bc

WILDFLOWERS series 5: True Love's Passion

book_age16+
1.3K
FOLLOW
9.3K
READ
billionaire
second chance
friends to lovers
goodgirl
CEO
band
boss
bxg
like
intro-logo
Blurb

Lingid sa kaalaman ng lahat, nagsimula ang pagkahilig ni Yu sa drums at sa musika noong bata pa siya nang makilala niya si Matt na napadpad sa bayan nila. He was the one who introduced rock music to her. Ito ang nagturo sa kanya kung paano tumugtog. Sa loob ng isang linggong nakasama niya ito ay nabago ang buhay niya. It was also the first time she learned how it feels to fall in love with someone.

Ngunit kinailangan nitong umalis at ang tanging naiwan nito sa kanya ay isang lumang discman at pangalan nito. Sa paglipas ng panahon ang paghahanap dito ang naging motivation ni Yu para maging matagumpay na musikera. Ngunit kahit labinlimang taon na ang lumipas at sumikat na sila ay hindi niya nakita si Matt.

Nang magpasya siyang sumukoay saka naman muling nagkrus ang mga landas nila. Again she strongly felt a mutual attraction from that moment. Ang akala niya magagaya na siya sa mga kaibigan niya na masaya sa piling ng mga mahal ng mga ito. Pero may isang sekreto pala si Matt na hindi nito sinabi sa kanya. Sekretong dumurog sa puso niya

chap-preview
Free preview
CHAPTER 1
Fifteen years ago   MULA pagkabata, walang ibang gustong gawin si Yu kundi ang tumakas—sa kahirapan, sa mga magulang niyang walang inatupag kundi ang mag-away, sa kanyang ama na lulong sa alak at labas-masok sa kulungan dahil sa pagnanakaw at pakikipagbasag-ulo, sa kanyang ina na lulong sa sugal, sa mga tao sa lugar nila na ang tingin sa kanya ay masamang bata at matutulad din siya sa mga magulang niya, at sa mga gurong kahit na gaano kataas ang markang nakukuha at nangunguna siya sa klase ay palagi siyang tinitingnan na para bang anumang oras ay may gagawin siyang kalokohan. Gusto niyang magkaroon ng ibang buhay, ng ibang katauhan. Ngunit kahit ano ang gawin ni Yu ay hindi niya iyon magawa. Menor-de-edad siya. Wala pa siyang kayang gawin para sa sarili kaya naipon ang lahat ng galit sa kanyang loob. Palaging tila may malakas na tumatambol sa dibdib ni Yu, sa bawat himaymay ng kanyang katawan, na gustong sumabog. Napakaraming galit at frustration sa kanyang loob at hindi niya alam kung ano ang gagawin sa mga iyon. Pakiramdam ni Yu ay isa siyang time bomb na anumang oras ay sasabog. Na anumang sandali ay patutunayan niya na tama ang mga tao sa paligid nila, na gaya rin siya ng kanyang mga magulang. Mabuti na lamang at hindi iniwan si Yu ng kanyang matalik na kaibigan na si Cham, kahit pa hindi rin siya gusto ng mga magulang nito. Nakilala niya si Cham noong unang araw nila sa high school. Seatmate sila at ito ang unang humarap at ngumiti kay Yu. Maliit lang ang bayan nila pero hindi niya ito naging schoolmate si Cham noong nasa elementarya sila. Galing kasi ito sa private school samantalang si Yu ay nag-aral sa nag-iisang pampublikong elementarya sa lugar nila. Unang ngiti pa lang ni Cham kay Yu, alam na niyang magkaibang-magkaiba sila. Hindi mukhang napabayaan si Cham ng mga magulang. Hindi ito mukhang nakaranas magutom o mapagbuhatan ng kamay. Mukhang teacher’s pet si Cham. Mukhang lahat ng tao ay gusto ito. At sa paglipas ng mga araw at linggo ay napagtanto ni Yu na tama siya ng hinala. Lahat ng tao ay gusto si Cham. Samantalang si Yu ay iniiwasan. Palibhasa, karamihan ng mga kaklase nila ay naging kaklase na niya noong elementarya. Ang mga guro nila ay kilala rin siya at ang kanyang mga magulang. Pero hindi iniwan ni Cham si Yu. Palagi pa rin itong dumidikit sa kanya at kinakausap siya. Hanggang sa matagpuan niya ang sariling lumalambot ang puso kay Cham. Sa unang pagkakataon ay nagawa ni Yu na ngumiti at magsalita sa klase. Nagsimula siyang ma-enjoy ang high school dahil kay Cham. Pakiramdam niya ay naging normal na teenager na rin siya. Isang araw ay dinala si Yu ni Cham sa bahay ng mga ito. Mukhang estrikto ang mga magulang nito at umpisa pa lamang ay may nakita na siyang disgusto sa mukha ng mama ni Cham. Pero dahil may pinag-aralan ang mama ni Cham ay hindi siya hayagang sinabihan ng hindi maganda nito na gaya ng ibang tao. Hindi rin gaanong sumama ang loob ni Yu dahil hinawakan ni Cham ang kamay niya at mabilis siyang hinila paakyat sa silid ng kaibigan. Nang naroon na sila ay nahihiya pa siya nitong nginitian at pinisil ang kanyang kamay. “Huwag mong pansinin si Mama. Ganoon lang talaga iyon sa mga bago niyang kakilala,” naaalala pa niyang pag-aalo ni Cham sa kanya. Ilang beses pang nagpunta si Yu sa bahay ni Cham at sa tuwina ay ganoon ang reaksiyon ng mama nito. Ngunit sa tuwina ay ngingitian siya ni Cham at pipisilin ang kanyang kamay. Noon pa man ay ipinangako na ni Yu sa sarili na gagawin niya ang lahat upang balang-araw ay masuklian ang kabaitan ni Cham sa kanya. Na kapag ito naman ang kailangan ng magliligtas at magtatanggol ay siya ang gagawa niyon. Ngunit walang Cham na magliligtas kay Yu sa sarili niyang bahay at sa kanyang mga magulang. Kahit gaano pa siya unti-unting nagiging normal sa eskuwelahan si Yu dahil may kaibigan na siya, palagi pa rin siya natatakot na sumapit ang hapon na kailangan na niyang umuwi. Madalas tuloy ay nagpapagabi si Yu kahit wala siyang ibang ginagawa kundi ang tumambay sa kung saan-saan kapag hindi niya kasama si Cham. Nang matapos ang klase at magsimula ang bakasyon ay lalong naging problemado si Yu. Umalis kasi si Cham kasama ang mga magulang nito para magbakasyon sa kung saan. Mawawala ito nang isang linggo. Mabuti na lang at sa lugar nila ay may isang mabait na babaeng umaampon sa kanya kapag walang pasok—si Aling Melai. Si Aling Melai ang may-ari ng nag-iisang apartment complex sa bayan nila. Bukod doon may kainan ang ginang na kanugnog niyon at tuwing wala siyang pasok ay tumutulong si Yu roon bilang part-time job. Ang kaso, sarado ang kainan ni Aling Melai nang hapong iyon kaya napilitan si Yu na umuwi nang maaga. Pakiramdam ni Yu ay nalaglag ang kanyang puso nang madaanan niya sa kapitbahay ang nanay niyang nagsusugal. Ni hindi siya tinapunan ng tingin ng kanyang ina kahit na itinuro na siya ng mga kalaro nito. Hindi ipinakita ni Yu na nasaktan siya sa pambabale-wala nito. Nakataas ang noo at deretso ang tingin na nilampasan ni Yu ang mga ito. Sanay siya na parang hindi siya nag-e-exist sa mundo ng kanyang ina. Kayang-kaya niyang umaktong walang anuman iyon sa kanya. Subalit muntik nang masira ang kontrol ni Yu sa kanyang emosyon nang pagdating niya sa bahay nila ay naroon ang kanyang ama, may kasamang mga lalaking hindi niya kilala at nag-iinuman. Hindi tulad ng kanyang ina ay agad siyang napansin ng kanyang ama. “Ang aga mo. Pumunta ka muna sa kaibigan mo. Hindi masayang may bata rito,” sabi ng kanyang ama na medyo madulas na ang dila. Itinikom ni Yu nang mariin ang kanyang bibig. Hindi ba naisip ng kanyang ama na baka wala siyang kaibigang mapupuntahan dahil sa mga ito? “Doon na lang ako sa kuwarto ko,” sabi ni Yu sa kanyang ama. Ang kuwartong sinasabi niya ay kasinliit lang ng bodega nina Cham. manipis na plywood lamang ang pagitan niyon sa maliit din nilang sala kung saan nag-iinuman ang mga ito. Kurtina lang ang nagsisilbing pinto ng kanyang kuwarto. Umismid ang kanyang ama at lumagok sa basong hawak nito. Mukhang hindi napansin ng kanyang ama ang pagpasada ng tingin sa kanya ng mga kainuman nito. Kinilabutan si Yu kaya mabilis siyang tumalikod at pumasok sa kanyang kuwarto. Pumikit siya nang mariin dahil bigla ay para siyang mabibingi sa ingay. Nagsimulang manginig ang katawan ni Yu kaya ikinuyom niya nang mariin ang mga kamay na halos masugatan na ng mga kuko niya ang kanyang mga palad. Naroon na naman ang galit sa loob niya, ang matinding kagustuhang sumigaw. Kinagat ni Yu ang ibabang labi at pilit na kinalma ang sarili. Nangako siyang hindi patatalo sa galit na iyon na kumukulo palagi sa kanyang loob. Malakas na nagtawanan ang kanyang ama at mga kainuman nito at nabale-wala ang pagpapakalma ni Yu sa sarili. Dumilat siya at marahas na dumapa sa papag. Itinakip niya ang unan sa kanyang ulo upang hindi marinig ang mga ito. Ngunit makalipas yata ang kalahating oras ay frustrated na bumangon si Yu. Kailangan niyang lumabas ng bahay. Pupunta siya kahit saan, basta makalayo lang siya roon. Mabilis na nagpalit si Yu ng damit. Pagkatapos ay lumabas siya ng kanyang kuwarto at dere-deretsong lumabas ng bahay. Tatakbo pa lamang sana siya nang makitang parating ang kanyang ina. Huminga si Yu nang malalim dahil isang tingin pa lang niya sa tila naiinis na mukha ng kanyang ina ay alam na niyang mainit ang ulo nito. Malamang ay natalo ito sa sugal. Lalong nalukot ang mukha ng kanyang ina nang mapatingin sa kanya. “Saan ka pupunta?” sikmat nito at mabilis na lumapit sa kanya. Napangiwi si Yu. Bago siya makapagsalita ay muling nagtawanan nang malakas ang kanyang ama at ang mga kainuman nito sa loob ng bahay nila. Sabay pa sila ng kanyang ina na napalingon doon. Nang tingnan uli ni Yu ang kanyang ina ay halatang galit na galit na ito. Nagmura ito nang malutong at mabilis na pumasok sa bahay. Saglit pa ay naririnig na ni Yu ang sigaw ng kanyang ina at pagsagot ng kanyang ama. Pagkatapos ay napaigtad siya nang may marinig siyang tila nabasag na kung ano—patunay na naghahagis na naman ng bote at baso ang ina ni Yu. “Wala ka na ngang matinong trabaho, naglalasing ka pa, hayup ka! At kayo, lumayas kayo, layas!” narinig ni Yu na sigaw ng kanyang ina. Bumukas uli ang pinto ng bahay nila at lumabas ang mga kainuman ng kanyang ama. Mabilis siyang lumayo sa daan. Hindi pa man nakakalayo ang mga ito ay nagsimula nang magmurahan at magsigawan ang kanyang mga magulang. Sa sobrang lakas ay siguradong dinig iyon ng mga kapitbahay nila. Kinagat ni Yu ang ibabang labi at itinakip ang mga kamay sa magkabilang tainga. Pero naririnig pa rin niya ang bangayan ng mga ito, ang pagbagsak ng kung ano-anong gamit, ang sigaw ng kanyang ina na sigurado siyang pinagbubuhatan na ng kamay ng kanyang ama at ang pagganti ng kanyang ina rito. Pumikit si Yu nang mariin at tumalungko. Isinubsob niya ang mukha sa kanyang mga tuhod. Wala na siyang pakialam kung nasa gitna siya ng daan. Nahiling ni Yu na sana ay bumuka na lang ang lupa at lamunin siya niyon para hindi na niya marinig ang pag-aaway ng kanyang mga magulang. Nag-init ang sulok ng mga mata ni Yu ngunit pinigilan niyang umiyak. Hindi siya iiyak. Tumigil na siyang gawin iyon noong sampung taong gulang siya. Nakayukyok pa rin si Yu at nakapikit nang mariin nang mapaigtad siya sa kung sinong biglang may inilagay sa kanyang ulo. Dumagundong ang malakas na rock music sa kanyang mga tainga kasabay ng pagdausdos ng dalawang malalaking kamay sa magkabilang kamay niya. Napadilat si Yu at nanlalaki ang mga matang napatingala sa taong nakayuko sa kanya. Hindi nakahuma si Yu at biglang nawala ang kanina lamang ay pagwawala at pagrerebelde sa loob niya nang magtama ang mga mata nila ng guwapong lalaking hawak pa rin ang kanyang mga kamao. Hindi mabasa ni Yu ang ekspresyon sa mukha ng lalaki ngunit may kung ano sa mga mata nito na biglang nagpakalma sa kanya. Napakurap si Yu nang maramdaman niyang hinila ng lalaki palayo sa kanyang mga tainga ang mga kamay niya. Tumakip sa magkabilang tainga niya ang headphone na inilagay nito sa kanyang ulo. Wala na siyang naririnig maliban sa tugtog na nanggagaling doon. Pagkatapos ay binitiwan ng lalaki ang mga kamay ni Yu at may kung anong kinuha sa bag na nakasukbit sa balikat ng lalaki. Walang salitang pinagmasdan lamang niya ang bawat kilos nito. Hindi niya kilala ang lalaki at sigurado si Yu hindi ito tagaroon. Sino ang lalaki? Hinawakan ni Yu ang headphone at bahagya iyong inalis sa kanyang mga tainga kasabay ng paglahad ng lalaki sa isang discman sa harap niya. “Keep it,” sabi ng lalaki. “B-bakit?” Hinawakan uli ng lalaki ang isang kamay ni Yu at inilagay doon ang discman. Pagkatapos ay itinuro nito ang bahay nila. Napalingon si Yu roon. Mula sa nakabukas na bintana ay nakikita niyang nag-aaway pa rin ang kanyang mga magulang. Nag-init ang mukha niya sa labis na pagkapahiya. Pero lakas-loob pa ring ibinalik ni Yu ang tingin sa lalaki. Nagtama uli ang mga mata nila at wala siyang nakitang emosyon doon. “Ayaw mo silang marinig, hindi ba? That will help you block out the sound. I find it effective, and so will you,” sabi pa nito. Pagkatapos ay walang paalam na tumalikod at parang walang nangyaring nagpatuloy ang lalaki sa paglalakad. Napatayo si Yu at tatawagin pa sana ang lalaki ngunit lumiko na ito sa isang kanto at nawala na sa kanyang paningin. Nakasabit pa rin sa leeg ni Yu ang headphone at ang discman ay nasa kamay niya nang muling may kumalabog sa loob ng bahay nila. Napalingon siya roon. Nagsisigawan pa rin ang mga magulang ni Yu habang nagsasakitan ang mga ito. Tumalikod si Yu at isinuot ang headphone. Ibang kanta na ang tumutugtog pero rock pa rin iyon. Maganda iyon at sa kabila ng malakas na tugtog ng drums at gitara ay maganda ang lyrics. Natagpuan niya ang sariling tutok na tutok sa awitin. At tama ang lalaking nagbigay niyon kay Yu. Nawala nga ang ibang ingay. Nawala ang dagundong sa loob niya na tila ba palaging nais kumawala. Natalo iyon ng dagundong ng drums sa kanta. Nakalma si Yu. Napapikit siya at ninamnam ang awit. It comforted her. Pagkatapos ay biglang nabuo sa kanyang isip ang imahen ng lalaking walang pagdadalawang-isip na nagbigay ng discman sa isang tulad niya na hindi nito kilala. Sino kaya ang lalaki? Makikita pa kaya uli ni Yu ang lalaki? Sana…

editor-pick
Dreame-Editor's pick

bc

His Cheating Heart

read
45.4K
bc

The Billionaire's Obsession

read
3.1K
bc

Stained (Boy Next Door 3)

read
4.9M
bc

Mistaken Identity Tagalog Story

read
66.3K
bc

A Kiss From The Billionaire's Son

read
2.3M
bc

Reckless Hearts

read
258.8K
bc

The Tears of Faith (Tagalog/Filipino)

read
188.1K

Scan code to download app

download_iosApp Store
google icon
Google Play
Facebook