Kabanata IX

2150 Words
DALA dala ang mga bulso, nilakbay namin ni Miko ang daan patungo sa taniman ng gulay at prutas ilang metro lang ang layo mula sa mansyon. Nagpapaturo siya kung paano magluto nang makita niya akong tumutulong sa mga serbidora sa kusina. Noong umpisa’y nahihiya akong tumugon sa tuwing nag uumpisa siyang makipag usap sa akin, pero kalaunan nang mapansing hindi naman siya kagaya ng iniisip ko madalas sa aking mga katunggali ay sumang ayon akong turuan siya. “Noong nag-aaral pa ako sa japan, pinoy na mga pagkain pa rin ang kinakain at binabaon ko. Masasarap naman ang mga pagkaing hapon pero nasanay ako sa pagkaing pinoy. At isa pa, masarap si Mama magluto.” Kuwento niya.  Nakarating kami sa taniman ng ampalaya. Bahagya kaming napayuko nang pumasok kami ng sabay. Kamangha mangha naman ang mga malulusog na bunga nito. Bumabalot ang mga gumagapang na sanga nito sa buong lugar kung kaya’t hindi gaanong masakit sa balat ang sikat ng araw.  “Ano ba ang itatawag ko sa’yo?” tanong naman ni Miko. Inilagay ko naman sa ilalim ng aking labi ang aking hintuturo at malayong nag iisip. Kadalasan, tinatawag akong Celestine pero paminsan minsa’y naririnig ko sa ibang novitiate na tinatawag akong Seleng. “Seleng na lang itawag mo sa akin,” nakangiti kong tugon. Mahina siyang humalakhak na para namang natawa sa aking palayaw. “Nangingibabaw talaga ang dugong pinoy sa iyo, hindi lang sa hitsura kung hindi pati na rin sa palayaw.” Komento niya.  Hindi na ako muling tumugon. Hindi ko alam kung ano ang paksa na magandang talakayin. Hihintayin ko siyang magsalita bago ako tumugon muli.  Pansin ko naman na makakapal ang mga dahon ng mga ampalaya kung kaya’t kailangan pa naming dukutin ang mga bunga na natatakpan.  “Ano ba ang paborito mong pagkaing pinoy?” tanong niya sa akin nang magsimula kaming kumuha ng mga bunga nito.  “Hmm, marami naman pero madalas kong gustong kainin ang kare kare at bistek tagalog.” Tugon ko sa kanya. Sumilay ang ngiti niya sa labi. Napatingin naman ako sa lupa, may tanim din ng mga kamatis pero madalas sa kanila’y hindi pa namumunga. Kinuha ko iyong mga sapat na ang laki at hinog at saka ko inalagay sa bulso kong dala. “Masarap nga iyan, kaso hindi ako marunong magluto.” Aniya na nakanguso. Unti unti namang nagliwanag ang kanyang mukha nang napatingin sa akin. “Di bale, marunong ka naman, hindi ba? Tuturuan mo ako.” Napangiti ako at tumango.  “Paano ka pala natutong magluto?” kuryuso niyang tanong. Biglang sumagi sa isipan ko ang mga panahon sa monasteryo. Lahat ng mga notivitiate na mga kasama ko ay sabay sabay na nagluluto tuwing bumibista kami sa home for the aged o sa mga orphanage. Ang mga italyanong bata ay mahilig sa mga pinakbet habang ang mga matatanda nama’y minsan lang sila nakakakain ng masarap dahil hindi naman katulad ng mga bata ang estado ng kanilang kalusugan. “Natuto ako noon sa bahay pa lang, nahasa nang nanatili ako sa Italya, at isa pa, natuto akong magluto dahil gusto kong aralin iyong paboritong pagkain ng crush ko.” Napangiti ako nang sumagi sa aking isipan si Brother Mario. Tuwing naaalala ko siya’y hindi ko mapigilan ang hindi manisay sa kilig.   Natigilan ako nang unti unti kong napagtanto sa aking isipan ang mga sinabi.  Bahagya kong tinakpan ang aking bibig at dahang dahang lumingon kay Miko upang kumpirmahin kung narinig niya ba iyon.  Bumagsak ang aking balikat at bahagyang napahinga nang malamin nang mapunang abala naman siya sa pag susuri kung anong ampalaya ang dapat pitasin.  “Ang bi bitter ng mga gulay na ito, Elias ano?” napatalon ako sa gulat nang marinig ang baritonong boses sa aking likuran. Agad akong lumingon at nakita roon si Elias at si Yael na kumukuha rin ng mga ampalaya.  “Huwag kang mag jo jowa ng mga binibining mahilig sa ampalaya, Elias.” Payo niya sa binatilyong kanyang kasama.  Napatingin si Yael sa aming direksyon. Nakangisi ang kanyang labi nang nagtama ang mga mata naming dalawa. Naalala ko naman iyong hindi niya pag sang ayon kay Elias na hindi ako kasama sa mga magagandang dilag. Hindi naman malaking bagay sa akin ang masabihang hindi niya ako tipo, ganon rin naman ako sa kanya ngunit ang masabihang hindi maganda ay hindi katanggap tanggap. Kamukha ko si Mama, at madalas mapuri si Mama dahil sa pagiging maganda. Makita lang ang kanyang presensya rito na nakangisi ay mas lalong nakakainit ng ulo. “Wala naman akong nililigawan, Kuya. Nakatuon ang atensyon ko sa pag-aaral.” Sagot naman ng binatilyo sa kanya. “Mabuti naman. Huwag ka munang mag mag no nobya, lalo na kung bitter. Masisira ang kinabukasan mo.” Umiling na lang si Elias sa sinabi ni Yael sa kanya. “Hi binibining Miko,” lumipat ang tingin niya kay Miko. Kumpara sa akin, mas maaliwalas ang ngiti niya kay Miko. Namumula ang mga pisngi ni Miko nang bumaling siya kay Yael. Marahil dala ng mainit na klima. “Napakaganda ng panahon ano? Kagaya mo,” puri niya sa dalaga. Napalingon naman si Elias kay Yael na wari naguguluhan sa kanyang mga sinabi, “Sobrang init ng panahon, kuya. Hindi maganda,” basag niya. Nawala ang ngiti sa labi ni Yael at nanliliit ang mga matang bumaling sa binatilyo. Pinigilan ko ang pag ngiti at mukhang nakuha ko naman ang atensyon ni Yael, “Hi din sa’yo binibining Seleng,” narinig ko ang pagpipigil ng tawa ni Miko bago tumalikod at nagpatuloy sa pamimitas ng ampalaya. Paano niya nalaman ang palayaw ko? Hindi kaya kanina pa siya naririto at nakikinig sa pinag uusapan namin ni Miko? Napatingin naman si Elias sa kanya bago inilipat ang tingin sa akin. “Nakaganda ng panahon, Elias ano?” tanong niya sa binatilyong kasama. “Kagaya ni Ate Seleng?” tanong ni Elias sa kanya. Tumango naman siya. “Hindi nga maganda ang panahon, kuya.” “Iyon nga ang gusto kong ipahiwatig,” mas lalong uminit ang aking ulo. Kapag narinig siya ni Mama na tinawag na hindi maganda ang kanyang anak, marahil mag babangayan sila rito mismo sa harap ko. Hindi siya mananalo sa bibig ni Mama na animo’y isang sandata pang giyera.  “Miko, alis na tayo? Medyo humahangin na rito, natatangay na ako.” Ani ko naman.  Pigil na humalakhak si Elias bago tumalikod at itinuon muli ang atensyon sa pagbubungkal ng lupa. “Ha? May hangin pal--” hindi ko na siya hinintay na matapos ang kanyang sasabihin at dali dali ko na siyang hinila roon paalis.  Kung sino pa mukhang kastilang negosyante na nalugi ang mukha, siya pa itong malakas ang loob na tawagin akong hindi maganda. Mas lalong uminit ang ulo ko sa tuwing nakikita ko ang pag ngisi ng kanyang labi. Hindi ko iyon nagugustuhan.  “Seleng, mauuna muna ako. Natatae na talaga ako eh.” Aniya at namimilipit sa pagpipigil na mailabas ang kanyang hinanaing. “Akin na rin ‘yan. Ako na ang magdadala,” hindi pa ako sumasang ayon nang kinuha niya ang bulso kong dala at dali daling tumakbo patungo sa mansyon. Kinamot ko na lang ang aking ulo dahil sa pagtataka. Ilang sandali pa’y sumunod na ako sa kanya. Nakarating ako sa unang sulok ng mansyon at liliko na sana nang... “Seleng,”  Napatalon ako sa gulat nang marinig ulit ang baritonong boses. Nawalan ako ng balanse kung kaya’t nahulog ako sa isang hagdan paibaba.  “Aray!” daing ko nang makarating ako sa isang hindi pamilyar na silid. Hinimas ko ang aking ulo habang nakaupo naman sa malamig na sahig. Pinilit kong tingnan ang itaas ng hagdan na iyon at nakita ko ang nakauwang na labi ni Yael. Sa pagkakataon na iyon, natural sa mga lalakeng hiklatin sa beywang ang isang babaeng akmang mahuhulog sa hagdan pero kakaiba ang nangyari, hinayaan ako ni Yael na mahulog dito at hindi ko man lang makita ang pag alala sa kanyang mukha. “Okay ka lang?” dumalo siya sa akin at sinubukan akong tulungan sa pagkatayo pero huli na ang lahat. Nakatayo nang mag isa na ako sa awa ng Diyos. Umuwang ang labi ko at magsasalita na sana nang napansin ko ang kabuuang lugar. Hindi natuloy ang aking sasabihin at pinagmasdan na lamang ang mga makakapal na lumang libro na namamahinga sa mga estateng kahoy. Sa isang iglap, nawala ang kirot sa aking ulo dahil sa kamangha manghang nasisilayan. Ang tumatakas na liwanag mula sa araw sa mga bintanang nakahilera sa itaas ang nagsisilbing ilaw sa silid. Hindi ko namamalayan na naglalakad na ako sa gilid ng mga estante at pinagmamasdan ang libro. May ganito  sa monasteryo noon, at parati akong laman ng silid na iyon.  Bukod sa nakahiligan kong pagsasayaw ng Contemporary dance noon, mahilig din akong magbasa ng mga libro. Ang parehong libangan ay nakakawala ng pagod at lungkot.  “Mukhang okay ka naman, Seleng.” Nakabalik ako sa ulirat nang marinig si Yael na nagsalita sa aking likuran. Kunot noo akong bumaling sa kanya. “Bakit mo ba ako sinusundan?” naiinis kong tanong sa kanya. “Sino ba iyong tinutukoy mong crush mo sa Italya?” sandaling nanlaki ang mga mata ko. Hindi iyon narinig ni Miko kanina, pero hindi ko akalain na narinig naman iyon ni Yael. Bumaling na lang ako sa librong hawak hawak. “Bakit mo na kailangang malaman,” ani ko sa kanya. “Wala akong utang na eksplinasyon sa iyo, at isa pa Yael, masamang makinig sa usapan ng iba.” Pangatwiran ko. Narinig ko siyang huminga nang malalim. Kinalma ko ang aking sarili at baka mahanapan naman ako ng butas. Hindi ako pu pwedeng mabisto rito lalo na’t hindi ko naman kilala nang lubusan si Yael. Baka isa siya sa mga sugo ng mansyon para bantayan ang mga galaw namin. “Hindi naman ako nakikinig eh, narinig ko lang. Magkaiba iyon,” aniya. “Bakit mo alam ang tungkol sa crush ko kung gayon kung hindi ka nakikinig? Ang narinig ay lumalabas sa kabilang tenga sa pagkakaalam ko.” Tugon ko sa kanya. Narinig ko siyang nag ngisi. Muli akong bumaling sa kanya. Nakahawak siya sa kanyang noon at umiling, “Okay sige, hindi na ako makikipagtalo. Pasensya kung ganon,” Umangat sandali ang giliran ng aking labi. Narinig ko siyang humingi ng paumanhin. Marunong naman pala ang nilalang na ito, “Marami kang atraso sa akin Yael. Tatanggapin ko ang panghihingi mo ng kapatawaran tungkol riyan, pero may dalawa pang natitira.” Ang pang aakusa sa akin ng mga pulis at pagsasabi sa akin na hindi maganda, ngunit, hindi ko babalaking ang sabihin iyon sa kanya. Kung may konsensya siya, malalaman at malalaman niya pa rin iyon. Pero parang nagkakamali ako. Kunot noo niya akong tiningnan, halatang naguguluhan siya sa aking mga sinasabi. Umiling na lamang ako at kinuha ang librong may usapin tungkol sa pagluluto. “Bahala ka nga sa buhay mo,” mahina kong ani. Huminga siya nang malalim at hindi na muling nagsalita. Ang akala ko’y umalis na siya pero nang narinig ko siyang magsalitang muli sa aking likuran ay binalibag ng katotohanan ang aking pinapaniwalaan. “Dapat mga paborito ni Oier ang lutuin mo.” Aniya. “Tanungin mo ang iilang serbidora kung ano kadalasang pagkain na gusto ni Oier na ihain sa kanya.” Patuloy niya. Ibinalik ko ang libro sa estante. Inilagay ko ang dalawang kamay sa magkabilang beywang at kunot noong bumaling sa kanya. Nakataas naman ang kanyang kilay at nakanguso ang kanyang labi nang nakipagtagisan ng titig sa akin. “Ginoong Yael, hindi mo dapat ako pinapakialaman sa gusto kong lutuin at isa pa, hindi naman ikaw magluluto.” Taas noo kong ani sa kanya. “At oo nga pala, dahil mukhang hindi mo alam ang kinaiinisan ko kung hindi ko sasabihin sa iyo. Yael, hindi sa nagmamayabang pero sinuguro ni Mama at Papa noon na iluluwal akong maganda.” Hindi ako nakapagpigil at nasabi ko sa kanya ang saloobin ko. Napakurap kurap siya ng ilang beses. “Ni humingi ng sorry hindi mo man lang nasabi. Alam mo bang nasaktan ako?” huminga ako nang malalim.  Bago ako umalis ay nakita kong muli siyang napakurap nang ilang beses habang nakatuon ang paningin sa akin. Padabog kong isinara ang pinto at tuluyang umalis. “Ms. Celestine, gusto niyo ba ng tsokolate…” humina ang boses ng serbidora sa huli niyang sinabi nang hindi sinasadyang, nalampasan ko siya at tuloy tuloy ang pag akyat ko patungo sa aking kwarto. NAKATIHAYA ako sa kama at pinagmamasdan ang ilaw sa ibabaw ng aking hinihigaan. Sumapit ang gabi at iniisip ko pa rin ang mga sinabi ni Yael kanina. Mukhang may punto siya, kailangan iyong pagkain na lulutin ko ay ang paborito ni Oier. Tanungin ko kaya siya tungkol sa paborito niya? Sa mga oras na ito, mukhang naroroon na siya sa likuran ng mansyon. Bumangon ako at pinagmasdan ang aking repleksyon sa salamin, hindi naman kasuklam suklam ang aking hitsura at mukhang hindi naman malaking bagay sa kanya ang pagsusuot ko ng mataas na kasuotan. Sumilip ako sa madilim na pasilyo bago tuluyang bumaba sa hagdan. Makikita sa CCTV ang pag alis ko sa aking kwarto pero ang paglabas sa mansyon ay hindi makukunan ng CCTV sa gawing lagusan. Napansin ko naman ang mga serbidorang masaya na nag uusap sa may kitchen bar counter. Idinikit ko ang aking likod sa dingding at dahan dahang naglakad patungo sa pinto. Nakahinga ako nang maluwag nang tuluyan akong makalabas. Hinawakan ko ang aking dibdib nang tumungo ako sa likurang bahagi kung saan ko huling nakitang nagpapahangin si Oier. Nilibot ko ang aking mga mata upang hanapin siya pero ni anino niya’y hindi nagpapakita. Bumagsak ang aking balikat at aalis na sana nang marinig ang pamilyar na boses… “Anong ginagawa mo rito sa mga oras na ito?”  
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD