Chapter 2: Mission
IPINALIGPIT ni Art kay Paxton ang mga gamit niya sa opisina. Ngayong gabi kasi ang lakad nila sa Seven Dragon Club. Hindi niya gustong mahuli sa business meeting. Dahil gusto niyang magpa-impress sa mga negosyante na naroon.
Ang Seven Dragon Club ay isa sa mga sikat na Club sa Metro Manila. Balita niya malalaking business men's ang investors sa Club na iyon. At gusto niyang maging isa sa major investor para mas mapalapit siya sa pinuno ng Seven Dragon na si Damascus Sandoval.
Bente kwuatro siya nang iwan siya ng kaniyang Mama para sumama ito sa ibang lalaki. Masama ang loob niya noon dito ngunit wala na siyang nagawa dahil 'yon ang ginusto ng kaniyang Mama. Mayaman ang kanyang Papa na siyang nagmamay-ari ng Porcelains and Marbles Marketing ngunit namatay ito sa sakit na colon cancer noong sampung taong gulang pa lamang siya.
At sa edad niya ngayon na trenta anyos ay napaunlad na rin niya ang kanilang negosyo at nagkaroon pa siya ng iba't ibang investments.
Kalalabas lamang niya sa Comfort Room nang kausapin niya si Paxton.
"Si Mr. Chua ba hindi na mag-o-order ng mga marmol?" tanong niya rito.
Nilingon siya nito at ibinaba ang hawak na attached case sa lamesa niya.
"Hindi pa yata bosing, ang sabi ng mga tauhan niya baka matagalan na naman bago siya kumuha ulit. At si Senyora Morgana tumawag nga pala kanina ipinapasabi niya na baka raw puwede niyang kunin si Osha bukas dahil gusto daw niya itong ipasyal."
Tumango-tango siya kay Paxton. Hihiramin na naman nito ang kapatid niya.
"Pakisabihan mo na lang si Vilma na ihatid si Osha kay Mama," malamig na sabi niya. Hindi niya kapatid sa kaniyang namayapang ama si Osha dahil iba ang tatay nito. Ngunit kahit na ganoon ay mahal na mahal pa rin niya ang kaniyang kapatid. Isang taon si Osha nang iwanan ito ng Mama niya sa poder niya. Dahil napabayaan na nito ang sarili.
Wala na yata itong ginawa kun'di ang makipagsosyalan sa mga katulad nitong biyuda, at kung minsan ay nasa Casino ito para mag-aksaya ng maraming pera. Na kinukuha nito mula sa kanya.
Barya lamang kung tutuusin ang mga perang hinihingi nito sa kaniya. Kaya lamang ay inaabuso na siya nito dahil palagi siyang nagbibigay rito. Ni hindi na ito naging mabuting ina sa kanila ni Osha dahil sa bisyo na mas mahal nito.
Huminga siya nang malalim bago sila lumabas ni Paxton sa Briton Company. Sumakay sila ng kotse upang magtungo sa Seven Dragon Club. Luluwas pa sila sa Maynila para lamang tumungo sa Club na iyon.
Madalas sila noon ni Lexi sa lugar na iyon at doon sila huling nagtungo bago ito mamatay. Naisip niya na kung natuloy lang ang kasal nila baka ngayon ay may mga anak na sila dahil pangarap niyang bumuo ng sarili niyang pamilya kasama ito. Kung hindi lang sana pinatay si Lexi sana hindi siya nag-iisa ngayon. Bumuntong-hininga siya at tumingin sa bintana ng kotse.
May escort silang kasama ni Paxton na nakasunod sa kanila. Baka sakaling mag-iba ang takbo ng plano sa pag-i-invest niya. Delikadong katransaksyon si Mr. Damascus Sandoval. Masiyado itong sakim sa pera at ayaw nitong nasasapawan sa mga katulad niyang businessman.
Minsan na niya itong nakita na kausap noon ni Lexi at naging masama ang kutob niya simula noon. Nasuntok pa niya si Mr. Damascus dahil sa pambabastos nito sa kasintahan niya kaya mula noon hindi na sila nagkibua nito.
Iidlip na sana siya nang biglang sumalpok ang kotse na minamaneho ni Paxton. Nauntog pa siya sa lakas ng impact no'n.
"Ano'ng nangyari?" sigaw niya rito.
"May babaeng biglang tumawid bosing kaya iniwasan ko," mabilis nitong sagot.
"s**t!" inis na binuksan niya ang pintuan katabi ng driver's seat. At nakita niya ang babae na nakahiga sa kalsada. Ang nguso ng kotse niya ay tumama sa poste ng kuryente. Yumuko siya para matignan ang kalagayan ng babae. Umupo ang babae dahan-dahan habang sapo ang balakang nito.
"Miss, okay ka lang ba?" tanong ni Paxton na inalalayan ang babae. Nakadamit ng t-shirt at maong na shorts ito na medyo may kalumaan na. Nakapusod ang buhok nito pataas sa tantya niya nasa edad bente singko hanggang bente siete ang babae.
"Baka modus lang nila ang magpasagasa, Paxton," naiinis na sabi niya dahil talamak ngayon ang mga masasamang loob na nanggogoyo para kumita ng pera sa kalsada. Baka nga isa pang sindikato ang babaeng ito at nangunguha ng mga bata o 'di kaya magkukunwaring pulubi pagkatapos ay magnanakaw pala.
Alas syete na ng gabi. May napanood si Art na balita tungkol sa mga ganitong insedente. At karaniwan ganitong oras ay talamak ang paglabas ng mga masasamang loob sa lansangan. Agad niyang nilapitan ang pinto ng kotse niya, naalala niya na baka mabudol-budol sila at pakana ng babae ang pagpapasagasa.
"Bosing, hindi ba natin tutulungan si Miss Maganda?" mahinang tanong ni Paxton sa kaniya.
Tinignan niya ang babae na namimilipit sa sakit. Naawa siya rito kaya naman bumunot na lamang siya sa wallet niya ng isang libo para iabot sa babae. Nakatingin lang ang babae sa kanya habang iniaabot dito ang pera. At siya naman ay nakipagsukatan ng titig sa babae.
"Ipagamot mo ang sarili mo dahil may lakad pa kami." Tumalikod siya pagkasabi niyon sa babae.
"Bosing, naman para kang walang puso niyan." Hirit ni Paxton na inalalayan muli ang babae. Ngunit tumanggi ang babae at hindi nito tinanggap ang pera na ibinigay niya rito. Umalis ito ngunit hindi pa nakalalayo ay bumagsak na naman ito sa kalsada.
"Ano bang kamalasan ito, Paxton!" naiinis na sabi niya. Binuhat nito ang babae at pinaupo sa back seat. Wala naman siyang magawa kahit siya pa ang boss dahil may punto naman si Paxton. Isa pa hindi niya gustong kasuhan na naman siya dahil sa pagtakas niya sa resposibilidad. Kaya kahit napipilitan ay ipinasya na lamang nilang isama ang babae sa lakad nila bago ipatingin sa doctor. Mas mahalaga kasi ang lakad nila kay Mr. Damascus kaysa sa kalagayan ng babaeng hindi naman nila kilala.
"Bossing, sino kaya ang babaeng ito?" tanong ni Paxton habang nakatingin sa babae.
"Paxton, sa kalsada ka tumingin. At kung nais mong malaman ang pangalan ng babaeng iyan. Hintayin mong magising o kung gigising pa. Late na tayo sa business meeting," maawtoridad niyang sabi rito.
"Pasensiya na po, boss," anito na ibinalik ang tingin sa kalsada.
Hindi na niya ito sinagot. Marami siyang iniisip ngayon dahil nasa kaniya pa rin ang mata ng mga NBI. Bakit ba siya ang hinahanapan ng butas ngayong wala naman siyang krimen na ginawa.