C3-Pagtatagpo

1720 Words
Alas-kuwatro na ng hapon nang makarating kami sa probinsya nina Melanie. Akala ko pagbaba namin nang bus ay malapit na rin ang bahay ng kaibigan ko pero malayo pa pala. Halos isang oras na kasi kaming naglalakad mula sa hinintuan nang bus kung saan kami bumaba pero hanggang ngayon ay hindi pa rin kami nakakarating sa bahay kung saan nakatira ang kaibigan ko. Gusto kong magtanong pero pinigilan ko ang sarili ko dahil baka magalit siya sa akin. Kahit medyo malayo na ang nilalakad namin ay hindi ako gaanong nakakaramdam ng pagod dahil sobrang ganda ng lugar na dinadaanan namin. Matataas na puno, maraming ligaw na bulaklak at iba't ibang huni ng ibon na kung saan ay ngayon ko lang nakita at narinig kaya naman nalilibang ako ng husto. “Anastasia, ayos ka lang ba?” tanong sa akin ni Melanie at bahagya pa akong tinitigan. “Pagod at gutom ka na ba?” Mabilis akong umiling-iling. Ang totoo kasi ay wala akong nararamdaman na pagod bagkus ay kaluwagan sa puso. Ngayon ko lang naramdaman ang ganito na para bang ngayon lang ako nakalaya mula sa mahabang panahon na pagkakakulong. “Mabuti naman kung ganoon,” sabi ni Melanie. “Kailangan mong masanay dahil lagi talagang malayo ang nilalakad dito. Malaki ang pinagkaiba nitong lugar namin kumpara sa Maynila kaya ‘wag kang magrereklamo. Hindi uso dito ang sakay-sakay kaya sanayin mo na ang mga paa mo sa mahabang lakaran. Mamaya niyan, magyaya ka nang umuwi dahil pagod ka na.” “Hinding-hindi ka makakarinig ng reklamo mula sa akin, Melanie,” paniniguro kong sabi sa kaniya. "At saka, kahit malaki ang pagkakaiba nitong lugar niyo sa lugar na kinalakihan ko ay asahan mong hindi ka makakarinig sa akin ng kahit na ano. Mas gusto ko nga ang ganitong lugar dahil tahimik at malayo sa mga tao, eh." "Asus! Baka ngayon lang 'yan, ha! Alalahanin mo, hindi na kita maihahatid sa lugar na pinanggalingan natin dahil kailangan na kailangan na ako ng Amang at Inang ko." "Hindi ako ganoon, 'no. Tutulungan pa nga kitang alagaan ang mga magulang mo, eh. At saka, wala naman talaga akong balak na magpahatid sa iyo.” Hindi naman kasi ako mareklamong tao dahil sanay akong magtiis. Mga magulang ko nga inalagaan ko ng ilang taon kahit hindi ako minahal, 'yon pa kayang mga magulang ng best friend ko na malaki ang utang na loob ko? Kung sa ganoong paraan ako makakabawi sa kaibigan ko ay buong puso kong gagawin ang bagay na yon kahit hindi niya sabihin. Nang may madaanan kaming bahay ay nagpaalam ito saglit sa akin na makikibanyo daw muna siya na agad ko namang tinanguan. “Ana, makikibanyo muna ako sandali. Hintayin mo ako rito, ha? Saglit na saglit lang ako.” “Kilala mo ba ang may-ari niyan? Ayos lang ba ‘yon?” sunod-sunod kong tanong dahil ang bahay na gusto nitong puntahan ay parang abandonado na dahil halos butas-butas na ang bubong at ganoon din ang mga dingding. “Wala na yatang nakatira diyan, eh.” “Gaga! Kilala ko naman kung sino ang nakatira riyan. Dito ka lang, ha? Hintayin mo ako rito. Saglit lang ako dahil iihi lang naman ako.” “Sige,” sagot ko. “Bakit dadalhin mo pa ‘yang mga gamit mo? Iwanan mo na lang dito ang mga ‘yan para hindi ka mahirapan.” Balak kasing bitbitin ni Melanie ang mga bagahe nito papunta sa bahay kung saan ito makakibanyo. “Ayos lang. Magpapalit din kasi ako dahil may dalaw ako ngayon.” “O, sige. Ikaw ang bahala. Bilisan mo, ha?” “Oo naman!” Habang hinihintay si Melanie ay pansamantala muna akong umupo sa malaking ugat ng puno malapit sa kinatatayuan ko. Unti-unti ko nang nararamdaman ang pagod pero hindi ako puwedeng sumuko. Hindi ko alam kung ilang oras pa kami maglalakad ni Melanie bago makarating sa bahay kung saan ito nakatira. Para akong nagkaroon ng panibagong buhay ngayon na malayo ako sa lahat lalong-lalo na sa mga magulang ko. Sa mga oras na ito ay siguradong hinahanap ng ako ng mga magulang ko. Nang makalipas ang kalahating oras ay nagtaka na ako nang hindi pa lumalabas si Melanie sa bahay na pinasukan niya. Pambihira! Hindi ko kasi agad napansin dahil mawili ako sa pagmamasid sa paligid ko. Mabilis akong tumayo at binitbit ang mga gamit ko sabay takbo sa direksyon na pinasukan ni Melanie. “Melanie!” tawag ko sa kaniya habang kumakatok sa bahay kung saan ito pumasok. “Madilim na! Hindi ka pa ba tapos diyan?” Nang wala akong marinig na sagot mula sa kaibigan ko ay bigla akong nakaramdam ng kaba. “M-melanie?” Dahil sa lakas ng pagkatok ko ay biglang bumukas ang pinto. Nanlaki ang mga mata ko nang mapansin ko na abandonadong bahay nga talaga ang pinasukan ni Melanie kagaya ng iniisip ko kanina. Nang magtungo ako sa banyo ay hindi ko nakita kahit na anino niya. Biglang nanginig ang mga tuhod ko dahil sa pinagsamang inis at takot. Hindi ko akalain na magagawa akong traydurin ng matalik kong kaibigan. “Paano na ako nito?! Hindi ko pa naman alam ang daan pabalik lalo pa't medyo madilim na! Melanie naman! Pinagkatiwalaan kita tapos ganito ang gagawin mo!” sigaw ko sa kawalan dahil sa matinding frustration na nararamdaman ko ngayon. Ni hindi ko alam kung nasaan na ako at kung ano'ng lugar ‘to dahil wala akong makitang bahay na puwede kong pagtanungan kong saang lupalop na ako dito sa probinsya. Kaysa mabaliw ako sa kaiisip ay sinimulan ko na lang ulit na maglakad kahit hindi ko alam kung saan ako dadalhin ng mga paa ko. Halos isang oras na akong naglalakad pero wala pa rin akong nakikitang bahay na puwede kong matuluyan ngayong gabi kaya nanlulumo akong napaupo sa lilim ng isang malaking puno habang unti-unting tumutulo ang mga luha. Hindi ko akalain na mas masaklap pa pala ang mararanasan ko rito kumpara sa bahay namin. Ang kaisa-isang tao na inaasahan kong sasamahan ako hanggang dulo ay siya pa palang magpapahamak sa akin! Nang may maaninag akong liwanag ay mabilis akong tumayo para puntahan iyon. Isang tao na mayroong dalang flashlight habang naglalakad ito papalayo mula sa direksiyon ko kaya bago pa man ito mawala sa paningin ko ay sumigaw ako ng malakas. “Sandali!” sigaw ko! Mabilis kong hinubad ang suot kong sapatos para hindi ako matalisod dahil medyo maputik na ang daan na nilalakaran ko. “Sandali lang po!” muli kong sigaw dahilan para huminto ito. Hindi ko alam kung babae ba ito o lalaki dahil medyo madilim na talaga pero kahit ganoon ay nakikita ko pa rin naman ang nilalakaran ko. “Hintay!” Inilabas ko ang cellphone ko dahil baka makatapak ako ng tinik lalo pa't wala akong suot na sapin sa paa. “Sandali lang po!” sigaw ko ulit sa taong nakita ko. Itinapat sa mukha ko ang liwanag ng flashlight nang taong tinawag ko dahilan para takpan ko ang mukha ko dahil nasisilaw ako sa liwanag. “Who the hell are you?” suplado nitong tanong sa baritonong boses kaya nalaman ko na lalaki pala ito. “And what are you doing in this kind of place at this time?” “Naliligaw po kasi ako,” sagot ko. Hindi ako makatingin sa mukha ng lalaki dahil nakatapat pa rin ang liwanag ng flashlight sa mukha ko hanggang ngayon. “Saan po ba ang daan pabalik, Kuya? P'wede niyo po bang ituro sa akin?” Inalis na nang lalaki ang liwanag ng flashlight sa mukha ko at itinuon iyon sa ibang direksyon kaya naman nagkaroon na ako ng pagkakataon na matitigan ang mukha ng lalaking kaharap gamit ang liwanag ng cellphone ko. The man in front of me is look like a Greek Male God dahil ngayon lang ako nakakita ng lalaking halos perpekto ang hitsura. Mayroon itong makakapal na kilay, matangos na ilong, mahaba at nakaliyad na pilikmata at kissable lips na para bang kay sarap halikan. Agaw pansin rin ang braso nito dahil may malaking ahas na naka-tattoo roon. Pinasadahan ko ang kabuuan nito at masasabi kong mas matanda ito sa akin pero mukhang hindi naman yata kami nagkakalayo. “Are you f*****g deaf?” Biglang bumalik sa kasalukuyan ang utak ko nang marinig ko ang galit niyang boses lalo na nang bumuhos ang malakas na ulan. “f**k!” Nang tumakbo ang lalaki ay tumakbo din ako para hindi ito makalayo sa akin. “Why are you following me?” “'Di ko po kasi alam ang daan pabalik.” “Itinuro ko na sa iyo, ‘di ba?” “Eh, kasi po…” Hindi ko alam kung ano'ng sasabihin ko sa lalaking kaharap. Kahit naman kasi itinuro niya kung saan ang daan ay wala pa rin kasiguraduhan na makakabalik ako kung saan kami bumaba ni Melanie kanina. “Hindi ko po kasi talaga alam ang daan pabalik.” “Ano? Bakit hindi mo alam?” Ang mga makakapal niyang kilay ay biglang nagsalubong dahil sa sinabi ko. “Nakarating ka nga sa lugar na ‘to tapos sasabihin mo hindi mo alam! Ginagawa mo ba akong tanga?” Mabilis akong umiling-iling. “Hindi po, Kuya! Hindi ko po talaga alam kung nasaan ako ngayon. Kanina pa po paikot-ikot pero wala po akong nakitang bahay kaya no'ng nakita ko po kayo ay kinapalan ko na ang mukha ko. Isa pa, hindi ko rin sigurado kung makakabalik ako sa pinanggalingan ko lalo pa't madilim na tapos umuulan pa.” “What do you want now?” “P'wede bang makituloy muna ako sa bahay mo?” walang paligoy-ligoy kong tanong dahil kailangan ko talaga ng bahay na matutuluyan ngayon lalo pa't sobrang lakas na ang patak ng ulan. “M-magbabayad na lang po ako, Kuya. Sige na po.” "No!" matigas niyang saad. Hinawakan ko ng mahigpit ang laylayan ng damit ng lalaki. "Sige na po, Kuya. Maawa na po kayo sa akin." "Bakit naman ako maaawa sa iyo?" suplado niyang tanong. Halatang hindi naaawa sa akin kahit na kaunti man lang. "Malay ko ba kung isa kang kriminal o kaya sindikato—" "Kuya." Pinutol ko ito. "Hindi po ako ganoon. Malinis po ang pagkatao ko at simula't sapol ay wala po akong inagrabyadong tao."
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD