Kabanata 2

2759 Words
“Wag kang mag-alala, Raya. Kapag pinagalitan ka ng Mama mo, sabihin mo na lang nainip ka kasi ang tagal niyang mamalengke!” Habang naglalakad pa lang si Saraya kasama ang mga kaibigan niyang sina Holy at Mary para pumunta sa ilog at makipagkita sa textmate ni Holy ay tinuturuan na siya ng mga ito ng sasabihin kung sakaling mapagalitan siya ng Mama niya dahil sa ginawa niyang pagsuway sa bilin nito. Maayos naman ang iniwan niyang sulat at sa tingin niya ay nakapag paalam naman siya ng maayos gamit ang kapirasong papel na ‘yon. Hindi nga lang siya sigurado kung ano ang magiging reaksyon ng Mama niya dahil ngayon pa lang naman siya sumuway sa kung anong bilin nito. “Oo nga naman, Raya. Bakit ba sobrang higpit ng Mama mo sa’yo? Hindi ka tuloy lumalaking normal!” Kumunot ang noo ni Saraya nang marinig ang naging komento ni Mary. Hindi niya maintindihan kung bakit sa tuwina ay sinasabi ng mga ito na hindi siya lumalaking normal na babae. Wala naman siyang kapansanan at mas lalong wala naman siyang problema sa pag-iisip. Kaya hindi niya maintindihan kung bakit sinasabi ng mga ito na hindi siya lumalaking normal. Pagdating naman sa pamilya ay magkakaiba iba sila ng estado. Sina Holy at Mary ay parehong may kinakagisnang ama. Kahit na si Holy na kahit kailan ay hindi nakilala ang totoong ama ay hindi naman masasabing walang kinagisnang ama dahil lumaki ito na nasa tabi na nito ang stepfather nito. Hindi kagaya niya na kahit kailan ay walang nakagisnang ama. Sila lang dalawa ng Mama niya ang palaging magkasama pero hindi naman sapat na dahilan iyon para isipin ng mga kaibigan niya na hindi siya napapalaki ng normal ng Mama niya. “Paano n’yo naman nasabi na hindi ako napapalaki ni Mama ng normal? Normal ako ha! Wala naman akong pagkakaiba sainyo,” nakangusong depensa ni Saraya. Parehong nilingon siya nina Holy at Mary ay saka sabay na ngumiwi habang naiiling na nakatingin sa kanya. “Paano ka namang naging normal eh ayaw ka ngang pagamitin ng cellphone? Wala ka tuloy boyfriend sa text! Lahat kami meron. Ikaw lang ang wala! Kaya paano mo masasabing normal ka?” bulalas ni Holy. Mas lalong kumunot ang noo ni Saraya nang marinig ang sinabi ng kaibigan. Kahit anong isip ang gawin niya ay hindi niya maintindihan kung paano siyang hindi naging normal dahil lang hindi siya nalululong sa paggamit ng cellphone. At mas lalong hindi niya maintindihan kung bakit kailangan niyang magkaroon ng boyfriend sa text para lang masabi na normal siyang napalaki ng Mama niya. “Tapos sobrang aga mong natutulog sa gabi, Saraya! Alas syete? Tulog ba ng isang normal na babae ‘yon? Ilang taon na ba tayo? Sixteen na tayo ‘no! Dalawang taon na lang ay dalaga na tayo! Kaya dapat ay naghahanda ka na para maging dalaga!” bulalas naman ng kaibigan niyang si Mary. Napanguso siya at saglit na inisip ang sinabi nito. “Pati ang pagtulog ko ng maaga hindi normal?” nagtatakang tanong niya dito. Halos sabay na tumango ang dalawa at sabay na sumagot. “Oo naman! Hindi ka na bata para matulog pa ng maaga! Naranasan mo na bang magpuyat, Raya? Sobrang sarap magpuyat habang nakikipag-text!” bulalas ni Holy at ngumisi pa na parang may kung anong masayang iniisip. “Hindi ba at nakakasama sa kalusugan ang pagpupuyat? Sabi ni Mama at saka sabi rin ni Ma’am, hindi ba?” hindi pa rin nagpapatalo na depensa ni Saraya. Sabay na tumawa ang mga ito na labis niyang ipinagtaka. Kung totoo ang sinasabi ng mga kaibigan niya ay ibig bang sabihin no’n ay nagsisinungaling sa kanya ang Mama at ang adviser nila? Gusto pa sanang mag-usisa ni Saraya pero natanaw na nila ang bukana ng ilog kaya mabilis na tumakbo sina Holy at Mary. At dahil ayaw niyang mahuli sa mga ito at masabihan na naman siyang hindi siya normal na babae ay humabol siya para makasabay sa mga ito sa pagpunta sa ilog. Pagdating nila doon ay may tatlong lalaki na nakatalikod sa gawi nila. Pabirong nagtulakan sina Holy at Mary at bumagal ang paglalakad kaya tahimik na nakatingin lang siya sa mga ito. “Ano ba, Mary? Dahan-dahan lang! Parang tinototoo mo na ang pagtulak sa akin! Dapat ‘yung hindi ako madadapa!” narinig niyang reklamo ni Holy sa ginawang pagtulak ni Mary dito. “Ano ka ba, Holy? Dapat nga lakasan ko para madapa ka! Paano ka namang tutulungan ng textmate mo kung hindi ka madadapa? Isip-isip din!” bulalas ni Mary. Napakamot sa ulo si Saraya habang hindi maintindihan ang ginagawa at pinag-uusapan ng dalawang kaibigan. Hindi niya maintindihan kung bakit kailangang magtulakan ng mga ito samantalang makikipagkita lang naman si Holy sa ka-textmate nito. Ilang sandali pa silang tumigil at ilang beses na nagtulakan sa isang tabi bago tuluyang naglakad palapit sa gawi ng tatlong lalaki. Nakatingin ang mga ito sa ilog at mukhang nag-uusap usap pero hindi niya marinig ang pinag-uusapan ng mga ito. “Saan ba d’yan ang textmate mo? Para alam ko kung saan kita itutulak!” narinig niyang bulong ni Mary kay Holy. Muling kumunot ang noo ni Saraya. Hindi niya alam na kailangan pala ay itutulak pa at kailangang madapa kung sakaling makikipag eyeball sa textmate. Kung gano’n pala ay parang mas gusto na lang niya na ‘wag magkaroon ng textmate. Bukod sa takot siyang madapa ay tiyak na pagagalitan siya ng Mama niya kung sakaling uuwi siya ng may bangas sa mukha! “Sandali lang at itetext ko na at sasabihin na nandito na ako sa ilog,” sambit ni Holy at mabilis ang ginawang pagpindot sa cellphone. Inalis ni Saraya ang tingin sa kanila at saka napatingin sa ilong. Hindi gaanong maagos ang tubig kaya mas lalo siyang nasasabik na maligo na. Ilang sandali lang ay nakita niyang halos sabay-sabay na lumingon ang tatlong lalaki sa gawi nila. “Nakatingin na sila dito! Sino daw ba d’yan? Nagreply na ba?” narinig niyang usisa ni Mary pero agad na umiling si Holy. “Hindi nga nagreply kaya hindi ko pa alam kung sino sa mga ‘yan–Teka. Ayan na! Naglalakad na sila palapit dito! Mamaya mo na ako itulak kapag nakalapit at nagpakilala na!” bilin ni Holy kay Mary. Sunod-sunod na tumango naman si Mary at saka naghintay sa paglapit ng tatlo sa kanila. Nakangiti ang pinaka matangkad na lalaki at nakatingin kay Saraya kaya kunot ang noong sinalubong niya ang tingin nito. Hindi niya maiwasang isipin kung bakit ito nakatitig sa kanya. Kilala kaya siya nito? Pero wala naman siyang kilalang ibang lalaki sa ibang eskwelahan. Tanging ang mga kaklase niya lang na lalaki ang kilala niya. Ilang sandali lang ay tuluyang nakalapit na ang tatlong lalaki sa harapan nila. Ngiting-ngiti pa rin ang isang lalaki sa kanya kaya hindi alam ni Saraya kung tatakbo na ba siya o ano. Gusto pa sana niyang maligo sa ilog pero mukhang hindi pa siya makakaligo kung may lalaki na naman na mangungulit sa kanya. Tuloy-tuloy na humakbang ito at naglakad palapit sa harapan ni Holy na mukhang hindi na makapagpigil sa saya na nararamdaman dahil sa wakas ay nakita na niya ang textmate niya. “Misteryo–” “Hi, Holy!” narinig niyang bati ng matangkad na lalaki na kanina pa nakangiti at nakatitig sa kanya. Hindi niya maintindihan kung bakit sa kanya ito nakatingin pero ang sinasambit naman nitong pangalan ay pangalan ng kaibigan niyang si Holy. Tuluyan nitong nilampasan at hinawi pa si Holy na nasara harapan niya hanggang sa tuluyan na itong huminto sa harapan niya. “Ako nga pala ang textmate mo. Sa wakas nagkita rin tayo…” ngiting-ngiti na sambit niya habang naglalahad ng kamay sa harapan niya. Itinagilid niya ang ulo at saka nagtatakang tiningnan ang mukha nito. “Hindi ako ang textmate mo,” diretsong sambit niya dito. Pero sa pagtataka ni Saraya ay tinawanan lang ng lalaki ang sinabi niya. “‘Wag ka nang magsinungaling, Holy. Akala mo ba ay hindi kita makikilala?” nakangising sambit nito habang hindi pa rin bumibitaw sa malagkit na titig sa kanya. “Hindi nga ako si Holy. Ako si–” Hindi na naituloy ni Saraya ang pagsasalita nang biglang itulak ni Mary si Holy at tumama ito sa likuran ng lalaking kumakausap sa kanya. Kitang-kita niya ang inis sa mukha ng lalaki nang harapin nito si Holy. “Mag-ingat ka nga sa susunod!” reklamo ng lalaki at saka pinagpag pa ang damit na hindi naman nadumihan. “Negra ka na, lalampa-lampa ka pa!” iritadong bulalas pa nito bago hinarap na rin pati ang katabi nitong si Mary. “Tsaka ano bang ginagawa n’yo dito? Maglalaba ba kayo dito sa ilog? Kung maglalaba kayo, doon kayo sa malayo. Nakakaistorbo kayo dito!” mariing taboy nito sa dalawang kaibigan niya. Namilog ang mga mata ni Saraya at agad na nainis dahil sa kayabangan ng lalaking kaharap. Nang muling humarap ito sa kanya ay parang maamong tupa na naman ito at ngumiti sa kanya. “Asan na nga ba tayo kanina, Holy? Ang gulo kasi dito. Sabi ko naman kasi sa’yo sa sinehan na lang tayo magkita para walang mga istorbo,” ngiting-ngiti na sambit nito at mabagal na bumaba ang tingin sa katawan niya. Pati ang hita niya ay tiningnan pa nito na labis niyang ipinagtaka. “Hindi ako si Holy. Nagkakamali ka–” Sa halip na maniwala sa kanya ang lalaki ay humakbang pa muli ito palapit sa kanya at saka hinawakan ang braso niya! Sa gulat ay agad na hinawi niya ang kamay nito at saka napatingin kina Holy at Mary na parehong gulat na gulat rin sa inasal ng lalaki. Humakbang siya palapit sa gawi nina Mary at Holy pero agad na napigilan na siya ng lalaki. Muling hinawakan nito ang braso niya at kumpara sa ginawa nitong paghawak sa kanya kanina ay mas naging mahigpit ang kapit nito sa braso niya kaya hindi na niya magawang hawiin pa ang kamay nito. “Ano ba? Bitawan mo ako–” “Kinakausap pa kita, Holy. Ano bang akala mo? Porke maganda ka sa personal ay tatakbuhan mo ako at itatanggi na ikaw ang textmate ko?” salubong ang mga kilay na sambit nito at mas hinigpitan pa ang kapit sa braso niya. “Holy! Mary! Sabihin n’yo nga sa kanya na hindi ako ang textmate niya!” bulalas niya habang nakatingin sa mga kaibigan. “Tama! Hindi siya si Holy! Ito si Holy! Ito ang textmate mo at hindi siya!” mariing bulalas ni Mary kaya agad na napalingon ang lalaki sa gawi niya at lumipat ang tingin kay Holy na titig na titig sa lalaking may hawak sa braso niya. Ilang sandaling tumitig ang lalaki kay Holy bago malakas na tumawa. “Pinagloloko n’yo ba ako? Ang Holy na textmate ko ay maputi daw lalo na kapag bagong paligo. Maganda at makinis ang mukha,” sambit ng lalaki bago muling sumulyap sa kanya. “Kaya nga Holy ang pangalan kasi mala-anghel ang itsura…” pagpapatuloy nito at muling tiningnan siya mula ulo hanggang paa. “Saan ka naman nakakita ng anghel na kulay itim? Ano ‘yon? Demonyita?” bulalas pa nito habang nakatingin ng masama kay Holy. Gulat na gulat si Holy pati na rin si Mary dahil sa mga sinabi nito. “Ang sama-sama pala ng ugali mo, Misteryoso! Gwapo ka nga pero ang sama ng ugali mo! ‘Wag ka nang mag-text ulit sa akin!” galit na bulalas ni Holy at saka mabilis ang ginawang pagtakbo palayo. Kahit si Mary ay tumakbo rin palayo kaya agad na hinila na niya ang braso niya para sumunod na rin sa mga ito pero hindi siya binitawan ng lalaki! “Saan ka pupunta? Tatakas ka? Akala mo maniniwala ako sa sinabi ng mga kasama mo? Pinagtatakpan ka lang nila!” galit na bulalas ng lalaki at mas lalong humigpit ang kapit sa braso niya. Sumenyas ito sa dalawang kasama na agad namang naglakad palapit sa kanya para hawakan ang magkabilang braso niya! “Hawakan n’yong mabuti!” mariing utos nito sa dalawa kaya agad na humigpit ang hawak ng mga ito sa mga braso niya. “Tulong! Tulungan n’yo ako!” malakas na sigaw ni Saraya. Hindi naman siya natatakot dahil alam niyang malapit lang ang mga kabahayan sa ilog at imposible na walang makarinig sa kanya. Nagmura ang lalaki at agad na tinakpan ang bibig ni Saraya! Ilang sandali lang ay may nilagay na itong panyo sa bibig niya at pinakagat iyon sa kanya. Iniwas niya ang bibig niya at muling sumigaw pero napiga na nito ang mukha niya. “Ang ingay mo!” iritadong bulalas nito bago dumistansya ng konti sa kanya. “Hawakan ninyong mabuti ‘yan!” utos pa nito at sa gulat ni Saraya ay nakita niya itong naghubad ng pang-itaas! Hindi niya maintindihan ang mga pangyayari. Hindi niya alam kung bakit siya pinipigilan ng mga kasama nito at kung bakit naghuhubad ang lalaki sa harapan niya. Kung may balak itong maligo sa ilog ay bakit kailangan pa nitong ipahawak siya sa mga kasama nito? Tuloy-tuloy na naghubad ito ng pang-itaas ganun din ang pang-ibaba. Ang natitirang saplot na lang nito sa katawan ay ang kulay puting brief nito. Nang muling lumapit ito sa kanya ay ngumisi ito at hinaplos ang pisngi niya. “Ang ganda-ganda mo, Holy. Batang-bata ka pa. Kapag sinuswerte ka nga naman–” “Kapag minamalas ka nga naman…” Hindi na naituloy ng lalaki ang pagsasalita nang may isang lalaking nagsalita rin mula sa likuran nila. Maagap na gumalaw ang dalawang lalaki na may hawak sa kanya kaya napatingin na rin siya sa lalaking bagong dating. Kumunot ang noo ni Holy nang makita ang mukha ng bagong dating na lalaki. Alam niyang mas matanda sa kanya ng ilang taon ang textmate ni Holy. Sa itsura nito ay mukhang nasa kolehiyo na ito. Pero ang lalaking bagong dating ay hamak na mas matanda sa kanilang lahat. “Alex, may tao. Paano na ‘to?” narinig niyang bulong ng isang lalaking humahawak sa braso niya. Nagmura ang lalaking tinawag nitong Alex at saka tumingin sa bagong dating na lalaki na kasalukuyang naglalakad na palapit sa gawi nila. “‘Wag kang mag-alala, Holy. Hindi kita pababayaan. Ako ang bahala sa’yo,” matapang na sambit pa ng textmate ni Holy bago matapang na hinarap ang bagong dating na lalaki. Habang lumalapit ito sa kanila ay hindi niya maalis ang tingin sa mukha nito. Maayos na nakaipon sa likuran ang itim na itim na buhok nito. May ilang hibla ng buhok na tumatakip sa medyo singkit na mga mata nito. Matikas ang pangangatawan nito at hamak ang tangkad sa tatlong lalaki na nasa gilid niya. May dala-dala itong kulay itim na bag na nakasabit sa balikat. Itim din ang jacket na suot nito at nakapantalon ng maong. Kulay puti ang sapatos nito at unang tingin pa lang ni Saraya ay mukhang mamahalin na ang mga suot nito. “Kung minamalas nga naman kayo, ako pa ang nakakita sa inyo dito…” Natigil ang ginagawa niyang paninitig nang magsalita ang bagong dating na lalaki. Agad na humarang sa harapan niya ang textmate ni Holy pero hindi man lang nasindak ang lalaki. “Boss, maliligo lang kami ng mga kaibigan at girlfriend ko…” Takang-taka siya sa biglaang pagiging marahan ng boses ng textmate ni Holy. Kaya nang makita niyang napatingin sa kanya ang lalaking bagong dating ay mabilis na umiling si Saraya at inalis sa bibig ang panyo. “Hindi po totoo ‘yan! Hindi niya po ako girlfriend. Si Holy ang girlfriend niya!” mariing sumbong niya sa lalaki. Kumunot ang noo nito at saka napatingin sa textmate ni Holy. “Boss, siya si Holy–” “Hindi nga ako si Holy!” mariing tanggi niya at sinimangutan ito. Sinenyasan siya nitong tumahimik pero umiling siya at pumalag sa hawak ng dalawang lalaki na agad namang bumitaw sa kanya. Umayos siya ng tayo at umambang tatakbo. “Ikaw si Holy! Hoy! ‘Wag mo akong takbuhan!” mariing pigil nito sa kanya pero hindi na nagdalawang isip si Saraya na tumakbo. “Holy!” narinig niya pang tawag nito pero hindi na niya pinansin. Bago pa tuluyang nakaalis si Saraya ay narinig niya pa ang malakas na mura ng lalaking kararating lang doon. “Holy Holy ka d’yan gago ka! Holy shìt!” sigaw nito na hindi na niya pinagkaabalahan pang lingunin.
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD