NANG mapagod na siya sa pag-iyak ay saka niya lamang tinawagan ang kanyang kaibigan na si Olga. Malalim na rin ang gabi at wala na halos sasakyan na dumaraan. Pilit niya man na pinipigilan ang kanyang pag-iyak ay hindi niya naman magawa.
“Sagutin mo please,” pagmamakaawa niyang wika. Si Olga lang kasi ang naisip niya na pwedeng sumundo sa kanya bukod sa kanyang pamilya. Tiyak na magkakaroon ng gulo kapag nalaman ng kanyang pamilya ang ginawa ni Charlie at ayaw niyang humantong pa sa ganoon. Aayusin niya ang pamilya nila hanggat maaari. Napatingin siya sa oras sa kanyang cellphone.
Alas diyes na ng gabi.
Nakatatlong tawag siya sa kaibigan ko bago nito sinagot ang kanyang tawag. Tulog na ito at mukhang naalimpungatan lang. Si Olga ay kaibigan niya noong nag-aaral pa sila sa elementarya. Sinabi niya lang kung nasaan siya at kaagad naman siyang pinuntahan.
Hindi siya umalis sa pwesto niya kanina. Doon niya na lamang plano na hintayin si Olga. Nanginginig pa rin ang kanyang katawan dahil sa labis na pag-iyak at sama ng loob.
Napatingala siya ng ulo nang may huminto sa kanyang harapan na sasakyan. Pamilyar sa kanya ang sasakyan ni Olga kaya hindi siya nabahala. Nagmamadali na nilapitan siya ng kaibigan. Tinulungan siya nitong makatayo. Pakiramdam niya kasi ay namanhid na ang kanyang mga paa.
“Anong nangyari sa’yo? Nasaan si Charlie?” tanong ni Olga.
Hindi niya alam kung ano ang isasagot kay Olga. Kilala nito ang kanyang asawa. Sa katunayan nga ay naiinggit ito sa kanyang asawa dahil perfect si Charlie sa mga mata ng kaibigan nila.
Hindi niya sinagot ang tanong nito.
Nang alalayan siya nito sa loob ng sasakyan ay tahimik pa rin siya. Nagulat na lamang si Olga nang bigla siyang humagulhol. Pinatay nito ang makina ng sasakyan at hinawakan ang kanyang kamay. Hindi niya maintindihan kung bakit hindi nauubos ang kanyang mga luha sa pag-iyak.
“Anong problema? Nag-away ba kayo ni Charlie?” tanong sa kanya ni Olga na nag-aalala. “At ano ang ginagawa mo sa lugar na ito nang ganitong oras?”
“Niyaya akong lumabas ni Charlie,” sagot niya kay Olga. Hindi niya na alam kung pati ang sipon niya ay tumutulo dahil sa kanyang muling pag-iyak.
“At iniwan ka niya?” nakakunot na tanong ni Olga kaya tumango siya.
“What the f**k!” sagot ni Olga. “Anong klaseng tao siya? Akala ko pa naman perfect siyang asawa hindi katulad ng asawa ko na adik sa sugal. Dadalhin ka rito pagkatapos ay iiwan? Pusa ka na ba ngayon na dapat iligaw?” galit na tanong ni Olga sa kanya.
“Inamin niya sa akin na hindi na raw siya masaya sa akin at isang pagkakamali lamang ang pakasalan niya ako,” kwento niyang umiiyak.
“Son of a b***h!” sigaw ni Olga na galit na galit. Napatakip ito sa sariling bibig dahil sa kanyang sinabi. “Paanong nangyari na isang pagkakamali lang ang lahat? May iba ba siya?” tanong sa ni Olga. Maging ito ay hindi makapaniwala na ginawa ni Charlie. “Hindi ba ito prank?”
Umiling siya. Sana nga ay prank lamang ni Charlie ang lahat pero hindi. Gising na gising siya habang sinasabi sa kanya ni Charlie ang mga katagang iyon.
“Hindi ko kayang mabuhay na wala siya Olga,” wika niya sa kaibigan na sinabayan niya nang sunod-sunod na pag-iling. “Hindi ko kakayanin. Ano na lamang ang sasabihin ko sa aking mga anak? Hindi ko kayang magkawatak-watak kami,” dagdag niya pang wika.
“Sshhh!” saway ni Olga dahil naghihisterikal na naman siya.
“Kasal kami Olga. Hindi niya ako pwedeng iwan,”
“Pag-usapan niyo muna ang lahat ng ito. ‘Wag ninyong gawing biro ang paghihiwalay. Hindi lamang kayo ang nakakaawa kundi ang mga bata na rin,” wika pa ni Olga sa kanya.
“Kahit anong gawin niya ay hindi ako papayag na ibigay ang kanyang kalayaan. Kasal kami. Hindi ko siya isusuko,” sumisinghot niyang sagot.
“Malas niya dahil walang divorce sa Pilipinas,” napangiwing wika ni Olga.
Hindi niya alam kung matutuwa ba siya na walang divorce sa Pilipinas.
“Hindi ko ibibigay ang kanyang kalayaan hindi dahil sa kasal kami kundi dahil mahal na mahal ko ang asawa ko Olga,” wika niya pang umiiyak. “Hindi ko kayang mabuhay na wala siya,”
“Mag-usap muna kayo. ‘Wag ka munang mag-isip ng kung anu-ano,” saway pa nito. Kumuha ito ng tissue at pinunasan ang kanyang mga luha. “Isipin mo na mahal ka ng asawa mo at kasal kayo, okay?” wika pa nito kaya tumango siya.
Huminga siya nang malalim upang pakalmahin ang sarili. Muling binuhay ni Olga ang makina ng sasakyan at pinaandar na iyon upang ihatid siya. Hanggang sa makarating sila ng bahay.
“Gusto mo bang kausapin ko si Charlie? Kaibigan ko naman siya at sa tingin ko may karapatan naman ako na pagsabihan siya,” wika pa ni Olga kaya pinigilan niya ito.
“Hu’wag na baka lalong magalit sa akin,” wika niyang nag-aalala. Hanggat maari kasi ay gusto niyang walang makaalam sa pag-aaway nila ni Charlie.
Nagmamadali siyang bumaba sa sasakyan ni Olga.
“Salamat ng marami. Tawagan na lang kita,” wika niyang pilit ang ngiting pinakawalan. Kayhirap pa lang ngumiti kapag nasasaktan.
Tumango lamang si Olga sa kanyang sinabi. Pagbukas niya ng gate ay nakita niyang nakaparada ang sasakyan ni Charlie sa garahe. Ibig sabihin ay nakauwi na ito at hindi man lang siya naisip na iniwan nito sa restaurant.
Tumuloy na siya sa silid nila.
Nadatnan niyang tulog na tulog si Charlie habang nakatalikod sa parte ng kanyang higaan.
Habang pinagmamasdan niya ang asawa ay tumutulo ang kanyang luha.
Nasaan na ang Charlie na minahal niya? Ang Charlie na kapag lalabas siya ay magmamadali pa siyang susunduin?
Hindi niya napansin na ang asawang kanyang minahal ay unti-unti nang nawawala.
Napatingin siya sa wedding picture nila na nakasabit sa kanilang silid. Mga bata pa sila nang nagpakasal. Eighteen years old pa lamang siya no’n pero alam na ng mura niyang puso na tunay ang pag-ibig na nadarama niya kay Charlie.
Hindi niya akalain na darating sa punto na mapapagod na ito. At masasaktan siya nang dahil sa lalaking labis na minahal.
She only knew one thing. Hindi pwedeng mawala si Charlie sa kanya. Lahat gagawin niya upang bumalik ang dating pag-ibig sa kanya ni Charlie. She will not give up. Para sa pagmamahal niya sa kanyang pamilya at para na rin sa kanilang mga anak. Kakapit siya hanggat kaya niya.