Chapter 4
HINDI inalis ni Art ang mga mata sa dalaga habang papasok ito sa loob ng mansyon niya. Sinalubong sila ng mga katulong at inalalayan ng mga ito si Love. Nagtaka ang mga ito nang makita na may kasama silang babae ni Paxton. Si Manang Rosa ang unang sumita sa kanya dahil nauna siyang pumasok ng bahay.
Ipinaderetso niya kay Paxton si Love sa Maid's Quarter. Alam na ni Paxton ang sasabihin dito, at ito na rin ang bahala kay Love.
"Sino siya, iho?" tanong ni Manang Rosa. Ibinigay niya rito ang plastic bags na may lamang pasalubong para kay Osha. At ang case niya na naglalaman ng gamit niya sa opisina.
Mayordoma sa mansyon niya si Manang Rosa kaya naman tiwalang-tiwala siya rito dahil para na niya itong Ina. Matagal na rin itong naninilbihan sa kanila, at hindi na nga ito nakapag-asawa dahil sa pag-aalaga sa kanya noong maliit pa lamang siya.
"Nabangga ni Paxton, Manang. Ang sabi naghahanap raw ng trabaho... at mukhang tipo naman ni Paxton kaya naman pinagbigyan ko ng magtrabaho rito. Aalagaan niya si Osha, at sa tingin ko hindi rin siya magtatagal."
"Ganoon ba. Siguraduhin mong mabuting tao ang babaeng iyan. Naku, Art, baka mapahamak ang kapatid mo. Siyangapala nakapagluto na ako. Ipaghahanda na ba kita?"
Tinanguhan niya ito. "Wag ho kayong mag-alala, Manang. Ipapaimbestiga ko siya. Si Osha nga pala."
"Nasa itaas nasa kuwarto niya natutulog na marahil napagod sa pamamasyal nila ng Mama mo," sabi nito habang naglalakad patungo sa kusina.
"Sige ho , Manang, magbibihis na muna ako."
Paakyat na siya ng hagdan nang lumabas si Love sa maid's quarter. Nakabihis ito ng uniporme bilang Yaya ni Osha. Mukha na itong tao ngayon sa ayos nito. Makatagal nga kaya ito sa pag-aalaga sa maldita niyang kapatid.
"IKAW si Love Guadalupe?" bungad ng matanda kay Soraya. Napalunok siya sa paraan ng pagtitig nito sa kanya na para bang kakainin siya nito.
"O-opo, Manang."
"Ako si Rosa, ang mayordoma rito. Kapag may kailangan ka sabihin mo iyon sa akin." Umikot-ikot ito sa kanya at tinignan siya mula ulo hanggang paa. "Dahil ikaw ang mag-aalaga kay Osha."
"O-opo..."
"Kung gano'n kumain ka na para may lakas ka bukas. Ihanda mo ang sarili mo sa bunsong kapatid ni Art." Nginisihan siya nito.
Napalunok siya mukha yatang mapapalaban siya sa isang bata.
KINABUKASAN maagang nagising si Soraya. Dahil nakasanayan na niya na alas singko pa lamang ay bumabangon na. Nagpasya siyang lumabas sa kuwarto na inuukupa nila. Tulog pa ang mga kasama niyang maids. Kagabi pa siya nalulula sa laki ng masyon ni Art.
Marami itong mga tauhan na kasama kagabi. Sa tingin niya maging sa labas ng bahay nito ay maraming bantay. Napakarami rin nitong katulong sa loob ng bahay nito.
Kunsabagay milyon-milyong pera ang hawak nito kaya naman 'di na iyon nakapagtataka. Binalak niyang pumunta sa labas upang silipin kung naroon pa sa labas ng gate si Rima. Pero bago siya lumabas ay siniguro muna niyang walang CCTV sa loob ng sala ni Art. Tumingin-tingin na rin siya sa ilalim ng mga appliances baka may mga maliit na divice ang nakakabit doon. Pero sigurado siyang nasa labas ang CCTV at sa mga kuwarto nito sa itaas.
Kailangan niyang mag-ingat mahirap na baka mabuko siya nito. Nagpunta siyang kusina para magtimpla ng kape. Lumabas siya sa bahay nito at tinungo ang bakuran. Dala-dala ang kape at nagkunwaring nag-iinat-inat sa harap ng CCTV.
At tama nga ang hinala niya kagabi na maraming CCTV ang labas ng bahay nito. Malabong naroon si Rima dahil grounded ang paligid. Saka na niya plaplanuhin ang pangalawang hakbang nila ni Rima kapag nagtagal na siya sa paninilbihan dito.
At kailangan niyang matagalan ang pag-aalaga sa kapatid ni Art. Sampung libo ang sahod niya kada buwan bilang yaya ni Osha. Kailangan lamang niya itong bantayan araw-araw. Hiling lang niya sana ay hindi niya patulan ito dahil masama rin ang ugali niya kapag naiinis na siya.
Bumalik muli siya sa loob ng bahay ni Art. Glass window at slide glass doors ang mga pintuan sa bahay ni Art kaya kitang-kita siya sa camera. Napansin kasi niya ang ibang CCTV na nakalagay sa taas ng bahay. Kung marami itong CCTV. Bakit hindi nito isinasubmit para sa investigation? Iba ang kutob niya parang may mali.
Napansin kanina niya ang mga guards na bantay na may mga baril sa tagiliran ng mga ito. Napailing siya at sinubukang kontakin si Rima. Ngunit hindi ito sumasagot puro end calls ang naririnig niya.
Hindi niya alam ang susunod na plano nila. Bahala na tutal nakapasok na siya, siya na lamang ang iisip ng gagawin niya. Humugot muli siya ng malalim na buntong-hininga at saka tinungo ang kusina para magtimpla muli ng kape. Ninenerbyos siya sa maaring mangyari.
Ito ang unang araw niya bilang Yaya ni Osha. Mahilig siya sa mga bata ngunit hindi sa mga salbaheng bata na kagaya niya, jeez.
Napansin niya ang pagbaba ni Art mula sa hagdan. Naka-boxer short lang ito at nakasampay sa balikat ang puting tuwalya nito. Hindi niya malaman kung titingin ba siya sa itaas o sa ibabang bahagi o kaya ay ipiikit na lamang ang mga mata niya.
Napalunok siya ng tignan siya nito. Kumunot pa ang noo nito habang palapit sa gawi niya. Nagsalin ito ng kape at hinila ang isang upuan sa gawi niya. Wala itong imik maliban kay Paxton na malapad ang ngiti pagkakita sa kanya. Naghihikab pa ito habang inilalagay sa bewang ang baril nito. Nanggaling ito sa labas ng bahay, doon kaya ito natulog kagabi?
"Mukhang maaga kang nagigising, Love," bati ni Paxton. "Magandang umaga, bosing."
Tumango-tango si Art at sandaling lumabas ng kusina. May nakita siyang fitness equipment sa labas kanina. Mukhang alaga sa workout ang katawan nito kaya naman pala ulam na este maganda ang hubog.
"Si Mr. Briton este si bosing may asawa na ba?" tanong niya rito habang umuupo sa inupuan ni Art kanina.
"Bakit mo naman tinatanong?" balik-tanong nito sa kanya.
"Ah... kasi..."
"Naku, mukhang may gusto ka kay bosing, ah." Kantiyaw nito.
"Ah, eh." Upakan na kaya niya ang lalaking ito.
"Gusto ko lang namang malaman para... alam ko kapag may pumupunta dito na bisita."
"Meron na sana kaso pinatay."
"Pinatay?" gulat kunwari niyang tanong.
Tumango ito. "Under investigation nga si bosing dahil sa nangyari kay Ma'am Lexi."
"Hanggang ngayon ba? I mean iniimbestigahan pa rin ba siya?"
Nagkibit-balikat ito. "Sa labas na muna ako, Love. Baka mamaya kung ano pang masabi ko sayo pagagalitan ako ni bosing. Hindi pa naman ako tsismoso." Tumawa ito.
Tumango siya at kunwaring tumawa. Investigation? So maliban sa kanila may iba pang gumagawa ng imbestigasyon sa kaso. Kailangan niyang makasigurado kung sino, kailangan niyang makausap si Prime. ASAP!
Kung wala siyang mapapala kay Paxton baka may iba siyang puwedeng lapitan. Kailangan pa naman niyang makahanap ng dahilan para makalabas at makausap si Prime. Pero paano nga pala niya iyon gagawin kung unang araw pa lamang niya sa trabaho. Hindi pa niya alam kung paano ba ang set up niya bilang Yaya ni Osha. Kung may day of ba siya o wala. Wala pa kasing nababanggit si Art maliban sa sahod niya. Bahala na nga!
Pinasya niyang kausapin si Art na na nasa labas. Ngunit nasalubong niya ito, napakagat siya sa ibabang labi niya nang makita ang itsura ng lalaking nasa harap niya. Yumuko na lang siya para hindi siya nito mahalata. Hanggang balikat lamang siya nito, 5'8 ang height niya at tiyak nasa 5'9 o 5'10 ito. Kasing tangkad lamang niya si Paxton. Binawi niya agad ang ginawa niyang pagtitig dito nagmistulan tuloy siyang nagnanasa.
Pawisan ang katawan ni Art at may bimpo ito sa ulo.
"Sir, tungkol sa trabaho ko?"
Nilampasan siya nito. "Si Paxton na lang ang magsasabi sayo, busy ako. Ipapaliwanag na rin niya kung ano ang mga dapat at hindi mo dapat gawin. Kailangan kong umalis may lakad ako."
"Lakad?" napalakas ang tanong niya.
Nilingon siya nito at ngumisi. "May problema ka Ms. Guadalupe?" tanong nito na may baritonong tinig. Nilingon nito si Paxton na nasa likuran niya. "Paxton, ang mga bilin ko."
"Masusunod, bosing." Nilapitan ni Paxton si Art. Nagtangis ang kalooban niya na para bang gusto niyang manuntok at pumatay ng amo. Hindi niya gustong ipinapahiya siya kaya naiinis siya sa ginawa nitong iyon. Kailangan niya pa ng mahabang pasensiya.
Umakyat na ng hagdan si Art patungo sa kuwarto nito sa itaas. Ibinaling niya ang mga mata kay Paxton na nakapamulsa ang mga kamay sa jacket nitong suot habang nakatingin sa kanya.
"Kasalanan ko ba kung bakit."
Tumawa ito.
"Highblood ang amo natin, nasobrahan sa karne." Tumawang muli si Paxton.
Nangigigil na talaga siya rito dahil napakapilosopo nito. Kung hindi lang talaga siya nagtitimpi nakatikim na ito ng uppercut sa kanya.
"Ikaw kasi masiyado kang O.A. ang trabaho mo kay Osha ang gawin mo hindi 'yong nagpapansin ka sa boss natin."
Inirapan niya ito. Iba rin tabas ng dila ng lalaking ito, nagmana sa amo.
"Walong oras ang trabaho mo kaya puwede kang magpahinga o kaya lumabas ng bahay pero babalik ka rin agad. Kapag napatulog mo na si Osha ng gabi puwede mo na siyang iwan kay Manang Rosa. Kapag umaga naman kailangan mong magising ng maaga o pumasok ng maaga kapag aalis ka ng gabi. May nursery school si Osha kaya kailangan mo siyang bantayan oras-oras. At ang pang huli ingatan mo ang kapatid ni bosing kung ayaw mong parusahan ka niya, maliwanag ba," paliwanag ni Paxton.
Kung ganoon may oras siya sa opisina nila, makakausap niya si Prime.
"Bumalik ka na sa loob baka gising na si Osha. At siyangapala 'wag mong kalimutan na tawagin siyang senyorita.
Kumunot ang noo niya. "Spoiled na bata."
"Natural, siya lang naman ang kaisa-isang kapatid ni bosing. Kaya lahat ginagawa ni bosing para kay Osha. Iba-iba na rin ang nagiging yaya no'n dahil sa may pagkamaldita minsan. Ingatan mo ang sarili mo Ms. Maganda este Love." Paalala nito bago siya kininditan ni Paxton.
Sinundan niya ang boss niya sa second floor. Katabi non ang kuwarto ni Osha. Kung hindi niya magamit ang charm niya kay Art. Bakit kaya hindi niya 'yon gamitin kay Paxton baka may mapala pa siya.