"NAKAHANDA na ang kalesa, mahal na Prinsesa," wika ng punong kawal kay Prinsesa Arunika.
Huminga nang malalim ang Prinsesa at kinapa ang kaniyang dibdib, "Halina't tayo'y magtungo na sa Klero..." marahan siyang lumingon sa punong kawal, "Kinakabahan ako, Isidro. Subalit sisiguraduhin kong babalik ako na matagumpay."
Nabuo ang kurba sa labi ng punong kawal, "Nagagalak ako, Kamahalan. Nakikita ko ang imahe ng Hari sa inyo, mahal na Prinsesa." Wika nito.
"Salamat, sa puntong ito ay kailangan kong maging siya. Kailangan kong maging kasing husay ni Ama."
"Nagtitiwala ako sa inyo, Kamahalan." Yumuko ang punong kawal sa harap ng Prinsesa, "Ang Hari ay hindi nabigo sa pagpapalaki sa inyo."
Matapos ang kanilang pag-uusap ay nagtungo na silang pareho sa nakahandang kalesa. Subalit, sa gitna ng paglalakad ay umeksena si Enih habang kumakain ng mansanas.
"Saan ang punta mo, Pinsan? Bakit balot na balot ang iyong katawan?" Kunot-noo nitong tanong.
Blankong titig lamang ang ipinakita ng Prinsesa sa kaniyang pinsan, "Wala ka na ro'n." Sagot niya saka nagpatuloy sa paglalakad. Sumunod naman kaagad si Isidro sa mga yapak ng Prinsesa.
Napakibit na lamang ng balikat si Enih habang ang tingin ay nakatuon sa Prinsesa. "Kung saan-saan siya magpupunta gayong kamamatay lang ng Hari. Wala ba siyang respeto?" Kinausap nito ang sarili.
***
"Naaamoy ko ang iyong kaba, mahal na Prinsesa." Wika ng klero.
Kararating lamang nila sa templo at ang Klero ay kanina pa nakahanda. Napalunok nang palihim ang Prinsesa dahil sa sinabi ng Klero subalit hindi niya ipinakita ang kaniyang kaba. Bagkus ay humakbang siya palapit sa lumiliwanag na pinto—ito raw ang magiging daan niya patungo sa mundo ng mga tao. Binigyan niya ito ng tingin at sinabing...
"Handa ako sa aking paglalakbay sa mundo ng mga tao."
Saglit na bumilib ang Klero sa espiritu na mayroon ang Prinsesa subalit alam nitong hindi handa ang Prinsesa sa paglalakbay na magaganap. "Paalala lang, Kamahalan, hindi biro ang iyong papasukan."
Nabaling ang tingin ni Prinsesa Arunika sa Klero, "At ako'y hindi nakikipagbiruan. Handa ako sa anumang mangyayari, Klero. Kahit na maganap pa sa mundong iyon ang aking katapusan."
"Hindi mangyayari iyan, walang katapusang magaganap!" matigas na wika ni Isidro.
"Maaaring may katapusan nga," natawa nang mapakla ang Klero, "Binabalaan kita, mahal na Prinsesa. Samu't-saring kalaban ang mayroon ang mundo ng mga tao. Samu't-saring masasama at maiitim na enerhiya. Kaya, maaari ka pang umatras." Tila masama ang tono nito, subalit kapakanan lamang ng Prinsesa ang iniisip ng Klero.
Agad na umiling ang Prinsesa, "Kahit ano pa ang sabihin mo, hinding-hindi na ako aatras. Para ito sa Behovah, para ito sa atin, para ito sa buong daigdig!" Nabuo ang kaniyang kamao, "Simulan mo na ang pagdadasal, kataas-taasang Klero. Ako ay tutungo na sa mundo ng mga tao."
Nagkatinginan ang Klero at ang punong kawal, "Simulan mo na po," mahinahong bigkas ng punong kawal.
Doon ay wala nang nagawa ang Klero. Kahit ayaw nitong paalisin si Prinsesa Arunik.
Nagsimula na ito sa pagdadasal, ang pinto ay mas lalong lumiliwanag habang patagal nang patagal ang dasal ng Klero. Lumiwanag ito nang husto hanggang sa kusang napapikit ang mga mata ng Prinsesa at ng Punong kawal. Halos lamunin na ng liwanag ang buong kabuohan ng Prinsesa Arunika.
---****---
ARUNIKA'S POINT OF VIEW
Basta ay nagising na lamang ako sa isang maliit na silid. Marahan akong tumayo at pinaspas ang aking suot na damtan. Kaagad kong naramdaman ang kakaibang lamig sa silid na ito mula sa aking kamay. Inilibot ko ang aking tingin at nakunot ang noo.
"At saan ako dinala ng Klero?" Tanong ko sa aking sarili.
Kukunin ko na sana ang mahiwagang mapa na nasa loob ng aking suot na damtan, nang biglang may nagsalita sa aking likuran.
"Who the fvck are you?!" Nabigla ako do'n kaya dali-dali akong lumingon sa lalakeng nagsalita.
"Walang galang—" natigil ako sa pagsasalita nang makita ang lantad niyang matigas at matipunong dibdib. Sa ibaba noon ay may maliliit na nakapilang bundok na yari sa laman ng tao.
Hindi ko alam ang tawag sa bagay na iyon sa pagka't ito ang kauna-unahang pagkakataon na nakakita ako ng katawan ng isang lalake. Oo, sa ilang libong taon kong pamumuhay, ito ang unang beses na nakakita ako ng katawan ng lalake.
"Bastos!" Agad kong tinakpan ang aking mga mata at ibinaling ang aking likuran sa kaniya.
"Hey! Are you calling me bastos?" Tumaas ang kaniyang boses. "Who the hell are you? Why are you in my room?"
Ang nakakaabala sa akin ay, hindi ko maintindihan ang kaniyang wika. Anong lengwahe ang kaniyang gamit?
Nakakainis naman! Bakit sa ganitong sitwasyon ako napunta? Pakiramdam ko tuloy ay hindi na birhen ang aking pagkatao. Nanatili lamang akong nakatalikod at hindi nagsalita. Paano naman ako makakapagsalita eh hindi ko maintindihan ang sinabi niya.
"Are you mute?!" Dinig ko ang mahinang niyang yapak patungo sa aking kinaroroonan. Pagkatapos ay sapilitan niya akong iniharap sa kaniya.
Ginawa ko ang lahat ng aking makakaya upang hindi mapunta ang aking tingin sa ibabang parte ng kaniyang katawan. Tinitigan ko siya sa kaniyang mga kayumangging mata, at doon ay unti-unti kong naramdaman ang panginginig ng ibaba kong labi dahil sa kaba.
Ako'y nahihibang na ba? Ito rin ang unang beses na nakaramdam ako ng kaba dahil lang sa isang tao. Bakit naman ako kinakabahan? Isa lamang siyang mortal na tao at ako ay mahiwalang prinsesa ng Behovah. Ays!
"S-Sino ka?!" Nasigawan ko tuloy siya.
Tila nabigla siya sa aking inasta, "Sino ka ba? Paano ka napunta rito?!" At ibinato niya pabalik sa akin ang tanong ko. Nakakamangha, marunong din pala siyang magtagalog.
"H-Hindi ko alam," marahan akong umiling, "Hindi ko alam kung paano ako napadpad sa munting silid na ito." Pagsisinungaling ko.
Dapat akong mag-ingat, kailangan kong kumilos na parang isang normal na tao. Hindi nila dapat malaman ang tungkol sa aking tunay na pagkatao.
"Munting silid?" Nagiba ang kaniyang mukha at pamaya-maya'y unti-unting natawa, "You calling this room as munting silid?" Humakbang siya patalikod at nilibot ang kaniyang tingin sa buong silid. "Hindi mo ba ako kilala?" Binigyan niya ako ng isang nakakatakot na tingin.
"Hindi," diretsahan kong tanong na siyang muling nagpabigla sa kaniya.
Ilang segundo siyang natahimik dahil sa pagkabigla, "S... Siguro magnanakaw ka, o 'di kaya maninilip! You should pay for this! Tatawag ako ng pulis!"