NAKATINGIN ako sa ginoo na nasa aking harapan. Gusto ko siyang tanungin kung nakikita pa ba niya paligid sa sobrang liit ng kanyang mga mata. Mas maputi rin ang kanyang balat kumpara sa kanyang asawa na si Ms. Illuna Zhao.
Sumisilay ang kanyang ngiti sa labi nang ako’y kanyang yakapin. Bakas sa mukha niya ang labis labis na saya nang muli siyang kumawala. Hinawakan niya ako sa magkabilang balikat at abot tengang ngumingiti. Nagsilabasan ang kanyang kompletong ngipin dahil doon.
“Finally! Ako kuha loob Goncuenco, ikaw pag asa ng Zhao Empire.” Ang kanyang pananalita at tonog intsik ngunit ang kanyang lenggwahe ay Filipino. “Ikaw amin suportahan. Ikaw galing contest para ikaw hindi palpak plano.” patuloy niya.
Nangangalay ang bawat dulo ng aking labi dahil sa pag angat nito. Hindi ko alam ang magiging reaksyon sa kanyang pagpapalakas ng loob sa akin. Determinado silang tulungan ako sa misyon ko upang makuha din ang loob ng mga Goncuenco. Kung tungkol sa larangan ng pag nenegosyo, marahil nakakaangat ang kanilang mga pangalan, kilala sila ng mga businessmen kagaya ng Zhao. Hinding hindi magiging ganito ang reaksyon ni Ling Zhao kung isang pipitsuging negosyante lang ang aming gustong kamtan.
“Ah eh, salamat po!” nahihiyang ani ko na lamang.
“That’s enough. Bye, honey, see you later!” ani ni Ms. illuna at saka ako hinigit papasok sa kanyang mataas na sasakyan.
Tumabi siya sa akin sa likurang bahagi. Sa Harap nama’y ang driver at ang kanyang isang alalay. Isinuot ni Ms. Illuna ang kanyang sun glass kahit alas syete na ng gabi. Gusto ko siyang tanungin kung malinaw ba ang kanyang paningin.
Ako nama’y panay baba ko sa sleeves ko. Ito ang unang pagkakataon na nakasuot ako ng gown na hapit na hapit sa aking pangangatawan. Idagdag mo pa ang pagiging makintab na kulay ginto nito. Para akong isang malaking tropeyo na naglalakad.
“Mas mainam siguro, Ms. Illuna na may suot akong pantakip sa aking nakabukas na likuran.” Nahihiya akong mungkahi kay Ms. Illuna.
Napatingin siya sa aking gawi nang magsimulang tumakbo ang sasakyan. “Celestine, always wear your confidence! Paano ka mananalo kung parati kang ganyan?” tanong niya.
“Hindi ko naman po ibig ang manalo, hindi ko po gugustuhin ang mapangasawa si Oier Goncuenco. Ang aking lang naman gusto kong iparating sa kanya ang tungkol sa pagkatao at maidala siya sa totoo niyang ina.” Paliwanag ko sa kanya.
Naka ekis ang dalawang paa ni Ms. Illuna. Nakasuot siya ng maikling damit at mabalhibong tela na pinapalibot sa kanyang balikat.
“Remember Celestine, kapag hindi mo pa nakukuha ang loob ng Goncuencong iyon. Hindi mo siya maaaring biglain tungkol sa tunay na pagkatao niya. Hindi mo ibig mapatalsik sa patimpalak na walang nangyayari sa misyon mo, tama?” humilig at lumapit siya sa akin.
Tumango ako bilang tugon. Huminga na lamang ako ng malalim at pinapaubaya sa Diyos ang aking misyon.
“Siya nga pala, Celestine. Dapat saulo mo ang pagkatao mo sa loob habang nasa isang patimpalak ka. Hindi pwedeng malaman ang totoo mong pagkatao upang hindi ka mapatalsik.” Paalala niya. Muli akong tumango. “Chinese ang ancestors mo, dapat saulo mo ang itinuro ko sa iyong chinese words.” Tumango ulit ako. Ang tanging salitang intsik aking nalalaman ay xie xie na ibig sabihin ay thank you, at wo ai ni na ibig sabihin ay I love you. Ang iba’y hindi ko na alam ang kahulugan.
“Kapag pumalpak ka rito, mapapahiya mo ang buong Zhao Empire.” Napasinghap ako sa aking narinig. Nakakunot ang mukha ko nang humarap sa kanya. “Sama sama tayong lulubog,” aniya at humalakhak kahit nakasara ang kanyang bibig.
“Hindi ko po ibig manalo,” muli kong mungkahi sa kanya.
Natigil siya kakahalakhak at bumaling sa akin na nakangiti. “Hindi mo siya papangasawahin, kukunin mo lang ang loob niya and leave the rest to us.” Bahagya niyang ibinaba ang kanyang sun glass at tinaas baba ang aking kilay habang nakangiti.
Lumayo ako ng kaunti sa kanya at napatingin na lang sa labas. Kinakabahan ako, hindi ako marunong magpanggap. Naisip ko bigla si Mama, hindi ko naman siya pwedeng biguin.
“Paano nga pala si Mama?” tanong ko kay Miss Illuna at muling bumaling sa kanya.
Inangat niya sa ere ang kanyang kamay at saka ito winasiwas. “Sabi ko naman sa iyo Celestine. Gampanan mo ang misyon mo sa naturang patimpalak, at ako ang bahala sa labas.” aniya.
Muli akong tumango at hinayaan ang katahimikan na mamayani.
Ilang sandali pa’y napatingin ako sa labas ng bintana ng sasakyang nang makarating kami sa isang napakalaking mansyon. Kulay ginto ang liwanag mula sa poste ng ilaw na bumabagay sa kulay ginto ring mga palamuti na nakakabit sa bawat punong kahoy.
Naunang lumabas ang driver at ang kanyang alalay para pag buksan kami ng pintuan. Lumabas ako nang tuluyan ngunit hindi ko pa rin inaalis ang aking mga mata sa naturang mansyon. Para itong palasyo kung saan nakaratira ang mga hari at reyna ng isang kaharian.
“Good luck, sister Celestine.” Ani ng Driver. Ngumiti ako sa kanya at nagpasalamat bago ako hinigit muli ni Ms. Illuna.
“Smile,” bulong niya sa akin nang dumaan kami sa pulang karpet at sinalubong ng mga binibini at ginoong nakasuot ng long gowns at tuxedo sa labas ng mansyon.
Ang kanilang mga palamuti sa katawan ay nagdadagdag kinang sa buong paligid. Tuwing may sumasalubong kay Ms. Illuna ay nagkakadikit ang kanilang pisngi bilang pagbati. Lumalakas ang tunog ng isang piano na sa tingin ko ay mula sa loob ng naturang mansyon. Napapatingin sa akin ang mga eleganteng binibini na wari naguguluhan sila kung bakit ang isang tulad ko ay nakihalo sa kanilang mga mayayaman. Kung hindi ako hawak hawak ni Ms. Illuna ay marahil kanina pa ako sinipa paalis dito.
Binalot ako ng takot. Hindi ako sanay sa makipag halubilo sa mga taong ganito kataas ang stado sa buhay. Kahit pa nga mga ibang novitiate sa loob ng monasteryo na mapagmataas ay na i intimidate na ako, paano na lang kaya rito.
Gusto kong tumakbo papalayo at magtago na lang, ngunit naalala ko naman ang aking ina. Kagustuhan niyang maging madre ako kaya hindi ko siya bibiguin.
“She’s Celestine Zhao?” tanong ng isang ginoo na sa tingin ko nama’y isang bandahali dahil sa kanyang kasuotan.
Tumango naman si Miss Illuna at bahagya akong itinulak sa aking likuran. “One of the contestants along with them.” tinuro niya ang mga babaeng nakatayo sa gitna ng malawak na mansyon.
Dobleng kaba ang bumalot sa akin. Kakayanin ko pa kaya? Buong akala ko’y madali lang matunton ang isang Oier. Nagkakamali ako…
Muling napatingin ang naturang bandahali sa kanyang papel na hawak at saka tumango. “You’re in, please proceed inside.” aniya at inangat ang kanyang palad upang ituro kung saan ako dapat tutungo.
Bumaling ako kay Miss Illuna nang hindi man lang siya gumalaw sa kanyang kinatatayuan. Iminuwestra niya ang kanyang kamay upang magbigay senyales na kailangan ko ng tumungo doon.
“I’ll pray for your success, Celestine.” Bulong niya at matamis akong binigyan ng ngiti.
Napatingin sa mga babeng magiging katunggali ko sa patimpalak na ito. Inilabas ko ang lahat ng bumabagabag at pagdadalawang isip na aking nararamdaman sa pamamagitan ng pag hinga ng malalim bago ako tuluyang naglakad papalapit sa kinaroroonan ng aking mga katunggali kahit pa, para akong malulunod sa mga titig na iginagawad sa akin.
Tumayo ako sa giliran ng isang binibining may intsik na mga mata. Napansin ko pa ang pag tigil ng pag uusap nang dalawang binibini nang makita ako.
Inilibot ko ang aking paningin sa kabuuan ng mansyon at napatingin sa pulang karpet na nakalatag sa hagdan na may kulay gintong kumikinang na baranda at sa malaking chandelier na nagbibigay kulay kahel na liwanag sa malawak na silid ng salas. Ang mga mamahaling palamuti na may disenyong medyebal sa bawat sulok nama'y nagbibigay ganda sa buong kapaligiran. Ang mga antigong muwebles ay bumabagay sa kahel na liwanag ng chandelier.
Hindi ako makapaniwala na mayroong ganitong kalawak at kagandang mansyon sa Pilipinas.
Nahinto ang mga mata ko at pinagmasdan ang napakalaking painting ng isang matipunong lalakeng may suot na maskara na nakapaskil sa matayog na dingding. Nagmistula siyang haring nakaupo sa kanyang trono. Nakahilig siya sa kanyang inuupan habang ang paa nama'y naka dekwatro. Nakakahalina ang kulay abong mga mata nito sa likod ng maskara.
Sa ikalawang palapag, ang mga nabibilang sa kamay na mga panauhing nakasuot long gowns ay nakatanaw sa ibaba ng terrace kung saan kami nakatayo. Mas lalong akong binalot ng takot tuwing naiisip ko na pinapalibutan ako ng mga mayayamang angkan ng Pilipinas.
"Si Donya Elester Goncuenco ba 'yan?" Tanong ng isang binibini sa aking giliran.
"Perhaps," Kibit balikat na tugon ng isa.
Dumapo ang paningin ko sa babaeng matuwid at magalang kung maglakad pa ibaba sa hagdan. Nakaayos pa itaas ang kanyang buhok, nakasuot siya ng modernong kulay puting baro't saya, at may dala dala siyang maitim na abanikong hindi pa niya na bubuksan. Nag e-echo naman ang tunog ng kanyang heels sa bawat hakbang niya sa hagdan. Dumoble ang aking kaba nang sumisigaw ang karangyaan at kahigpitan sa kanyang katauhan.
Binuksan niya ang abaniko at lumapit sa amin. Katulad ko, ang mga binibini sa aking giliran ay kinakabahan na rin. Para kaming mga sundalong nakaayos ang tindig habang pinagmamasdan ng mataas na opisiyales.
“Good evening, ladies.” Umalingawngaw ang kanyang madilim na boses nang batiin kami. Nakayapos sa isa't isa ang kanyang mga palad habang isa isa kaming sinisiliban ng kanyang mapangahas at mapanuring titig.
"Hindi makakarating si Donya Elester kung kaya't ako ang magiging kapalit niya ngayong gabi. I'm your adviser Primadonna Rinacales, o iyong tatawaging Maestra Prima. Ako ang magsisilbi ninyong taga payo at magtuturo ng mga bagay na kakailanganin upang maging isang ganap na binibining nanaisin ng aming kamahalan." Aniya sa malalim na salitang tagalog.
Nagkatinginan kaming lahat ng mga kalahok. Binalot ng usap-usapan ang buong mansyon. Pumalakpak si Maestra Prima dahilan ng pananahimik ng lahat.
"Ang unang mechanics ng patimpalak, kinakailangan ninyong manirahan sa iisang bubong sa loob ng anim na buwan. Magkakaroon tayo ng elimination round sa bawat buwan, kung saan ang isang kalahok ay maaaring matanggal at hindi na puwedeng magpatuloy sa susunod na buwan." Pahayag niya at dahan dahang naglakad sa aming harapan habang pinapaypay sa sarili ang hawak na abaniko.
"Exciting..." Bulong iyon ng isang kalahok na matangkad at may makintab na kayumangging balat. Lumapit si Maestra Prima sa kanya at tiningnan siya mula ulo hanggang paa. Napuna ko ang kanyang pagdiin ng pagsara ng kanyang labi at pagtuwid lalo ng tindig na wari'y na alarma nang marinig ni Maestra Prima na magsalita.
"Iyon ay kung pagkatapos mabigo sa ibinigay gawain sa bawat elimination round." Patuloy niyang pahayag.
Umalis siya sa harapan ng naturang binibini ay muling naglakad sa aming harapan sa kabilang direksyon naman. Nahinto siya sa gilid habang isa isa kaming sinusuri. Wala na kahit anong emosyon ang kanyang mukha. Hindi mo mabasa kung ano ang nasa isipan niya.
"Napakadali," komento ulit ng naturang binibining nilapitan niya kanina.
Ngumisi si Maestra Prima at isinara ang kanyang abaniko. "Mahigpit kong ipinagbabawal ang paglabas masok ng mansyon gabi-gabi." Tinuro niya ang malaking gate sa labas na hindi kalayuan mula sa mansyon. "Tandaan, iisang beses lang kayong maaaring makalabas ng gate na iyan, Ang mahuhuli ng tatlong beses ay awtomatikong mapapatalsik sa patimpalak na ito." Humalukipkip siya at muling naglakad sa aming harap at natigil sa aming gitna ng binibining kanina pa tahimik.
"What?" mahina namang utas ng binibining iyon.
Kung ako naman ang tatanungin, hindi problema sa akin ang manirahan nang hindi lumalabas dahil nasanay na ako sa tatlong taong pananatili sa Italya.
"Mahigpit ko ring pinagbabawal ang pambabastos sa kapwa kalahok at sa buong pangkat ng mga naninilbihan sa mansyon na ito, paglalasing ng hating gabi man o umaga, pagsisigaw, at higit sa lahat, ang pakikipag-away." Natuon ang kanyang paningin sa akin. Pasimple akong napasinghap nang maramdaman ang kaba sa dibdib.
Lumapit siya sa akin at itinaas ang aking baba gamit ang kanyang hintuturo. "Wear always your confidence, ladies. Kung talagang pursigido kayong manalo ay hindi dapat kayo pinapangunahan ng kaba at takot. Hindi nanaisin ng kamahalan ang binibining walang tiwala sa kanyang sarili." Aniya at umalis nang tuluyan sa aking harapan.
Narinig ko naman ang pag ngisi ng babaeng kanina pa maingay kung kaya't bumaling ako sa kanya. Ngumisi siya at itinaas ang kanyang kilay.
"Tandaan, ang bawat galaw ninyo ay nakikita ko rito." Aniya at napatingin sa isang sulok. Sinundan namin ang direksyon ng kanyang tinitingnan at nahinto sa isang sulok na may nakapaskil na CCTV. "Hindi lang ang mga CCTVs na iyan ang magsisilbing mga mata ko kung hindi ang mga tao na nakapalibot sa inyo at syempre, ang mga sarili ninyo mismo."
"Hindi katangi tangi ang babaeng marunong magsinungaling,"
May naalala ako sa kanyang tindig at pananalita. Gayon pa man, kailangan kong isaisip kung bakit ako naparito at bakit ang katulad ko ay nakilahok sa patimpalak na ito.
Sumilay ang ngiti ng ginang at muling pinagsalikop ang kanyang mga palad.
"Pipili ang aming kamahalan sa dalawang binibining matitira sa ika-anim na buwan. Ang maswerteng binibini na kanyang mapipili ay kanyang magiging kabiyak."
Huminga ng malalim ang mga binibining makakasama ko sa iisang mansyon at magiging katunggali. Inihanda nila ang kanilang sarili kung kaya't ganon na rin ang ginawa ko.
"Handa na ba ang bawat isa sa inyo?"
Napatalon ako sa gulat nang tumunog ang malakas na tunog ng tambol at ang pagdilim ng kapaligiran. Namatay ang ilang mula sa maliwanag na chandelier at napalitan ng samu't saring klase ng malilikot na ilaw mula itaas ng terrace.
"Opo, maestra!"
"Si!" nahuli ako ng pagtugon sa kanya.
Ramdam ko ang titig ng mga kasama kong kahalok sa akin nang dumapo ang tingin ni Maestra Prima sa akin. "I-i mean, Opo Maestra Prima!" agap kong bawi.
"Italiana," utas niya at tumango.
Tripleng kaba ang naramdaman ko sa mga oras na iyon nang marinig ko siyang mag komento. Sumagi sa isipan ko kung ano ang pinayo sa akin ni Miss Illuna na wala dapat makaalam ng totoong pagkatao ko.
Tumalikod si Maestra Prima at pumalakpak, "Kung gayon, simulan na ang patimpalak! Sino nga ba ang nakatakdang maikasal kay Oier Goncuenco?"
Muli siyang bumaling sa amin bago maglaho, “bukas, ipapakilala ninyo ang inyong mga sarili.”
IPINAKILALA sa amin ang mga serbidorang makakasama sa mansyon at ang magiging kwarto namin. Simula sa gabing ito, dito kami mamamalagi kung kaya’t hindi na ako maaaring lumabas ng gate na ilang metro ang layo mula sa loob.
“Si Oier Goncuenco ba ‘yan?” tanong ng isang binibining kalahok habang tinuturo ang malaking painting ng ginoong nakasuot ng maskara. Tumango naman ang serbidora bilang pa sang ayon.
Kung gayon tama ang hinala ko kanina, siya nga iyon at ang tinatawag nilang kamahalan. Bumagsak ang balikat ko, hindi nga madali sa akin ang misyon na ito.
Inangat ko muli ang aking ulo at napansing masyado silang naaliw sa pakikipag usap sa isa’t isa kung kaya’t pumuslit ako sa likuran nang hindi nila nakikita. Gusto kong tumungo sa kay Ms. Illuna, hindi pa ako nakakapag paalam sa kanya ng pormal.
Napadpad ako sa madilim na parte ng isang mansyon kung saan, tatlong poste ng ilaw lamang ang nagsisilbing liwanag sa kapaligiran. Kasalungat ng sa harapan ng mansyon na ito. Kung da daan ako sa harapan ay magtataka ang mga panauhin kung bakit hindi ko kasama ang iilang katunggali.
Kinuha ko ang suot na stilettoes at bahagyang minasahe ang aking paa. Itinaas ko rin ang aking saya nang sinubukan kong humakbang sa gilid ng mga matatayog na pader.
Hindi pa ako nakakalayo nang matanaw ang isang ginoong nakasuot ng tuxedo na nakatalikod sa akin at nakatayo lamang sa tapat ng mga bulaklak. Nahinto ako nang naging pamilyar sa akin ang kanyang tindig at postura.
Dumoble ang pintig ng aking puso nang humarap ito sa akin. Hindi ako pwedeng magkamali, kamukhang kamukha niya ang nasa painting. Ibig sabihin siya si Oier Goncuenco at wala ng iba!
“Sandali!” pagpipigil ko sa kanya nang nagsimula siyang maglakad sa likuran habang tinatakpan nang bahagya ang kanyang mukha gamit ang kanyang palad.