Ilang araw na ang nakakalipas matapos ang unang date namin ni Ace. Naging abala na siya dahil may pasok na siya at ako naman ay naghahanap ng trabaho.
Nagkikita lang kami at batian lang pero hindi na kami nagkakasama ng matagal.
Biyernes ng tanghali, umuwi muna kami sa Laguna para kumuha ng ilang mga gamit at sabado ng umaga ang balik namin. Habang nasa palengke, naisip na namin mamalengke dahil birthday ko ngayon.
May ilan na rin akong inimbitahan sa mga kabatch ko at katrabaho ko dati. Hindi ko na nayaya sila Aero dahil alam kong abala siya sa pag sunod sunod kay Genesis. Gusto ko sanang ayain si Uno pero baka magtaka ito at tumanggi lang sakin.
Hindi niya pa rin kasi alam ang tungkol sa amin ni Mama. Wala pa rin kaming lakas ng loob para sabihin iyon sa kanya.
Pag - uwi namin sa Pasig, alas sais pa lang ng umaga ay nag luto na kami ng mga handa. Ilang putahe lang naman ang mga iluluto dahil hindi naman ganon karami ang ihahanda ko. Alas diyes na ng matapos kami ni mama kaya may oras pa ako para matulog.
"Yna, maligo ka na at mamaya darating na ang mga bisita mo." Sabi sakin ni mama habang niyuyugyog ako. Pagkatingin ko sa cellphone, may tatlong missed call na kaya agad na akong naligo at nagbihis dahil papunta na ang ilan sa mga bisita ko.
Pagkalabas ko ng gate, nakita ko si Ace na pauwi pa lang at naka uniporme pa. Hot pa rin kahit anong suotin niya. Pero hindi siya ang dahilan ko kaya ako lumabas. Maya maya pa ay nag ring na ang cellphone ko.
"Yna, nandito na kami sa arko ng Balsancat. Saan ba pwede nagpark dito?" Tanong sakin ng Hanna. Naglakad ako ng kaunti at nakita ko na agad ang kanilang sasakyan.
Hindi ko na napansin ang sinasabi ni Ace sakin at nakipagbeso beso na sa mga bisita ko. Nakiusap na lang ako sa isang kapitbahay na kung pwede bang doon na lang mag park at pumayag naman ito. Pag lingon ko, wala na si Ace.
"Magandang tanghali po." Bati nila Hanna, Daniel at Mikaella tapos ay nagmano kay mama. Hinawakan lang ni mama ang mga ulo nila at umupo na sila.
Madumi pa rin ang bahay pero wala akong choice dahil hindi pa naman tapos ang pag - aayos nito. Naging abala rin kasi sa pag - aaral si Ace at ayoko naman siyang obligahin.
"Kain na kayo at para maumpisahan na rin ang inuman natin." Sabi ko sa kanila at sumang - ayon naman sila. Isa isa kong inilabas ang mga pagkain at ang ilang mga plato, baso at iba pang mga kailangan nila.
"Dito na ba kayo titira? Mas maganda pala yan at malapit ka na samin, kapag may event, makakasama ka na samin." Sabi sa akin ni Daniel at ngumiti lang ako. Hindi ko pa naman alam kung magtatagal kami dito dahil sa alam kong kakailanganin ako ni Aero.
"Hindi ko pa naman sure, may mga aasikasuhin pa ako sa Laguna." Sagot ko sa kanya at ngumiti lang siya sa akin. Magkasintahan sila ni Mikaella pero mas malapit kami ni Daniel dahil ako ang dahilan kaya sila nagkakilala.
"Sayang naman, miss ka na namin kasama sa mga party. Gusto mo hanapan kita ng trabaho? Hiring sa company namin." Sabi naman sakin ni Hanna at tumango lang ako. Kung alam lang nila ang mga naging pinagdaanan ko ay baka layuan na nila ako. Hindi biro ang paghihiganting ginawa ko sa sarili kong pamilya pero mas naging maluwag ang loob ko ng magawa ko iyon.
"Talaga? Yan din ang gusto ko, ang magkaroon ng trabaho dito at magsolo na kami ni mama, ayoko rin kasi na nakikitira lang kami sa mga kamag - anak namin." Sagot ko at nagsandok na sila ng pagkain nila.
