Kanina pa ako nagsesearch sa aking cellphone kung merong talyer na malapit sa warehouse pero noong tinawagan ko naman ay lahat busy. Walang may sumasagot. Napahalukipkip na lamang ako sa dahil sa kamalasan ko ngayong araw. Ito na siguro ang parusa sa akin sa taas dahil sa ginawa ko kanina.
Dahil nagugutom na rin ako ay napagpasyahan ko na lamang na lumabas ng aking sasakyan at maghanap ng makakainan. Sa kainan na rin ako magtatanong kung mayroon pwedeng tumulong sa akin, babayaran ko naman.
Mabuti naman at sa katapat na kalsada ay may nakita akong kainan. Doon na lamang ako maghahapunan tutal gabi na. Tumawid na ako sa kalsada at pumasok sa kainan. Pagpasok sa loob ay pumuwesto na ako sa pang-isang kataong mesa. Sa may pinakagilid ako puwesto na walang masyadong tao. Hindi naman ako maarte pero naaasiwa ako sa tingin ng mga tao sa loob ng kainan. Napansin ko kasing pulos lalaki ang kumakain sa loob at ako lang ang nag-iisang babaeng customer nila liban sa waitress at kahera sa kainan. Kahit na naiilang ay wala naman akong pagpipilian dahil gutom na talaga ako. Kung lalabas pa ako at maghahanap ng ibang makakainan ay baka abutin pa ako ng siyam siyam sa kakahanap.
Nang dumating na ang in-order ko ay mabilis na akong kumain. Ayokong magtagal doon lalo na noong napansin kong may tatlong lalaki ang panay ang ngisi at sitsit sa akin. Kahit na nababastusan ako sa kanilang ginagawa at hindi ako pumalag dahil ayokong gumawa ng eksena.
Matapos makakain ay mabilis akong lumabas ng kainan. Sobrang dilim na pala sa labas. Dali dali akong tumawid sa kalsada dahil napansin kong sinusundan ako ng tatlong lalaking masamang nakatingin sa akin sa loob ng kainan.
"Miss.."
"Miss! Miss!"
Narinig ko pang tawag nila sa akin pero hindi ko sila nililingon. Mas lalo namang kumabog ang dibdib dahil alam kung sumunod sila sa akin. Nang makarating sa harap ng aking sasakyan ay nilingon ko ang tatlong lalaki na patuloy pa rin ang pagsunod sa akin.
"Hanggang diyan lang kayo. Kapag lumapit pa kayo ay sisigaw ako," nagtatapang tapangan kong sigaw sa tatlong lalaki. Mukhang goons pa naman ang mga ito. Iyong tipong mahahaba ang buhok at malalaki ang tiyan na kontrabida sa mga pelikula.
"Ang taray mo naman, Miss. Gusto lang naman naming magpakilala sa'yo eh. Mukhang mag-isa ka lang at kanina pa din namin napansin na parang may problem sa sasakyan mo kaya ayaw umandar kaya siguro nagutom ka at kumain na lamang. Kung gusto mo, Miss, ihahatid ka na namin. Naroon sa kabilang kalsada ang aming sasakyan. Pihadong mag-eenjoy ka dahil biyaheng langit tayo!" saka tumawa ng malakas ang lalaking nagsasalita na sa tingin ko ay pinakalider nila at siyang pinakamatapang at pinakapangit din sa kanilang tatlo. Kaso siya din ang pinakamatangkad at malaki ang katawan kaya naman mukhang siga siga ang loko.
"Mga bastos. Hindi ako sasama sa inyo. Kapag hindi niyo pa ako tinigilan. Sisigaw na talaga ako. Harassment na 'tong ginagawa niyo sa akin." napapaatras na ako dahil patuloy sila sa paglapit sa akin. Hanggang sa hood na ng sasakyan ko ang nasa aking likuran.
"'Yan ang gusto ko sa babae eh. Maganda na.. sexy at palaban." nakangising sabi ulit ng lider ng mga ito at nakipag-apiran pa sa kanyang mga kasama.
"Hoy! Mga manyak. Sa tingin niyo papatusin ko 'yang mga pagmumukha niyo. Ang papangit niyo na nga, masama pa ang ugali ninyo. Binagay niyo talaga sa inyong mukha ang inyong pag-uugali." sigaw ko sa mga ito.
Lalo lamang nagtawanan ang tatlong lalaki.
"Miss Sexy, kahit ano pang sabihin mo, hindi na kami tatalaban dahil alam naman namin sa aming sarili na gwapo kami. Marami ngang babae ang nahuhumaling sa amin lalo na kapag pumasok na kami sa beerhouse dahil malaki daw ang aming katawan---"
"Mga gunggong! Ang kakapal ng mukha niyo! Naniwala naman kayo! Walang papatol sa inyo---"
"Aba't--" nakita kong dali daling humakbang ang pinakalider ng mga goons at akmang hahawakan ako kaya inamba ko na ding hahampasan ito ng dala dala kong bag ng bigla na lamang may humablot dito.
"Boss!"
"Boss!"
Nagulat ako ng isang matangkad at matipunong lalaki.. a-at mahaba ang buhok na naka-bun pa ang biglang humablot sa lalaki. Dahil nakalikod ito sa akin hindi ko mabistayan ang kanyang mukha. Pinitsaran nito ang pinakalider ng mga goons na hindi nakahuma sa biglang paglitaw nito.
"Tulungan niyo ako. Mga gago!" sigaw ng lider ng mga goons.
Bigla namang nagsilapitan ang mga lalaki at inambahan ng suntok ang aking knight in shining armour. Pero bago pa sila makalapit ay kaagad na tumilapon ang lider sa kanyang dalawang mga kasamahan. Natumba ang tatlo at kaagad silang dinaluhong ng aking knight in shining armour. Inuna pa rin nitong patayuin ang lider atsaka sunod sunod na inundayan ng suntok sa tiyan. Unang suntok pa lamang nito ay napaigik na ang lider ng mga goons at tumilamsik ang dugo mula sa bibig nito. Nang makita naman ito ng isa niyang kasamahan ay kaagad na may binunot ito sa kanyang tagiliran. Humugot ito ng balisong atsaka ito itinutok sa aking knight in shining armour. Hindi naman ko naman kinakitaan ng pagkatakot o pagkataranta ang lalaking naka-bun. Mabilis ang reflexes nito at sa isang iglap lang lumipad sa mukha ng lalaking may hawak na balisong ang isang flying kick. Sapol sa panga ang lalaki dahilan para kaagad itong nawalan ng malay. Tumilapon naman kaagad ang hawak nitong balisong sa gitna ng kalsada. May mga mangilan ngilan na ring mga tao ang nakiusyoso sa amin dahil akala mo ay nakakita sila ng action film. May iba akong naririnig na tumawag ng pulis samantalang ang iba naman ay kumuha ng video, may pa iba na naman na parang tuwang tuwa pa at pumupusta kung sino ang mananalo sa apat na lalaki.
"Argghhh.." biglang bumalik ang tingin ko sa aking knight in shining armour. Napaigik ito ng masuntok sa panga ng isa pang goons.
Kaagad na nilapitan siya ng dalawa at pinagtulong tulungan na suntukin. Mas lalo namang lumakas ang kantiyawan ng masuntok na siya ng dalawang goons.
Sa sobrang shock naman sa nangyari ay parang napipilan ako. First time ko kasing makakita ng ganitong eksena sa tanang buhay ko. Hindi ko tuloy alam ang gagawin ko. Gusto kong humingi ng tulong pero parang napako lamang ako sa aking kinatatayuan. Habang mahigpit na hawak ko ang aking bag ay piping panalangin ko na sana ay huwag mapuruhan ang aking knight in shining armour.
"Ay!" bigla kong sigaw ng isang bumagsak sa paanan ko ang isa pang goons.
Nahawakan nito ang paa ko kaya naman nagsisigaw na ako. Sinipa at pinaghahampas ko na ito dahil ayaw nitong bitiwan ang aking paa. Isang malakas na sipa pa ang binigay ko dito at tuluyan na nitong binitawan ang paa ko.
"Sipain mo 'yan!"
"Sige Miss.. sige pa.. sipain mo pa."
"Sh*t, kang babae ka. Humanda ka sa pagsipa sa akin," akmang tatayo na ito ng biglang may humila dito.
Kinuwelyuhan ito ng aking knight in shining armour atsaka binigyan ng isang napakalakas na upper cut. Kaagad na nawalan ng malay ang goons. Naghiyawan ang mga taong nakasaksi sa suntukan. Pagtingin ko sa paligid ay tulog na pala ang tatlong goons na nambastos sa'kin. Infairness ang galing niya. Napatumba niya ang mga goons kahit mag-isa lang siya.
Nilapitan ko na ito magpasalamat.
"Um, excuse po, Manong. M-magpapasalamat po sana----"
Unti unting lumingon ang lalaki sa akin. Bigla akong napatigil ng mapagsino ang aking knight in shining armour.