Kinabukasan ay maaga akong pumunta sa shop. Ipapa-ayos ko pa ang sasakyan ni Gardo kaya kailangan kong asikasuhin 'yon. Kahit na sinabihan na ako ni Mang Totong na okay na ang sasakyan ko, wala pa akong planong kunin iyon. Papalipasin ko muna ang sama ng loob ko dahil sa nakita ko kahapon. Saka na lamang ako pupunta doon kapag may order na ulit ako. Para isang bagsakan na lamang.
K-kring!!!
Kring--
"Sabrina Fashion House, good morning. How may I help you?"
"Hello. This is from Sanders Security Agency, may I speak with Miss Sabrina Escueta?"
"Sabrina here speaking. May I know who's on the line and how can I help you?"
"This is Cathy, the representative of Mrs. Agatha Soliman-Sanders. By the way, Ma'am, pwede po magtagalog na lang ako sa inyo kasi naiilang akong mag-English."
"Sure." sabay pa kaming nagtawanan sa linya.
"Miss Sabrina, nandoon po ako kahapon sa bidding at nanood ng presentation ninyo. Alam kong hindi kayo ang nanalo pero nagustuhan ko ang mga designs ninyo kaya pinakita ko sa boss ko. Nang makita nang boss ko ang designs ninyo ay nagka-interes siya kasi mahilig talaga siyang um-attend ng mga social gatherings. Sinabi ni Ma'am Agatha na gusto ka niyang maging personal designer ng kanyang mga damit kapag may pupuntahan siyang gatherings or big events. Ma'am Agatha is also interested in meeting you personally para mapag-usapan kung magkano ang iyong service fee."
OMG!
Gustong sumabog ng dibdib ko sa tuwa dahil for the first time ay nakakuha ako ng bigating client. I mean malaki ang kita namin sa shop kasi bultuhan ang order pero kumbaga mga simpleng design lamang ang ginagawa ko pero ito.. wow as in wow.. hindi ko naman pinangarap na maging kilalang fashion designer dahil ang pangarap ko lang ay mapalago ang tailoring shop na iniwanan ni Mama. Passion ko talaga ang arts at pagde-design kaya siguro maganda din ang outcome ng aking mga gawa.
This is it! Pwede ko nang idagdag ito sa aking portfolio. May bigtime cli-- ay wait.. wait..
"May I know nga pala ulit ang name ng boss mo?" gusto ko lang i-confirm kung tama ang narinig ko.
"Mrs. Agatha Soliman-Sanders po, Miss Sab." natahimik ako bigla. Inaalala ko kung saan ko narinig pangalan niya. Alam ko na narinig ko na eh, hindi ko lang matandaan.
S-san-de..
S-sanderr..
Sanderss..
Sanders??
Sanders!
Peste! Naalala ko na. Siya ang sugar mommy ni Mang Totong. But wait-- Sanders lang naman ang binanggit ni Gardo sa akin kahapon. Hindi naman niya sinabi na Soliman-Sanders. Baka magkaibang tao naman 'to. Magka-apelyido lang. Hhmm..
"C-cathy, right?"
"Yes po, Miss Sab."
"Okay sige. Makikipag-meet ako kay Mrs. Agatha."
"Talaga po. Thank you, Miss Sab. Okay let's talk about the details.."
Saka ipinaliwanag sa akin ni Cathy kung saan at kelan kami magkikita ni Mrs. Agatha.
OMG! I'm so excited na.
************
Shih Ling Palace
Marikina River
Thursday
7:30PM
Habang tinitingnan ko ang aking sarili sa salamin ay hindi ko maiwasang kabahan. Ngayong gabi kami magkikita ni Mrs. Agatha Soliman-Sanders.
Suot ang isang Long Sleeve Navy Blue Silk Flared Wrap-Around Satin Long Gown na pinaresan ko din ng White Stilleto ay sinipat ko ulit ang aking kabuuan. Umikot-ikot muna ako bago nagwisik ng pabango at binitbit na ang aking Silver Evening Purse.
Ni-lock ko munang mabuti ang bahay bago sumakay ng taxi at nagpahatid sa Shih Ling Palace malapit sa Marikina River. Isa itong mamahaling chinese restaurant. Nakakain na ako dito dati noong kami pa ni ex dahil may lahing chinese iyon. Isang beses niya lang akong dinala dito kasi hindi ako masyadong mahilig sa chinese foods. Kung hindi lang bigtime client si Mrs. Agatha mas gusto ko ang Italian foods kesa sa chinese foods. Ang kagandahan lang dito sa restaurant ay masasarap naman talaga ang kanilang mga pagkain at sobrang ganda ng view.
Ang usapan namin ni Cathy ay magkikita kami ni Mrs. Agatha ng 8:30pm pero napaaga ang dating ko kasi malapit lang naman sa amin ang restaurant. Mayroon nang naka-reserve na table para sa aming dalawa kaya aantayin ko na lamang si Mrs. Agatha doon. Habang nag-aantay dito sa rooftop ng restaurant ay hindi ko maiwasang kabahan at ma-excite at the same time dahil first time kong makikita si Mrs. Agatha. Ini-imagine ko kasi kung ano ang hitsura ni Mrs. Agatha. Siguro ay nasa late thirties of early forties lang ito kasi usually ang mahihilig sa mga social gatherings ay mga ganyang edad. Maganda rin siguro ito at sexy.
"Love.. ano bah? Kanina pa ako salita ng salita pero hindi ka nakikinig. Next month na ang kasal na natin pero hindi ka man lang excited or kahit man lang any suggestions galing sa'yo baka may gusto kang baguhin sa---"
Biglang naputol ang sasabihin ng babae ng biglang tumunog ang cellphone nito.
"Hello, Mommy!"
Dinig ko ang galak sa boses nito ng mapagsino ang kausap sa kabilang linya. Ayoko sanang makinig sa kabilang table dahil hindi maganda iyon pero dahil bored ako at magkalapit lamang ang aming table ay hindi ko maiwasang marinig ang pinag-uusapan nila. Parang nakikisimpatya ako sa babae kasi nga malapit na pala itong ikasal sa lalaki tapos iyong lalaki naman walang pakialam. Ni hindi ko nga narinig na nagsalita ito. Kung ako 'yan, hindi ko na itutuloy ang kasal.
"Yes, magkasama po kami ngayon dito sa Shih Ling Palace-- really, nandito din po kayo ngayon. Sige po, susunduin ko po kayo sa baba."
Narinig ko na nagpaalam ito sa lalaki pero wala pa ring sagot ang lalaki kaya umalis na ang babae. Sa isip ko ay aantayin ko ulit ang babae at makikinig muna sa usapan nila ng lalaki habang nag-aantay pa rin kay Mrs. Agatha.
Ilang minuto na rin akong nakaupo ng may dumaang waiter na may dalang mga drinks sa hawak nitong tray at saktong natapilok iyon sa may table namin. Tumilapin ang hawak nito sa paanan ko.
"Sorry po, Ma'am. Nabasa po kayo?" tanong ng nag-aalalang waiter. Akala siguro nito ay natapunan ako ng dala nitong drinks.
Tumayo muna ako at chineck ang aking suot na dress kong natapunan ito. Wala namang stains o marka kaya sinagot ko ang waiter.
"Hindi naman ako natapunan. I'm okay. Linisin niyo na lamang 'yang mga basag na baso kasi paparating na ang ka-meeting ko."
Mabilis namang umaksiyon ang ilang mga staff at lumapit ang isa nitong kasamahan na may dala ng panlinis ng nabasag na baso. Nakatayo lamang ako at nakatingin sa dalawang waiter kung nalinisan ba nilang maigi ang ilalim ng aming table ng may tumikhim sa likuran ko.
"Ermm.. E-excuse me.." boses ng lalaking nagsalita sa aking likuran.
Biglang nanlamig ang aking pakiramdam ng marinig ang boses na 'yon. Dahan-dahan akong lumingon sa taong ilang taon ko ding pilit na iniwasan at kinalimutan.
"Ikaw!"