Kabanata XXII

2434 Words
Inayos ko ang mga pinamiling damit pagsapit ng gabi habang hindi pa rin naaalis sa aking isipan ang mga tagpo na nangyari sa pagitan nina Yael at Carmen kanina.  Huminga ako nang malalim at napaupo sa kama. Bakit tila apektado sa ako roon? Ano ngayon kung masaya sila para sa isa’t isa? Ano ngayon kung may gusto si Yael kay Carmen? Hindi naman iyon isang malaking hadlang sa mga plano ko. Wala naman dapat akong ipangamba kung may namamagitan man sa kanila.  Napahiga ako at napatingin sa itaas. Napahawak ako sa aking dibdib nang maramdaman ang hindi normal ang bilis ng tahip nito. Hindi kaya may espesyal akong nararamdaman kay Yael kagaya ng nararamdaman ko kay Brother Mario? Napatakip ako ng aking mga mata, hindi maaari. Hindi ako pwedeng mahulog! BUMABA ako ng hagdan nang sumapit ang umaga. Hindi ko alam kung ano ang magiging hitsura ko ngayon nang wala akong maayos na tulog. Pero dahil sa binili ni Ms. Illuna sa akin na pampaganda, marahil hindi naman kahindik hindik ang aking hitura. Ang problema lang, ang ibang mga binili niya’y hindi ko alam kung paano ko gagamitin. Siguro magpapaturo ako kay Claire kapag may libreng oras siya. Tumungo ako sa kusina upang tulungan ang mga serbidorang magluto. Nanghihiwa ako ng carrots nang dumating si Maestra Prima. Nakasuot siya ng punting bestida at nakaitaas naman ang ayos ng kanyang buhok kagaya ng karaniwang nakikita ko sa kanya. “Magandang umaga po, Maestra.” Bati ko sa kanya. Mabilis ang tahip sa aking puso tuwing nakikita ko si Maestra Prima, natatakot ako sa kanyang presensya at sa kanyang maaaring mapuna sa akin. Marahil ganito rin ang napapansin ko tuwing malapit si Yael. Hindi lang sa takot kung hindi dahil sa inis. “Magandang umaga rin sa'yo, Celestine.” Tugon niya sa akin. Muli akong naghiwa ng gulay nang pumwesto si Maestra sa aking harapan upang maghalo ng sangkap. Nakasuot siya ng kanyang apron at mukhang magluluto rin siya kasama ang mga serbidora.  Namayani ang katahimikan ilang sandali. Tuwing kaharap ko siya’y hindi ko alam ang aking sasabihin. Parang hindi ako mapakali at nanghihinayang kung bakit ako pumanhik dito nang ganito kaaga. Sana pala nagkunwari akong natutulog at lalabas na lang ng kwarto kapag narinig ko na ang sipol.  “Ako’y nahihiwagaan sa iyo,” natigilan ako sa aking narinig mula sa kanya. Napansin ko rin sa giliran ng aking mga mata ang pag lingon niya sa akin. “Tsino ang iyong angkan, hindi ba? Pero ang iyong pananalita ay tunog italyana.” Sinasabi ko na nga ba ang magiging paksa ito rito sa loob ng Mansyon. Hinanda ko naman ang aking sarili para rito. Bumaling ako sa kanya at gumuhit ang ngiti sa aking mga labi, “Ako po’y mahilig sa mga telenobela mula sa europa, Maesta.” Tipid kong sagot. Matagal niya akong tiningnan na tila sinusuri ang aking mukha kung nagbibiro ba ako o hindi. Naisip ko naman dugtungan nang sa gano’y hindi na siya muling magtanong pa. “Mahilig din ako sa kultura at tradisyon ng Italya. Pati rin ko po ang kanilang kasuotan. Sa katunayan, ang tatahiin kong abrigo para kay ginoong Oier ay may disenyong naimpluwensyahan ng naturang bansa.” Masaya kong saad. Hindi tinugunan ng pag ngiti ni Maesta Prima ang aking mga sinabi. Tumango siya at muling nagpatuloy ng paglulugay ng mga sangkap. “Ganon ba,” utas niya lang. Masyado nga siguro akong halata dahil sa pagiging mapagtanggol ko sa aking sarili. Sinabi ko lang iyon upang hindi na siya magdagdag ng nakakapagpabagabag ng kanyang isipan at baka dahil lang sa pagtatakang iyon, maghanap siya ng paraan upang tukuyin kung ano ang aking totoong pagkatao. Inilibot niya ang kanyang mga mata sa paligid na tila may hinahanap. “May gusto po ba kayong makita, Maestra Prima?” tanong ko sa kanya. Napatingin siya sa akin at umangat naman ang bawat dulo ng kanyang mga labi. “Matanong kita, Celestine.” Napataas ang aking dalawang kilay. “Marunong ka bang mamalengke?” patuloy niyang katanungan.  Mabilis akong tumango bilang pag sang-ayon. “Opo, mahilig po ako mamalengke. Noong nasa--” ikukuwento ko na sana ang buhay ko sa Italya nang maalalang hindi niya iyon kinakailangang malaman.  Mukhang hindi naman niya napansin ang naudlot kong sasabihin nang naglabas siya ng pera mula sa kanyang bulsa. “Kung gayon, uutusan kita. Kinakailangan mong bumalik bago sumapit ang alas syete impunto, nagkakaintindihan ba tayo?” napatingin naman ako sa orasang nakapaskil sa dingding. May apatnapu’t limang minuto pa bago sumapit ang naturang oras. Tumango ako at tinanggap ang pera na kanyang binigay. Nagsulat din siya ng listahan at pagkatapos binigay niya naman iyon sa akin. Lumabas ako nang tuluyan sa mansyon. Sumakay ako ng puting sasakyan. Sa likuran ako umupo at sa unahan naman ay ang Driver. “Hindi pa po ba tayo tutungo, kuya?” tanong ko sa driver nang wala pa siyang ginagawa upang patunugin ang kanyang sasakyan. Lumingon naman siya sa king direksyon bago binalik ang tingin sa unahan. “Sandali lang po, Ma’am. May hinihintay lang akong dumating.” Aniya. Huminga ako nang malalim nang bumukas ang pintuan sa aking tabi at pumasok doon si Yael. Automatikong naramdaman ko muli ang mabilis na pagtahip ng aking dibdib. Naririto na naman ang hindi mapaliwanag na pangyayari sa aking katawan. Kapag ito napagpatuloy sa susunod pang mga araw, manghihingi ako ng pahintulot kay Maesta Prima kung pwede muna akong lumabas ng mansyon nang makapagkunsulta ako sa doktor. “Hindi ka ba tatabi sa akin Yael?” tanong ng driver sa kanya. Napatingin ito sa repleksyon ni Yael sa rearview mirror. Umiling naman si Yael at sumulyap sa akin gamit ang kanyang mapanuyang ngiti. Napakamot ng ulo ang driver at itinuon muli ang atensyon sa pagpapa-andar ng sasakyan. “Bakit mo ba gustong sumama? Hindi kita maintindihan, noon namang sinusuway mo ang utos sa iyo mamalengke ni Maesta Prima. “ Umiiling na aniya. Bumaling ako kay Yael, nagtagpo ang mga paningin naming dalawa na wari kanina pa siya nakatingin sa akin at ngayon ko lang nahuli. Agad akong umiwas at bumaling na lamang sa labas.  “Trip ko lang ngayon. Gusto kong magpahangin.” Aniya nang nagsimula nang tumakbo ang sasakyan palabas ng mansyon. Nakikita ko gamit ang giliran ng aking mga mata ang pag angat niya ng kanyang dalawang braso at ginawa itong unan ng kanyang batok habang nakahiwalay naman ang dalawang hita. Masyadong maliit ang sasakyan para sa kanya. “Sariwa naman ang hangin hardin mo ah,” tugon naman ng drayber. “Ah, baka dahil kay Ms. Celestine…” Palihim akong napasinghap nang marinig ang pang aasar ng drayber kay Yael. Hindi naman tumugon si Yael nanatili siyang tahimik kung kaya’t nagkaroon ako ng pagkakataong sumulyap sa kanya. Pinagmasdan ko ang repleksyon ng kanyang mukha sa bintana na nakangiti habang nakatingin lamang sa mga punong kahoy na aming nadadaanan. Hindi ko naman alam kung para saan ang ngiting iyon. Marahil dahil nasanay na akong makita ang kanyang nakangiting mga mata at mukha.  “Ang ganda ng klima,” utas ni Yael. Sumulyap ako sa kanya pero agad ding umiwas nang mapunang nakatingin siyang muli sa akin. Narinig ko naman ang pagtawa ni manong driver sa harap. “Pag tinamaan ka nga naman,” ani ng driver habang hindi pa rin inaalis ang tawa sa kanyang boses. “Aray!” bulalas niya nang tapunan siya ng panyo ni Yael. “Tumigil ka, mali ang iniisip mo.” ani ni Yael sa baritonong boses. “Hindi ko kayo maintindihan,” bigla kong pahayag. Palipat lipat ang tingin ko sa kanilang dalawa. “Nagtatawanan kayo  pero kayo lang nagkakaintindihan.” Patuloy ko.  “Hindi mo na kailangang malaman, Ms. Celestine.” Saad ni Driver. “Usapang lalake, bawal ang babae.” Ani naman ni Yael.  Napasulyap ako sa kanya. Naka ekis ang kanyang dalawang braso sa tapat ng kanyang dibdib. Gumuhit ang ngiti sa kanyang labi sabay kindat. Halos magwala naman ang aking puso sa ekspresyon ng kanyang mukha. Kinalma ko ang sarili sa pamamagitan ng pagpikit ng aking mga mata, nang dumilat ako’y agad ko siyang tinapunan ng masamang titig. “Kung usapang lalake, sana pala’y wala na rito ang aking presensya, hindi ba masamang gawain iyon, mga ginoo? Na mag-usap kayo nang kayo lang nagkakaintindihan sa tapat mismo ng binibini? Hindi ba sumagi sa inyong mga isipan na baka maisip kong ako ang iyong sekretong paksa?” tanong ko sa kanilang dalawa. Namayani ang katahimikan ilang sandali. Itinapat ng driver ang kanyang nakasarang palad sa harap ng kanyang labi at tumikhim. “Pasensya na po, hindi na mauulit.” Mahinahong aniya.  Rinig ko ang pagngisi ni Yael sa aking giliran. Hindi ko na iyon pinuna at baka magdulot na naman ng walang hangganang pagtatalo sa pagitan naming dalawa. NAKARATING kami sa isang supermarket na medyo kalayuan sa mansyon. Malayo naman kasi sa syudad ang naturang mansyon kung kaya’t tumatagal ng mahigit trenta minutos ang byahe mula roon. Kukuha na sana ako ng trolley nang naunahan ako ni Yael. Nakasuot siya ng itim na t-shirt at maong na may butas sa bawat tuhod. Mayroon din siyang suot na kulay asul na ball cap. Nauna siyang naglakad habang ako nama’y nakasunod lang sa kanya. Napag utusan nga siya marahil ni Maestra Prima kung kaya’t sinamahan niya akong mamili. “Dito tayo,” hinawakan ko ang laylayan ng kanyang damit. Napatingin siya rito bago ibinalik ang tingin sa aking mga mata. Tinuro ko naman ang mga gawi kung saan nakadisplay ang mga karne. Binasa ko muna sa listahan bago kumuha ng hiwa ng karne na nakasaad doon.  “Ang gwapo oh,” narinig kong ani ng mga batang binibini sa aking giliran. Napalingon naman ako sa kanila. Tila naninisay sila sa kilig habang tinitingnan si Yael. Napalingon naman ako kay Yael. Wala siyang kamalay malay na hinahahalay na siya ng mga batang binibini sa kanilang mga isipan kung kaya’t agad kong hinigit ang kanyang braso palayo roon. “Ay sayang, may jowa na pala…” dismayadong sabi ng isa. Palihim akong natawa at nagsimula ulit mamili sa mga gulay.  “Seleng, ano ba ang paborito mong pagkain?” biglang tanong niya sa akin na bumasag sa tahimik kong pag iisip kung ano ang isusunod na bibilhin.  Bumaling ako sa kanya. Nakatingin siya sa mga chichirya. “Hindi ako kumakain niyan,” sagot ko sa kanya at muling inabala ang aking sarili sa paghahanap ng mga pagkaing inilista pagkatapos kong maghanap sa gulay. Nakasunod lang siya akin. Pinagmasdan ko ang mga tao sa paligid. Lahat ng aming nadadaanan ay nagtatagal ang mga mata kay Yael. Sino bang hindi, kahit nga ang atensyon ni Carmen ay nakuha nito. May mga tao talagang pinanganak ng mapalad sa postura at mukha katulad ni Yael, ngunit hindi kasali roon ang kanyang pagaasal.  “Lumapit ka nga rito nang sa gan’on ay maabot kita,” inis kong ani at hinatak ang trolley na kanyang hawak hawak. “Tulungan mo na rin ako sa paghahanap nang sa gano’y maaga tayong matapos.” Naiinis kong ani. Humakbang ako habang hawak hawak ang trolley kung kaya’t si Yael ay naglalakad na lang katabi ko habang ang kanyang dalawang kamay ay nasa loob ng kanyang magkabilang bulsa.  “Ang init naman ng ulo mo, Seleng.” Kahit maingay ang paligid, rinig na rinig ko pa rin ang kanyang sinabi. Bumaling ako sa kanya gamit ang aking nanlilisik na mga mata. “Hindi na ako magsasalita,” aniya at mariing inipit ang kanyang labi. Mayamaya may ipinatong siya na ubas sa loob ng trolley. Napatingin muli ako sa kanya. Nakangisi lang ang kanyang labi, “Ako magbabayad niyan, Seleng. Dalhin mo ‘yan sa iyong kwarto, kain kainin mo nang sa ganon mabawasan ang init ng ulo mo. Malamig ‘yan, mas masarap.” Aniya. “Hindi ko kailangan ang ubas mo,” ani ko at muling itinulak ang trolley. “Ubas ko?” tanong niya sa akin. Ang kanyang mga mata’y tila may kababalaghang naisip, ilang sandali pa’y gumuhit muli ang mapanuyang ngiti sa kanyang labi. “Masarap ang ubas ko, Seleng. Maraming nagkakandarapa rito,” patuloy niya, inaangat baba niya ang kanyang kilay. Napasinghap ako nang maintindihan ang kanyang ibig ipahiwatig. Madalas akong magbasa ng aklat na may tema tungkol sa pag ibig kung kaya’t madali kong makuha ang berdeng ideyang iyon sa kanyang mga salita.  Mas lalo ko siyang tinapunan ng masamang titig, “Naparito ka ba upang asarin ako? Ito ba ang una mong layunin nang makabalik sa mansyon pagkatapos ng ilang araw?” tanong ko. Mas lalong uminit ang aking ulo nang makita ang mahabang pila sa counter. Nawala ang ngiti sa kanyang labi at napakurap nang ilang beses, “Ang sungit mo naman, Seleng. Nagbibiro lang ako,” bakas sa boses niya ang sinceridad, ngunit hindi pa rin ako kumbinsido. Sumagi sa isipan ko ang masasayang mukha ni Carmen nang maibigay niya kay Yael ang kanyang nilutong lugaw kahapon. “Bakit hindi ka manatili sa mansyon? Naroroon ang taong magluluto sa iyo ng makakain.” Saad ko.  Kumunot naman ang kanyang noo sa aking sinabi. Masama ang mang irap pero hindi ko mapigilan lalo na sa tuwing nakikita ko sa kanyang mukha ang pag maang maangan.  Nagsimula akong pumila sa napakahabang counter. Kakabukas pa lang ng naturang pamilihan at hindi ko inaasahang ganito karaming tao ang aking madadatnan.  “Kasama naman kita ah,” aniya sa aking tabi. Natigilan ako at maalalang minsan na rin akong magluto ng paborito niya pero hindi naman para sa kanya ang mga niluto ko. Nagkataon lang na hindi ko alam ang iluluto kung kaya’t sinunod ko ang suhestiyon niya sa akin. “Tumigil ka nga, hindi naman para sa’yo iyon, para iyon kay Oier.” Pagtatama ko sa kanya. Narinig ko naman ang kanyang pag-ngisi. Bumaling ako sa kanya at nasilayan ang pag angat ng kanyang mukha habang nakapaskil doon ang kasiyahan. “Babae ka nga talaga,” aniya sa baritonong boses. “Si Carmen ba ang tinutukoy mo?” humakbang ako pa abante nang umabante rin ang customer sa aking harapan. Hindi ako nagsalita. Nakatuon ang atensyon ko sa likuran ng customer sa aking harapan. Kung may bayoneta lang itong mata ko’y marahil kanina pa humandusay sa lupa ang naturang binibini. “Mabait si Carmen ano, masarap ang lugaw niya.” Bakas sa boses niya ang panunuya. “Doon ka sa kanya, magsama kayong dalawa sa silid aklatan, doon kayo mag usap nang magdamagan. Damhin mo ang saya kapag kasama mo siya, Yael at huwag ka ng magpapakita sa akin.” tuloy tuloy kong ani. Hindi ko mabilang kung ilang beses akong umirap. Natigilan ko nang makabalik ako sa sariling ulirat at nang marinig ang kanyang paghalakhak. Bakit ko nga ba iyon nasabi? Gusto ko lang naman ilabas ang aking sama ng loob. “Hindi ko rin alam kung paano niya natunton iyon, pero duda ko sinundan niya ako nang pumuslit ako roon para sana makita ka nitong nakaraang linggo.” Nagkagulo ang mga nilalang sa aking tyan kasabay ng mabilis na tahip ng aking dibdib. Hindi sinasadyang mahawakan ni Yael ang likuran ng aking palad na nakahawak sa trolley nang itulak niya ito pagkatapos umabante ang binibini sa aking harapan. “Alam mo, Seleng, tunog nobyang nagseselos ka.” Napatingin ako sa kanyang kamay na nasa itaas ng aking palad. Binaba niya ito nang hindi man lang namamalayan na nagdala siya ng bola boltaheng kuryente sa akin dahil doon.  Tumatak naman sa aking isipan ang salitang selosa. Selos nga ba? Para saan at bakit ako magseselos? Mas lalong hindi ko maunawaan ang aking sarili.  Ilang sandali pa’y narinig ko ang kanyang pag ngisi sa aking likuran. 
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD