DUMERETSO ng uwi si Yu pagkatapos ng shoot at interview nila sa Exposed Magazine. Wala na kasi siyang ibang gagawin pa sa araw na iyon. Bukod doon ay malapit na talagang bumigay ang kanyang katawan sa pagod kung hindi pa siya magpapahinga nang mas matagal. At gusto ni Yu na magkaroon ng oras para matawagan si Aling Melai upang kumustahin ito. At si Matt. Nangako siya sa sarili na tatawagan na talaga niya si Matt sa pagkakataong iyon. Kinakapa na ni Yu ang kanyang cell phone sa bag nang bumukas ang pinto ng elevator sa floor at umibis siya mula roon. Titingnan pa lang ni Yu ang contact list niya nang mag-angat siya ng tingin. Muntik nang mabitiwan ni Yu ang cell phone sa labis na pagkabigla nang makita ang bulto ng lalaking nakapamulsa at nakasandal sa kanyang pinto. Napahinto siya sa pagl