Kabanata VI

2566 Words
“Sandali!” Mabilis akong naglakad patungo sa kanyang direksyon. Nahinto siya kakalakad ngunit hindi siya nakatingin sa akin. Nanatili namang nakatakip nang bahagya sa kanyang mukha ang kanyang palad. Alam kong tinatago niya ang kanyang mukha kahit kanino, pero sa tingin ko hindi naman kasuklam suklam ang kanyang hitsura. Sa ayos at ang kanyang tindig ay masasabi kong pinagpapantasyahan siya ng mga babae. “Ako nga pala si Celestine, Ginoo.” Tinapat ko ang palad sa kanyang harapan upang humingi ng pakikipag kamayan. Napuna kong napatingin siya rito ngunit hindi niya iyon tinanggap. Wala akong nagawa kung hindi ang ibaba na lamang ito. “Uh, isa ako sa mga kalahok laban sa mga gustong mapangasawa ka.” Mahinahong kong wika. “Kilala mo ako?” tanong niya sa baritonong boses. Tumango ako kahit alam kong hindi niya naman makikita dahil nakatalikod siya sa direksyon ko.  “Oo, ikaw si Oier, hindi ba?” nakangiti kong tugon. “Paano?” bumilis ang pintig ng aking puso nang humarap siya sa akin. Lakas loob akong nakipagtitigan sa kanyang kulay abong mga mata na nasa likuran lang ng kanyang maskarang suot. Tinuro ko naman ang lagusan papasok ng mansyon, “Nakapaskil sa dingding ang iyong larawan.” Paliwanag ko sa kanya.  Tumango siya at tiningnan ako mula ulo hanggang paa. Sumagi sa isipan ko ang misyon ko. Sasabihin ko na sana ang tungkol sa totoong pakay ko rito nang maalala ko ang paalala sa akin ni Ms. Illuna. Walang dapat makaalam ng pagkatao ko hangga’t hindi ako nananalo sa patimpalak na ito  o kahit ang makuha ang loob ni Oier. “Dapat sa mga oras na ito ay natutulog na kayo? You could get eliminated if someone catches you sneaking out.” Mahinahon niyang pagkakasabi. Matamis akong ngumiti at kinamot na lamang ang aking ulo. Hindi ko alam ang aking isasagot. Masyado akong natatameme kapag nakikipag usap ako sa mga katulad niya. Alam kong hindi siya basta basta pero kailangan kong lakasan ang aking loob para magawa ko nang mabuti ang aking misyon. “Pasensya ka na, gusto ko lang naman makapunta sa harap ng mansyon kaya rito ako naparaan.” Paliwanag ko naman. “Kinagagalak pala kitang makilala, Oier. Hindi ko akalain na makikita kita ng ganito kaaga.” Pinagsalikop ko ang aking dalawang kamay sa aking likuran. “Hindi ako pwedeng makipag usap sa inyo,” aniya. “Hindi ko naman sinadyang makipag usap din. Gaya ng sabi ko, dumaan lang ako rito upang makapunta sa harap ng mansyon.”  Inilagay niya ang kanyang dalawang kamay sa kanyang magkabilang bulsa at tinagilid ang kanyang ulo habang hindi napuputol ang kanyang paninitig sa akin. “Pero tinawag mo ako,” muling tugon niya. “Pero huminto ka nang tinawag kita,” ani ko naman.  “Gusto mo bang mapatalsik nang maaga? Maaari kitang isumbong ngayon din.” Aniya. Lumuwa ang aking mga mata at mabilis na hinawakan ang kanyang braso upang pigilan siya sa kanyang mga binabalak. Napatingin naman siya sa aking mga kamay bago ibinalik sa aking mukha ang kanyang paningin.  “Huwag! Nagmamakaawa ako sa’yo, may mission ako!” mas lalong lumuwa ang aking mga mata nang marinig ang sariling sinabi. “Mission?” kunot noo niyang tanong. Muling kong kinamot ang aking ulo. Sa ganitong paraan, sana makahanap ako ng idadahilan. “Ah eh,” Napatingin ako sa kanya. Naghihintay lang siya ng aking itutugon. Agad kong inalis ang aking kamay sa kanyang braso at nahihiyang tumawa. “Ah eh, matutulog na pala ako. Hindi ko pa naman alam kung saan ang kwarto ko rito, napalaki ng bahay niyo.” Wala na akong naiisip na dahilan. “Sandali!” Itinaas ko ang aking saya at mabilis na tumakbo pabalik ng pinto kung saan ako lumabas kanina. Isinara ko iyon kahit mabigat at saka ako sumandal sa malamig na pader. Napakapit ako sa aking dibdib habang hinihingal nang halos lumabas ang aking puso kakapintig nito ng malakas.  Pumikit ako ng mariin at bahagyang pinagsusuntok ang sariling ulo. Minsan nadudulas ang aking dila, hindi ko naiisip kung ano ang magiging resulta kapag inilabas ko sa aking bibig ang nais sabihin nito. Nagsimula akong naglakad nang maalalang hindi ko suot ang dalawa kong stilettos. Kaya pala malamig ang sahig na aking tinatapakan at diretso ako kung maglakad na hindi pa ika ika. Babalik na sana ako nang isang malakas na alarm ang tumunog sa bawat sulok ng mansyon. “Curfew hour?” bulong ko sa aking sarili. Napagdesisyunan kong umalis at bukas na lang ng umaga o gabi ako babalik sa lugar na iyon.  Mabilis akong naglakad nang nakapaa. Maraming sulok ang mansyon at malawak ito. Hindi ko alam kung saan ako tutungo dahil mukhang naliligaw na nga siguro ako. Umakyat ako sa hagdan. Madalas sa ikalawang palapag makikita ang mga kwarto ngunit, ang inaalala ko hindi ko alam saang kwarto ako tutungo. Napapikit ako nang tumama ang noo ko sa isang dibdib. Napaangat ang mukha ko at lumuwa ang mga mata nang makita ang ginoong nagngangalang Yael. Itinaas ko ang aking hintuturo at itinapat iyon sa kanya, “Ikaw?” hindi ko makapaniwalang ani. Nakasuot siya ng long sleeve white shirt na hanggang siko ang mangas.  “Ano nga pala ang ginagawa mo rito, Ginoo?” tanong ko sa kanya na wari pamamahay ko ito. Mukhang hindi naman siya nagulat nang makita ako. Tiningnan niya lang ako mula ulo hanggang paa at saka sumilay ang ngiti sa kanyang labi. “Marunong ka naman pala  manamit nang maayos,” aniya. Kunot noo ko siyang tiningnan, “Hindi pa ba maayos ang suot ko noong una nating kita? At saka hindi mo sinasagot ang katanungan ko.” Sabi ko sa kanya. “Ano ang ginagawa mo rito?” muli kong tanong. “Hindi mo kailangang malaman, makikilala mo rin naman ako.” Hindi pa rin niya inaalis ang kanyang paninitig sa akin mula ulo hanggang paa na para bang nabigla siya sa biglaan kong pagiging maganda. “Hindi halata sa ayos mo noon na isa ka sa mga kalahok. Qualified ka?” tanong niya, boses nang iinsulto. Huminga ako ng malalim. “Hindi mo ako makikita rito kung hindi,” tugon ko sa kanya. Pinag ekis niya ang kanyang dalawang braso sa tapat ng kanyang dibdib at tumango tango. “Edi good luck na lang sa iyo,” aniya. Umangat ang dulo ng kanyang labi at ngumisi.  Hindi ko talaga gusto ang tono ng kanyang pananalita. Hindi ko rin gusto kung paano siya magsalita. Naalala ko noong una naming kita, hindi man lang niya nagawang humingi ng paumanhin. Hindi niya iyon kasalanan na naakusahan ako ngunit kung ako ang naroroon sa posisyon niya, mahihiya akong hindi humingi ng tawad.  “Salamat kung ganon,” ani ko at itinaas ang aking saya. Sandali siyang napatingin sa aking dibdib kung kaya’t agad ko itong tinakpan gamit ang aking palad. Mas lalo naman siyang ngumisi at umiling. “Wala naman akong makikita,” Suminghap ako. Hindi lang siya marunong humingi ng tawad, bastos din siya. Nanlilisik ang mga mata ko nang bumaling sa kanya. Huminga ako ng malalim at magsasalita na sana kung hindi ko lang narinig ang isang ginang na tinawag ang aking pangalan… “Celestine,” Bumaling ako sa kinaroroonan ng boses. Nanlaki ang mga mata ko sa gulat nang makita si Maestra Prima. Hindi gaya ng suot niya kanina ngayon ay naka puting saya siya hanggang tuhod na bahagyang hapit sa kanyang balakang at nakasuot ng puting long sleeve blouse na may kwelyo.  Ang ayos ng kanyang buhok ay hindi naman nagbabago, nakapulupot paitaas pa rin ito. Itinaas niya niya ang kanyang sleeve at tinuro ang orasan sa kanyang pulso. “Ano ang ginawa mo rito? At bakit hindi ka pa pumapasok sa iyong magiging kwarto?” tanong niya sa seryosong tono. “Uh,” kinamot ko ang aking batok at pinagsadahan ng tingin ang paligid. “Hindi ko po kasi alam kung saan ang kwarto ko, masyadong malaki ang mansyon.” Wika ko. “Hindi ba itinuro iyon sa inyo kanina? O di kaya’y nagpupunta ka kahit saan kaya hindi mo nalaman?” mas lalo akong kinakabahan. Walang kahit na anong reaksyon ang kanyang mukha pero ang tono ng kanyang boses ay wari sinasaliban ako ng buhay. “Hindi po!” pinagsalikop ko ang aking dalawang palad. “Nag C.R lang po, pagbalik ko, naligaw na ako.” Humina ang aking boses sa huli kong sinabi.  Hindi ko naman ma pirmi ang aking mga mata. Binabalot ako ng takot ng kanyang presensya. Narinig ko namang ngumisi si Yael dahil sa aking naging sagot.  Tumingin naman si Maestra Prima sa aking likuran, “Yael, ituro mo sa kanya ang pang limang kwarto mula sa pag akyat ng hagdan sa kanlurang gawi.” Utos niya sa ginoong nasa aking likuran at saka umalis. Tiningnan niya akong muli bago tuluyang bumaba ng hagdan. Bumagsak ang aking balikat at nakahinga nang maluwag. Nasa likuran ako ni Yael, sinusundan ko siya habang tinutungo ang aking magiging kwarto. Hindi naman maalis alis ang paningin ko sa kabuuang lugar. Sa bawat talampakan ang layo ay may kulay gintong ilaw. Habang ang nilalakaran namin ay may nakaukit na sa makintab na medyibal.  Nahinto siya sa tapat ng isang kwarto at napatingin sa akin. Aminado ako kung hindi masama ang ugali niya, maraming makakandarapa sa kanyang mga babae. “Dito ang kwarto mo, may C.R na rin sa loob, hindi mo na kailangang maligaw.” Hindi ko alam kung ngumingiti siya dahil parati kong napupuna na natural na nakangiti ang kanyang mga mata. Hinawakan ko ang doorknob at bago pa man ako makapasok ay muli akong nagsalita, “Hindi ko nagustuhan ang iyong pananalita, Ginoo. Mag hinay hinay ka at baka…” nahinto ako nang maramdaman ang init ng kanyang pangangatawan sa aking likuran. Napalingon ako at mapunang isang pulgada lang ang distansyang layo naming dalawa. “Baka ano?” mahinang tanong niya. Agad akong napatiningin sa pinto at dali daling pumasok nang maramdaman ang kakaibang sensasyon na dumaloy sa aking likuran pa itaas hanggang batok.  Narinig ko ang mahina niyang pag halakhak at saka ko isinara ang pinto ng kwarto. Marahil ganon ang estilo ng kanyang pananalita, mapanuya at mapanloko. Kailangan kong masanay dahil mukhang isa siya sa makakasama ko rito. NARINIG ko ang malakas na sipol. Napadilat ako nang maalalang wala pala ako sa Italya. Dali dali akong bumangon nang masilayan ang sikat ng araw na tumatakas sa bintana ng kwarto. Pagkatapos kong mag hilamos at mag sipilyo, agad kong sinuri sa malaking maleta ang aking susuotin. May mga damit ko ang naroroon ngunit madalas kong makita ang mga bagong bili na mga damit. Marahil sina Ms. Illuna ang may pakana nito. Sa huli, isinuot ko ang bulaklaking saya na lagpas hanggang tuhod ang taas at katamtamang laki ng kulay pulang t-shirt. At kahit wala si Brother Mario, aking pinapagandahan, naglagay na rin ako ng face powder at lip gloss. Dali dali akong lumabas ng kwarto habang sinusuklay ang aking natural na buhok. “Makikita ba tayo sa T.V?” tanong ng isang dalaga nang pababa ako ng hagdan. Umiling naman ang binibining kanyang kinakausap.  “Hindi mahilig ang mga Goncuenco na ipalandakan ang pangyayari sa kanilang buhay.” aniya. “Kilala ang kanilang pamilya dahil sa pagiging makapangyarihan ng bawat isa sa kanila. Lumalabas sila sa telebisyon minsan, sa mga magazines at dyaryo, at mga kwento o kuru kuro.” Patuloy niya. Mabilis kaming naglakad nang masilayan si Maestra Prima na nakaupo sa gitna ng hapagkainan. Kung ano ang ayos ng kanyang buhok kagabi ganoon pa rin ngayon. Nasalikop ito paitaas, ngunit iba na ang kanyang kasuotan. Napaupo kami sa hapag. Tumaas ang kanyang kilay nang nagtama ang paningin namin ng binibining may kayumangging balat. Itinuon ko lang ang atensyon ko kay Maestra Prima. Itinaas niya ang sleeve at inangat ang kanyang pulso kung saan nakabalot rito ang kanyang orasan. “Alas syete bente singko,” tumaas ang kanyang kilay at napatingin sa amin, “Ang masunuring asawa ay bumabangon nang hindi pa sumisikat ang araw. At kung tatanungin niyo kung bakit, dahil kinakailangan niyang maghanda ng almusal para sa kanyang asawa.” Paliwanag niya. Nilagay ng serbidora ang aming mga pagkain sa aming harapan at sabay sabay itong binuksan. “I hate veggies,” wika ng binibini sa aking harapan. Kumunot ang kanyang mukha habang nakatingin sa inihaing gulay. “Bago ang lahat magpakilala muna ang bawat isa sa inyo.” Napatingin siya sa binibining may bangs sa kanyang giliran. “Mauna ka,” Tumango naman ang binibining iyon at tumikhim,  “Miko Harushima, daughter of Leo Harushima, business partner ni Raymund Goncuenco. Hello!” aniya at winagayway ang dalawang kamay. “Carmen Salie, one of the investors of Royal hotels in Cebu.” Ani naman ng kanyang katabi. May maamo siyang pagmumukha at maputing balat. “Santina Galvez,” tipid na ani ng isang binibini sa aking harapan. “Nice to meet you,” maganda siya ngunit matapang ang features ng kanyang mukha. Tumikhim naman ang babaeng nasa aking harapan na may kulay kayumangging balat, “Penelope Ramirez, heiress of Ramirez group of Companies. We are more than 50 years in fishing and canning industry, nararapat lang na--” hindi natuloy ang kanyang sasabihin nang nagsalita si Maestra Prima. “That’s enough,” at saka siya tumingin sa akin. “...and next,” Tumikhim na rin ako. Malakas ang pintig ng aking puso nang mapunang nakatingin sa akin ang lahat. “I- I’m Celestine Don este C-Celestine Zhao, heiress of the Zhao Empire group of Companies.” nanginginig ang labi nang sinubukan kong ngumiti. Muntik na iyon. “Mas nangingibabaw ang iyong dugong pinoy kay sa Chinese,” nakangiting komento sa akin ni Miko. Nahihiya akong ngumiti sa kanya. Muli kaming pinagsadahan ng tingin ni Madam Prima, “kung mapapansin niyo ang lima lang kayong kahalok, kung anim na buwan naman ang tagal ng patimpalak na ito.” Huminto siya at ngumiti, “Dahil may isa pang hahabol, siya ay darating sa susunod na buwan.”  Narinig ko ang usap usapan ng mga binibini. Ako nama’y nakatingin lang sa mga pagkain.  “Parang walang pambili ng damit,” umangat ang paningin ko sa binibining nasa aking harapan o kilala bilang Penelope. Nakadirekta ang kanyang paningin sa akin habang nakangisi. Ako ba ang tinutukoy niya? Gusto ko siyang pagsabihan,  gusto kong ituro sa kanya kung ano ang magiging epekto kapag nanghusga ka ng tao, pero pakiramdam ko, wala ako sa katayuan para gawin iyon. Ako’y nagpapanggap lamang at hindi mayaman katulad nila. INILIBOT kami ni Maestra Prima sa buong mansyon at sa labas nito. Naging pamilyar naman sa akin ang bawat sulok nito. Sampo ang silid pantulog na nasa itaas at sampo naman sa ibaba, ngunit sa sampong nasa ibaba ay hindi lahat silid pantulog. May theater room, silid ng mga serbidora, music room, at iba pa. Nakakalula ang ganda at lawak, ngunit para sa mga binibining kasama ko ay hindi ko nakikita sa kanilang pagmumukha na namamangha sila. Marahil, sanay na sila sa ganitong bagay. Nakarating kami sa labas ng mansyon kung saan makikita naman ang mga iba’t ibang uri ng mga pananim. May mga pananim pa hugis anghel at water fountain sa gitna nito. Sa likuran naman ng mansyon, kung saan ko nakita si Oier Goncuenco kagabi, iba’t ibang kulay naman ang mga pananim na bulaklak at gulay ang makikita. May wishing well rin sa gitna at mga isdang kulay ginto sa isang malawak na fishpond. May ganito sa monasteryo kaya hindi na ako namamangha. Hindi ko naman nakita ang aking stilettos. Mukhang mamahalin pa naman iyon. “Mga binibini, eto si Elias at Yael. Sila ay mga hardinero at naga pagsilbihan sa mansyon.” Itinuro ni Maestra Prima ang isang binata na sa tingin ko ay edad kinse at si Yael. Kumaway iyong si Elias sa amin. Nagtama ang mga paningin naming dalawa ni Yael. Sumilay ang ngiti sa kanyang labi nang narinig niya si Carmen na nagsalita habang hindi inaalis ang kanyang paningin sa akin. “Ang gwapo naman ng binatang iyon,” bulong ni Santina kay Penelope.  “Oo, gwapo pero dukha. Bubuhayin ka ba ng mukha niyan?” tugon naman ni Penelope at pagkatapos ay humalakhak.  Hindi iyon narinig ni Yael dahil nauna silang umalis. Sumunod ang lahat kay Maestra Prima, ngunit ako’y napahinto nang marinig si Elias at Yael na nag uusap. “Kuya, ang gaganda nilang lahat.”  ani ni Elias. “Maliban sa nahuli,” wala nang ibang nahuli sa pag sunod kay Maestra Prima kung hindi ako lang.  “Iyong makapal ang kilay at may bilogang mukha,” ako lang ang may ganong katangian. “Hindi ko type,” aniya at sinundan ng malakas na tawa.
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD