CHAPTER 5

1159 Words
Nahigit ni Yu ang kanyang hininga. Ito nga ang lalaking nagbigay sa kanya ng discman. Hindi niya maipagkakamali ang makakapal na kilay at pilik-matang iyon. Maging ang matangos na ilong at makurbang mga labi ng lalaki. Malabong makalimutan ang mukha ng lalaking ganoon kaguwapo. Lalo na at hindi normal ang hitsura at aura nito sa lugar nila. Tulad kagabi, may kung ano sa ekspresyon sa mukha ng lalaki na humahatak kay Yu patungo rito. Parang galit ang lalaki pero para din itong malungkot na hindi niya mawari. At kung makikita lang ni Yu nang maayos ang mga mata nito ay sigurado siyang wala na namang emosyon doon. Na para bang pilit na itinatago ng lalaki ang nararamdaman nito. Alam ni Yu dahil palagi rin niya iyong ginagawa. Lalo na noong bago niya makilala si Cham. Napaigtad si Yu nang may biglang tumawag sa kanyang pangalan. Napakurap siya at mabilis na bumaling sa kainan ni Aling Melai. Nakabukas ang pinto ng kainan at nakatingin ang ginang kay Yu. “Yu! Ang aga mo, ah. Pasok,” nakangiting yaya ni Aling Melai sa kanya. “Sige po,” sagot ni Yu. “Aling Melai” ang tawag niya rito pero ang totoo hindi pa naman ito ganoon katanda. Ang sabi ni Aling Melai sa kanya ay thirty-nine years old lang daw ito. Pero maganda pa rin ang maaliwalas na mukha ni Aling Melai. Marami ngang tagaroon ang madalas tumambay sa kainan ng ginang dahil may gusto rito. Wala pa kasing asawa si Aling Melai. Hindi tulad ng karamihan ng mga tao roon, mabait si Aling Melai kay Yu. Hindi iilang beses na nahiling niyang sana ay ito na lang ang nanay niya. Ngumiti si Aling Melai at akmang papasok na uli nang mapabaling ito sa lalaking nakatayo rin doon. Sandaling bumakas ang pagkagulat sa mukha ni Aling Melai bago muling ngumiti at tumingin kay Yu. “Isama mo `yang kaibigan mo,” sabi nito sa kanya bago tuluyang pumasok sa loob. Nag-init ang mga pisngi ni Yu dahil hindi niya naitama sa ginang na hindi niya kaibigan ang lalaki. Huminga siya nang malalim at bumaling sa lalaki. Natigilan si Yu at napatitig dito nang mapansin ang panlalaki ng mga mata ng lalaki na para bang nakakita ito ng multo habang nakatitig sa kainan ni Aling Melai. Bigla rin ay tila nasira ang maskara ng kawalan ng emosyon sa mukha nito. Nagmukhang mahina ang lalaki. Bago pa makapag-isip nang maayos si Yu ay mabilis na nilapitan niya ang lalaki at hinawakan ang manggas nito. Gulat na kumurap ito at tumingin sa kanya. Parang may lumamutak sa kanyang puso nang magtama ang mga mata nila at makita niya ang lungkot doon. “Gusto mong sumama sa akin sa loob? Mabait si Aling Melai,” wika ni Yu sa lalaki. Hindi alam ni Yu kung ano sa sinabi niya ang naging dahilan, pero bigla ay nawalan uli ng ekspresyon ang mukha nito. Bumaba ang tingin ng lalaki sa kamay niyang nasa manggas nito. Mabilis na binitiwan ni Yu ang laylayan ng manggas ng lalaki. Ang epekto ng simpleng kilos nito ay para siyang malakas na pinagsarhan ng pinto. “Ako `yong binigyan mo ng discman kagabi. Gusto kong ibalik sa `yo pero hindi ko lang dala ngayon. Pumasok ka muna sa loob para mahintay mo ako. Kukunin ko sa bahay,” sabi niya na itinuro ang kainan. Ilang sandaling tumingin lang ang lalaki kay Yu na para bang hindi siya nito natatandaan. Patindi nang patindi ang pagkapahiyang nararamdaman ni Yu pero hindi siya nag-iwas ng tingin. “I told you to keep it,” sa wakas ay sabi ng lalaki. Bahagyang nakahinga nang maluwag si Yu dahil natatandaan na siya ng lalaki. “Pero mahal `yon. Hindi ako puwedeng basta na lang tumanggap ng ganoon mula sa isang estranghero,” giit niya. “Hindi ko na `yon kailangan pa. Itatapon ko na `yon.” Saglit na naguluhan si Yu sa biglang pagta-Tagalog ng lalaki. Slang itong magsalita na para bang hindi sanay mag-Tagalog. Foreigner ba ito? Pero itim ang buhok ng lalaki at kulay-kape ang mga mata. Kahit kakaiba ang kaguwapuhan nito mukha pa rin naman itong Pilipino. Siguro, anak-mayaman na hindi sanay mag-Tagalog, naisip niya. “Hindi ko `yon puwedeng tanggapin nang walang kapalit,” wika ni Yu. Napailing ang lalaki at may bumakas na iritasyon sa mga mata. “Then throw it away.” Mabilis na pinigilan ni Yu sa braso ang lalaki nang akmang tatalikuran siya nito. “What?” Ano nga ba? Hindi alam ni Yu. Alam niya  na nagiging makulit siya. Hindi siya ganoong klase ng tao. Hindi ang tipo ni Yu ang nakikipag-usap sa isang estranghero at nangungulit na parang batang kulang sa pansin. Pero ayaw pa niyang umalis ang lalaki. Gustong malaman ni Yu ang pangalan nito, kung saan nakatira, at ilang taon na ang lalaki. Maraming nais malaman si Yu tungkol dito. Kahit mainis pa ang lalaki sa kanya. “Ililibre na lang kita ng almusal bilang kapalit,” alok ni Yu kahit wala siyang dalang pera. Kakausapin na lang niya si Aling Melai. Nagsalubong ang mga kilay ng lalaki na para bang gusto siyang sakalin. Hindi ito binitiwan ni Yu at matatag na sinalubong ang mga mata ang lalaki. “Yu, ang tagal ninyo!” biglang tawag ni Aling Melai sa kanya. Sabay silang napalingon sa direksiyon ni Aling Melai. Naglalakad na ang ginang palapit sa kanila. Nagpalipat-lipat ang tingin ni Aling Melai sa kanila bago tumingala sa lalaki at bahagyang ngumiti. “Pagbigyan mo na si Yu at pumasok ka na sa loob. Ikaw pa lang ang pangalawang taong nakita kong kausap niya rito. Masarap ang mga pagkain namin,” yaya ni Aling Melai. Tama si Aling Melai. Si Cham lang kasi ang kaibigan ni Yu sa lugar nila at ilang beses na ring nakita ni Aling Melai ang kanyang kaibigan. Naramdaman ni Yu na natensiyon ang muscles sa braso ng lalaki na hawak niya. Nang tingnan niya ang mukha nito ay nakatiim-bagang ang lalaki. Pinisil ni Yu nang marahan ang braso nito. “Sige na.” Sumulyap ito sa kanya bago muling tumingin kay Aling Melai. Pagkatapos ay tila sumusukong bumuntong-hininga ito. Nagkatinginan sina Yu at Aling Melai at sabay pa silang napangiti. Hinila niya nang marahan ang braso ng lalaki at naglakad patungo sa direksiyon ng kainan. Sa pagkakataong iyon ay hindi nagprotesta ang lalaki at tahimik na nagpahila na lang sa kanya. Ngiting-ngiti na tuloy si Yu pagpasok nila sa kainan at napaupo na niya ito sa isang bakanteng mesa. Pagkatapos ay sinamahan ni Yu si Aling Melai sa kusina upang tumulong sa pagkuha ng pagkain. Nang maabutan niya si Aling Melai roon at makita siya ay tumawa ito nang mahina. “Ngayon lang kita nakitang ngiting-ngiti nang ganyan,” biro ni Aling Melai. Natigilan si Yu at napahawak sa kanyang mga pisngi. Tama si Aling Melai. Iyon nga ang unang beses na napangiti siya nang ganoon. Napangisi tuloy si Yu.      
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD