"Ano na ang aking gagawin, Isidro?" Tanong ng Prinsesa sa punong kawal na si Isidro. "Wala akong alam tungkol sa pamumuno, maski ang pagpapanatili sa liwanag ng Bolang Araw ay hindi buong naituro ni Ama sa akin. Paano na ito? Paano tayo? Paano ang mundo ng mga tao?" Hindi siya mapalagay dahil sa mga naiisip niyang maaaring mangyari pagkatapos ng araw na ito.
Ang Bolang Araw ay isang mahiwagang pabilog na lumiliwanag, kasing laki lamang ito ng tiyan ng isang buntis na babae. Hindi ito masyadong malaki subalit dito kumukuha ng sinag at lakas ang napakalaking bituin ng ating sistemang solar, iyon ay ang Araw (Sun).
Ito ay nasa pangangalaga ng kanilang angkan, pinoprotektahan nila ito mula pa noong una. Ang kapangyarihan ng kanilang angkan ang tanging makapagbibigay ng liwanag sa bolang araw, at sila lamang ang may kakayahan na panatilihin itong buhay.
Kailangan nilang protektahan ang bolang araw hanggang sa matapos ang walang hanggan, dahil ang pagiging isang tagaprotekta nito ay tumatakbo mula sa kanilang dugo, tinatakan ito ng panata ng kanilang mga ninuno. At walang ibang daan upang takasan ang responsibilidad na ito.
"Kailangan nating maghanap ng paraan, mahal na Prinsesa. Ikaw na lamang ang huling bunga ng iyong angkan, ang kapakanan nating lahat ay nasa iyong kamay." Tinapik ng punong kawal ang kaniyang balikan upang palakasin ang kaniyang kalooban.
Kung ang kanilang angkan ay malilipol, isa lamang ang ibig sabihin nito, ang pagtatapos ng lahat, lalo na ang mundo ng mga tao. Kung mawawalan ng buhay ang Araw, ito ay nangangahulugang kamatayan ng mundo ng mga mortal.
"Maaari bang puntahan ang aking Ama? Susubukan kong makipagkomunikasyon sa kaniyang kaluluwa, hihingi ako ng payo. Natatakot ako para sa kinabukasan nating lahat, Isidro." Muling naglakad ang kaniyang luha pababa sa makinis niyang pisngi.
Pinilit nilang lahat na siya'y ilayo muna sa Ama niyang kamamatay lang, dahil natatakot sila na maulit na naman ang nangyari sa kalangitan. Pumayag naman siya sa kagustuhan ng lahat, alam niya rin sa sarili niya na nawawalan siya ng kontrol sa emosyon sa tuwing dinadalaw siya ng labis na pagdadalamhati. Upang maiwasan iyon, kailangan niya munang ilayo ang sarili sa Hari at unti-unting tanggapin ang katotohanan.
"Hindi maaari, Kamahalan!" Mahigpit nitong hinawakan ang kaniyang kaliwang braso, "Paniguradong madadala ka na naman ng iyong emosyon," marahan itong kumalas sa pagkakahawak sa braso niya, "At saka isa pa, hindi mo ba alam kung saan napupunta ang mga kaluluwa ng mga yumao sa mundong ito?"
Umiling lamang siya sa katanungang iyon at bahagyang dinistansya ang sarili sa punong kawal dahil baka mabali na ang buto niya sa susunod na maisipan nitong hawakan ang kaniyang braso. "Hindi ba sila nananatili rito?" Isang katanungan din ang kaniyang binitawan.
"Sa pagkakaalam ko ay hindi, ngunit may kakilala ako na kayang magbigay ng mas maliwanag na kasagutan sa iyo," bigla na lamang nabuo ang ngiti sa labi nito, "Tama! Alam kong makakatulong din siya sa iyong inaalala, Kamahalan."
"Sino ang iyong tinutukoy?" tanong niya sabay punas ng namamasa niyang pisngi gamit ang sariling palad.
"Ang klero na pinagkakatiwalaan ng inyong Ama."
"Nasaan siya?" Nabuhayan siya nang marinig ang salitang "klero".
Kaagad silang nagtungo sa isang templo na dalawang oras ang layo sa palasyo gamit ang pangserbisyong kalesa. Nilibot ng Prinsesa ang kaniyang tingin sa napakalaking templo no'ng marating na nila ito. Manghang-mangha siya dahil sa buong buhay niya, iyon pa lamang ang unang beses na nakapunta siya sa ganoong klaseng templo.
Ang templo ay mukhang pinagmumultuhan na dahil sa nangingitim na sulok nito dala ng mga sapot ng gagamba at alikabok, gawa na rin siguro sa tanda ng templo na ito. Hitsura pa lang, malalaman nang napakatanda na ng templo.
"Bakit hindi ko alam ang tungkol sa templo na ito?" tanong niya sa sarili habang sila ay naglalakad papasok sa tarangkahan ng templo.
"Mula sa palasyo ng Behovah." Sa halip na kumatok ay pumakawala ng nakakasindak na panimula ang punong kawal sa harap ng napakalaking pinto ng templo.
Sinikuhan niya ito, "Ano ba 'yan, Isidro? Magbigay galang ka, hindi natin pagmamay-ari ang templong ito." Bulong niya sa punong kawal subalit tiningnan lamang siya nito nang saglit, at ibinaling na muli ang titig na higanteng pintuan.
Maya-maya'y bumukas ito nang marahanan. Ang mamutok-mutok na tunog ng pagbukas ng pinto ay nagsanhi ng pagtaas ng kaniyang mga balahibo sa katawan. Pintuan pa lang, subalit kilabot na ang dala nito sa kaniya.
"Pumanaw na ang mahal na Hari." Isang lalake na may makintab na anit ang iniluwa ng higanteng pintuan. Suot nito ay kumikinang na dilaw na damtan, mayroon itong mahahabang kulay abo na balbas, walang suot na proteksyon ang mga paa nito, at kasing tangkad lamang ito ng Prinsesa subalit napakalakas ng datingan na para bang kaya nitong patumbahin ang sampung kawal ng palasyo sa loob lamang ng isang minuto. "Ano ang inyong pakay?" karagdagan nitong tanong.
"Kataas-taasang klero," yumuko ang punong kawal. "Ako ay naparito kasama ang Prinsesa, ang ating magiging Reyna, dahil kinakailangan niya ang tulong mo."
Kung ganoon, ang lalakeng ito ay ang klerong tinutukoy ng punong kawal.
"Hmm, ang sunod na mag-aalaga sa Bolang Araw," nabuo ang ngiti ng klero no'ng tinitigan siya nito. "Ano ang maipaglilingkod ko sa inyo, Kamahalan?" tanong nito sa kaniya.
"Nais ko malaman kung nasaan ang kaluluwa ng aking Ama, nais ko siyang makausap dahil hindi ko alam kung ano ang aking gagawin," sagot niya sa desperadang pamamaraan.
"Biglaan ang pagkawala ng Hari, ni hindi man lang niya nasabi sa Prinsesa ang mga dapat nitong gawin sa oras na lisanin niya ang Behovah," dagdag ng punong kawal.
Natawa nang puro ang klero, "Hindi ka handa sa responsibilidad mo gayong alam mong itinakda ka upang mamuno?" sarkastikong tanong nito sa Prinsesa. "Tatanungin kita, Kamahalan. Handa ka ba para sa isang delikadong pakikipagsapalaran sa mundo ng mga tao?"
Bahagyang nabuo ang kamao niya dahil sa pagsasarkastiko ng klero sa kaniya. Subalit may punto ito, kaya pinilit niya na lamang ang sarili na ikalma.
"Para saan pa? Kapalit ba iyan sa nais ko na makausap ang kaluluwa ng aking Amang Hari?" Hindi niya ginusto, ngunit hindi niya napigilan ang pamumuo ng likido sa kaniyang mga mata at tuluyan na nga itong pumatak pababa sa kaniyang pisngi. Unti-unti na namang yumayakap sa kaniya ang reyalidad na wala na ang kaniyang Ama. Nais niya itong makausap sa huling pagkakataon.
"Hindi, Kamahalan. Ang kaluluwa ng Hari ay nasa mundo ng mga tao, paniguradong nasa katawan na ito ng kung sino. Ang sinumang yumayao sa mundong ito, ang kanilang kaluluwa ay napupunta sa mundo ng mga tao. Maaaring mapunta ito sa katawan ng isang mortal na tao, at maaari ring pagala-gala lang sa mundong iyon."
"Pupunta ang mahal na Prinsesa sa mundo ng mga tao?" kunot-noong tanong ng punong kawal.
"Kung nais niyang makausap ang Hari, iyon lamang ang tanging paraan."
"Subalit, baka mapaano ang mahal na Prinsesa—" Naputol ang sinasabi ng punong kawal.
"H'wag kang mag-alala, Isidro. Babalik ako nang buhay," pagputol niya sa sinasabi ng punong kawal. Desidido siyang makausap ang Amang Hari, kahit ano pa ang kaniyang dapat na tahakin.
Muli na namang nabuo ang ngiti sa labi ng klero noong maramdaman nito ang determinasyon ng itinakdang Reyna, "Paalala lang, kailangan mong mag-ingat. Lagi mong tatandaan na may kung sino ang nagnanais ng inyong trono, Kamahalan."
---