Kabanata 6

1353 Words
“Simula ngayon ay hindi ka na pwedeng maligo sa ilog, Saraya…” Gulat na gulat si Saraya nang walang pakundangan na sabihin iyon sa kanya ng Ninong Dwight niya. Sa pagkakaalam niya ay kaya niya ito kinausap ng masinsinan ay para tulungan siya nito na ‘wag ipaalam sa Mama niya ang ginawa niyang pagtakas at ang mga nangyari sa ilog kasama ang mga kaibig niya. Hindi niya inaasahan na pagbabawalan siya nito na maligo sa ilog! “Bakit naman hindi na pwedeng maligo sa ilog, Ninong? Sayang naman ang bakasyon kung hindi na ako makakaligo sa ilog!” nagrereklamong bulalas ni Saraya. Hindi talaga niya maintindihan ang biglaang pagbabawal nito sa kanya na maligo sa ilog. Ang Mama nga niya ay hindi naman siya pinagbabawalan na magpunta at maligo sa ilog. Mukhang mas mahigpit pa yata ito kesa sa Mama niya! Akala pa naman niya ay nakakatuwa ang magkaroon ng Ninong dahil ngayon niya lang naramdaman ang magkaroon ng iba pang tao na pwede niyang lapitan bukod sa Mama niya. Mukhang hindi magiging masaya ang bakasyon niya dahil sa pagdating ng Ninong niya sa bahay nila! “Dahil delikado para sa’yo ang pumunta at maligo doon,” nakataas ang kilay at istriktong sagot nito. Hindi mapigilan ni Saraya ang sumimangot habang nakatingin sa Ninong niya. “Isa pa, hindi ka ba natatakot na maulit ang nangyari kanina? Kung hindi ako dumating ay baka napahamak ka na–” “Eh hindi ko naman talaga kilala ang mga lalaking ‘yon, Ninong. Hindi naman ako ang ka-textmate no’n kundi ang kaibigan kong si Holy,” nakangusong depensa niya. Nagsalubong ang kilay ng Ninong niya habang diretsong nakatingin sa kanya. “Bakit ka nga sumama sa kanila?” usisa pa nito. Muling ngumuso si Saraya bago ito sinagot. “Dahil nga po gusto kong maligo sa ilog. Iyon lang talaga ang dahilan kung bakit ako pumunta doon. Wala naman akong ibang dahilan para pumunta sa ilog kundi ang paliligo lang,” sagot niya. Ilang sandaling tumitig ang Ninong Dwight niya sa kanya bago eksaheradong bumuntonghininga ito at tinuro siya. “Basta hindi ka na pwedeng pumunta at maligo sa ilog simula ngayon. Kung hindi ka susunod sa akin ay sasabihin ko sa Mama mo ang nangyari kanina,” pananakot pa nito kaya mas lalong napasimangot si Saraya. Gusto niyang magdabog dahil sobrang tutol siya sa sinasabi ng Ninong niya at sa pagbabawal nito na maligo siya sa ilog. Pero mukhang mahihirapan yata siyang kumbinsihin ito dahil mukha naman itong seryoso dahil hindi nakangiti at nakatitig lang ng diretso sa kanya. Walang nagawa si Saraya kundi ang pumayag. “Edi ‘wag na lang pong maligo kung bawal!” bulalas niya at saka humalukipkip sa harapan ng Ninong niya. “Kailan ka po ba uuwi sa inyo, Ninong?” tanong niya. Naisip niya kasi na pwede na ulit siyang maligo sa ilog kapag umalis na ito. Sa ngayon ay susundin niya ang gusto nito dahil wala naman siyang magagawa dahil Ninong niya ito. At ayaw niya rin na makarating pa sa Mama niya ang tungkol sa nangyari kanina sa ilog. Baka mamaya ay kapag nalaman ng Mama niya ang nangyari ay hindi lang siya nito pagbawalan na pumunta at maligo sa ilog, baka pati ang pakikipaglaro at pakikipagkaibigan niya kina Holy at Mary ay ipagbawal pa nito! Kaya dapat ay magkunwari na lang siya na susunod sa bilin ng Ninong Dwight niya tutal ay hindi naman ito nakatira sa bahay nila. “Bakit mo tinatanong kung kailan ako uuwi?” kunot ang noong tanong ng Ninong niya. Napalunok si Saraya at ilang sandali pang napatunganga sa mukha ng Ninong niya. Parang biglang nawalan siya ng lakas para magsinungaling lalo na at kitang-kita niya ang pagdududa sa mga tingin nito sa kanya. Maya-maya lang ay nanliit pa ang singkit na mga mata nito. “Akala mo ba ay kapag umuwi na ako ay hindi ko malalaman kung pumunta ka sa ilog?” nagdududang tanong niya at saka marahang kinagat ang ibabang labi habang nakatingin sa kanya. Napasinghap si Saraya at sa sobrang pagkataranta ay hindi na siya nakapag-isip pa ng pwedeng idahilan kung bakit niya tinatanong kung kailan ito uuwi. Kung ano ang pumasok sa isip niya ng mga oras na iyon ay iyon na ang sinagot niya. “Hindi po ah! Hindi naman gano’n ang ibig kong sabihin, Ninong!” mariing tanggi niya at agad na humakbang palapit sa Ninong niya para yumakap ng mahigpit dito. “Anong–” “Ayaw ko lang kasi na umuwi ka kaagad, Ninong…” sambit niya na taliwas na taliwas sa kung ano ang gusto niyang mangyari. Pero kailangan niyang pagbutihin ang pag-arte para isipin ng Ninong niya na wala siyang balak na suwayin ang bilin nito. Kahit na gustong-gusto na niyang umuwi ito para muling makapunta at makaligo na siya sa ilog ay pilit na itinanggi niya iyon. Kumalas si Saraya ng yakap sa Ninong niya at nakangiting tiningala ito. Katulad kanina nang bulungan niya ito at lapitan ay mukhang gulat na gulat na naman ito sa ginawa niyang pagyakap. “Kung pwede lang po na hilingin na ‘wag ka nang umuwi ay iyon sana ang gusto kong mangyari, Ninong. Pero hindi naman po pwede kasi hindi naman po kayo dito nakatira sa amin…” tuloy-tuloy na sambit niya. Ngayon niya napatunayan na kayang-kaya pala niyang magsinungaling! Pero normal lang naman daw iyon lalo na kung paminsan-minsan lang sabi ng mga kaibigan niyang sina Holy at Mary. “Ayaw mong umuwi na ako?” narinig niyang tanong ng Ninong niya kaya natigil si Saraya sa kung anong iniisip. Sunod-sunod na tumango siya at binigyan pa ito ng matamis na ngiti habang nakatingala dito. “Opo, Ninong. Kung pwede lang ay ‘wag ka na lang umalis dito–” “Pwede naman,” mabilis na sambit ng Ninong Dwight niya kaya agad na natigil sa pagsasalita si Saraya at hindi makapaniwalang sinalubong ang tingin nito. Mabilis rin ang ginawa niyang pagbitaw sa pagkakayakap niya dito at muling dumistansya para makausap ito ng maayos. “Oh bakit? Hindi ba at sabi mo ay ayaw mong umuwi na ako? Bakit parang ayaw mo yata?” pahabol na sambit pa ng Ninong niya kaya hindi na kinaya ni Saraya ang pagpapanggap! Inis na inis siya dahil sobrang bilis palang kausap ng Ninong niya! Kung alam lang nito ay hindi naman siya seryoso sa mga sinabi niya na ayaw niya itong umuwi! Ang totoo ay gustong-gusto na niya itong umuwi para matahimik na ang isip niya at para rin makaligo na siya sa ilog! Pero mukhang mapupurnada pa ang lahat ng iyon dahil balak pa yata ng Ninong niya na makitira sa bahay nila! Sana naman ay hindi! Ayaw ko! Ayaw ko na may kasamang Ninong sa bahay! Lalo na kung masyadong mahigpit kagaya ng Ninong Dwight ko! “Anong problema, Saraya? Nagbago na ba kaagad ang isip mo na gusto mo akong tumira dito kasama kayo ng Mama mo?” Mas lalong nainis si Saraya nang ipagduldulan pa ng Ninong niya sa kanya ang mga sinabi niya kanina. Gusto sana niyang sabihin na hindi siya seryoso sa sinabi niyang gusto niya itong manatili kasama sila. Ang gusto niya ay umuwi na ito pero baka kapag inamin niya iyon ay isumbong na talaga siya nito sa Mama niya kaya pinili na lang niya na ‘wag nang magsalita pa! Gumalaw ang Ninong niya at nagtakip ng bibig. Pero kahit na hindi nito ipakita sa kanya ay alam niyang tuwang-tuwa ito dahil sa sinabi niya na gusto niya itong makasama sa bahay! Mabuti na lang at nagtawag na ang Mama niya at sinabing kakain na sila ng tanghalian. Sa inis niya ay hindi na niya ulit kinausap ang Ninong niya at basta na lang tumakbo papasok sa bahay nila! Narinig niya pa ang tawa nito kaya mas lalo siyang nainis! “Nakakainis! Mas gusto ko na lang na walang Ninong! Binabawi ko na ang sinabi ko na mukhang masaya ang may Ninong kasi hindi naman pala masaya! Nakakainis!” bubulong-bulong na sambit ni Saraya habang tumatakbo papasok sa bahay nila.
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD