Kabanata XXI

2375 Words
ALAS sais ng umaga nang bumaba ako mula sa aking kwarto. Nang makaupo’y agad namang naglahad ng kape si Claire. Tahimik pa ang buong paligid at mga serbidora lamang ang naririnig kong nag iingay. Mukhang hindi pa nagigising ang mga binibining aking katunggali. “Napakaganda mo ata ngayon sa iyong kasuotan, Ms. Celestine?” tanong sa akin ni Claire. Ang kanyang maikli at medyo magulong buhok ay namamasa pa. Humilig siya sa mesa habang hinihintay akong magsalita. Napatingin naman ako sa aking kasuotan. Hanggang tuhod ang aking puting saya at aking blusang itim nama’y may manggas na hanggang siko ang taas.  “Kailangan naman talagang presentable ka, hindi ba?” tanong ko sa kanya at ngumiti. Ang ibig kong sabihin, kung mahuhuli kami sa CCTV, makikita ni Oier ang aming mga hitsura. Hindi ko gustong magmukha akong saling pusa rito sa mansyon. Nakakahiya iyon para sa kanya. “Hindi ka ba mamamasyal ngayon sa labas ng mansyon?” natigilan akong napatingin sa kalendaryo na katabi lamang ng refrigerator. Nanlaki ang aking mga mata sa gulat. Pinahintulutan pala kami ni Maestra Prima nitong nakaraang na pwede kaming lumabas ng mansyon ngayon. “Hindi niya naalala,” rinig ko ang komento ni Lyka sa akin at pagkatapos, agad siyang ngumisi. “Tumatanda na ata si Miss Celestine nang hindi nagiging asawa si Sir Oier.” Patuloy niya. Sandaling napahinto si Lyka nang makisali sa aming pag uusap ni Claire. Bahagya namang natawa si Claire sa kanyang biro. “Matanong kita, Miss. Ano sa tingin mo mukha ni Sir Oier?” tanong ni Claire. Pumalumbaba siya sa mesa at napatingin sa itaas. “Kung ako ang sasagot sa sariling katanungan, marahil gwapo.. Wala kasing palya sa pagmumukha ang mga pinsan niyang Goncuenco.” aniya at ngumiti, “Pero mas trip ko pa rin si Sir Alfie,” patuloy niya at humagikhik. Natigilan naman akong napatingin sa kanya. May pinsan si Oier? Sila ba’y nakita na nila ang mukha ng sariling pinsan? Malamang, Celestine! Nasabi sa akin ni Ms. Illuna na mga angkan ng mga Goncuenco lamang ang nakakaalam ng kanyang totoong pagkatao at hitsura. Hindi ko rin nakita ang kilala ang mga iba pang Goncuenco kaya hindi ko masabi kung mayroon o walang palya. Ngunit, kung babasehan ko sa aking nakikita tuwing nagkakatagpo kami tuwing gabi, masasabi kong hindi naman kahindik hindik ang kanyang postura’t mukha. Maginoo ang kanyang boses na animo’y nang aakit ng isang binibini at ang kanyang galaw ay wari humahawak ng sandamakmak na dolyares - tipid ang galaw na parang takot manakawan. “Gwapo at maganda ang hugis ng ilong,” tungkol kay Oier ang kanilang katanungan pero sumagi naman sa isipan ko si Yael.  “Bakit kung makapagsalita ka’y nakita mo na?” tanong ni Claire. Natigilan ako’t agad nag isip ng maidadahilan. Tinuro ko naman ang salas kasabay ng pag angat ng dulo ng aking labi. “Sa painting…” tugon ko. Tumango siya at mukhang nakumbinsi ko naman.  “Maganda si Senyora, malamang! Gwapo ang anak niya,” singit naman ni Lyka. Inubos ko na lang ang kape pero agad kong binaba nang mapaso ang aking dila. “May nakita ka bang puno ng mangga na nagbunga ng santol? Wala naman,  hindi ba?” umalingawngaw ang kanyang boses, ang kanyang tono naman ng pananalita ay parang nakikipagtalo. Tumango naman kaming dalawa ni Claire sa takot na maghanap siya ng away. “Eh, bakit parang galit ka? Hindi naman kita ina ano diyan ah,” ani naman ni Claire. Nagbangayan silang dalawa habang ako nama’y tahimik lang na nakikinig sa kanilang kabalbalan.  Hindi ko naman nakita ang mukha ng kanyang ina at kahit ng kanyang Ama. Kung sakaling makita ko silang dalawa ay siguro una kong gagawin ay mag isip ng paraan kung paano ko sasabihin sa kanila ang pagpapanggap ko bilang isa sa mga kalahok dito.  “Claire…” inangat ni Claire ang hawak hawak na sandok sa ere na akma niya sanang ihahampas kay Lyka nang mahinto dahil tinawag ko siya. Lumingon siya sa akin at napataas ang kilay. “Ano ba ang pag uugali mayroon ang Ina ni Oier?” tanong ko sa kanya. Umayos siya ng pagkakatayo at itinapat ang nakasara niyang kamay sa kanyang bibig at saka tumikhim. “Kapag po bumibista po rito’y natatakot po kaming lahat sa kanya,” sagot niya. “Mapag mataas,” tipid namang tugon ni Lyka. Sumang ayon naman si Claire sa pamamagitan ng pag tango ng tatlong beses.  Kunot noo ko naman siyang tiningnan, “Mapagmataas?”  Tumango silang dalawa nang sabay, “Iyong tipong sumisigaw ang kanyang presensya ng karangyaan at matatakot ka na lang na lumapit sa kanya dahil alam mong masisigawan ka. Iyong tipong hindi tumitingin sa ibaba, at pagkaka alam ko’y hindi rin ito tumatanggap ng kamalian o mungkahi ng iba.” Patuloy niyang paliwanag. Yumuko ako’t napatingin sa sariling repleksyon sa baso ng kape.  Hindi ko alam kung mapagtatagumpayan ko ang aking misyon, dahil sigurado sa mga oras na malaman ni Oier ang tungkol sa kanya, makakalaban ko ang kaniyang ina. Hinihiling ko na lang na magiging palya ang plano namin at makakabalik ako ng monasteryo nang wala masyadong nagiging problema. INILIBOT ko ang aking mga mata sa kabuuan ng lugar. Isang instrumentong pang musika ang pinapatugtog sa kabuuan ng lugar habang abala sa kanilang mga pagkain ang mga customers. May malaking gintong chandelier na nagbibigay ng liwanag sa buong kapaligiran. May ingay na namumuo mula sa mga usap usapan ng mga grupo ng mga kumakain, nagtatawanan, at nagkwe-kwentuhan. Inilahad ng seridora ang pagkain sa pagitan namin ni Miss Illuna. Huminga naman siya nang malalim pagkatapos may magpasalamat nang tuluyang umalis ang seridora. Kinuha niya ang kanyang eye glass sa kanyang mga mata at ibinaba ang kanyang makapal na blazzer na may telang katulad ng isang balhibong leon. “Kumusta ang patimpalak?” tanong niya. Makukulay ang kanyang kuko at maarteng kinuha ang tinidor. “Any improvements?” patuloy niyang tanong. “Nagkakausap po kami ni Oier,” natigilan siyang pinanlakihan ako ng kanyang mga mata. “Hindi po araw araw o oras oras, may pagkakataon lang po.” Dagdag kong sagot at kumuha ng maliit na tinidor. “Seriously? Nagkita kayo? A-a-ano naman ang pinaguusapan ninyong dalawa? Sana huwag mo agad bitawan ang bomba, Celestine ha.” itinaas niya ang kanyang hintuturo. Mabilis naman akong umiling. “Kinukumusta ko lang po siya at minsan po tungkol lang sa patimpalak. Ang napag uusapan namin at nitong nakaraan ay tungkol sa..” napatingin ako sa itaas at pilit na inaala kung ano iyong huli naming napag usapan, “duwende,” Naibalik niya sa kanyang plato ang isinubong pasta at saka kinuha ang table napkin para punasan ang kanyang labi, “Ganon lang? Pero mukhang magandang ideya naman ang estratehiya mo, Celestine. Kahit kabalbalan, baka sa ganyang paraan diyan mo makuha ang loob ni Oier.” Napatango tango siya sa sariling sinabi. Nagsimula akong kumain. Para akong nakalabas ng selda pagkatapos ng isang taon. Kumpara sa Monasteryo, madalas kaming lumabas para sa charity ng mga bata, matatanda, at mahihirap sa mga parteng bundok ng Naples. Kung kaya’t tuwing lumalabas ako’y hindi naman ako naninibago.  “Opo…” utas ko at nagsimulang kumain ng pasta.  “Kumusta nga po pala si Mama? Nag aalala po ako at baka malaman niya ang tungkol sa akin. Ni hindi niya alam na naririto ako sa Pilipinas,” patuloy ko. Kinuha niya ang kanyang salamin at lipstick. Pinahiran niya ng makapal na lipstick  ang kanyang labi nang nabura ito sa kanyang labi dahil sa pag inom ng wine. Muli siyang kumain ng pasta habang ang kanyang tatlong daliri sa kamay ay naka angat. “Pinapasundan ko siya, huwag kang mag-aalala.” Aniya at kumindat. “Hindi mo dapat inaalala ang mga nangyayari rito sa labas, ang alalahanin mo ay kung paano mo mapapagtagumpayan ang misyon mo.” Patuloy niyang paliwanag. Nalaman ko ring hindi pinapalabas ito sa telebisyon, radio, dyaryo ang larong ito. Kung gayon, pribado ang lahat. Walang nakakaalam kung hindi ang mga nakakakilala o ka usyoso ng mga Goncuenco sa kanilang negosyo. Napahinga ako nang malalim matapos kong mag isip tungkol doon. Malilintikan ako pag sina publiko ang patimpalak na ito. Matapos kaming kumain ni Ms. Illuna, tumungo kami sa mall upang mamili ng mga kagamitan pampaganda at aking mga susuotin. Bihira lang akong bumili para sa sarili ko dahil nagtitipid naman ako sa Italya, kung kaya’t nahihiya ako sa ginagawa ni Ms. Illuna para sa akin.  Napapagastos siya para lang magmukha akong kaaya aya sa mansyon. “15,000 pesos?!” bulalas ko sa gulat nang ibigay niya sa akin ang isang nakadisplay na damit sa mannequin. Badgley mischka ang brand ng bistida na iyon. Hanggang tuhod ang saya at may mataas ang manggas. Ngunit, pakiramdam ko kapag naisusuot ko na iyon ay makikita ang aking dibdib. Wala itong kwelyo at hugis V ang bahagi ng dibdib. Hindi ko ata ito pwedeng kunin na lang dahil nagustuhan ko ang disenyo. Baka sakaling ako pa ang maging sanhi sa pagkalugi ni Miss Illuna. Napalingon sa akin si Ms. Illuna nakanguso. Ibinaba niya ang kanyang suot na sunglass at napatingin sa akin. “Why? Don’t you like it?” tanong niya. Mabilis akong umiling at binigay iyon sa kanya. Kinamot ko ang aking batok at nahihiyang ngumiti. Napatingin siya rito at hindi man lang nagulat sa presyo. “Dahil ba sa presyo?” tanong niya. Tumango naman ako bilang pag sang ayon. Ngumisi siya at ibinigay ito sa akin. “No worries, Celestine. May five debit cards ako with 6-digits ang laman ng bawat isa.” Kumindat siya at muling naghanap ng aking mga damit. Napauwang ang aking labi sa pagkakamangha. Tumikhim ako at umiling, hindi na dapat ako magtaka. Imposibleng walang ganong kalaking pera si Ms. Illuna, mayaman ang kanyang asawa.  Tinatanggap ko lang ang mga damit na gusto niyang isukat ko. Tatlong sales ladies ang gumagabay sa amin at halos abala sila dahil sa patuloy na pagpipili ni Ms. Illuna ng damit at sapatos. Hindi rin bumababa sa limang libo ang presyo ng bawat isa. Ako’y nangangamba rin. Baka pag hindi ko napagtagumpayan ang misyon ay kailangan ko siyang bayaran sa lahat ng ginastos niya para sa akin.  Pagkatapos ng damit, sa mga kagamitan pampaganda naman kami tumungo. Medyo hindi ko gamay ang pampaganda at hindi ko alam kung anong brand ang dapat piliin kung kaya’y si Miss Illuna ang namimili para sa akin. “Try this..” utas ni Ms. Illuna at ibinigay sa akin ang isang matte lipstick. Sinubukan ko naman gaya ng kanyang sinabi. Napauwang ang kanyang labi kasabay ng kanyang mga mata. Palipat lipat ang kanyang paningin sa aking repleksyon sa salamin at sa akin. “You’re gorgeous!” puri niya. Kinuha niya ang lipstick na ibinigay niya sa akin at sinubukan sa kanya. “Ba’t parang iba ang dating sa akin, ba’t sa iyo ang ganda..” kunot noo niyang tanong. Sapat na sa akin ang face powder at lipstick kung tatlong libo mahigit ang presyo ng bawat isa, pero si Ms. Illuna nama’y hindi papayag na iyon lang ang mabibili niyang pampaganda. Mas lalo akong nanlumo nang makita sa cashier ang kabuuan ng babayaran. Mahigit kumulang limangpu’t libong piso. Hindi naman iyon ininda ni Miss Illuna at naglabas ng ATM wari pinupulot lang niya ang pera. Ibang klase pag mayaman ka, lahat ng gugustuhin mo ay iyong mabibili nang hindi nakakaramdam ng panghihinayang sa perang iwinaldas.  “Done shopping spree!” aniya at naglakad sa kanyang sasakyan. Sumunod ako sa kanya kahit nahihirapan ako sa aking dinadalang pinamili naming dalawa.  Alas kwarto y media nang matapos kami sa pamimili. Hindi ko akalain na umaabot mahigit anim na oras ang pamimili ng sariling kagamitan. Noon kasi, tatlongpu’t minuto lang ay natatapos na ako. Hindi ko na kailangan magpalipas ng isang araw dahil hindi naman karamihan ang aking binibili.  Tinulungan ako ng driver at nilagay sa likuran lahat ng mga bitbit kong paper bags. Tumabi ako kay Miss Illuna sa loob ng sasakyan at napatingin sa kanya. Sinusuri niya ang kanyang kuko habang ang isang kamay nama’y nakahawak sa kanyang salamin. “Please let me know if you need more, Celestine. Bibilhin natin ang mall para sa iyo.” Napasinghap ako at mabilis na umiling. Seryoso ba siya o nagbibiro lang? Bumaling siya sa akin at ngumisi. “Nang malaman kong nagkikita kayo ni Oier, mas lalo akong naiinspire na pagandahin ka pa lalo. Hindi ka dapat nagiging pangit kapag humaharap ka sa kanya. Men of his age easily get smitten by sophisticated women. Alam kong hindi siya naiiba roon.” Nakangiting aniya.  Napatingin naman ako sa aking repleksyon sa rearview mirror sa harap ng sasakyan. Hindi lang shopping ang ginawa namin ni Miss Illuna, pinaganda niya rin ang aking mukha at buhok at pinasuot ng isa sa aming pinamiling bestida na kulay ginto at off shoulder. “Ibig niyo po bang sabihin, dapat magkagusto sa akin si Oier?” tanong nang nagsimula nang umandar ang sasakyan papunta sa mansyon. Tumango naman siya at nanliliit ang kanyang mga mata nang tumingin sa akin. “Celestine, mas madali mong magagawa ang plano kapag nakukuha mo hindi lang ang loob niya, pati na rin ang kanyang puso.” Hindi naman ako tumugon. Mahirap iyon lalo na’t hindi ko naman alam kung ano ang pamantayan ni Oier pagdating sa mga pag-ibig at isa pa, hindi alam ni Oier ang totoo kong pagkatao. Imposibleng mahuhulog siya sa isang babaeng hindi naman niya lubos na nakikilala. Pangalawa, malayong malayo ako sa babaeng mga tipo ng mga lalakeng katulad niya ang estado sa buhay. Hinding hindi niya ako magugustuhan - hindi niya magugustuhan ang aking pag uugali at ang aking tunay na propesyon. Napahinga ako nang malalim. Gagawin ko ang misyon nang hindi iyon nangyayari, nang hindi nahuhulog si Oier sa akin. NAKARATING kami sa mansyon. Agad na binaba ng driver ang aking mga pinamili na dinaluhan naman ni Claire at Lyka upang tulungan ako. Winagayway ko ang aking kamay sa ere nang umandar paalis nang tuluyan ang sasakyan.  “Sa kwarto mo ba ito dadalhin, Ms. Celestine?” tanong ni Claire sa akin. Tumango naman ako’t nagpasalamat sa kanila. Nag uunahan sila ni Lyka sa pagdala ng gamit ko patungo sa itaas. Susunod na sana ako nang makita si Yael na nakasuot ng makapal na jacket na nakatayo sa salas. Ang kanyang hitsura ay parang kakarating niya lang mula sa mahabang byahe.  Humakbang siya papalapit sa akin dahilan ng aking pagtigil sa aking kinatatayuan.  Gumuhit ang ngiti sa kanyang labi nang magtama ang mga mata naming dalawa. Kasabay ‘non ay ang mabilis na pagtahip ng aking puso. Ito na naman ang pakiramdam na hindi ko maipaliwanag, pinaghalong kasabikan at kasiyahan pero hindi ko alam para saan. Ngunit... “Yael!” lumingon siya kung saan nanggaling ang boses na tumawag sa kanyang pangalan. Sinundan ko ito at nakita si Carmen na nakangiti habang may dala dalang pagkain nang lumapit sa kanya.  Nahinto ng kakatahip nang mabilis ang puso nang nagkatinginan silang dalawa at punyal na tumama rito nang tinanggap iyon ni Yael. “Mukhang pagod ka, kumain ka muna. Pinagluto kita ng mainit na lugaw.” Masayang saad ni Carmen.
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD