Kabanata XX

2258 Words
“Bakit niya ako pinababantayan, aber?” tanong ko kay Elias. Nilagay ko ang aking dalawang kamay sa magkabilang beywang habang taas noong nakatingin sa kanya. Lumabas ako ng palikuran upang kausapin siya. “Wala lang Ms. Celestine,” aniya at nilaro ang kanyang hintuturo sa tapat ng kanyang dibdib. Ang kanyang mga mata’y nakatingin naman sa kawalan at nakanguso ang labi. Halata sa mga kinikilos niya na may tinatago siya.  “Hindi pwedeng wala, Elias. Kilala ko ang taong iyon…” sumagi sa aking isipan ang mukha ni Yael na natatawa habang pinapalibutan ng makapal at maitim na usok sa kanyang likuran. Winasiwas ko ang aking ulo at muling pinanlisikan siya ng aking mga mata. “Isa… Dalawa… Tatlo…” sinundan ko iyon ng bilang. Naging masama ang mukha ni Elias na para bang nakakain siya ng santol na maasim, “Ate Celestine naman eh,” aniya. Nagsimula na akong maawa sa kanya pero hindi ko siya titigilan hangga’t hindi niya sinasabi sa akin kung ano ang kahibangan ng ginoong iyon at bakit niya ako pinababantayan. Wala naman akong atraso sa kanya sa pagkakaalala ko. “Mawawala ho raw kasi siya ng isang linggo,” dahilan ni Elias. “Isalaysay mo nang mabuti nang sa gano’y hindi kita kulitin,” mungkahi ko sa kanya. Pinadyak niya ang kanyang paa at dumaing. “Elias?” nanliit ang aking mga mata. Nakipagtitigan siya sa akin at umiling, “Ate kasi hindi ka niya gustong nalalapit sa mentor mo, aniya para daw iyong bampira sa sobrang pusyaw ng kulay ng balat at baka kagatin ka pagsapit ng gabi.” Dire diretso niyang pagkakasabi. Napasinghap ako at sinubukan sumulyap sa salas at baka may nakarinig sa sinabi ni Elias. Itinapat ko sa aking nakangusong labi ang aking hintuturo, “Shhh…” ani ko. Hinigit ko si Elias papuntang pintuan sa lagusan at muli siyang tinanong. “Pakisabi diyan kay Yael na napaka mapanghusga niyang tao. Mabait si Alfie. Wala siyang pangil na katulad ng isang bampira at lalong hindi siya nangangagat.” Paliwanag ko. Narinig ko ang pagpigil ng tawa ni Elias. Ipinantakip niya pa sa kanyang labi ang kanyang palad. Muli akong pumameywang, “May nakakatawa ba, Elias?” Umiling siya at doon ko naging malinaw sa akin ang labi niyang nakasara ngunit nakikitaan pa rin ng krimen ng pagtawa. “Totoo nga po palang sinabi sa akin ni Yael..” kumunot naman ang aking noo. “..Na naniniwala kayo sa mga elementong hindi naman nabubuhay sa totoong mundo.” Hindi ko naman maintindihan ang kanyang sinabi. “Hindi kita maunawaan basta dine depensahan ko lang si Alfie mula kay mapanghusgang si Yael.” Umiling si Elias ngunit nakaangat ang kanyang labi. “Huwag mo ng akong babantayan, hindi naman ako tipong nagpapapain sa bampira kung sakaling totoo man ang mga sinasabi mo.” Patuloy ko. Tumalikod siya at narinig ko muli ang kanyang pagpipigil ng tawa. Sinundot ko siya kung kaya siya lumingon. “Malinaw ba, Elias?” Napakurap kurap ang kanyang mga mata ng ilang beses bago tuluyang tumango. Pumanhik na ako paalis at muling bumalik sa aking inuupuan sa tabi ni Alfie. Hindi naman mawala sa aking isipan ang mga sinabi ni Elias sa akin. Bukod sa duwende, totoo ang mga bampira. “Look at this Celestine, hindi ba mukhang mas maganda ito? Suggest ko lang if ever magugustuhan mo,” aniya at itinuro sa akin ang nakapaskil sa aklat. Pinagsadahan ko ang kulay ng kanyang braso, leeg, at mukha. Mapusyaw nga ang kulay nito. “Celestine?” mataas din ang kanyang pangil pero malayo pa rin katulad ng isang bampira. Ngunit, naalala ko, ayon sa kasabihan, hindi lumalabas ang pangil ng bampira at nagmumukha silang tao tuwing umaga. “Celestine?” nanlalaki ang mga mata ko nang bumaling ako sa mukha ni Alfie. Malalaman mo raw na totoong bampira nga ito dahil sa kanyang kulay kayumangging mga mata.  “Celestine? Nakikinig ka ba?” itinuon ko nang husto ang aking mga mata sa kanyang mga mata. Nanliliit ang kanyang balintataw tuwing nakatingin siya pabalik sa akin. Nakabalik ako sa ulirat nang marinig ang magpalpak ng kanyang kamay sa tapat ng aking mukha. Winasiwas ko ang aking ulo at pumikit nang mariin. Nahihiya akong ngumiti sa kanya at tinaasan siya ng kilay, “Ano nga ulit iyon?” tanong ko. Sinusuri ko lang naman kung totoo nga ang sinasabi ni Elias. Kailangan kong mag ingat dahil napapahalata ang kanyang pagiging bampira at mukhang totoo ngang hindi siya ordinaryong tao lang base sa na obserbahan kong pisikal niyang katangian. “Ang sabi ko’y maganda ang disenyong ito, bakit hindi mo subukan.” Itinuro niya ang ginuhit na damit sa loob ng libro. Napasinghap ako sa itinuro niyang estilo. Pinaghalong itim, pula, at puti ang damit. May magulong kwelyo at sleeves, parang damit ng isang bampira mula sa europa. Napailing naman ako at pilit na ngumiti, “Hindi bampira si Oier, ginoo. Hindi niya magugustuhan ‘yan.” ani ko sa kanya. Napalunok ako ng ilang beses nang siya’y natigilan. Mas pipiliin ko pa atang maging kaparehas ang mentor ni Penelope kay sa kanya. Mukhang hindi ko siya dapat pagkatiwalaan. Lumayo ako ng kaunti at binaling ang aking paningin sa ibang bagay. Ilang sandali pa’y bigla siyang tumawa, “Para ka namang bata,” aniya at umiling habang natatawa pa rin. Binagsak niya ang libro at kinuha ang tela. “Okay, iyong kagustuhan ang ating susundin, binibini, para hindi magmukhang bampira si Oier.” Patuloy niya. Narinig ko roon ang biro. Tumango naman ako. Bakit kay Oier niya pinapasa ang pagkatao niya? Upang hindi mapanghalataang isa siyang bampira? Mabilis kong kinuha mula sa kanya ang tela at pinaikot ang aking gulong ng sewing machine upang makapagsimula na. Kailangan kong maging mabilis sa aking pagsasanay upang hindi na niya ako kailangang turuan pa.  Natatakot ako na kapag naging malapit ako sa kanya’y sasamantalahin niya ang pagkakataong iyon upang kagatin ang leeg ko at higupin ang dugo mula sa aking katawan. “MAY nararamdaman akong hindi maganda kay Alfie, Claire.” Pahayag ko kay Claire nang matapos kaming maghapunan at makauwi ang mga panauhin. Nahinto siya kakapunas ng Kitchen bar counter at lumapit sa akin, “Ano iyon, Ms. Celestine?” mahina ang boses ni Claire nang tanungin ako. Humilig ako sa counter. Itinapat ko ang aking palad sa gilid ng aking bibig at bumulong sa kanya, “May kakaiba siyang katangian katulad ng isang bampira.” Nanlalaki ang kanyang mga mata nang lumayo ako sa kanya. Unti unti akong tumango sa kanya, alam kong nakukuha niya ang gusto kong ipahiwatig base na rin sa reaksyon ng kanyang mukha. Ilang sandaling paninigil nang tumawa siya nang malakas. Umalingawngaw ang aking boses sa buong kusina habang nakahawak naman siya sa kanyang tyan. “Akala ko…” hindi niya matuloy tuloy ang kanyang wiwikain dahil sa patuloy niyang pagtawa. “Akala ko’y nagbibiro ka lang, Ms. Celestine.” Aniya at muling nagpakawala ng malakas na tawa.  Hindi ko siya maintindihan. Bakit ako magbibiro? Hindi ba siya naniniwala sa mga bampira? Ayon sa aking binabasang aklat, nanggaling sa europa ang mga bampira. May mukha sila kagaya ng isang ordinaryong tao at hindi sila lumalabas sa araw dahil napapaso sila nito, pero sa tingin ko’y nag iba ang katangian ngayon ng mga bampira. Si Alfie ay malayang nakakapaglakad sa ibaba ng sikat ng araw. “Claire…” utas ko. Naiiyak siya sa kakatawa, baka mamaya atakihin siya sa puso. Nag aalala ako. “Sira ulo,” aniya at umiling. Sira ulo? Ako ba ang sinabihan niya ng sira ulo? Napatingin siya sa akin pero naroroon pa rin ang multo ng ngiti sa kanyang labi. “Napa cute mo, Miss.” Patuloy niya. “Anong sira ulo, Claire. Para sabihin ko sa iyo, hindi ako nagbibiro. May nababasa akong testimonya sa mga libro ang kanilang engkwentro laban sa mga bampira.” Paliwanag ko kahit hindi naman niya ako hinahanapan ‘non. Gusto ko lang ipangtanggol ang aking paniniwala. “Mukhang masama ang pakiramdam mo, Ms. Celestine. Magpahinga ka na,” ani ni Claire at pinagpatuloy ang kanyang ginagawa. Sinundan ko siya mula sa loob ng counter at muling nagsalita. “Ipupusta ko ang aking pera sa bangko sa iyo kapag napatunayan kong bampira si Alfie,” ani ko sa kanya. Nahinto siya at bumaling sa akin. Bakas sa kanyang mukha ang pagkabigla at tuwa. “Magkano kung ganon ang ipupusta mo nang maihanda ko ang aking sarili?” Aniya. Nilagay ko ang aking hintuturo sa ibaba ng aking panga at napatingin sa itaas. Inaalala ko kung magkano ang natirang allowance mo sa banko sa italya. Magkano ba ang palitan ng euro sa peso ngayon? “300 pesos,” tugon ko sa kanya. Nanliliit ang kanyang mga mata kasabay ng pagbagsak ng kanyang balikat. “Di bale na Ms. Celestine, kakalimutan kong may usapan tayong kabalbalan.”  Inabala niya muli ang kanyang sarili sa ginagawa. “Hin---” magsasalita na sana ako nang masilayan ang pagdating ni Carmen sa kusina.  Bakas sa kanyang mukha na may hinahanap hanap siya. Nililibot niya ang kanyang paningin sa kabuuang lugar at nang dumapo ang kanyang paningin kay Elias ay tinawag niya ito. “Nakita mo ba si Yael?” tanong niya sa binatilyo.  Umiling naman si Elias at sumulyap sa akin bago binalik ang tiningin kay Carmen.  “Mawawala siya nang isang linggo Ms. Carmen.” Tugon ni Elias. Nagkatinginan kami ni Claire dahil mukhang nakuha namin pareho kung bakit niya gustong makita si Yael. Hindi ko naman maintindihan ang nararamdaman at parang gusto kong hindi na bumalik si Yael dito upang hindi sila magkita ni Carmen. PUMUSLIT ako sa silid aklatan nang sumapit ang alas otso ng gabi upang ibalik ang kinuha kong libro tungkol sa pagtatahi. Dahan dahan akong bumaba ng hagdan. Bubuksan ko na sana ang ilaw nang masilayang nakabukas na ito. Nakaramdaman ako ng takot nang sumagi sa aking isipan ang mukha ng isang multo. “Tabi tabi po,” mahina kong ani. Napayakap ako sa libro at tatakbo na sana kung hindi ko lang nakita si Carmen. Nanlalaki ang aking mga mata sa gulat. Hindi ko mawari kung paano niyan natunton ang lugar na ito gayong, kami tatlo nina Yael at Oier lamang ang nakakaalam nito sa loob maliban kay Maestra Prima. Hindi kaya sinundan niya ako? O kaya nama’y alam niya ang tungkol kay Oier? Pumupuslit din ba siya upang magkita silang dalawa?  “Carmen…” nakuha ko ang kanyang atensyon nang siya’y bumaling sa akin. Nakasalikop ang kanyang dalawang kamay sa tapat ng kanyang tyan. Pansin ko rin ang pagkakapareho namin ng damit. Puti ang kanyang suot na may maliliit na bulaklak ang disenyo at pabukol ang manggas sa bandang balikat. “Celestine,” aniya. Humakbang ako papalapit sa estante kung saan ko kinuha ang libro. Binalik ko ang libro at napatingin sa kanya.  “Mukhang hindi ka nagulat nang makita ako, kung gayon, alam mo ang lugar na ito?” tanong ko sa kanya. Tumango naman siya habang hindi inaalis ang pag angat ng dulo ng kanyang labi. “Mukhang hindi naman tago ang lugar na ito,” aniya. Nilibot ng kanyang paningin ang kabuuan ng lugar bago binalik sa akin. “Inaasahan ko rin na alam mo ang lugar na ito,” patuloy niya. Tumango naman ako bilang pagsang ayon sa kanya. “Pero huwag mong sasabihin na pumupuslit ka rito at baka-” tumango siya kahit hindi natatapos sa aking sasabihin. “Alam ko. Nag usap kami ni Yael dito nitong nakaraang araw. Isa ito sa aming napag usapan.” Punyal na tumama sa aking puso nang marinig iyon mula sa kanya. Bakit sila nag usap ni Yael dito nang sila lang dalawa? Hindi ko bati kung ano itong aking nararamdaman. Basta basta lang pumasok sa aking kaloob looban ang hindi kagustuhang na mapag alaman ang mga bagay na ito. Tila ba hindi matanggap ng aking isipan ang katotohanang hindi lang ako mula sa mga binibini ang nakakaalam tungkol sa silid aklatan. Sana’y hindi ito kagaya ng isang inggit, alam kong mali iyon at hindi ko mapapatawad ang aking sarili kapag naramdaman ko ang gan’ong bagay. “Ano ang pinag usapan ninyo?” hindi ko mawari ang sarili kung bakit mapangahas kong tinanong iyon sa kanya.  “Hindi mo na kailangang malaman ang tungkol doon.” aniya. Hindi ko naman siya pinilit na tugunan ako sa aking katanungan. Napansin ko rin na wari hindi karaniwan ang estilo ng kanyang pananalita, parang nitong nakaraang araw lang, sinasanay niya ang kanyang sariling magsalita sa wikang malalim na tagalog. Marahil ay naimpluwensyahan ni Maestra Prima. Hindi ko alam at hindi ko pipiliting malaman. Papanhik na sana ako paalis nang muli siyang nagsalita. “Gusto ko ang tulad ni Yael, Celestine.” Bigla niyang aniya. Napalingon naman ako sa kanya. Nakangiti ang kanyang mukha at nakatingin sa kawalan. Hindi ko alam kung para saan at sinasabi niya ito sa akin. Naglakad siya papalapit sa akin habang nakasalikop pa rin ang kanyang dalawang kamay, hindi na sa tapat ng kanyang tyan, kung hindi sa likuran na ng kanyang beywang. “Ewan ko ba, gusto ko siyang makita araw araw, hinahanap hanap siya ng aking mga mata tuwing nawawala ang kanyang presensya…” Aniya. Nakataas ang dalawa niyang kilay nang tumingin sa akin, “Pansin kong parati kayong nag uusap, may nasabi ba siya tungkol sa akin?” bakas sa kanyang mukha ang pag asang may maitutugon ako sa kanya.  Hindi ko naman alam kung ano ang dapat itugon at papano ko sasabihin na walang sinabi si Yael sa akin nang hindi siya nasasaktan. “Ah eh,” hindi pa ako tuluyang nakakapagsalita nang humakbang siya sa aking likuran. “Pansin ko ang naninitig niya sa akin oras oras,” hindi ako makangiti. Kung ako tatanungin, hindi ko iyon napapansin kay Yael. Madalas lang niya akong lokohin, doon lang kaming dalawa nagkakaroon ng interaksyon sa isa’t isa. “Pansin ko ang pagiging maginoo niya noong tinulungan niya ako, wari hindi niya ako gustong maghirap pa…” Hindi naman ako makapagsalita. Hinahayaan ko siya sa kanyang pantasya. Baka nga totoo ang kanyang ipinapahayag. Maganda si Carmen at maamo ang kanyang mukha. Hindi rin katulad kay Penelope ang kanyang pag uugali. Mabilis siyang bumaling sa akin. Nakalabas ang kumpleto niyang ngipin nang umangat ang bawat dulo ng kanyang labi.  “Hindi kaya may nararamdaman siya para sa akin, Celestine? Sa tingin mo?” Dumapo ang paningin ko sa sahig. Isang bayoneta sa dibdib ang aking naramdaman. Gusto kong maging masaya para sa kanya pero hindi ko maintindihan ang aking sariling kung bakit hindi ko magawa. Gayon pa man, pinilit ko pa ring ngumiti, “Marahil nga..”  Namumula ang kanyang pisngi nang marinig ang aking kasagutan.
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD