Malinaw na malinaw ang bilin ng Mama ni Saraya sa kanya na ‘wag siyang lalayo at makikipaglaro sa mga kaibigan niya dahil ngayong araw darating ang bisita nito.
Ang tagal pa namang hinintay ni Saraya na matapos ang pasukan dahil sa wakas ay wala na siyang iintindihin kundi ang matulog at makipaglaro sa mga kaibigan niya.
Pakiramdam niya ay bawat araw at oras na lilipas ngayong bakasyon ay mahalaga. Kaya dapat ay sulitin niya ang paglalaro dahil kapag nagpasukan na naman ay wala na naman siyang iintindihin kundi ang mag-aral.
Araw-araw na naman siyang mabibitin sa tulog dahil kailangan niyang gumising ng maaga para hindi ma-late sa klase.
Ayaw na ayaw pa naman ng Mama niya na kung kailan malapit na ang oras ng klase ay saka pa siya nagkukumahog na bumangon para maghanda sa pagpasok sa eskwela.
Sa gabi naman ay sobrang aga siyang pinapatulog nito. Inggit na inggit tuloy siya sa mga kaibigan niya na nakakapaglaro pa sa labas hanggang sa mag-alas otso ng gabi. Siya ay alas sais pa lang ay kumakain na ng hapunan. Bandang alas syete ng gabi ay kailangan na nakaligo na siya at handa na sa pagtulog.
Kaya kahit na mahigpit ang bilin ng ina na ‘wag siyang makikipaglaro hangga’t hindi ito dumarating mula sa pamamalengke ay hindi naiwasan ni Saraya na suwayin ang utos ng ina lalo na at kitang-kita na niya ang pagkainip sa mukha ng dalawang matalik na kaibigan at kaklase niyang sina Holy at Mary.
“Nakakainip!” bulalas ni Mary habang bumubuntonghininga ito at halatang-halata sa mukha ang pagkabagot na nararamdaman.
Nagdesisyon si Saraya na manood na muna sila ng TV sa bahay nila habang nagpapalipas ng oras at para hindi mainip ang mga kaibigan niya na samahan siya sa paghihintay sa Mama niya.
Pero halos maubos na nila ang pang-umagang palabas sa TV ay hindi pa rin bumabalik ang Mama niya mula sa pamamalengke. Hindi tuloy alam ni Saraya kung maiinis o ano sa kung sinong inaasahang bisita ng ina.
Isang linggo nang binabanggit ng Mama niya ang tungkol sa pagdating ng bisita nito. At ngayong umaga ay halos hindi na yata ito nakapag hilamos man lang kanina dahil sa kakamadali sa pagpunta at pamimili sa palengke.
Gaano ba ka-importante ang bisita ni Mama at kailangan niya pang maghanda ng bongga para lang sa isang bisita?
Hindi tuloy maiwasan na isipin ni Saraya kung sino nga ba ang magiging bisita ng ina. Simula noon ay wala naman itong naging malapit na kaibigan. At mas lalong wala itong naging bisita galing sa kung saang lugar. Kaya labis niyang ipinagtataka ang biglaang pagdating ng misteryosong bisita nito.
“Ano na, Raya? Hindi pa ba tayo pupunta sa ilog? Baka kanina pa naghihintay si Mr. Yoso doon!”
Muntik pang mapatayo si Saraya sa gulat nang marinig ang palatak ni Holy. Bago pa lang sila magbakasyon sa ikatlong taon nila sa high school ay excited na ito dahil sa wakas ay magkikita na ito at ang matagal na nitong ka-textmate na nakilala nito bilang Mr. Yoso; hindi nito tunay na pangalan.
Sa totoo lang ay kahit na halos lahat ng mga kaklase niya ay mayroong kanya-kanyang cellphone ay hindi siya kahit na kailan nagkaroon ng interes na magkaroon ng gano’n. Kuntento na siya sa paglalaro sa labas at paliligo sa ilog.
Isa pa ay wala naman siyang mapapala sa kakagamit ng cellphone. Tatamarin lang siyang mag-aral kung malululong siya doon kagaya nitong mga kaibigan niyang sina Holy at Mary na parehong lulong sa cellphone kaya pagdating ng exams ay palaging pasang-awa ang mga grado.
Kung hindi pa niya pakokopyahin ng assignment ang mga ito ay baka hindi pumapasa dahil walang ibang iniintindi kung hindi ang cellphone at kung sino-sinong crush ng mga ito sa eskwelahan man o sa mga lalaki na sa cellphone pa lang ng mga ito nakikilala.
Araw-araw ay hindi siya maka-relate sa usapan ng mga kaibigan basta tungkol iyon sa mga lalaki. Wala siyang interes sa kahit na sinong lalaki.
Pakiramdam ni Saraya ay wala namang espesyal sa mga ito kaya wala siyang dahilan para pagtuunan ng pansin ang kahit na sinong lalaki. Kahit na nga ba madalas na lumapit ang mga ito sa kanya at magtanong ng kung anu-ano.
Hindi rin niya maintindihan kung bakit ikinagagalit ng ibang kaklase nila ang paglapit at pagtatanong ng mga lalaki nilang kaklase sa kanya. Isa rin siguro iyon sa mga dahilan kung bakit ilag siya sa mga lalaki. Dahil sa tuwing lalapitan siya ng mga ito at kakausapin ay mayroong nagagalit na kaklase nilang babae sa kanya. Kaya bago pa man may lumapit sa kanya ay siya na mismo ang kusang nagtataboy sa mga ito. Kaya nakaugalian na niya ang tumakbo sa tuwing may magtatangkang lumapit at kumausap na lalaki sa kanya.
“Talaga, Holy? May ka-eyeball ka ngayon sa ilog?!” mukhang excited na excited na bulalas ni Mary.
Mabilis at sunod-sunod na tumango naman si Holy kaya halos sumigaw na si Mary na parang mas excited pa ito kesa kay Holy! Kumunot ang noo ni Saraya habang pinapanood ang mga ito na parang nagkaroon na naman ng sariling mundo dahil lalaki na naman ang usapan.
“Wow! Hindi ba at iyang si Mr. Yoso iyong matagal mo nang ka-text?!” bulalas ni Mary.
“Oo, Mary. Sa wakas ay magkikita na rin kami. Ano kayang itsura niya? Taga kabilang bayan pa siya kaya kailangan niyang umalis sa kanila ng maaga para lang makapunta dito Laguna…” paliwanag ni Holy at napasapo pa ito sa magkabilang pisngi matapos sabihin iyon.
Hindi tuloy naiwasan ni Saraya na mapatitig sa mukha ng kaibigan na si Holy. Pulang-pula ang magkabilang pisngi nito na halatang walang alam sa paglalagay ng makeup sa mukha.
Sa totoo lang ay hindi siya naglalagay ng kahit na ano sa mukha lalo na at naiirita siya sa amoy ng mga kolorete na madalas na nilalagay ng mga kaibigan at kaklase niya sa mga mukha at labi ng mga ito.
Itong si Holy ay hindi niya maintindihan kung bakit nag-aabala pang maglagay ng kolorete sa mukha. Natural na maitim kasi ang kulay ng balat nito kaya kung maglalagay man ito ng kolorete ay hindi naman nakikita dahil sa kulay nito na mukhang natural na parang sunog sa araw.
May lahi kasi si Holy na banyaga at Black American ang tatay nito na katulad niya ay hindi na rin nito nakilala dahil isinilang rin ito na wala sa piling nito at ng ina nito ang totoong ama. Sa ngayon ay may asawang Pinoy ang nanay ni Holy at may mga kapatid ito sa ina.
“Bakit? Hindi ba sinabi sa'yo kung anong itsura niya?” usisa ni Mary.
“Sinabi naman. Gwapo daw siya at madalas na napagkakamalan na playboy dahil sa itsura niya…” paliwanag ni Holy. Pumalatak ulit si Mary kaya napatingin siya dito.
“Ayun naman pala, Holy! Ang swerte mo at natapat ka sa gwapo! Iyong huli kong naging textmate ay hindi ko maintindihan ang itsura. Ang sabi niya sa akin ay gwapo naman siya at malakas ang dating. Pero noong nakita ko sa personal ay hindi ko alam kung saang banda ang gwapo at hindi ko mahanap ang lakas dating na sinasabi! Lakas ng hangin, pwede pa! Dahil kulang na lang ay kumapit ako sa matitibay na pwede kong kapitan sa tuwing magsasalita siya!” tuloy-tuloy na bulalas ni Mary. Hindi tuloy naiwasan ni Saraya ang ma-curious sa sinasabi nito.
“Bakit naman kailangan mo pang kumapit sa kahit na anong matibay na pwede mong kapitan, Mary?” kunot ang noong tanong niya.
“Natural! Sobrang presko! Sa sobrang presko ng lalaking ‘yon, bawat salita niya ay kakapit ka sa sobrang lakas ng hangin! Masyadong mayabang!” bulalas ni Mary. Napangiwi siya. Si Holy naman ay mukhang hindi makapaniwala sa naging karanasan ni Mary sa pakikipag-eyeball sa naging textmate nito.
“Hindi naman siguro ganyan itong si Mr. Yoso…” maya-maya ay komento ni Holy.
“Ah basta, Holy. Hindi ka pa rin nakakasiguro hangga’t hindi mo pa nakikita sa personal. Sa eyeball talaga nagkakatalo!” naiiling na bulalas pa ni Mary.
Hindi na nagawang dumepensa ni Holy dahil tumunog na ang cellphone nito. Agad na sinenyasan sila ni Holy na tumahimik dahil kakausapin nito ang textmate nito.
“Ah… Hello?” ngiting-ngiti na sagot ni Holy sa tawag bago tuluyang namilog ang mga mata at napatayo. “Talaga?! Sandali! Sige! Papunta na ako d'yan sa ilog! Hintayin mo ako. Malapit lang ako!” bulalas nito bago tinapos ang pakikipag-usap sa cellphone.
“Anong sabi? Nasa ilog na raw ba siya?” mabilis at mukhang excited na rin na tanong ni Mary. Sunod-sunod na tumango si Holy.
“Oo! Nasa ilog na raw siya at nagmamadali kaya kailangan ko nang pumunta! Sige, maiwan ko na kayo—”
“Ano ka? Sasama ako! Tara! Gusto ko ring makita ‘yang textmate mo!” bulalas ni Mary.
Napasinghap si Saraya nang walang paalam at madaling-madali na lumabas ang mga ito sa bahay nila.
“Ikaw, Saraya? Hindi ka ba sasama? Bahala ka! Maliligo na rin tuloy kami sa ilog!” narinig niya pang tawag ni Mary nang nasa labas na ang mga ito kaya kahit na nag-aalala siya na mapagalitan ng Mama niya ay sumunod na rin siya sa mga ito.
“Teka lang! Hintayin n'yo ako! Sasama ako!” sigaw niya at saka mabilis ang kilos na nag-iwan ng note para hindi naman mag-alala ang Mama niya kung sakali na hindi siya madatnan nito sa bahay!
Bahala nang mapagalitan! Maliligo ako sa ilog!