HUMINGA nang malalim si Yu at pinagmasdan ang dalawang malalaking maleta na nakalagay sa gilid ng kama ng hotel suite niya. Iyon na ang lahat ng gamit niya. Kahit ilang taon siya sa Amerika ay hindi talaga siya likas na maluho sa gamit. Halos lahat ng mga damit at kung ano-ano pang mga gamit ni Yu ay galing sa sponsors nila. Halos hindi siya gumagastos ng kanyang sariling pera. Kahit ang apartment nila sa Amerika ay sagot ng music label nila. Kaya ang ginagastusan lang talaga ni Yu ay ang kanyang buwanang sustento sa kanyang mga magulang.
Lumapit si Yu sa isang maleta at binuksan iyon. Maliligo at magbibihis muna siya bago yayain si Carli na kumain. Natigilan si Yu sa pagkalkal sa kanyang gamit nang tumama ang kamay niya sa manipis na kahon kung saan nakalagay ang dalawang pinakaimportanteng bagay para sa kanya. Mula nang magdesisyon silang magkakabanda na permanenteng bumalik sa Pilipinas ay hindi na niya iyon nabuksan. Naging abala kasi sila.
Hinaplos iyon ni Yu at napabuntong-hininga. Sumalampak siya ng upo sa carpeted na sahig at maingat na iniangat ang takip ng kahon. Inilabas niya ang discman na niluma at nilaos na ng panahon. Wala na nga siyang nakikitang ganoon ngayon. Sunod na kinuha ni Yu ang CD na binilhan pa niya ng lalagyan para hindi masira. Inalis niya iyon sa lalagyan at isinalang sa discman. Pagkatapos ay kinuha ni Yu ang headphone at isinuot.
Matagal nang nasira ang headphone na kasama ng discman.
Pinindot ni Yu ang Play button at isinandal ang ulo sa kama. Narinig niya ang pamilyar na rock song. Dala niyon ang mga alaala ng nakaraan at pinuno siya ng magkahalong saya at lungkot.
What do you do, when it’s falling apart? And you knew it was gone, from the very start. Do you close your eyes, and dream about me…
Tumitig si Yu sa kisame at wala sa loob na sinabayan ang kanta. “A girl in love, with a gleam in your eye. I was a younger boy, all dressed in white. We’re older now. Do you still think about me?”
Napahinto si Yu sa pagkanta. Matt, do you still think about me? Dahil naiisip pa rin kita. Araw-araw.
Huminga si Yu nang malalim at pumikit nang mariin. Isa iyon sa mga sandaling pinakaayaw niya sa kanyang sarili. Sa harap ng lahat ay matibay siyang tao, pero kapag mag-isa na siya at narinig ang kantang iyon ay lumalambot ang kanyang mga depensa.
Wala sa loob na hinaplos ni Yu ang discman at hinayaan ang sariling dalhin siya ng awiting iyon patungo sa nakaraan. Sa ilang araw na nagpabago sa kanya at naging dahilan kung bakit drummer at leader siya ngayon ng isa sa pinakasikat na banda sa mundo.
Sa isang linggong nakasama ni Yu si Matt…
Halos hindi nakatulog nang buong gabi si Yu. Hindi dahil matagal bago humupa ang away ng kanyang mga magulang, kundi dahil hindi siya makatulog sa kakaisip kung sino ang lalaking nagbigay sa kanya ng discman. Inilagay ni Yu iyon sa ilalim ng unan niya at sa tuwina ay kinakapa na para bang mawawala iyon anumang oras. Natatakot si Yu na baka panaginip lang ang lahat at ang lalaki ay likha lamang ng kanyang imahinasyon.
Pero kinabukasan, nasa ilalim pa rin ng unan ni Yu ang discman. Sa unang pagkakataon sa buhay niya ay may sumilay na ngiti sa kanyang mga labi pagkagising na pagkagising niya. Nagkaroon siya ng layunin para sa araw na iyon.
Hahanapin ni Yu ang lalaki.
Determinadong bumangon at nag-ayos si Yu. Pero bago siya umalis ng bahay ay iniligpit muna niya ang mga basyong bote at kung ano-ano pang nabasag dahil sa pag-aaway ng kanyang mga magulang kagabi. Sa silid na inookupa ng mga magulang niya ay naririnig pa ni Yu ang malakas na hilik ng kanyang ama. Alas-sais pa lang ng umaga kaya tiyak na tulog pa rin ang kanyang ina. Sa totoo lang, hindi maintindihan ni Yu kung paano natitiis ng mga ito na matulog sa isang kuwarto pagkatapos mag-away. Ganoon ba talaga ang buhay-mag-asawa? Kung ganoon, ayaw ni Yu na pumasok sa ganoong klase ng relasyon.
Napailing si Yu nang marahas. Hindi siya mag-iisip ng negatibong bagay sa araw na iyon. May misyon siyang kailangang matupad.
Sa naisip ay mabilis ngunit tahimik na lumabas ng bahay si Yu. Hindi niya dinala ang discman dahil ayaw niyang may makapansin niyon kung sakaling may makasalubong siyang kapitbahay. Alam ng mga tao roon na malabong magkaroon siya ng ganoon at baka kung ano ang isipin ng mga ito. Baka matsismis si Yu na kinuha iyon kung kanino. Dati kasi, nang bigyan siya ni Cham ng bagong bag noong second year high school sila ay may kumalat na tsismis na ninakaw niya iyon. Malabo raw kasi na ibili siya ng kanyang mga magulang ng ganoon.
Huminga si Yu nang malalim nang nasa daan na siya. Bakasyon kaya walang mga estudyanteng naglalakad para pumasok sa eskuwelahan. Sa katunayan ay walang katao-tao sa paligid. Summer na pero medyo malamig pa rin ang simoy ng hangin. Niyakap ni Yu ang sarili at binilisan ang paglalakad. Huminto lang siya nang nakalabas nang compound nila at makarating sa kalsada.
“Paano ko siya hahanapin?” tanong ni Yu sa sarili. Hindi pa niya nakikita ang lalaki kahit kailan kaya baka nakatira ito sa subdivision kung saan nakatira sina Cham na malapit lamang sa kanilang compound. Pero naiilang siyang pumasok sa subdivision nang mag-isa. Masungit pa naman ang guwardiya roon.
Nalaglag ang mga balikat ni Yu at ipinagpatuloy ang paglalakad. Paano niya naisip na hanapin ang lalaki na para bang napakadali lamang gawin niyon? Napayuko si Yu kasabay ng pagliko niya sa isang kanto. Pupunta na lang muna siya sa kainan ni Aling Melai at hihingi ng payo sa ginang.
Pag-angat ni Yu ng tingin, napahinto siya sa paglalakad nang mapansin ang isang lalaking nakatayo sa di-kalayuan. Nakatalikod ito sa direksiyon niya ngunit sumikdo ang kanyang puso at nanlaki ang mga mata dahil agad niyang nakilala ang malapad na likod ng lalaki.
Siya `yon! masayang sigaw ng isip ni Yu. Nakasukbit pa rin sa balikat ng lalaki ang bag na dala rin nito kagabi. Pati ang suot nito ay hindi nabago.
Huminga si Yu nang malalim upang kalmahin ang mabilis na t***k ng kanyang puso. Ikinuyom niya ang mga kamay dahil nanlalamig ang mga iyon. Pagkatapos ay lakas-loob na naglakad siya palapit sa lalaki. Pero nang isang metro na lang ang layo ni Yu ay nag-alangan siya. Basta na lang ba niya tatapikin ang lalaki para humarap ito sa kanya?
Ang hakbang tuloy ni Yu ay naging patagilid hanggang makita na niya ang profile ng mukha ng lalaki.