PAGBALIK ni Yu sa mesa kung saan tahimik pa ring nakaupo ang lalaki ay nawala na ang ngisi niya. Kahit kasi nagpahila ito sa kanya papasok sa kainan ay hindi pa ito nagsasalita uli. Ni hindi ngumingiti ang lalaki at mukha pa ngang galit na hindi niya mawari. Nailang tuloy si Yu at natahimik na lang din habang nakaupo siya sa katapat nitong silya at pinagmasdan ito. Hindi nakatingin ang lalaki sa kanya. Sa katunayan ay abala ito sa pasimpleng pagmamasid sa paligid.
“Bakit ang tahimik ninyong dalawa?” biglang tanong ni Aling Melai nang lumapit sa kanila bitbit ang tray na may dalawang plato ng tapsilog. “Ano’ng pangalan mo?” nakangiting tanong nito sa lalaki.
Tinitigan si Aling Melai ng lalaki. Nagtaka si Yu nang mahuli na naman niya ang sandaling pagkislap ng lungkot sa mga mata ng lalaki bago iyon nawala. “Matt,” matipid na sagot nito.
“Matt,” ulit ni Aling Melai. Pagkatapos ay bumaling ito sa kanya. “Ngayon ko lang nalaman na may iba kang kaibigan bukod kay Cham, Yu. Dapat ba tayong mag-celebrate?” biro nito.
Naiilang na ngumiti si Yu. “Ang totoo ho, kagabi ko lang siya nakilala. At ngayon ko lang nalaman na ‘Matt’ ang pangalan niya,” pag-amin niya rito.
Tumaas ang isang kilay ni Aling Melai. Mabilis na ipinaliwanag ni Yu ang nangyari kagabi. Pagkatapos ay alanganin siyang tumingin kay Matt na nakatitig na sa kanya.
Ngumiti siya nang matipid. “Kaya salamat sa ginawa mo kagabi. Nakatulong talaga sa akin ang discman mo. `Akala ko nga, mahihirapan akong hanapin ka dahil hindi ko alam kung saan ka nakatira,” mabilis na sabi ni Yu kay Matt.
“Taga-subdivision ka ba? Ngayon lang din kita nakita rito,” sabi naman ni Aling Melai.
Ilang segundong nakatitig lang si Matt sa plato na nasa harap nito bago sumagot. “No.”
Nagkatinginan sila ni Aling Melai. Pagkatapos ay muling ibinalik ni Yu ang tingin kay Matt. “Iyan din ang suot mo kagabi,” maingat na simula niya. Tumingin si Matt sa kanya. Kumabog ang dibdib ni Yu pero naglakas-loob pa rin siyang magtanong. “Kung hindi ka tagarito, bakit nandito ka sa lugar namin?”
Sinalubong ni Matt ang tingin niya. “I’m looking for someone.”
Napakurap si Yu. “Nakita mo ba siya?”
Ilang segundo ang lumipas bago muling sumagot si Matt. Na para bang napipilitan lang itong magsalita. “No.”
“May kakilala ka ba rito? May matutuluyan ka ba?” muling tanong niya.
“Wala,” matipid uling sagot ni Matt.
Muli ay nagkatingin sila ni Aling Melai na bahagya siyang nginitian bago umupo sa tabi niya at tumingin kay Matt. “Kung wala kang matutuluyan at magtatagal ka pa rito, may isa akong bakanteng kuwarto. Katabi nga lang ng music studio na madalas rentahan ng mga teenager dito kaya matao palagi. Puwede mong gamitin,” suhestiyon nito.
Isang buong two-storey building kasi ang pagmamay-ari ni Aling Melai. Sa ikalawang palapag ay may apat na apartment na pinaparentahan nito. Sa ibaba ay ang kainan, ang mismong bahay ng ginang, isang music studio na may drum set at sound system na pinagpapraktisan ng mga amateur na banda sa lugar nila at isang bakanteng kuwarto na minsan ay ginagamit din ng mga nagrerenta sa studio. Ilang beses nang natulog si Yu sa kuwartong iyon, kapag matindi ang pag-aaway ng kanyang mga magulang.
Bumaling si Matt kay Aling Melai at matagal na tinitigan ang ginang. “If it’s okay then I accept your offer,” may-pagkaaroganteng sagot nito.
Kumunot ang noo ni Yu dahil pakiramdam niya ay may kung ano sa ekspresyon ni Matt na tila ba iba ang dapat sasabihin ng lalaki.
Tumawa si Aling Melai at muling tumayo. “O sige, kumain na kayo. `Tapos, ihahatid ka ni Yu sa kuwarto. Kung tama ang hula ko sa sinabi ninyong dalawa, hindi ka pa natutulog.” Binalingan siya nito. “Ikaw na ang bahala sa kaibigan mo, Yu.”
Nang tumango si Yu ay saka lang ito tumalikod sa kanila. Eksakto namang may mga dumating na customer kaya nabaling na sa mga iyon ang atensiyon ni Aling Melai.
“Lagi ba siyang ganyan?” biglang tanong ni Matt kaya napalinga si Yu rito. Nakasunod pa rin ang tingin ni Matt kay Aling Melai.
“Laging ano?”
“Laging… accommodating kahit sa hindi niya kilala.”
Ngumiti si Yu nang matipid. “Mabait si Aling Melai.”
Tila pinag-isipan ni Matt ang sinabi niya bago walang kibong nagsimulang kumain. Hindi na lang din nagsalita si Yu at itinuon ang kalahati ng atensiyon sa kanyang pagkain. Ang kalahati ay pasimple pa ring pinagmamasdan si Matt. Kahit ang paraan nito ng pagkain ay iba. May… “class” ba ang tawag doon? Kahit ano ang gawin nito, bawat kilos at pagsasalita, kahit hindi pa nakakapagpalit ng damit o nakakatulog nang maayos, hindi talaga mukhang simpleng tao si Matt na kagaya ni Yu. Lalo tuloy siyang nagkainteres na magtanong.
Ang kaso, ramdam na ramdam ni Yu ang makapal na pader na iniharang ni Matt sa sarili nito. Pader na alam niyang kapag tinangka niyang tawirin ay ikagagalit ni Matt nang husto. Kaya nanahimik na lang siya.
Pagkatapos nilang kumain ay nauna pa si Matt na tumayo bitbit ang bag nito. Kaya mabilis ding kumilos si Yu at inihatid ito sa kuwartong gagamitin ng lalaki. Saglit lang nitong iniikot ang tingin sa maliit na silid bago humarap sa kanya hindi pa man siya nakakahakbang sa loob.
“I’m going to sleep,” wika ni Matt.
Napangiwi si Yu at muling umatras palabas. “Okay. G-goodnight,” tanging nasabi niya at mabilis na isinara ang pinto.
Laglag ang mga balikat na bumalik si Yu sa kainan. Hindi niya nakita roon si Aling Melai kaya dumeretso siya sa kusina. Nakatalikod ito sa kanya at laglag din ang mga balikat. “Aling Melai?”
Napaigtad si Aling Melai at tila may pinahid sa mukha nito bago nakangiting humarap sa kanya. Pagkatapos ay gulat na napaatras ito. “O, bakit ganyan ang hitsura mo?”
Bumuntong-hininga si Yu at sumandal sa nakapinid na pinto. “Matutulog daw siya kaya umalis na ako. Ang sungit,” pagsusumbong niya.
Tumawa si Aling Melai. “Ganoon ka rin kasungit sa ibang tao maliban sa amin ni Cham baka nakakalimutan mo,” biro nito.
Humalukipkip si Yu at muling huminga nang malalim. May punto kasi si Aling Melai. “Pakiramdam ko may pagkakapareho kami,” mahinang usal niya at tumingin kay Aling Melai. “Katulad kagabi, nang ibigay niya sa akin `yong discman niya. Ang sabi niya ay makakatulong `yon sa akin para hindi ko marinig ang pag-aaway nina Nanay at Tatay. Ang sabi niya, effective daw `yon sa kanya. Ibig sabihin, mayroon din siyang tinatakasang ingay na ayaw niyang marinig sa kanila, hindi ba?”
May bumakas na lungkot sa mukha ni Aling Melai. Pagkatapos ay lumapit ito kay Yu at hinaplos ang kanyang buhok. “Kaya nga mas dapat na huwag mo siyang sukuan. Naging okay ka dahil may Cham na hindi ka sinukuan at kinaibigan ka, hindi ba? Baka kailangan din ni Matt ng ganoong tao sa buhay niya. At least, kahit habang nandito lang siya sa atin,” malumanay na payo ni Aling Melai.
Hindi alam ni Yu kung bakit tila may kumurot sa kanyang puso ang sinabi nito. Para kanino ba ang sakit na iyon? Kay Matt at sa kanya o kay Aling Melai na sa unang pagkakataon ay nakita niyang may lungkot at kung anong pangungulila sa mga mata?
Ngumiti siya at determinadong tumango. Hindi niya susukuan si Matt.