TAHIMIK na nakabalik sa Pilipinas si Yu at ang mga kabanda niya. Salamat sa maling impormasyong sinabi nila noon sa press conference nila. Bumiyahe sila isang linggo bago ang petsa na sinabi nilang darating sila sa bansa. Ang tanging sinabihan lang nila ng tungkol sa araw ng kanilang pagdating ay ang dating vocalist nilang si Cham at ang asawa nitong si Rick.
Ipinangako ni Rick na ito na ang bahalang kumuha ng security at masigurong hindi makakalabas sa media ang kanilang pagdating.
Kaya nang bumaba sila ng private plane na ipinahiram ng music label, ang mag-asawa ang sumalubong sa kanila. Sina Stephanie kasi ay hindi ipinaalam sa kasintahan ng mga ito na ngayong araw ang dating nila.
Tulad noong nakaraang taon nang magpunta sila sa Pilipinas upang magbakasyon ay masaya silang niyakap at binati ni Cham. Lalo silang natuwa nang makitang maumbok na ang tiyan ng kanyang kaibigan. Limang buwan nang buntis si Cham. Pagkatapos ng ilang taon mula nang ikasal, nagdesisyon na sina Cham at Rick na magkaanak. Lalong gumanda si Cham nang mabuntis ito.
At iyon mismo ang sinabi ni Yu nang bumaling si Cham sa kanya. Ngumiti ito nang matamis at niyakap siya nang mahigpit.
“Welcome home, Yu. Na-miss kita,” sabi ni Cham.
Ngumiti siya at gumanti ng yakap. “Ako rin. Excited na akong makitang lumabas ang baby mo.”
Tumawa si Cham at kumalas sa kanya. Kumikislap sa saya at contentment ang mga mata nito. Iyong kislap na nakikita rin ni Yu sa mga mata nina Ginny at Anje kapag kasama ng mga ito sina Adam at Ted. Nakikita rin niya iyon sa mga mata nina Stephanie at Carli kapag kausap ng dalawa sa Skype sina Oliver at Cade.
“Sa hotel muna ba kayo tutuloy ngayon?” tanong ni Rick nang nasa loob na sila ng SUV nito. Si Rick ang nagmamaneho habang nasa passenger’s seat si Cham.
“Actually, okay lang sa akin na mag-taxi. Pupuntahan ko si Oliver,” sabi ni Stephanie.
“Ngayon na?” namamanghang tanong ni Yu.
Ngumisi si Stephanie. “Gusto ko siyang sorpresahin.”
Tumawa si Rick. “Okay. Tatawag ako ng taxi. Kayo?” tanong nito sa kanila.
“Sa hotel na lang muna,” sagot nina Yu at Carli.
“Pagdating do’n, saka na lang kami magta-taxi. Kailangan kong umuwi,” sabi ni Anje. Ganoon din ang sagot ni Ginny.
Buong biyahe silang masayang nagkukuwentuhan nina Cham. Halos hindi matapos ang pag-uusap nilang lahat. Ramdam na ramdam ni Yu ang kasabikan at antisipasyon sa kanyang mga kabanda. Lahat ng mga ito ay may taong nasasabik na makita.
Nakaramdam ng inggit si Yu na agad din niyang pinalis. Mula pa pagkabata, nangako siya na hindi magpapatalo sa negatibong emosyon na iyon. Alam niyang mula pa noong nagkaisip siya na hindi siya kasinsuwerte ng karamihan ng mga tao. At alam ni Yu na walang maidudulot na mabuti kung magpapaapekto siya sa katotohanang iyon. Kaya nga siya nasa posisyon niya ngayon dahil nagsumikap siya at hindi siya nagpatalo roon.
Pagdating sa hotel, si Rick ang nag-check in para sa kanila ni Carli. Ang sabi kasi ni Carli ay tatawagan muna nito ang asawang si Cade upang ipaalam na nasa Pilipinas na ito bago umuwi sa bayan kung saan nakatira si Cade. Inihatid pa sila nina Rick at Cham sa hotel suite nila.
“Ano’ng plano mo, Yu? Uuwi ka ba sa atin?” tanong sa kanya ni Cham. Mababakas ang pag-aalala sa tinig ng kaibigan.
Ngumiti si Yu nang matipid. “Hangga’t hindi pa lumalabas sa media na nandito na kami, hindi ko pa kailangan magpunta roon. Isa pa, kapapadala ko lang ng pera sa kanila.”
Hinawakan ni Cham ang kamay niya at pinisil iyon. “Hindi sila nagbago, `no?” mahinang tanong nito.
Bumuntong-hininga si Yu. “Medyo nagbago naman nang kaunti. Hindi na tong-it ang nilalaro ni Nanay, mahjong na. At hindi na nakikipag-inuman sa labas si Tatay dahil marami na siyang alak sa loob ng bahay,” mapait na sagot niya.
“Yu…”
Umiling siya at pinisil ang kamay ni Cham. “I’m okay. Nasanay na ako sa kanila. Wala akong magagawa dahil magulang ko pa rin sila. Marami naman akong pera, kaya kong silang bigyan. Hindi rin sila eskandalosa kaya hindi nalalaman ng media ang tungkol sa kanila. Basta binibigyan ko sila ng pera, wala silang gagawin na makakagulo sa akin.”
Huminga nang malalim si Cham at niyakap si Yu. “Okay. Naiintindihan ko. Hindi mo gusto kapag may nagpapakita ng simpatya sa `yo. Fine.”
Ngumiti si Yu at gumanti ng yakap. Saglit pa ay kumalas na si Cham sa kanya. Lumapit sa kanila si Rick at mabilis siyang hinalikan sa pisngi.
“Puntahan mo ako sa Diamond Records kapag gusto mo na,” sabi ni Rick.
Tumango si Yu. “Ah, Rick, naisip kong humanap ng sarili kong matitirhan dito sa Maynila. Puwede mo ba akong tulungan?”
Ngumiti si Rick at tinapik siya sa braso. “Sure.” Pagkatapos ay inakbayan na nito si Cham at inakay ang kaibigan niya sa paglalakad. Hinintay niyang makapasok sa elevator ang mag-asawa bago pumasok si Yu sa kanyang suite.