"Alam mo, tama ka dyan. Mahirap talaga makitira kasi, minsan, lahat ng kilos mo, kelangan mag - ingat. Mas maigi pa rin na may sarili kayong matitirahan ni Tita." Sagot naman ni Mikaella at ramdam kong may kinalaman sa relasyon nila ni Daniel yon.
"Tapos minsan mahirap pang pakisamahan kung sino man ang matutuluyan mo. Mas maigi pa rin na talagang nandito kayo. If you need help, nandito lang kami." Sagot sa akin ni Hanna at hindi ko na lang pinatulan ang mga sinasabi nila kahit na totoo rin naman iyon.
Gusto ko na ring umalis sa anino ni Aero at ng buong Jaime dahil hindi ko naramdaman na kapamilya ako. Kumain na rin ako ng biglang may kumatok. Lumabas si mama at siya na ang nagbukas ng pinto. Hindi ko naman maisip kung sino ang bagong dating dahil wala naman na ako masyadong inaasahan na magiging bisita ko.
"Hi!" Bati sa akin ni Ace at ngumiti lang ako. Hindi ko pa alam kung ano ang magiging reaksyon ko sa mga magiging reaksyon nila. Masyadong pang bata si Ace at baka isipin nila na pumapatol ako sa bata. Nakagat ko na lang ang labi ko dahil sa bigla niyang pagdating.
"H-Hello." Nanginginig kong pagbati sa kanya at lumapit sa kanya. Hinawakan niya ang kamay ko pero agad ko ring inilayo ang katawan ko sa kanya dahil sa nahihiya pa akong ipakilala siya. Pero kabastusan naman kung hindi ko siya ipapakilala.
"Guys, si Ace, kapitbahay namin. Ace, pwede mo bang tulungan sa kusina si mama, wala kasi mag - aasikaso sa bisita ko. Salamat." Utos ko sa kanya at tumango lang siya saka dumiretso na sa kusina namin.
"Tara, mag - inuman na tayo." Sabi ko sa mga kasama ko at lumabas na ako para bumili ng alak. Inumpisahan ko sa pagbili ng isang case na muna ng alak dahil unti - unti lang naman ang gagawin naming pag - inom.
Nasa gitna namin ang mga pagkain, baso at ang pitsel at paikot kami. Hanna, ako, Ace, Daniel at Mikaella. Magkatabi na sila at hindi rin naman ganon kalaki ang space sa sala namin kaya sakto lang ang kung nakaupo kami sa sahig. Wala naman problema sa kanila kung sa lapag na lang ang inuman namin.
Ako ang naging tanggera ng araw na yon, una, ayaw pa ni Ace na mag - inom ako pero wala rin siyang magawa dahil sa gusto ko. Si mama ay natutulog na sa kwarto dahil maaga pa siyang nagising, kaya kelangan niyang magpahinga. Kaya ko naman maglinis mag - isa dito.
Naging masaya naman ang takbo ng inuman namin. Kwentuhan ng mga pangyayari sa buhay at mga problema. Totoo nga ang naramdaman ko kanina, may hinanakit si Mikaella dahil sa magulang ni Daniel at lagi siyang sinusuway sa mga kilos niya.
"Lahat ng galaw ko, panggabi ang pasok ko kaya malamang ay umaga, tulog ako pero hindi nila maintindihan iyon." Sabi ni Mikaella at nakita kong pinunasan niya na ang gilid ng kanyang mata. Marahil nga ay sobra na ang mga ginawa sa kanya, kilala ko si Mikaella, hindi siya basta basta sumusuko kagaya ko pero ngayon ay nakita ko na naman siyang maluha.
Habang nag iinuman naman kami ay panay ang pagsisilbi sa amin ni Ace. Sumalo na rin siya sa amin pero tahimik lang siya dahil hindi rin niya naman maiintindihan ang mga pinag - uusapan namin.
"Ayos lang ba sa mga magulang mo na umiinom ka? Masyado ka pang bata." Sita ni Daniel pero walang narinig si Ace at diretso lang sa pag - inom ng alak. Tumabi na rin siya sa akin at palihim na naglalambing pero ako ang kusang lumalayo sa kanya.
Alam kong naiisip ng mga kasama ko pero handa na ako sa kahit anong sagot kapag nagtanong na sila sa akin. Pero kung totoo naman nila akong kaibigan ay hindi nila ako huhusgahan. Si Ace ang naging runner namin at parang wala siyang kapaguran. Ayokong isipin nila na ginagawa kong katulong si Ace dito sa sarili kong bahay.
"Bumukod na rin kasi kayo ni Daniel, bakit kasi hindi niyo pa gawin." Sagot ni Hanna sa kanila at seryosong seryoso na nakikinig sa mga hinaing ni Mikaella. Si Hanna, siya ang laging handang makinig sa amin kapag may problema kami at talagang bibigyan ka niya ng payo masakit man ay alam niyang para sa amin naman iyon.
"Pasensya ka na, hindi ka makakarelate dahil sa mga pangmatanda na ang mga problema namin." Bulong ko kay Ace at tumango lang siya sa akin at nginitian ako.
"Ikaw, Yna, kelan ka naman mag - aasawa? Matagal ka ng single at wala ka pang naihaharap sa amin na boyfriend mo." Sabi sa akin ni Hanna at inilagok ko na muna ang alak sa baso ko.
"Wala pa akong mahanap na para sa akin. Alam mo namang mataas ang standards ko." Sagot ko sa kanila at tumawa na lang ulit. Hindi nila alam ang tungkol kay Aero at kahit isa ay wala akong pinag - sabihan sa mga kaibigan ko.
"Baka tumanda kang dalaga niyan. Sayang ka friend." Sagot ni Daniel sa akin at Ngumiti lang ako. Hindi ko na rin naman naiisip na may tatanggap sa akin at sa nakaraan ko. Nobody will ever love a killer. Bigla kong naaalala si Aero. Kung ano na ang status niya kay Genesis.
"Hindi naman siguro siya tatandang dalaga, sa ganda niyang yan." Sagot ni Mikaella at kinindatan lang ako at ngumuso kay Ace. Naramdaman kong uminit ang pisngi ko sa sinabi niya. Sasagot na sana ako ng biglang mabangga ni Hanna ang pitsel ng alak, dahilan para mabuhos iyon sa akin at agad akong hinila ni Ace patayo.
"I'm sorry. Nabangga ko lang ung pitsel, hindi pa ako lasing." Unang sabi ni Hanna at tumayo na rin silang lahat. Nabuhusan ang mga pagkain ng alak kaya isa isang kinuha ni Ace ang mga ito.
"Ako na maglilinis nito, Ace. Bisita kita." Sabi ko sa kanya pero agad na siyang dumiretso sa kusina kaya ang ginawa ko na lang ay pinunasan ko ang sahig.
"Sorry talaga, girl." Sabi ni Hanna at umiling lang ako sa kanya dahil tuloy tuloy pa rin akong naglilinis. Biglang umupo si Mikaella sa level ko at parang may gustong sabihin sa akin.
"Boyfriend mo ba yon? Ang bata niya pa ha." Sabi sa akin ni Mikaella at umiling lang ako. Kailangan kong mag - isip ng isang magandang sasabihin at ayokong mapag - isipan nila ako ng kung ano ano.
"Hindi. Kinuha ko lang siya para mag sideline dito sa bahay, taga pintura at kung ano ano pa, pero wala akong mag boyfriend ng bata." Bulong ko kay Mikaella at baka marinig ako ni Ace pero huli na pala ang lahat. Bigla siyang sumulpot sa kabilang gilid ko at kinuha ang basahan para ipagpatuloy ang pagpupunas ng alak.
"Ako na gagawa nito, tutal, nagsa sideline lang naman ako sa inyo." Sabi niya sa akin at parang binuhusan ako ng malamig na tubig sa likod ko dahil sa sinabi niya. Narinig niya ang sagot ko kay Mikaella.
Umalis na ako sa pagkakapwesto ko at lumayo na lang sa kanya. Bigla akong nakaramdam ng kaba dahil sa matapos niyang linisin ang mga iyon at kumuha uli siya ng ilang mga pagkain sa kusina, sinundan ko siya pero parang hindi niya ako nakikita.
Kapag pupunta siya sa kusina ay pasimple ko siyang susundan para tulungan magdala ng pagkain pero hindi niya man lang ako matapunan ng pagtingin. Napakalamig rin ng ekspresyon ng kanyang mga mata.
"Pupunta sila Jerome dito, ok lang ba sayo, Yna?" Tanong sa akin ni Mikaella at kaya pala bigla siyang nawala dahil kausap niya sila Jerome. Kabatchmate din namin noon.
"Ah, ganon ba. Sige, kaso ayos lang ba sa kanila na masikip na ang bahay namin?" Tanong ko at tila hindi na nakikinig si Mikaella sa akin. Alas syete pa lang naman ng gabi at gusto ko rin sanang umuwi na sila pero nag - imbita pa rin sila ng iba pa naming kabatch noon. Wala naman problema pero ang silip na kasi ng bahay.
"Ayos lang iyon sa kanila, walang problema. Hindi naman ganon kaarte sila Jerome pagdating sa mga bahay eh." Sagot naman ni Daniel at sumunod kay Mikaella sa labas. Sumunod na rin ako at nag yosi lang sandali.
Ilang sandali pa ay dumating na sila Jerome kasama ang isang babae, girlfriend niya ata iyon dahil pag baba nila ng tricycle, magkahawak kamay sila.
"Guys, girlfriend ko nga pala, si Katrine." Sabi sa amin ni Jerome at nakipag beso beso ito sa amin at nag fist bump naman sila ni Daniel. Tinapos ko na muna ang sigarilyo ko at pinapasok ko na sila sa loob dahil malamok na.
Inabutan ko na lang ng plato sila Jerome at Katrine saka sinamahan sa kusina para kumuha ng pagkain. Kaunti lang ang kinuha nila dahil kumain pa sila sa kanila bago umalis. Maaga palang ay sinabihan na sila ni Mikaella na pumunta dito sa bahay.
Nasa bahay pa rin si Ace at hinuhugasan ang mga plato, kaya nagkaroon ako ng pagkakataon na samahan siya ng matagal. Magkakasama naman na ang mga kaklase ko noon kaya ayos lang na nasa kusina ako.
Niyakap ko sa likod si Ace at naramdaman ko ang paghinto ng ginagawa niya at paninigas ng katawan niya. Naghugas siya ng kamay at inalis ang pagkakayap ko sa kanya.
"Anong ginagawa mo? Bakit mo niyayakap ang sumasideline sa inyo?" Tanong niya sa akin at gamit ang malamig niyang tono ng pananalita. Kita ko rin ang talas ng mga titig niya sa akin kaya naman umatras ako at aktong lalayo na para pumunta sa sala pero hinila niya agad ang kamay ko.
"Kung ikinahihiya mo na ang nagkagusto sayo ay isang bata lang kagaya ko, pwede naman akong dumistansya at hindi ka pansinin, o kung gusto mo ay umuwi na ako at iwanan ka dito." Sabi niya sa akin pero hindi agad ako nakapag isip ng sasabihin ko sa kanya.
Niyakap niya ako pabalik at wala sa sarili akong gumanti ng yakap sa kanya. Hindi ko na sinabi sa kanya ang mga dapat niyang malaman dahil sapat na yong naiintindihan niya ang nararamdaman ko.
"Tatapusin ko lang ito." Sabi niya sa akin at dinampian ng halik ang labi ko. Tinulak niya na ako pabalik ng sala at nagtuloy tuloy na ako para asikasuhin ang mga bisita ko. Ilang sandali pa ay sumunod na rin siya sa akin at dala ang pitsel na may yelo at isang plato ng menudo.
Agad akong nagsalin ng alak sa pitsel at napansin kong last na bote na lang iyon. Aktong magpapabili na ako kay Ace ng biglang nagsalita si Jerome.
"Boy, ibili mo nga kami ng isa pang case ng beer. Salamat. Yosi na lang lahat ng sukli." Utos ni Jerome sa kanya at agad kong tinitigan si Ace. Kita ko ang madilim na ekspresyon ng kanyang mukha pero nag titimpi lang siya.
"Guys, sorry hindi ko sinabi ang totoo sa inyo. Hindi namin siya boy dito. Pasensya ka na Ace, sasamahan na lang kita bumili." Sabi ko sa kanya at hinila ko na siya palabas ng bahay para pakalmahin at bumili na rin ng alak.
"Pasensya ka na ha. Nahihiya kasi ako at sobrang bata ng nagkagusto sa akin. Parang mahirap kasi paniwalaan." Sabi ko sa kanya pero hindi pa rin siya nagsasalita. Tuloy tuloy lang siya sa paglalakad papunta sa bilihan ng alak at wala man lang kahit anong pag imik. Hanggang sa makarating kami uli sa bahay. Natahimik na sila pagpasok namin.
"Pasensya ka na kung natawag ka namin, boy. Ito naman kasi si Yna hindi sinabi yung totoo. Wala namang problema samin kung bata ka at matanda itong tropa namin. Masyado kasing perfectionist ito. " Sabi ni Mikaella kay Ace at nakipag handshake lang si Jerome sa kanya.
"Pasensya ka na, pre." Sabi ni Jerome sa kanya at kinuha na ang case ng beer at inilagay na sa tabi ng mga pagkain. Hindi ko alam kung kailangan ko bang ipaliwanag sa kanila, dahil baka may masabi na naman ako na hindi maganda sa pandinig ni Ace.
"Totoo ang nararamdaman ko sa kaibigan niyo, siya lang naman itong ikinahihiya ako eh. Oo, bata pa ako para sa inyo pero lampas na ako ng dise otso." Sabi ni Ace at nilagok niya ang kakasalin niya lang na beer sa kanyang baso. Uminit na naman ang pisngi ko sa sinabi niya at kinagat ang ibabang labi ko.
"Hindi pa kasi ako handa sa pagpasok sa isang relasyon." Matipid kong sagot pero naghiyawan lang ang mga tropa ko. Hindi kasi nila alam ang nakaraan ko kaya ganito na lang ang reaksyon nila. Kung sakaling malaman nila, baka itakwil nila ako bilang kaibigan.
Hinawakan ni Ace ang kamay ko at hinalikan ang likod nito tsaka pinagsalop ang mga kamay namin. Nahihiya pa ako kaya hinila ko ang kamay ko pero hindi niya binitawan ang kamay ko. Kaya hinayaan ko na lang siya sa gusto niya.
"May pa sideline ka pang keme na nalalaman, halata naman kasing may gusto sayo. Ako lang single dito, malayo kasi si Red." Sabi ni Hanna sa amin at tinawanan lang siya ni Mikaella. Tuloy tuloy na nag inuman namin at nagpatugtog si Jerome ng kaunti. Nakipag - inuman na rin sila sa amin pagkatapos kumain.
Pero ang buong atensyon ko ay kay Ace ng gabing iyon, dahil nararamdaman kong matatanggap niya rin ako balang araw sa kung sino man ako at maiintindihan niya rin ako.
Ito ang unang beses na naging masaya ang kaarawan ko at hindi lang mga kadugo ko ang kasama ko, kung hindi ang mga taong tunay na nagmamahal sa akin kahit hindi ko sila kadugo. Kung noon, sila Spiel, Aero, si Mama, at ang sapilitan pang pag - aaya kay Uno ang nagiging bisita ko sa birthday ko, ngayon, mga tunay kong kaibigan at ang tunay na nagmamahal sa akin.
Hanggang dalawang case lang ang pwede nilang inumin dahil magdadrive pa si Daniel at maaga pa si Ace bukas. Matapos ang inuman, sinamahan ako ni Ace na ihatid sila sa sakayan at tinulungan niya rin akong maglinis ng bahay. Hindi na kami nagpansin habang naglilinis dahil pagod na ako at inaantok na rin.
"Maraming salamat sa pagpunta at pagtulong sa akin." Bulong ko kay Ace habang nagyoyosi lang kaming dalawa sa labas. Kumikinang ang kanyang mata dahil doon.
"Happy birthday." Bulong niya sa akin pabalik at hinalikan ako sa pisngi tsaka lumakas na papunta sa kanila.