IRON POV
"Anong gusto mo, iced tea, juice, tea, o coffee?" tanong ko.
Nandito kami ni Arthur sa bahay ko. Matapos ang nangyari kagabi, hinayaan ko na na makauwi silang tatlo. Pagod na sila. Pagod na rin ako dahil sa dami ng nakita ko. Inimbitahan ko siyang pumunta sa bahay ko dahil feeling ko, may kailangan akong malaman mula sa sinambit niya kagabi.
"Tubig na lang po, Miss Iron."
Hinayaan ko muna sila Andrej at Gabrielle na magbantay kay Sandra sa Hospital. Dahil sa nangyaring pagsalakay ng ilang tauhan ng Phantom, nakaramdam ako ng pagbabanta sa buhay ni Alessandra kaya naman hindi ko muna siya pinahintulutan na makalabas ng Hospital kahit pa naka-schedule na ngayon na ang labas niya at bukod pa doon, gising na siya.
Umupo ako sa sofa ko at siya naman sa couch ko na kaharap ko lang.
"Nagpapasalamat ako na pinaunlakan mo ang imbitasyon kong pumunta dito sa bahay ko."
"Isa pong karangalan na masilayan ko ang bahay na iniwan ni Sir Artery."
Agad naman niyang binawi ang sinabi.
"Ah w-wala po akong ibig sabihin doon, Miss Iron."
Napangiti ako.
"Okay lang, Arthur."
Mabuting bata si Arthur. Kahit pa maaga siyang na-recruit sa pagiging agent, hindi mo makikita na nahuhuli siya kahit na bata pa siya, in fact, silang dalawa ni Andrej ang pinakamagagaling na batang agent ngayon. Marami na silang napatunayan sa larangan ng pagiging agent.
May lahi siyang hapones. Sa mukha pa lamang ay makikita mo na ang pagiging hapon niya dahil sa singkit na mata nito, magaling din siyang humawak ng mga sandata ngunit pinakabatikan siya sa espada.
Maganda sana ang mukha niya, makinis at may itsura. 'Yun nga lang, may malaking sugat sa kaliwang pisngi niya. At hula ko, espada rin ang may gawa niyon.
"Tungkol nga pala doon sa nakita natin kagabi, 'yung katawan ng lalaki. At yung sinabi mo..."
Hininto ko na ang sinabi ko dahil hindi ko alam kung anong isusunod ko sa pangungusap na iyon.
"Miss Iron, hindi ko sinasabi na 'yun talaga ang kalagayan ng lalaking iyon pero..."
"Ituloy mo."
Sigurado akong may dahilan kung bakit niya sinabi kagabi na robot yung lalaki.
"Hindi ko isinasara ang posibilidad na maaaring tulad ng iniisip ko ang taong iyon pero... nangyari na ito dati."
Kumunot ang noo ko dahil sa narinig ko.
"A-Anong...?"
"Miss Iron, sigurado ba kayong gusto niyong ituloy ko ang---"
Tumango ako.
Bumuntong hininga siya.
"Bago ako na-recruit at napasok dito sa agency bilang isang agent, nagkaroon ako ng propesyon na edukasyon. Binalak kong maging isang high school teacher na magtuturo sa asignaturang History. Kasaysayan ng Japan ang gusto kong ituro dahil ipinagmamalaki ko ang sarili kong bansa," panimula niya.
"At kasama sa mga kasaysayan na nabasa ko ay ang tungkol kay Shinozui Miyamoto. Isa siya sa mga naging pinuno ng Japan na nanungkulan noong 1674 at 36 taon niyang pinagharian ang buong Japan. Sa naunang 10 taon na kanyang termino, naging maayos ang ekonomiya ng bansa. Malayang nakipagkalakalan ang iba't-ibang bansa sa kanyang pamamahala. Ngunit nagbago iyon nang mapag-isip-isip niyang balang araw ay mawawala din siya sa kanyang trono."
"Kaya naman nagpalabas siya ng batas na kailangang sundin ng mga mamamayan na kanyang nasasakupan. Naisip niya na kahit gaano pa man kaganda ang maging pakikitungo niya sa mga tao, may iilan pa rin na sasalungat sa hangarin niya at gagawin ang lahat para mapatalsik siya sa pwesto."
"Ang nakasaad sa batas na iyon ay kinakailangang lahat ng mamamayan ng Japan, bata man o matanda, lalaki o babae, ay inuutusang magtrabaho at tutulong sa pagtatayo sa The Garden of the Rebirth. Isa iyong struktura na gawa sa bato na magsisilbing hangganan ng Japan mula sa katubigan at ibang karatig nitong bansa. Ipinababatid ng The Garden of the Rebirth na walang kahit na anong pwersa mula sa labas ng Japan ang makatatalo sa bansang ito."
Parang Great Wall of China pala ang The Garden of the Rebirth ng Japan.
"Pero hindi doon ang focus ng pamumuno ni Miyamoto. Habang abala ang lahat ng mamamayan niya sa pagtatrabaho sa The Garden of the Rebirth, nakaisip ng paraan si Miyamoto para mas lalong tumibay ang sandatahang lakas ng Japan lalo na't nakatanggap siya ng balita na may planong pagsalakay ang China sa kanyang bansa at sakupin ito."
"At ang paraang naisip niya para masolusyunan ang lahat ay ang pagiging robot ng kanyang mga sundalo."
"Si Shinozui Miyamoto ang unang nakaimbento ng robot. Kasama ang kanyang kaisa-isang pinagkakatiwalaang doktor, palihim nilang diniskubre ang tamang pormula para maging isang robot ang isang nilalang."
"Tinipon niya ang kanyang mga sundalo at inalok sila ng isang bagay na tinitiyak niyang hinding-hindi nila matatanggihan. Pinapili ni Miyamoto ang kanyang mga sundalo kung ipapahiram ba nila ang kanilang katawan para sa isang eksperimento o papatayin ni Miyamoto ang pamilya ng mga sundalong hindi susunod sa kanyang kagustuhan. Napilitan ang lahat ng sundalo sa kagustuhan ni Miyamoto kaya naman agad niyang isinakatuparan ang kanyang plano."
"Una siyang nagturok ng isang likidong pumaralyze sa mga katawan ng sundalo. At 'pag na-paralyze na ang katawan, tsaka na nila tuturukan ng kung anu-ano para bumagal ang t***k ng puso at utak nang kalaunan ay hindi na gumana. Unti-unti nilang papasukan at papalitan ng mga makina ang katawan ng biktima. Tatanggalin na ang mga lamang-loob at makina kasama ang mga maliliit na kable ang papalit dito. Ganon ang mangyayari hanggang sa matapos na ang proseso at makontrol na ng main controller ang mga robot na ginawa nito."
"Pero doon sa lalaking nahulog sa rooftop, bakit balat ng tao ang external niya? Tsaka yung boses niya, parang tao rin."
"Kasi Miss Iron, kapag naipasok na lahat ng kinakailangang makina sa katawan para kumonekta dun sa main controller, ibinabalik ang natural na balat na pag-aari mismo ng biktima. Ang pinapalitan lang nila ay 'yung internal ng biktima ng makina."
Napahawak ako sa aking bibig.
"At yung boses naman, pino-program nila na maging boses tao at hindi robot yung produkto nila para hindi mahalata ng ibang tao na iba sila at nasa paligid mo sila."
"Paano sila mamamatay? Mababawasan?"
"Malakas na impact lang ang kailangan nila para sumabog 'yung makina nila sa loob. O kaya, sunugin. Pero mas maganda kung pupunta ka dun sa main machine kung saan yun ang ginagamit ng main controller para kontrolin ang robot at mag-send ng command at impulse dun sa robot at i-shut down mo. Sa ganung paraan, masisira sila."
"Pero Miss Iron, hindi ako sigurado sa ideyang yung lalaking iyon ay isang produkto ng pagiging robot. Matagal nang lumipas ang panahon ni Shinozui Miyamoto at imposibleng ia-adapt pa rin ng kung sino mang main controller ang pagkontrol ng tao at gawing robot."
Hindi ko alam ang isasagot kay Arthur. Ramdam ko na alam niyang naiisip kong sugurin ang main controller at gusto niya akong pigilan doon.
Kung ang Phantom nga ang main controller, sigurado akong iinit ang dugo ko sa kanya at gagawin ko ang lahat para ipaghiganti si Artery mula sa pagpatay sa kanya ng Phantom.