Part 4

1943 Words
Alyas Kanto Boy Ai_Tenshi   Part 4   Noong hapon din iyon ay ipinakilala ko si Raul kila mama at papa. Syempre ay sinabi ko ang totoo na kanila, na wala itong matuluyan kagabi kaya't nag magandang loob akong tulungan siya. Ayoko naman kasing isipin nila na namimick up ako ng tambay sa kanto para iuwi dito sa bahay. "matagal ko na po kakilala itong si Raul, dati po siyang barangay tanod doon sa compound nila. Kaso ay napilitan siyang mag resign dahil masyadong peligroso ang trabahong iyon para sa kanya dahil palagi daw siyang nakaka engkwentro ng mga drug adik na tambay doon." ang pag sisinungaling ko kaya naman halos kumunot ang noo ni Raul habang nag iimbento ako ng kwento upang maging mabango siya sa harap ng mga magulang ko. "Tol, anong pinag sasabi mo? Hindi naman tanod!" ang bulong nito kaya naman tinapakan ko ang kanyang paa na ibig sabihin ay manahimik nalang siya at sumakay sa usapan. "Arekup, oo nga pala barangay tanod ako hehehe." ang wika naman niya habang napapakamot sa ulo.   "Parehong pareho pala kayo nito si Greg, mahilig din iyang mag serbisyo at tumulong sa kapwa niya. Ang totoo ay mayroon nga iyang club na ang layon ay mapanatili ang seguridad at kaayusan sa kanilang paarlan. Hindi na ako nag tataka kung bakit naging mag kaibigan kayo. Pareho pala kayong mapag kawang gawa ng aking anak." ang wika ni mama habang inilalapag ang kanyang binake na apple pie sa lamesa.   Noong mga sandaling iyon ay hinayaan ko na lamang mag kwento si Raul sa aking mga magulang. Magalang naman ito at panatag akon hindi ako mapapahiya. Nakakatuwa lamang dahil bigla itong nag transform sa isang kagalang galang na tupa habang kausap sina mama at papa. Lahat ay isinalaysay niya pati na rin ang tungkol sa kanya mga yumaong magulang kaya naman halos maiyak si mama dahil damang dama niya ang malungkot pag sasalaysay nito. "16 years old po ako noong pumanaw ang aking mga magulang sa mag kasunod na buwan kaya't hindi na rin ako nakapag tapos ng pag aaral. Palipat lipat ako ng tirahan hanggang sa mapadpad ako doon sa compound ng sitio Bagong Buhay. Marami na rin akong pinasukang trabaho at ilan dito ay pa extra extra lamang ako. Basta't sapat lamang ang kinikita ko upang ipang laman sa aking sikmura sa araw araw. At ngayon ay 23 anyos na ako, ganoon pa rin ang buhay ko at walang pag babago. Mukha yatang hindi pumapanig ang pag kakataon sa akin." ang nakalulungkot na salaysay ni Raul.   "Kung wala kang matutuluyan, maaari kang manatili dito hangga't gusto mo o kaya naman ay mayroon akong paupahang apartment sa inyong compound, mayroong isang bakanteng kwarto doon na maaari mong tuluyan. Huwag kang mag aalala dahil libre iyon. Maliit na silid lamang iyon ngunit mayroon nang kuryente at tubig." ang wika ni papa na hindi rin maitago ang awa sa pobreng tambay at agad naman iyong sinang-ayunan ni mama.   "Pa, iyon ang silid ni Myron. Bakit iyon pa?" pag tutol ko naman.   "Anak, matagal nang bakante ang silid na iyon. Apat na buwan bago pumanaw si Myron ay nilisan na niya iyon dahil lumipat siya ng condominium." wika ni Papa.   "Pero nandoon pa rin ang alala ni Myron at hangga't maaari ay ayaw ko itong ipagalaw." "Anak, matagal na panahon nang walang gumagamit ng silid na iyon. At saka, paano ka makaka limot kung ayaw mong bitawan ang mga bagay na nag papahirap saiyo? Kailangan ay mag simula kang iwaksi ang lahat ng bagay na maaaring mag pa alala sa iyo ng nakaraan. May mga bagay sa mundo ang hindi mo maaaring pasanin habambuhay, kaya't dapat ay matuto kang ibaba ang pasaning ito at lumakad ka ng matuwid patungo sa kaligayahan. Para siyo rin ito kaya't nakapag pasya na ako, doon titira itong kaibigan mo, at huwag mo sanang suwayin iyon." ang wika ni papa.   May magagawa pa ba ko? Hindi ko naman maaaring suwayin si papa kaya't kahit tutol ako ay wala pa rin akong magagawa sa kanilang desisyon. At pag katapos pag usapan ang lilipatan ni Raul, nag pasalamat ito sa aking mga magulang dahil sa ginawang pag tulong sa kanya. Agad naman kaming umakyat ng silid upang ihanda ang kanyang mga gamit. “Ayos lang naman sa akin kung humanap nalang tayo ng ibang matutuluyan ko, kung talagang hindi pwede doon sa ibinibigay ng mga magulang mo." wika ni Raul habang inaayos ang gamit sa knapsack.   Tumingin ako sa kanya at nag bitiw isang ngiti. "Ayos lang tol, huwag mong isipin iyon. Na realize ko rin na marahil ay panahon na nga upang may tumira doon at mapalitan ang mga alalang naipon sa silid na iyon. Tama nga si papa, isa ang bagay na iyon sa mga napapahirap sa akin upang hindi maka move on. Nga pala, heto susi ng bago mong tutuluyan." ang paliwanag ko sabay abot ng susi sa kanyang kamay.   "Salamat tol, hayaan mo iingatan ko ang silid na iyon dahil alam kong mahalaga ito sa iyo." tugon nito sabay bitiw ng isang matamis na ngiti.   Matapos ang hapunan, nag tungo kami ni Raul sa kanilang compound kung saan nandoon ang paupahang pwesto na pag aari ni papa. Hindi ko lubos maisalarawan ang dapat kong maramdaman habang tinatahak ang daan patungo doon. Alam kong muling mag babalik ang lahat ng ala alang matagal ko nang kinalimutan. Halos isang taon ko na rin itong hindi binubuksan, mag buhat noong lumisan ang dati kong kasintahan, ngayon heto ako at muling tatapak sa isang lugar kung saan ang bawat sulok nito ay nag bibigay kirot sa aking buong pag katao. "Narito na tayo." ang wika ko sabay bukas ng pintuan ng bakanteng silid.   Dati pa rin ang anyo nito, kumupas lamang ang berdeng kulay ng dingding at kisame. Nag karoon ng agiw ang ceiling fan, maalikabok ang cover ng kama, madumi ang upuan at iba pa. "Mukhang bukas kana makakalipat, doon ka nalang muna matulog sa kwarto ko dahil madumi pa ang buong silid. Linggo naman kaya't tutulungan na lamang kitang lisinin ito. Matino ang mga naiwang gamit dito, gumagana ang ceiling fan linisin lamang, pang dalawahan ang kama, may isang maliit na banyo at may kusinang lutuan. Mayroong maliit na gas stove na iniwan doon, buo pa iyon kaya't gamitin mo na lamang muna. May lamesa at dalawang upuan din malapit sa kusina, mayroon din akong maliit na tv doon na hindi ko na ginagamit, kung gusto mo ay hiramin mo muna.."   Saglit ako napahinto noong tawagin ako nito..   "Tol.." boses ni Raul sa aking likuran ngunit hindi ko ito pinansin at pinag patuloy ko lang ang aking ginawang pag sasalita. "Alisin na lamang natin ang kobre kama upang malabhan mamaya sa bahay, pag kaunting linisin lang ito at magiging maaayos din ang paligid." pag papatuloy ko ng bigla kong maramdaman ang pag yakap niya sa akin likuran.   "Tama na tol, please..." ang bulong nito at doon ay unti unting tumulo ang aking luha habang dinadampot ang maduming kobre kama. "tama na please, alam kong nasasaktan ka na. Huwag mong pwersahin ang sarili mo." ang dagdag nito at niyakap ako ng mahigpit habang ako naman ay patuloy lamang sa pag luha.   "Ang bawat sulok ng silid na ito ay nag papaalala sa akin ng lahat. Sinubukan kong iwaksi sa aking isipan ang lahat ngunit sadyang bumabalik ng paulit ulit. Para itong isang sumpa ng matinding kalungkutan at wala akong magawa kundi ang mag padala sa agos nito. Hindi ko alam kung paano ko ba ito tatakasan kung gayong kahit saan ako mapunta ay pilit ako sinusundan ng mga sakit at pag kabigo." bulong ko habang nakayakap sa kanya.   "Hindi ko alam kung paano ba kita matutulungan kung gayong ang pakiramdam ko ay isa pa ako sa mga nag papahirap sa iyo. Ngunit huwag mo sanang pilitin ang sarili mo sa mga bagay na hindi mo pa kaya. Kung nalulungkot ka ay umiyak ka, kung nagagalit ka ay magalit ka, kung masaya ka naman ay tumawa ka basta ang pangako ko sa iyo ay nandito lamang ako upang umintindi at samahan ka hanggang sa tuluyan kang makalaya mula sa hawla ng kalungkutang iyan. Naniniwala ako na ang isang ala-ala ay hindi nawawala ngunit ito ay napapalitan ng mas masaya at mas maganda kung naka handa kang palitan ito. Ang utak ng tao ay may kakayahang mag sinop ng mga lumang ala-ala kaya't ito ay nag babalik ng paulit ulit sa aking mga sarili ngunit sa kabilang banda naman ay may kakayahan din itong palitan ang mga lumang memorya natin ng mas maganda kung atin itong pahihintulutan. Sa huli, ang kasiyahan ay naka depende pa rin sa ating mga sarili." wika ni Raul habang niyayakap ng mahigpit ang aking katawan . Nag patuloy ako sa pag iyak habang naka subsob sa kanyang balikat, halos hindi ko naitago pa ang aking emosyon noong mga sandaling iyon kaya naman wala itong nagawa kundi yakapin ako at punasan ang luha sa aking mga mata. "Alam kong nahihirapan ka tol, ngunit gusto kong malaman mo na nandito lamang ako para sa iyo." bulong nito, itinaas niya ang aking mukha at unti unting inilapit ang kanyang mapulang labi sa aking harapan. Muling nag dikit ang aming mga labi hanggang sa nag simula itong gumalaw ng kusa.   tahimik ang paligid..   Nag patuloy ang aming halikan hanggang sa muli itong bumitaw at ginawaran ako ng isang mahigpit na yakap. "Katulad ng sinabi ko, mawawala lamang ang mga lumang ala-ala kung mapapalitan ito ng bago. Hayaan mong tumulong ako sa pag hubog ng mga bagong ala-ala sa iyong isipan."   "Natatakot na akong bumuo ng panibagong ala ala, baka mauwi nanaman ito sa masalimuot na kaganapan sa aking buhay. Hanggang ngayon ay nanatili pa ring sariwa sa aking damdamin ang pakiramdam na masaktan at maiwang nag iisa. Pero salamat pa rin dahil nandiyan ka, kahit papaano ay mayroon nakaka intindi sa aking nararamdaman. Maraming salamat sayo tol." ang bulong ko habang nakayakap sa kanyang matipunong katawan.   Ilang minuto rin kami sa ganoong posisyon hanggang sa muli naming ibinaling ang atensyon sa pag aayos ng buong silid. Inilagay ko sa sako ang mga unan, kumot, bedsheet at ibang sapin na maaaring labhan sa bahay. Si Raul naman ay abala sa pag alis ng alikabok at sapot sa bawat sulok ng dingding. At habang nasa ganoong pag lilinis kami, nawalis ni Raul ang isang lumang lawaran na nasa ilalim ng kama. Larawan namin ito Myron habang mag katabi sa higaan at magkayakap. "Tol saiyo yata ito." ang wika nito sabay apot ng litrato sa akin.   "Oo, iyan si Myron. Ang larawang iyan kuha sa aking silid isang linggo bago siya pumanaw." tugon ko naman habang pinag mamasdan ang larawan.   "Gwapo nga pala talaga yung Myron na iyan. Mukhang edukado at kagalang galang. Magandang manamit at desenteng disente ang anyo. Malayong malayo sa akin tol. Nakakahiya mang animin ngunit milya-milya ang layo niya sa akin na isang tambay at hindi nakatapos ng pag aaral." ang wika ni Raul na hindi maitago kalungkutan. "Simpleng tao lang naman si Myron. Katulad mo rin siya, malambing at palangiti. Halos mag kasing kutis at tangkad din kayo. Kaya naman kapag nakikita kita ay naaalala ko siya." tugon ko naman habang ibinubulsa ang larawan. Natahimik si Raul..   Nakatitig lamang ito sa akin.   "Okay lang naman sa akin malaki ang pag kakatulad namin. Ngunit sinisigurado ko sa iyo na malaki rin ang kaibahan ko sa kanya dahil mula ngayon ay nangangako akong hindi kita iiwan. Ikaw ang magiging prinsipe ko at ako naman ang kawal na palaging mag tatanggol sa iyo. Ayos ba iyon?" ang wika nito sabay ngiti at binuhat ang sakong nag lalaman ng mga maduduming kobre kama, muli siya lumakad patungo sa sasakyan habang ako naman ay nasa likod niya at pinag mamasdan ang kanyang pag lalakad ng may ngiti sa aking mga labi.   Itutuloy...  
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD