ARUNIKA'S POINT OF VIEW
"Nika," tawag sa akin ni Ningning. Iyon ay napagdesisyonan kong pangalan, Nika. Para kahit papaano ay malapit lang sa aking tunay na pangalan.
"Po?" Sagot ko. Kami ay nasa kaniyang silid. Tanghaling tapat na, nandito lang ako sa loob kanina pa dahil sabi ni Ningning, ayaw daw ako makita ni Tyler.
"Kumain ka na ba?" Tanong niya sa akin.
"Ha? Opo, hindi ba sabay tayong kumain?" Tanong ko sa kaniya.
"Ah, oo nga pala" saka siya natawa nang peke, "Gusto mo bang mamasyal sa bayan? May pinapabili kasi sa akin si Master."
"Bayan?" Kunot-noo kong tanong.
"Oo, ang lugar na iyon ay matatao. Doon mo mahahanap lahat ng nais mong bilhin." Pagpapaliwanag niya sa akin. Nalaman ni Ningning ang tungkol sa kasinungalingan na sinabi ko kay Shin. Napaka-chismosa naman pala ng babaeng iyon!
Nagulat na lang ako kanina eh, ang daming nagpapakita ng simpatya sa akin. Iyon naman pala, pinagkalat ni Shin ang kalokohang sinabi ko sa kaniya, na siyang namang pinaniwalaan ng lahat. Naku po. At ngayon ay kailangan ko itong panindigan, na ako ay isang taong nadisgrasya at nagkaroon ng amnesia.
"Talaga ba?" Tanong ko sa nanlalaking mga mata. Naisip ko na tyansa ko na rin iyon, na makalabas sa lugar na ito at simulan ang paghahanap sa ligaw na kaluluwa ng amang hari.
Sa katunayan ay wala akong ideya kung paano ko ito sisimulan, kung paano ko mahahanap ang kaluluwa, at kung paano ako maghahanap. Basta, lukso ng damdamin na lang ang magdadala sa akin sa kaluluwa ng aking ama.
"Oo," tumango si Ningning.
"Opo, sasama ako." Tumayo ako mula sa aking kinauupuan saka humarap sa pintuan.
"Pero teka, hindi ka pwedeng lumakad nang ganiyang ang suot mo," marahan niya akong hinarap sa kaniya at tiningnan niya ako mula ulo hanggang paa, "Dapat mag-suot ka ng panglakad."
"Panglakad?" Nagiba ang aking mukha. Anong panglakad?
"Panglakad ay mga kasuotang ginagamit natin kung tayo ay may mga lakad. Pagiging pormal at presentable ang tawag doon." Aniya saka umiling, "Alam kong may damit pa si Madam," dagdag niya.
"Mukha naman akong presentable sa suot kong 'to," inalsa ko nang kaunti ang suot ko, "Ang ganda nga eh."
"No, hindi," bumuntong siya ng hininga, "Duster 'yan. Iyan ang kadalasang sinusuot ng mga babaeng buntis."
"Ha?" Namilog ang aking mga mata, "D-Duster? Ibig sabihin ay ito ang gamit no'ng ina ni Tyler Tyler no'ng pinagbubuntis niya pa ito?" Tanong ko.
"Oo."
"Kaya naman pala ganoon na lamang ang galit niya no'ng makita niyang suot ko ito," yumuko ako upang makita ko nang buo ang aking suot, "Nasaan na pala ang kaniyang Ina?" Wala sa isip kong naitanong.
"Nasa langit na."
"Ha?" Napatingala ako kay Ningning.
"Matagal nang namayapa si Madam. Wala pang isip si Tyler no'ng bawian ito ng buhay dahil sa cancer."
"C-Cancer?"
"Isa 'yong uri ng sakit na nakakamatay." Pagpapaliwanag niya muli sa akin. Mabuti naman pinagtatyagaan niya ang mga katanungan ko.
"Marami palang sakit ang mundong ito," nabuo ang aking nguso, "Siguro napagsumpaan ang mundo ng mga tao dahil dumarami na ang kasamaan."
Unti-unting nabuo ang kurba sa labi ni Ningning, "Siguro nga."
****
"Hawakan mo 'to, basket ang tawag diyan." Wika ni Ningning nang iabot niya sa akin ang isang bagay na basket ang tawag.
May ganito rin ang Behovah, subalit Bitbit ang tawag namin sa ganto.
"Sige po," sagot ko nang hawakan ko nang mahigpit ang basket. Narito na kami sa lugar na tinawag nilang 'bayan'. Siksikan ang mga tao, nagkakaguluhan pa nga sa ibang dako. May nakikita akong mga batang naglalaro na walang sapin sa paa, ang iilan ay madudungis, balot ng dumi ang katawan. Ngunit may nakikita rin akong mga bata na kumakain lamang sa gilid, tinitingan ang mga batang naglalaro, habang hawak sila ng kaniya-kaniya nilang mga magulang.
"Mag-iingat ka, maraming magnanakaw dito." Babala sa akin ni Ningning.
Tumango ako at napaisip. Magagawa kaya ng isang mortal na tao ang pagnakawan ako? Kaya ko silang bigyan ng mahika, patumbahin, lumpuhin, at parusahan. Subalit, nangako ako na hinding-hindi na ako gagamit ng mahika... kahit ano mang mangyari. Ako ay mananatiling normal hangga't hindi ko nahahanap ang kaluluwa ni ama.
Sinundan ko lamang ang mga yapak ni Ningning, hanggang sa makapasok kami sa isang malaking palasyo na puno ng mga tao at napapalibutan ng gumagalaw na hagdan. "Artipisyal na lamig," napayakap ako sa aking sarili nang madaan ako sa isang malaking bagay na bumubuga ng malamig na hangin.
"Air-con ang tawag d'yan," narinig pala ako ni Ningning.
Maraming bagay pa pala akong dapat na malaman sa mundo ng mga tao. Nagpatuloy kami sa paglalakad hanggang sa biglang may kung anong tumunog sa bulsa ni Ningning. Nahinto siya sa paglalakd kaya nahinto rin ako, pumwesto siya sa gilid kaya pumwesto rin ako sa gilid.
May kung anong bagay siyang kinuha sa kaniyang bulsa at itinapat ito sa kaniyang tainga, "Master," bungad niya rito. Ano ang bagay na ito?
"Ha? Ngayon na po? Wala pa kaming nabibili." Pansin kong kumunot ang noo ni Ningning. "Sige, sige po, uuwi na kami." Ito ang huli niyang sinabi bago niya binulsa muli ang bagay na iyon.
Tiningnan ako ni Ningning at sinabing, "Tara na, pinapauwi na ako ni Master. May milagro raw na nangyari."
"Milagro? Ano naman kaya iyon?" Tanong ko.
Kumibit siya ng balikat, "Hindi ko alam. Ganoon talaga ang batang iyon, bossy kumbaga. Kapag nabibigla siya sa isang bagay, ako kaagad ang tinatawag niya."
****
"Ningning! Nawala kaagad 'yong sakit sa likuran ko, anong ginawa mo?" Natutuwang tanong ni Tyler.
Nakabalik na kami sa lugar na tinatawag nilang Mansion. Narito ako ngayon sa gilid ng silid ni Tyler, ayaw niya raw kasi akong makita kaya nagtago na lamang ako rito, pero dinig na dinig ko ang usapan nila dahil bukas lang ang pinto.
"H-Ha? Wala naman po, simpleng hilot lang iyon."
Gumaling na kaagad si Tyler? Iyon ba 'yong himalang sinasabi niya? Oo nga noh, himala iyon. Paano kaya siya gumaling? Hindi ko naman siya pinagaling dahil wala akong kakayahang magpagaling. Baka naman isa sa mga gamot ng mga tao ang nagpagaling sa kaniya. Sadyang may pagka-mangmang lang talaga siya sa mga bagay na tulad no'n.