Bumalik na sila sa palasyo matapos na makausap ang kataas-taasang klero. Desidido na si Prinsesa Arunika na pumunta sa mundo ng mga tao, bukas na bukas din. Hindi siya dapat magtagal doon at kailangan niyang kumilos kaagad dahil siya na lang ang natitirang pag-asa upang mapanatiling lumiliwanag ang Bolang Araw.
Ilang linggo o buwan na lamang ang itatagal ng liwanag nito kung wala kahit isa sa kanilang angkan ang magpapanatili ng liwanag nito. Kaya habang maaga pa, sisikapin ng Prinsesa na matutunan kung paano panatilihin ang liwanag ng Bolang Araw.
Saktong pagkabalik nila sa palasyo, isang nakakagulat na balita ang kaagad na bumungad sa kanila. Nasa loob pa sila ng kalesa no'ng salubungin sila ng isa sa mga kawal.
"Punong kawal, mahal na Prinsesa." Yumuko ito sa kanila at nagpatuloy sa pagsasalita, "Dumating ang isang Prinsipe mula sa Jarka. Inaangkin niya na siya ay pamangkin ng yumaong Hari."
Nanlaki ang mga mata nila at halos malaglag na ang panga dahil sa narinig. Pamangkin ng Ama niya? Paano naging possible ito?
"Sino siya?" kunot-noo tinanong ni Prinsesa Arunika sa kawal.
"Nagpakilala siya sa pangalang Enih, Kamahalan."
"Enih..." Inisip niyang mabuti kung sino si Enih. Alam niyang pamilyar ang pangalang iyon, ngunit saan niya iyon narinig? "Enih!" Kaagad siyang tumalon palabas ng kalesa no'ng maalala niya kung sino si Enih.
"Mahal na Prinsesa!" sabay na isinigaw ng punong kawal at ng kawal.
Dali-daling tumakbo ang Prinsesa papasok ng palasyo. Hindi maaaring makalapit si Enih sa Bolang Araw. Ang pamilya nito ay traydor sa Ama niya. Sila ang dahilan kung bakit namatay ang mahal niyang Inang Reyna. Hindi siya papayag na manatili ito sa palasyo nang matagal. Kung traydor ang pamilya nito, malamang ay traydor din ito!
"Enih!" Lumiliyab siya sa galit noong isigaw niya ang pangalang ito sa tuktok ng kaniyang lalamunan. Nadatnan niya ang pinsan niya na nakatayo sa labas ng silid ng kaniyang Ama.
Lumungon ito sa kaniya at tinapunan siya ng inosenteng ngiti, "Ang laki na ng pinagbago mo, Pinsan," wika nito saka marahang naglakad patungo sa kaniya.
"Hanggang diyan ka lang!" nakakasindak niyang binigkas, "H'wag mo subukang lumapit sa akin, baka patayin mo rin ako tulad ng aking Ina!" sigaw ng Prinsesa.
Nahinto si Enih sa paglalakad at kaagad na naglaho ang ngiti sa labi, "Hindi pa rin pala nawala sa iyong isipan ang kahibangan na ginawa ng aking mangmang na Ama," wika nito at kusa na lamang napayuko nang bahagya.
Napangisi si Prinsesa Arunika nang mapakla dahil sa drama ng kaniyang pinsan, "Sa tingin mo ba ay maibabaon ko sa limot ang lahat? Bakit ka nandito? Hindi ba't ipinagbawal na ng Hari ang pagpasok ng pamilya mo rito sa palasyo?!" nanggigigil niyang tanong.
"Kalimutan na natin ang lahat." Muli nitong tinapon ang tingin sa Prinsesa, "Limang daang taon na ang lumipas. At saka isa pa, wala akong kinalaman sa ginawa ng aking Ama. Bakit ako at ang aking ina ay nadawit?" tanong nito kalakip ng pamumuo ng luha sa mga mata nito.
"Talaga bang pamangkin ka ng Hari?" Biglang lumitaw ang boses ng punong kawal sa likuran ng Prinsesa. Nakikinig lang pala ito sa usapan nila.
"Oo, Isidro. Ama niya 'yong naglason sa aking Ina, limang daang taon na ang nakalilipas, dahil ninais nito na mapasakaniya ang Bolang Araw! Para kay Ama sana ang lason na iyon, subalit kay Ina ito napunta!" Lumiliyab siya sa galit nang sabihin ito.
"Inaamin kong nagkasala ang aking Ama, subalit wala akong kaalam-alam na ganoon ang tumatakbo sa kaniyang isipan!" Lumuhod ito sa harapan nila, "Maniwala kayo, Kamahalan, kailan ma'y hindi ko nanaisin ang mga pagnanais ng aking Ama." At pumatak sa makintab na paltosa ang sariwang luha ni Enih.
"Kung ikaw ay pamangkin ng Hari, ibig sabihin may kakayahan ka ring panatilihin ang liwanag ng Bolang Araw?" Mausisang tanong ng punong kawal. Sa oras na iyon ay nakaramdam ito ng pag-asa.
"Ganoon na nga, Isidro." Sa halip na si Enih, ang Prinsesa ang sumagot sa katanungang iyon. Hindi siya natutuwa sa nangyayari, alam niyang malalagay sa panganib ang buong mundo kung si Enih ang magpapanatili sa liwanag ng Bolang Araw. Kaya kung maaari, hindi niya ito bibigyan ng daan upang mapalapit sa Bolang Araw.
"Hindi lang iyon." tumayo si Enih matapos na sabihin ang tatlong salita na ito, "Bukod sa may kakayahan akong panatilihin ang liwanag ng Bolang Araw, alam ko rin kung paano papanatilihin ang liwanag nito," wika nito na siyang nagpasindak sa Prinsesa.
Hindi maaari...
"Kung ganoon…" Lumapad ang ngiti ng punong kawal dahil sa wakas ay hindi na sila mamomroblema pa. "Hindi mo na kinakailangang—" Naputol ang sasabihin nitonang biglang magsalita ang Prinsesa.
"Tutuloy ako sa aking pakay at ako ang mag-aalaga sa Bolang Araw. Walang pinsan, o kahit sinumang nabubuhay na pamilya ang maaaring gumawa nito, ako at ako lamang ang magpapanatili sa liwanag ng Bolang Araw!" Nanlilisik ang mga mata niya no'ng tingnan niya ang punong kawal sa mga mata nito. "Sundan mo ako sa aking silid, Isidro," utos niya na siya namang sinunod ng punong kawal.
Naiwang mag-isa si Enih sa labas ng silid ng yumaong Hari.
"Bukas ay tutungo ako sa mundo ng mga tao. Pahihintulutan kita sa pamumuno ng Behovah, dahil ikaw na lamang ang tanging pinagkakatiwalaan ko. Kahit anuman ang mangyari, huwag mong hahayaang makalapit si Enih sa Bolang Araw. Hindi siya tulad ng iyong inaakala, Isidro. Maniwala ka sa akin. Kung sakaling matagalan ako sa aking pagbabalik at aabot sa punto na unti-unti nang maglalaho ang liwanag ng Bolang Araw, dalhin mo si Enih doon at pahintulutan mo siyang bigyan ito ng linawag. Magdala ka ng napakaraming kawal, h'wag n’yo siyang iiwanan nang mag-isa kasama ang Bolang Araw."
"At isa pa, h'wag na h'wag mong ipagsasabi sa iba ang tungkol sa paglalakbay ko sa mundo ng mga tao. Lalo na sa pinsan kong si Enih. Tandaan mong ikaw, ako, at ang klero lamang ang nakakaalam no'n. Kung may magtatanong kung nasaan ako, sabihin mo lang na nagkukulong ako sa aking silid dahil hindi ko tanggap ang pagkawala ng aking Ama. Ikaw na ang bahalang magdahilan, Isidro. Nagtitiwala ako sa iyo. Basta't h'wag lamang lalabas sa iyong bibig na ako'y nasa mundo ng mga tao."
Ito ang mga sinabi ni Prinsesa Arunika sa punong kawal no'ng nasa loob na sila ng silid niya.
---