INALIS ng mga serbidora ang mga takip sa mga ulam na nakalatag sa pahirabang hapag kainan. Nalanghap ng mga panauhin ang bango ng amoy ng mga pagkain. Napangiti naman si Richmond Goncuenco na nakaupo sa harap at pinakadulo ng hapag habang nakikinig lamang sa mga papuri ng mga ito.
Naroroon ang mga kaibigan ng mag asawang Goncuenco sa negosyo at nakakatandang kapatid ni Elester na si Prima Rinacales.
"Ang sarap ng mga pagkaing iyong inihanda," nakangiting pinuri ni Prima, ang kapatid na si Elester. Ang mabuting may bahay ni Richmond Goncuenco.
Matamis naman na humalakhak si Elester. "Salamat, ate. 'Yan ay mga paboritong pagkain ni Richmond." Aniya at hinawakan ang braso ng asawa.
Ngumiti si Richmond at napahawak din sa likod ng palad nito. Nagsimula silang kumain ngunit natigilan si Elester nang mapuna ang hilaw na pagkakaluto sa karneng baka.
"Magda!" tawag nito sa isang serbidora. Dali daling tumungo sa kanya si Magda, kinakabahan at nanginginig sa takot. Nanlilisik ang mga mata ni Elester nang itinapon nito sa kanyang harapan ang naturang ulam.
"Ang sabi ko'y lutuin nang mabuti ang pagkain! Kainin mo 'yan nang malaman mong ano ang pakiramdam ng kumakain ng hilaw!" galit nitong bulyaw sa serbidora.
Nahihiyang lumuhod si Magda at pinulot ang karneng itinapon ng Donya sa kanyang harapan. Samu't saring bulungan naman ang kanyang na dinig mula sa tatlong panauhin. Napatingin naman dito si Prima bago ibinaling ang atensyon sa kapatid. Si Richmond Goncuenco nama'y mahina lang na humalakhak dahil sa inasta ng asawa.
"Buong akala niya'y naririto si Oier. Batid mo naman na ang anak mo'y mahilig sa medium rare steak." Wika nito.
"Maraming paborito si Oier. Hindi lang ang steak na niluluto ng serbidora ang kinakain niya." naiinis naman na tugon ni Elester.
Bakas sa boses nito ang inggit para sa matandang serbidora na si Magda. Kumpara kay Magda, hindi siya kailanma'y natutong magluto kung kaya't ang anak ay nasanay lamang na kumain sa luto ng Serbidora bukod sa pagkaing inihahanda sa mga restaurant.
"Nakasanayan ni Magda na maghanda ng pagkain kahit wala ang presensya ni Oier dito.” Pahayag ni Richmond.
Umaangat ang bawat dulo ng kanyang labi kasabay ng pag angat ng mga mata nito. Nasanay na siya sa ganitong eksena tuwing kainan at hindi na bago sa kanya ang inaasta ng kabiyak sa mga serbidora.
Nagsimulang kumain si Prima at ang dalawang panauhin na magkabiyak na Wilson. Tumaba ang puso ng mag asawang Goncuenco habang nakikinig sa panay pagpupuri sa kanila ng mga panauhin. Si Prima nama’y tahimik lang na kumakain at hindi nagugustuhan ang ingay na namumuo sa hapag kainan.
Magaganda ang magkakapatid na Elester at Prima, ngunit isa lamang sa kanila ay biniyaan ng asawa. Habang si Prima nama’y, ang nakakatandang kapatid, sa edad na limangpu’t lima, hindi na nakapag asawa.
Sa iisang tahanan lumaki ang dalawa kasama ang mga strikto at makalumang yumaong magulang. Noong kabataan nila, si Elester, ang pinakabata sa dalawang magkakapatid ay pasaway at sutil. Kabaligtaran naman roon si Prima na lumaking strikto, pormal, at makaluma. Sa dalawang magkakapatid, si Prima ang mas maraming manliligaw, ngunit si Elester ang unang nakapag asawa nang parehong makapagtapos ng kolehiyo.
Naging dahilan din ng hindi pag aasawa ni Prima ang pagiging pihikan niya sa mga lalake at minsa’y naririnig nila sa mga haka haka na kinatatakutan siya ng mga lalake kung kaya’t walang naglakas loob na ligawan siya. Si Elester nama’y kahit sino sa manliligaw ay kanyang sinasagot, hanggang naging hantungan niya si Richmond Goncuenco sa edad na dalawampu’t isa. Isang ginoong nanggaling sa mayamang angkan.
Ngunit ang buhay mag asawa ng magkabiyak ay hindi naging madali…
Pinunasan si Prima ang kanyang labi gamit ang table napkin pagkatapos nitong kumain. Magkadikit niyang inilapag sa plato ang kutsara at tinidor, hudyat ng paghinto niya ng pagkain. Sumilay ang ngiti sa labi ni Elester nang mapunang nagustuhan naman ng kanyang striktong ate ang pagkain sa kabila ng maingay na pagkakain.
“Ano nga ba ang sadya ninyo at bakit ako pinatawag?” tanong ni Prima sa kapatid.
Nagkatinginan ang magkabiyak na Goncuenco. Itinapat ni Elester ang kanyang nakasarang palad sa bibig nito atsaka tumikhim.
“Ate, hindi lingid sa iyong kaalaman na tumatanda na ang aking anak. Gusto ko sana siyang hanapan ng mapapangasawa at kailangan ko ng tulong mo.” Pahayag ni Elester.
“Hindi ba dapat siya ang pumipili ng kanyang mapapangasawa?” palipat lipat ang tingin ni Prima sa mag asawa. “Bakit ninyo pinapangunahan ang inyong anak sa gusto niyang mangyari sa buhay niya?” patuloy niyang katanungan.
Natural na nakataas ang kilay ni Prima, gayon din naman kay Elester, ngunit si Elester ay parating nakangiti at piling oras kung nagagalit. Kumpara kay Prima na bihira lang ngumiti at pagalit naman ang pananalita.
Buntong hiningang nakipagtitigan si Elester sa kanyang ate. “Hindi ko rin gustong pangunahan ang aking anak, gusto ko lamang siyang tulungan. Hindi ko gustong isalang sa fix marriage si Oier, maka luma na ang bagay na iyon at nauuwi lamang sa hiwalayan kapag hindi naging maganda ang takbo ng kanilang pagsasama.” tugon naman ni Elester.
“Hindi ko rin gustong mahantong ang kapalaran ni Oier sa kapalaran ng pinsan niyang si Paris,” wika ni Richmond pagkatapos niyang ilapag ang wine sa mesa. “Batid mo ang nangyari sa batang iyon.” Umiling si Richmond at madiing isinara ang kanyang labi.
Nitong nakaraang dalawang linggo, pagkatapos ng bagong taon, na aksidente ang pamangkin nitong si Paris Goncuenco kasama ang buntis niyang kasintahan. Hindi gusto ng pamilya ni Paris ang kasintahan nito, naging dagok iyon sa pagmamahalan ng dalawa kung kaya’t binalak na itanan ni Paris ang kasintahan nang maganap ang hindi inaasahang pangyayari. Sa angkan ng mga Goncuenco, kailangang maging pihikan sa pagpipili ng kanilang magiging kasintahan. Hindi pu pwede ang dukha, walang alam sa pagnenegosyo, at inosente.
Lingid sa kaalaman ni Prima, may tinatagong sikreto ang angkan ng Goncuenco sa likod ng kanilang matayog na negosyo kung kaya’t mariing sinusuri ang sino mang kinikilala nitong binibini at ginoo.
“Kung pwede lamang ang fix marriage kay Oier, pero ate, kilala mo naman ang batang iyon.” Natatawang pahayag ni Elester. “Walang balak mag seryoso sa buhay,” patuloy niya at ikinailing na lamang ang sariling pahayag.
“Kung gayon, ano ang magiging solusyon mo upang makapag asawa na si Oier?” tanong ni Prima. Itinaas niya ang kanyang kilay nang bumaling sa kapatid.
“Magkakaroon ng paligsahan, kung saan titira ang mga binibini mula sa mayayamang angkan sa loob ng iisang bubong. Matatanggal bawat binibining hindi magugustuhan ni Oier sa bawat buwan na lilipas. Ang huling matitira ay siyang maswerteng mapapangasawa ng aking anak.” Pumapalakpak na pahayag ni Elester.
Pinalibot ni Richmond ang kanyang braso sa likuran ng kabiyak. Nagustuhan nito ang ideya ng asawa.
“Si Oier ang mamimili kung sino ang tatanggalin sa paligsahan na iyon at kung sino ang kanyang ititira sa bawat buwan. Tama ba?” nakahalukipkip na tanong ni Prima habang ang kanyang paningin ay nakatuon lamang sa walang laman na baso.
Tumango naman si Elester, “tama ka ate,” tugon nito.
“Magandang ideya, walang sapilitan, hindi katulad ng fix marriage.” Ngumisi si Prima at umiling. “Kung ako’y biniyaan ng anak, hindi ko rin gustong pilitin ang anak kong pakasalan ang babaeng hindi naman niya gusto dahil lang sa negosyo.” Patuloy niya. Kahit makaluma ang papanaw niya sa buhay, hindi magandang pilitin ang mga anak na ikasal sa kakilala kagaya ng ginagawa ng mga mayayamang tao sa kapanahunan niya.
“Sisiguraduhin kong magugustuhan ni Oier ang huling binibining kanyang mapipili,” hindi maalis alis sa labi ni Elester ang kanyang matamis na ngiti. “Papamagatan natin itong, “Who wants to marry the young billionaire?” Biro ni Elester. itinakip nito ang kanyang palad sa kanyang nakangiting bibig habang mahinang humahalakhak.
Sinubukan ni Prima ang wine na sinalinan ng serbidora sa kanyang baso. Si Elester nama’y nakatingin lang sa serbidora at mukhang hinahanapan na naman ng mali. Dali daling umalis ang serbidora pagkatapos, sa takot na matulad sa sinapit ng kasamahang si Magda.
Napataas ang kilay si Prima rito. Hindi alam ni Elester kung nagustuhan ba iyon ng kapatid dahil sa ekspresyon nitong malamig at walang emosyon. “Kung ako ang gusto mong mamuno, nais kong ipaalam sa iyo, mahal kong kapatid, hindi ko gugustuhing makita ang sarili sa telebisyon at marinig ang balitang ito mula sa moderong kagamitan.” saad niya naman.
Mabilis na umiling si Richmond at tumawa. “Walang nakakaalam ng totoong katauhan ni Oier sa labas ng pamamahay at kahit sa kompanya, ate. Wala akong balak ipakita ang kanyang totoong mukha.” tugon nito.
Napatingin na lamang si Prima sa kanya. Alam ng mga matatandang Goncuenco at ng mga kabiyak ko nito ang tungkol sa pagkatao ni Oier. Ang mag kabiyak ay hindi kailanma’y biniyayaan ng anak dahil sa problema sa pagbubuntis ni Elester. Naging dahilan iyon ng pagtataksil ni Richmond sa asawa noon. Nagkaroon ito ng kaliwa’t kanang kerida sa likod ng masaya nilang pagsasama.
Ang isang keridang tumagal at minahal ni Richmond ay si Olivia Acosta. Isang Novitiate na naninirahan noon sa Bulacan. Ngunit hindi tumagal ang kanilang sikretong pagsasama dahil napag-alaman iyon ni Elester. Sa galit nito’y balak niyang makipaghiwalay kay Richmond lalo na nang nalaman din niyang nagdadalang tao si Olivia sa anak ng asawa. Dahil sa idinulot ng sakit, binantaan niya ang novitiate na sisirain niya ang buhay nito at ang kanyang propesyon na mapabilang religious community. Sa takot ni Olivia, nang mailuwal si Oier ay binigay niya ang buong kustudiya kay Richmond at Elester. Habang siya nama’y nagpatuloy ng pagmamadre.
Tinanggap naman ni Elester ang anak ni Richmond at natutunan niyang mahalin makalipas ang ilang taon. Hindi naman nalaman ni Oier ang tungkol sa kanyang tunay na ina. Hindi gugustuhin ni Elester na malaman iyon ni Oier dahil sa takot na baka iwan siya at hanapin ang kanyang totoong ina.
Sa takot na rin na mawala ang nag iisang anak, buong buo niya itong pinrotektahan at itinago sa mga maraming tao ang totoong pagkatao nito. Kilala ang pangalang Oier Goncuenco, ngunit nanatili siyang misteryoso. Kung ano nga ba ang histura at postura ng nag iisang anak ni Elester at ni Richmond? o kung nakikisalamuha nga ba ito sa marami at hindi lang sa malalapit sa kanya at sa mga Goncuenco? Lingid sa kaalaman ng karamihan, nakikisalamuha naman si Oier, ngunit tinatago niya ang kanyang sarili gamit ang ibang pagkatao.
“Sino sino naman ang mga binibining gustong sumali sa patimpalak na iyan kung hindi naman nila nakilala ng lubos si Oier?” tanong ni Prima sa mag asawa.
“Ate, marami sa mga anak ng aming business partners ang gustong sumali. Hindi ba?” tanong ni Elester sa mag asawang panauhin. Tumango sila at mahinang humalakhak. “At isa pa, hindi naman agad papakasalan ni Oier ang babaeng kanyang mapipili, kikilalanin nila ang isa’t isa pero kung mag ba back-out ang babaeng iyon ay magdadaos tayo muli ng isa pa pang patimpalak.” makasara ang kanyang bibig nang sinundan niya ng halakhak ang kanyang pahayag.
Nakayukong umiling si Prima. Ang kanyang kapatid ay walang planong hayaan si Oier na mamili ng kanyang papakasalan nang hindi niya dinadaan sa isang patimpalak.
“Ikaw ang masusunod, kapatid.” tugon na lamang ni Prima atsaka ito ngumiti. “Kailan nga ba ito mangyayari?”
Nagkatinginan ang mag asawang Goncuenco. Nag ngitian bago bumaling si Richmond sa nakakatandang kapatid ng kanyang asawa.
“Sa makalawa, ate. May napili na kaming mga binibini ang sasalang. Kabilang na rito ang pamangkin ni Ling Zhao.” tugon ni Richmond.
“Ling Zhao?” kunot noong bumaling si Prima sa mag asawa. Ang tinutukoy niya ang isang business tycoon mula sa mayayamang chinese empire. Hindi nito lubos kilala ang angkan ngunit ang kanilang pangalan ay matunog sa larangan ng pagnenegosyo.
Tumango naman si Elester. Bakas sa kanyang mukha ang pagkasabik. “Gusto kong kilalanin nang husto ang pamilyang iyon,” nakatingin ito sa itaas habang nakangiti.
“Alam ba ito ni Oier?” huling tanong ni Prima. Nagkatinginan muli ang mag asawa.
KINUSOT ni Oier ang dulo ng kanyang Stick bago ito itinutok sa puting bola sa billiard table. Nakayuko nang bahagya ang kanyang katawan. Nakatuon ang atensyon niya sa bola bago ito buong pwersang itinulak gamit ang stick. Tumama ang puting bola sa apat na iba’t ibang kulay na bola atsaka nahulog ito sa bawat apat na dulo.
“Nice one,” puri ni Rafael, ang kanyang pinsan. Nakangiti itong lumapit sa kanya at binigyan siya ng isang baso ng champagne na agad din naman niyang tinanggap.
“Lucky,” utas naman ni Signor na kasalukuyang nakaupo lang sa isang sulok habang tamad na nanonood sa pinsang si Oier.
“Hindi mo naman kami pinatira,” bagot na winika naman ni Iggy, ang kapatid ni Signor. Nakatukod ang baba ito dulo ng stick habang inaantok ang mga matang nanonood lang sa paglalaro ni Oier.
“Hindi ka naman magaling dito,” nakangiting tugon ni Oier atsaka uminom ng champagne na ibinigay sa kanya.
Sa isang pribadong lounge madalas nagkita kita ang mag pinsan tuwing walang pinagkakaabalahan. Si Rafael Goncuenco ay anak ng uncle ni Oier na si Raymund Goncuenco. Si Iggy naman at si Signor Goncuenco ay parehong anak ni Ignacio Goncuenco. Matunog ang pangalan ng kanilang mga ama na sina Raymund, Richmond, at Ignacio Goncuenco sa larangan ng pagnenegosyo. Ang kanilang pagiging maalamat ay naipasa sa henerasyon nina Oier.
“Magkaiba ang magaling sa marunong!” bulyaw ni Iggy sa sinabi ng pinsan.
Nakangiti lamang si Oier habang tinitingnan ang pinsang naiinis. Hindi na muling nakipagtalo si Oier. Alam niyang walang kabuluhan ang makipagtalo sa isip batang kagaya ni Iggy.
“Lalabas ba tayo pagkatapos nito?” pang iiba naman ni Signor at napatingin kay Rafael na nagsisilbing lider tuwing natatapos sila sa paglalaro ng billiard.
“Mambababae?” umaangat pa rin ang bawat dulo ng labi ni Oier. Isinuot niya ang kanyang hoodie jacket at sa ilalim naman nito ang t-shirt na kulay puti.
Bumaling ang lahat sa kanya. “Mambababae? Kampante ka kasi hindi ka naman nakikilala ng mga tao kaya magagawa mo ang gusto mo. Isipin mo naman kami kahit saan kami magpunta, hinahabol kami ng mga babae! Nakikipag away pa ang ibang mga babae mapansin lang namin!” bulyaw ni Iggy. Napatayo pa ito habang tinuturo si Oier. Buntong hininga niyang inilagay ang kanyang palad sa kanyang noo na wari’y napakalaki ng kanyang problema. “Sana pala itinago na lang din ako ni Mama, ako pa tuloy ang namomroblema sa paglalantad niya ng kagwapuhan ko sa publiko.”
Nasamid naman ni Signor sa kanyang iniinom ng marinig si Iggy.
“Hindi mo kasi nilulugar ang pagiging babaero mo, Iggy. Hindi naman problema ng mama mo ang mukha mo.” komento naman ni Rafael at kinuha ang kanyang coat. “Let’s go brothers!” yaya niya sa dalawa.
Ngisi ang tanging inilahad ni Oier bago nila tuluyang iniwan si Iggy na nagmamadaling naglalakad upang maabutan sila. Sinalubong sila ng malakas na sound system at tinginan ng mga babaeng nasa cocktail bar counter pagkatapos nilang makalabas sa pribadong billiard lounge.
“Mga Goncuenco,” bulong ng iilan na naririnig naman ni Oier.
“Nasaan kaya diyan si Oier?”
“Kilala ko ang tatlo pero, ang isa diyan mukhang alalay lang naman. Hindi ganyan manamit ang mga Goncuenco.” Palihim na ngumisi si Oier. Ang kanyang suot ay wari pinaglumaan na ng panahon. Hoodie Jacket at butas butas na maong na pants.
Hindi na bago kay Oier ang marinig ang ganitong klaseng kumento. Noong una nasasaktan siya pero sa bawat taon ang lumipas nakikita niya ang magandang epekto ng kanyang pagtatago sa maraming tao. Nagagawa niya ang gusto niya sa labas ng pangalang Goncuenco nang walang sagabal at walang pumupuna sa tunay niyang pagkatao.
“Oier, alam mo bang isasalang ng mga magulang mo sa isang game ang mapapangasawa mo?” tanong ni Rafael nang makarating sila sa sasakyan. “Ikaw dapat ang mamimili ng isa sa mga babaeng sasali na gusto kang mapangasawa.” Patuloy niya.
Kibit balikat lang ang kanyang naging tugon. Hindi niya alam ang nangyayari ngunit hindi na rin siya nagulat kung may ganitong kahibangan ang kanyang mga magulang.
“Sa palagay ko, mas maganda iyon kay sa fix marriage. Hindi ba?” tanong ni Signor na kasalukuyang nasa likuran lang. “Sigurado akong mula ang mga babaeng iyon sa mayayamang angkan. Kilala mo naman si Auntie Elester, she isn’t interested on women who don’t fit her taste,”
“Sasali daw si Natalie,” ani naman ni Iggy.
Sa pagkakataong iyon, tahimik na natiligan si Oier habang nakatingin sa labas ng bintana at sa kawalan. Punyal sa dibdib ang tumama nang maalala ang mukha ng may ari ng pangalang binanggit. Napangisi siya at umiling.
“Imposible,” utas niya bago tuluyang humarurot ang sasakyan papalayo.