KINABUKASAN ay maagang nagpunta sa kainan si Yu. Kumunot ang noo niya nang makitang walang katao-tao roon kaya dumeretso siya sa kuwartong inookupa ni Matt. Napakurap si Yu nang makitang nakatayo si Aling Melai sa harap ng pinto ng studio na katabi ng silid ni Matt. Nakasilip ang ginang sa maliit na salamin ng pinto kung saan maaaring makita ang loob ng studio. Tila naramdaman ni Aling Melai ang presensiya ni Yu nang bumaling ito sa kanya. Ngumiti ito nang matamis at iminuwestra siyang lumapit. Nagtatakang lumapit si Yu at sumilip siya sa loob ng studio. Umawang ang mga labi niya nang makita si Matt na nakaupo sa stool at tumutugtog ng drums. Hindi niya gaanong marinig iyon mula sa kinatatayuan nila. Napansin ni Yu na nakapagpalit na ng damit si Matt na ngayon ay humahakab na sa dibdib