Chapter 3

1547 Words
Chapter 3 MALAKAS ang kabog ng puso ni Soraya habang nakasakay sa malamig na kotse ni Mr. Briton. Naka-micro ear piece siya na nakakunekta sa maliit na device na nasa bewang niya. Nakakonekta naman iyon kay Rima na nakabuntot sa kotseng sinasakyan niya. Nakapikit ang mga mata niya habang nakikinig sa usapan ng mga ito. "Baks, magkunwari ka muna habang nag-a-under cover ka," sabi ni Rima sa kabilang linya. Hindi siya sumasagot at nakikinig lang sa instruction ni Rima sa kaniya. Muntik na talaga siyang masapol kanina mabuti na lamang mabilis siyang maglakad. Hindi niya naman gustong magpakamatay ngunit kailangan niya iyong gawin para sa trabaho. Kahit na imposibleng gawin ay ginagawa niya, makakuha lang ng impormasyon para umusad ang kasong hawak nila ni Rima. Sa ugaling pinakita ni Mr. Briton sa kaniya kanina mukhang may lahi pala itong demonyo. Sa ugali pa lamang nito ay nakakaigurado na siyang ito ang pumatay sa sarili nitong kasintahan. "Kapag may nangyari na hindi maganda sa second plan tayo, baks," dagdag ni Rima na may bahid na pag-aalala ang tono ng boses nito. Nagmulat siya ng mga mata at nagkunwaring nagkamalay na. Ang second plan nila ni Rima ay papasukin nila ang bahay ni Mr. Briton at sa pilitan silang kukuha ng ebidensiya mula rito. "Nasaan ako?" tanong niya na medyo may pagka-over acting ng konti. Kailangan yata niya ng matinding dramatic session ngayon dahil hindi niya pa nasusubukang humawak ng ganitong kaso na guwapo ang suspek. "Mis maganda, nandito tayo sa kotse ng amo ko si Artemio Briton," sagot ng lalaki na tinawag na Paxton ni Mr. Briton kanina. "Nasaan tayo?" tanong muli niya habang hinihilot ang sintido niya. "Nasa labas ng isang Club," nakangalumbaba nitong sagot. Tumingin siya sa labas at sa buong paligid. Unang tingin pa lang ay alam na niyang nasa Seven Dragon Club sila. At pagmamay-ari ito ni Mr. Damascus Sandoval. Na-raid na ito dati dahil sa illegal na gawain pero matindi ang koneksyon ni Mr. Damascus kaya nakakalusot ito sa ngalan ng batas. Iba rin talaga kapag mataas at makapangyarihan ang nagmamay-ari at namumuhunan sa mga Club na tulad nito. Si Damascus Sandoval ang isa sa mga matitinik na kalaban ng mga pulis dahil sa kakayahan nitong magpapalit-palit ng lugar, pangalan ng establishimento, at pagtatakip sa mga illegal nitong gawain. Sa pamamagitan ng pera at koneksyon. Marami tuloy na mga kabataan ang nalilihis ng landas kapag may isang tulad ni Damascus Sandoval ang natitirang buhay dito sa mundo. Nangigigil na sinipa niya ang board ng kotse. Nagulat si Paxton sa ginawa niya, kumunot ang noo nito at tinignan ang nayuping sinipa niya. Lagot na yata siya nito. Sumakit ang paa niya sa pagkakatadyak sa board ng kotse ni Art. Napangiwi si Soraya sa ginawa niyang iyon. "Okay ka lang ba, Miss Maganda? Kung nagagalit ka sa bos ko, naku 'wag ang kotse niya ang sirain mo." Pakiusap ni Paxton sa kanya. Nagkunwari muli siyang nawalan ng malay-tao para lang makatakas sa sinasabi ni Paxton. Ilang saglit pa at lumabas ng kotse si Paxton. Pagkakataon na niya para makatakas sa mga ito. Pero pababa pa lamang siya ng kotse ay lumabas na ng Club si Mr. Briton may kasama itong mga lalaking na sa tingin niya ay mga negosyante at may kapangyarihan sa lipunan. Bumalik siya sa loob ng kotse nag-alangan siya baka mapurnada ang plano nila ni Rima. Nakita niyang nakabuntot sa mga tauhan nito si Mr. Damascus. "Baks, ikaw na ang bahala sa mga drama mo basta narito lang ako sa likod mo," paalala ni Rima sa kanya na nasa kabilang linya. "Bosing, aalis na ba tayo?" tanong ni Paxton sa amo. "Paano ang babaeng 'yan? Hindi naman puwede na iuwi natin 'yan sa bahay. Baka mamaya espiya pala iyan, e, mahirap na," mahinang sabi ni Mr. Briton. Naiinis na siya sa sinasabi ni Art. Ngunit kailangan pa rin niyang magpanggap para sa kasong hawak niya. Relax, Soraya! "Maganda naman siya bosing baka nga mamaya tagahanga mo lang 'to." Tumawa si Paxton sa sinabing iyon. Langya naman, oo. Pati ba naman 'yon. Over my dead body. Never sumagi sa isip niya magkagusto rito pero slight lang. "Iwanan na lang natin kaysa naman mag-uwi tayo ng taong hindi natin kilala." Pumasok si Mr. Briton sa kotse habang nakikiramdam siya sa mga ito. Pinaandar ni Paxton ang kotse. "Mukha namang mabait bosing. Idaan na lang natin sa hospital pagkatapos iwan na natin doon." Suhestiyon ni Paxton sa amo. Pakiwari niya ay sumang-ayon si Art kaya idineretso ni Paxton ang pagpapatakbo ng kotse. HINDI yata tumalab ang plano nila ni Rima. Dinala siya ng mga ito sa hospital. Kahit na alam niya na napilitan lang itong sumang-ayon. Narinig niyang sinabi ni Mr. Briton na kailangan niyang masuri para sa masigurado ang kalagayan niya. "Ano bang pangalan mo?" tanong ni Mr. Briton sa kaniya. Napangiwi siya sa tanong nito, wala siyang maisip na sasabihin. "Love Guadalupe," mahinang sabi niya na sinundan lamang ang sinabi ni Rima sa kabilang linya. Narinig niya ang pagtawa ni Rima sa sinabi niya. Kinikilig pa yata ito sa pangalan niya. Naloloko na siya sa kalokohan ni Rima. "Love pala ang pangalan mo, Miss Maganda. Kaya pala ang ganda-ganda mo, para kang anghel," sabi ni Paxton. Inilahad nito ang kamay sa harap niya. Tinanggap niya iyon ngunit madali ring binawi. "Hindi ako masamang tao. Ang totoo niyan nang mabangga ninyo ako nagkataon na tatawid sana ako. Naghahanap kasi ako ng trabaho mula pa kaninang umaga at sa pagod ay hindi ko kayo napansin. May pinag-aaral kasi akong mga kapatid sa probinsiya. Pasensiya na kung naabala ko kayo kanina. Salamat sa pagdadala ninyo sa akin dito sa hospital." Pagdradrama niya habang nakayuko sa harapan ng mga ito. Naisip niyang mamasukang katulong tutal sanay na sanay naman siya sa mga gawaing bahay. Kaya naman madali sa kanyang pumasok bilang katulong kuno kapag kinakailangan. Hindi niya alam kung epektib ba ang plano niyang iyon. "Bosing 'di ba matagal ka nang naghahanap ng katulong para mag-alaga kay Osha. Malay mo maging mabait na si Osha dahil maganda ang Yaya niya," nakangiting sabi ni Paxton habang nakatingin sa kaniya. May gusto na yata sa kaniya ang mokong na ito kaya naman malagkit na kung makatingin. "Baks, pagkakataon mo na," sabi ni Rima sa kabilang linya. "Gawin mo na ang pang-famas mong aktingan, baks." Pinakinggan niya ang suhestiyon ni Rima. Tama ito kapag nakuha niya ang loob ni Mr. Briton. Madali na lang iyon para makapasok siya sa buhay nito este sa bahay nito bilang katulong. Mas mapapadali rin ang paghahanap nila ni Rima ng ebidensiya. Masasagot na rin ang tanong kung sino ang may sala sa pagkamatay ni Lexi Santillan. Tumayo si Soraya at lumuhod sa harapan ni Mr. Briton. "Maawa ka na, sir. Kailangan ko talaga ng trabaho para sa mga kapatid ko. Kahit pa... ipa-NBI mo pa ako o kahit na ipa-back ground check mo pa ako, sir. Hindi talaga ako masamang tao." Pagmamakaawa niya rito habang nakayuko ang ulo at nakaluhod sa harapan nito. "Tumayo ka riyan Lo---Ms. Guadalupe. Okay sige ganito na lang kapag natagalan mo ang pag-aalaga sa kapatid ko tatanggapin kita." Yes! Sa wakas nakapuntos na siya ng isa. Magaling naman pala siyang magdrama ano kaya kung gamitin niya iyon sa kanyang Papa. Dahil wala na yata itong nakikitang maganda sa ginagawa niya. Inalalayan siya ni Paxton na makatayo. Kunwari iika-ika siya at kailangan ng alalay. Ang doctor na tumingin sa kanya ay kakilala niya kaya madali itong nakapagbigay ng resulat sa check-up niya. Nagbigay ito ng mga dahilan sa kalagayan niya. Sinabi nito na malakas ang tama niya sa bewang at totoo naman 'yon. Matagal na siyang undercover at bilang Secret Agent iilan lang ang nakakakilala sa totoo niyang pagkatao. At isa na roon si Doctor Hernandez na kaibigan ng kanyang Papa, na siyang tumingin sa kalagayan niya. Hindi siya nakikipagkaibigan sa mga taong hindi niya feel maging kaibigan kaya kung minsan mag-isa siya sa buhay. Mabuti nga kinaibigan siya ni Rima. Alam niyang isa na si Paxton sa kaya niyang paikutin. Makakakuha siya rito ng impormasyon na gusto niya. Mukhang magiging madali ang kaso at mapapabilis ang pagdiin sa pangalan ni Art. Tumingin si Soraya sa binata na bakas sa mukha ang hindi pagkagusto sa kaniya. "Salamat, sir," madamdaming aniya. "Hindi ibig sabihin na tinanggap kita para mamasukan sa akin ay magiging mabait na ako sa iyo at pagkatiwalaan kita. Love... Ms. Guadalupe, bibigyan kita ng isang linggo para makasundo mo ang kapatid ko. Hindi rin kita tatawagin sa first name mo dahil hindi maganda ang pangalang meron ka," seryosong anito. Dinig na dinig niya ang pagtawa ni Rima sa kabilang linya. "Wala pong problema, sir," nakangiwing sagot niya. "Kung ganoon ako na lang ang tatawag sa kaniyang, Love, sir," ani Paxton na nakangiti nang malapad sa kaniya. "Paxton!" maawtoridad na ani Art sa assistant nito. "Halika na, Ms. Guadalupe." Inalalayan siya nito sa paglalakad. Nakasunod sila rito. "Huwag mo nang pansinin si Sir, Ms. Guadalupe, nakakaasiwa naman kasi ang pangalan mo," dagdag pa ni Paxton. Napailing si Soraya at gusto niyang sabunutan si Rima sa ipinangalan nito sa kaniya.
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD