusto ko na nasa tabi kita."
Napakagat siya sa ibabang labi. "H-hindi mo makukuha ang tiwala ko kahit mabait ka pa... T-tandaan mo 'yan..."
"Hmm... I know."
Hindi na nagsalita pa si Lorden at kinuha na lang ang remote. Tumingin siya sa akin, tila nahihiya pa... "A-alin dito ang pipindutin?"
Napangiti na lang ako at kinuha sa kaniya ang remote saka binuksan ang TV. Sakto na car racing ang palabas. Agad namang napunta ang atensyon niya sa TV at hindi na ako pinansin ulit.
Habang nanonood siya, pinapanood ko naman siya. Pero napansin niya yata na titig na titig ako sa kaniya kaya napatingin siya sa akin.
"M-matulog ka na, Kate."
"Hindi pa 'ko inaantok," anas ko habang nakatitig pa rin sa kaniya.
Bahagyang namula ang mukha ni Lorden. "Kate... S-sasama lang ako sa'yo, pero wala pa rin akong tiwala sa'yo."
Tumango na lang ako. "Naiintindihan ko..."
Seryosong tumingin sa akin si Lorden. "Sana hindi mo 'ko lokohin, Kate... kasi masasaktan ako."