Kabanata 4

1730 Words
Hingal na hingal at tagaktak ang pawis ni Saraya nang makarating sa bahay nila. Lakad-takbo ang ginawa niya para lang makalayo kaagad sa ilog at makauwi sa bahay nila. Dali-dali niyang kinuha ang note na iniwan niya kanina para sa Mama niya nang makitang wala pa ito sa bahay nila. Nilukot niya iyon at agad na tinapon sa basurahan. Mabuti na lang at wala pa rin ito sa bahay nang dumating siya kaya hindi na niya kailangan na magpaliwanag kung bakit siya tumakas. Halos manginig ang mga tuhod ni Saraya nang balikan sa isip ang mga nangyari. Kanina ay hindi man lang siya nakaramdam ng takot nang hawakan siya sa braso at pigilan ng mga lalaki sa ilog. Ngayon na binabalikan niya sa isip ang pangyayaring ‘yon ay saka siya lubos na nabahala sa nangyari sa kanya. Natatakot siyang malaman ng Mama niya ang nangyari dahil paniguradong mapapagalitan siya nito. “Saraya? Nariyan ka ba sa loob? Tulungan mo ako dito!” Muntik pang mapatalon sa gulat si Saraya nang marinig ang malakas na pagtawag ng ina mula sa labas ng bahay nila. Mabilis na inayos niya ang sarili at dali-daling pinanusan ang pawis sa mukha at katawan bago lumabas para tulungan ang Mama niya sa mga dala nito. Nang makita niyang mabuti ang mga pinamili nito ay kumunot ang noo niya bago nagtatakang tiningnan ang Mama niya. Sobrang tagal nitong nawala kaya ang akala niya ay sobrang dami nitong pinamili. “Ito lang ba ang mga pinamili mo, Mama?” kunot ang noong usisa niya nang makita lahat ang mga pinamili ng ina. Tumango ito at agad na inayos ang mga pinamili. Mukhang magluluto na ito kaagad dahil nakita niyang nagkukumahog na ito sa pagkilos nang mapatingin sa orasan. “Oo. Sobrang dami kasing tao sa palengke kaya nahirapan ako sa pamimili,” simpleng paliwanag nito. Kahit na nagtataka si Saraya ay tumango na lang siya sa sinabi ng ina bago nagsabi dito na maliligo siya. Kaninang-kanina niya pa gustong maligo at gusto sana niya ay sa ilog pero dahil sa hindi inaasahang pangyayari ay hindi na siya nakaligo sa ilog. “Maliligo lang muna ako, Mama. Kanina pa kasi ako naiinitan,” pasimpleng paalam ni Saraya sa ina. Tumango lang ito at hindi na nagawang makipag-usap pa sa kanya dahil naging abala na ito sa paghahanda sa mga lulutuin. Hindi na naman tuloy naiwasang isipin ni Saraya kung sino ang bisita nito. Sa tagal nilang naninirahan dito ay kahit na kailan ay hindi pa sila nagkaroon ng kahit na sinong bisita. Ang mga kaklase at mga kaibigan niya ay palaging nagtatanong kung nasaan ang mga kamag-anak nila pero sa tuwina ay wala siyang maisagot dahil wala naman talaga siyang alam. Hindi niya kilala ang mga kamag-anak nila dahil hindi kailanman ipinakilala ng Mama niya sa kanya ang mga ‘yon. Kahit nga ang Papa niya ay wala siyang ideya kung ano ang itsura. Hindi naman kasi siya kamukha ng Mama niya kaya maraming nagsasabi na sa Papa niya siya paniguradong kumuha ng mukha. Nasa kalagitnaan na si Saraya ng pagsasabon sa katawan nang muling naalala ang mga nangyari sa ilog. Hindi niya maiwasang isipin kung ano ang nararamdaman ng kaibigan niyang si Holy dahil hindi ito nagustuhan ng textmate nito. “Galit kaya sa akin si Holy dahil napagkamalan akong siya?” Hindi tuloy maiwasan ni Saraya na kausapin ang sarili habang naliligo. Masyadong mayabang ang textmate ni Holy kaya dapat lang talaga na ‘wag na itong i-text ng kaibigan niya. Dahil sa pangyayaring iyon ay mas nagkaroon tuloy si Saraya ng dahilan para hindi na maging interesado sa cellphone. Nasasaktan siya para sa kaibigan niyang si Holy dahil sa ginawa ng textmate nito. Paano na lang kung siya ang nasa katayuan nito? “Hindi naman mangyayari ‘yon dahil wala naman akong balak na magkaroon ng textmate. Isa pa ay wala naman akong cellphone kaya malabong mangyari sa akin ang nangyari kay Holy!” naiiling na bulalas niya at agad na pinihit ang gripo para magbanlaw na. Muntik pa siyang mapasigaw nang naging tuloy-tuloy ang tulo ng gripo. Binilisan niya ang paliligo pero masyado talagang malakas ang tubig kaya halos mapuno na ang lahat ng timba sa banyo nila bago pa man siya tuluyang matapos maligo. Madaling-madali si Saraya sa paglabas sa banyo para ipaalam sa Mama niya ang pagkasira ng gripo sa banyo nila. Hindi pa siya tuluyang nakakalabas sa banyo ay sumisigaw na siya para tawagin ang Mama niya at sabihin dito ang nangyayari sa gripo nila. Agad na natigilan si Saraya sa pagtatawag sa Mama niya nang makitang bukod sa Mama niya ay may ibang tao pa sa loob ng bahay nila. Kasalukuyang umiinom ng tubig ang lalaki sa harapan niya at muntik pa itong masamid nang mapatingin sa gawi niya. Kunot na kunot ang noo ni Saraya nang mabilis na makilala ang lalaki sa harapan niya. Hindi siya pwedeng magkamali! Kakakita niya pa lang dito kanina kaya hindi niya maaaring makalimutan ang itsura nito! Anong ginagawa dito ng lalaking nagligtas sa akin sa mga lalaki sa ilog? Hindi magkandatuto si Saraya habang iniisip ang talagang pakay ng lalaki kung bakit siya nito sinundan hanggang sa bahay nila. At isa pang gumugulo sa isip niya ay kung paano nitong nalaman ang bahay nila. Halatang-halata kasi sa itsura nito sa estranghero ito sa lugar nila lalo na at kahit kailan ay hindi niya pa ito nakita doon. Mas tumindi ang gulat na nararamdaman ni Saraya nang sabihin sa kanya ng ina na Ninong niya ang lalaki at mukhang ito ang bisitang pinaghahandaan nito ang pagdating! Kabadong-kabado tuloy si Saraya lalo na at mukhang sa itsura ng lalaki ay wala itong ililihim sa Mama niya! Paano na lang kung isumbong siya nito sa Mama niya? Mapapagalitan siya ng todo at siguradong hindi na siya nito papayagan na makipaglaro sa mga kaibigan niya. At ang masama pa ay baka hindi na siya nito payagan na pumunta sa ilog kapag nalaman nitong muntik na siyang mapahamak doon! Kaya nang sabihan siya ng Mama niya na magbihis na ay dali-daling pumasok siya sa kwarto para magbihis. Habang nagbibihis siya ay iniisip niya kung paanong kakausapin ng masinsinan ang Ninong niya para lang pakiusapan ito na ‘wag na ‘wag siyang isusumbong sa Mama niya. “Hindi naman ako namimili ng pagkain lalo na kapag gutom na gutom na…” Narinig niya pa ang biro ng Ninong niya nang tuluyang lumabas siya sa kwarto. Ni hindi man lang tumawa ang Mama niya sa biro nito pero si Saraya ay muntik nang mapa bungisngis dahil sa naging itsura ng Ninong niya nang sabihin iyon. Muntik nang mawala ang mga mata nito nang tumawa kaya hindi niya naiwasan na mapatitig sa mukha nito. Kung ang mga kaklase niyang lalaki o ang ibang lalaki sa eskwelahan nila ang magbibiro sa kanya ng gano’n ay baka binato na niya ng papel sa mukha dahil naiirita siya sa ngisi ng mga ito. Hindi niya maintindihan kung bakit gustong-gusto niya ang ngiti ng Ninong niya. Siguro ay dahil Ninong nga niya ito at niligtas pa siya nito kanina sa kapahamakan kaya hindi siya nakakaramdam ng disgusto kahit na lalaki ito at estranghero sa kanya. Nang bumalik ang Mama niya sa kusina ay pasimpleng naglakad na siya palapit sa Ninong niya. Mukhang busy na ito sa kung anong tinitingnan sa cellphone kaya dahan-dahang lumapit siya sa likuran nito at saka nang tuluyang nakalapit ay kinalabit niya ito. Hindi inaasahan ni Saraya na magugulat ito sa ginawa niyang pangangalabit sa batok! Agad na napatayo ito at muntik pang mapasigaw at namimilog ang mga matang tiningnan siya habang nakahawak sa batok na kinalabit niya. Sa halip na maguilty siya sa ginawa niyang pangangalabit ay hindi niya napigilan ang tumawa nang tumawa dahil sa pagkaaliw sa naging reaksyon nito. Nakahawak sa batok ang kanang kamay nito at ang isa namang kamay ay nakahawak sa dibdib kaya hindi niya napigilang tumawa habang pinapanood itong gulat na gulat sa kanya. “Kahit wala akong sakit sa puso ay aatakihin ako sa’yong bata ka!” bulalas nito kaya mas lalo pa siyang tumawa. Kahit kailan ay hindi pa siya nakipag-usap ng matagal sa isang lalaki. Kahit matanda pa sa kanya o kahit kaedaran niya ay wala siyang pakialam sa mga ito. May mga batang madalas nilang makasama sa paglalaro at paliligo sa ilog pero hindi niya pinapansin ang mga ito. Pakiramdam ni Saraya ay perwisyo lang ang maidudulot sa kanya ng pakikipag-usap sa mga lalaki kaya sinanay na niya ang sarili na ‘wag nang makisalamuha sa mga ito. “Ano na namang ginawa mo, Saraya?” Natigil lang siya sa pagtawa nang magsalita ang Mama niya mula sa kusina. Abala pa rin ito sa ginagawang pagluluto kaya hindi makalapit at makapag-usisa sa kanila. “Pasensya ka na sa inaanak mo, Dwight. Mabait naman ‘yan. Sadyang makulit lang talaga at may katigasan ang ulo,” narinig niyang sermon ng Mama niya sa kanya. Napasinghap si Saraya at napatingin sa Ninong niya na nakatingin na rin sa gawi ng Mama niya. “Mukha ngang matigas ang ulo nito…” narinig niya na pagsang-ayon ng Ninong niya sa sinabi ng Mama niya. Nang ibalik nito ang tingin sa kanya ay halata sa tingin nito na hindi pa rin nito nakakalimutan ang nangyari sa ilog. Nanliit ang mga mata nito nang mahuli ang titig niya. “Hindi alam ng Mama mo na nakikipag-date ka?” mahinang tanong nito sa tono na may kahalong panenermon kaya tuluyang naalarma si Saraya at agad na nilapitan ito. Tuloy-tuloy ang paglapit niya sa Ninong niya at nang nakalapit ay kailangan niya pang tumingkayad para lang maabot ang tenga nito at makabulong. Mukhang gulat na gulat naman ito sa ginawa niyang paglapit at hinawakan pa ang braso niya habang namimilog ang mga mata na nakatingin sa kanya. “Anong ginagawa mo–” “Pwede ba tayong mag-usap sa labas, Ninong? May sasabihin lang ako…” marahang bulong niya. Gumalaw-galaw ang bilog sa gitna ng leeg nito habang nakatitig sa kanya bago tumango at tumikhim ng malakas. “Masyadong mainit dito sa loob. Magpapahangin muna kami sa labas, Isabel…” narinig niyang paalam nito sa Mama niya kaya nakangising sinundan niya ito sa paglabas. Kulang na lang ay magtatalon sa tuwa si Saraya dahil lang sa naging pagpayag ng Ninong niya na makipag-usap sa kanya ng masinsinan!
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD