IRON POV
"Walang damage?"
"Wala, Miss Iron. Baliktad ito sa inaasahan natin," sagot ni Andrej.
Nandito kami sa loob ng kwarto ni Sandra at inagahan kong pumunta para malaman kung ano ang nangyari sa kanya matapos may sumugod na tauhan ng Phantom kagabi.
"Hindi ako makapaniwala. Imposibleng walang nangyari."
At sinasabi ni Andrej at Arthur na walang kahit na anong nangyari kay Sandra sa pagpasok ng tauhan ng Phantom.
Hindi uuwi ng walang napapala ang tauhan niya at hindi 'yun pwede.
"Stable lang po talaga ang lagay ng pasyente, Miss Iron."
"Walang kahit na anong itinurok sa kanya?"
"Mula kagabi hanggang kanina bago kayo dumating, wala pa pong changes sa condition ni Miss McCartney. In fact, mas lumalakas pa ito."
Pero anong ginawa nila sa kwarto ng mga 'yun?
Malinaw pa sa sinag ng araw ang statement ng dalawang nagbabantay sa labas ng kwarto ni Sandra na may tatlong naka-puting maskarang lalaki na inatake sila. Dalawa ang nakipagsuntukan sa mga bantay at ang isa naman ay pumasok sa loob ng kwarto.
"How about dito mismo sa kwarto, wala bang kahit na anong nagbago?"
"Wala, Miss Iron."
Napapikit ako for too much disappointment.
"Bantayan niyo ang kwarto ni Alessandra McCartney. Kung maaaring doblehin niyo ang seguridad dito, gawin niyo."
"Paano po pag nagtanong ang Master?"
"Akong bahala."
Lumakad na ako palabas ng kwarto. Pupuntahan ko naman 'yung katawan no'ng lalaking nahulog sa rooftop na tauhan ng Phantom. Si Gabrielle ang may handle doon. First floor of the Hospital, that's the setting.
Kilala ko ang Phantom. Hindi 'yun magpapalabas ng tauhan niya nang walang mabigat na dahilan. Knowing this? Meron siyang ginawa. At 'yung ginawa niya, kailangan kong malaman kung ano 'yun.
White mask ang signature look ng Phantom. Nakilala ko siya dahil siya ang huling mission ni Artery bago ito namatay. Hindi pa ako pasok sa agency that time pero ipinapaalam na sa akin ni Art ang lahat ng tungkol sa mission niya—na labag sa policy ng agency. Kung ano ang mission ko ngayon, yun ang last mission niya. Naniniwala siya na ang the man of illegal businesses sa Holmberg ay ang Phantom. Pero kahit na saang anggulo ko tignan, hindi ko pa rin makuha kung paano.
Conclusion lang ang pinanghahawakan ni Art at gusto niyang patunayan na totoo siya.
Hanggang sa namatay siya. Hanggang sa ngayon ay hindi pa nakikita kung sino ang talagang pumatay kay Art. Pero may ebidensya.
Katabi ng bangkay ni Artery ang isang puting maskara.
At yung puting maskara na 'yun ang nakita ko para isipin na ang Phantom ang pumatay sa pinakamamahal ko.
But the thing is, walang kahit sino na nakakakita kay Phantom. Walang kahit na ano para malaman namin kung sino siya. Walang way para malaman ko kung sino siya.
"Iron, ang tagal mo. Akala ko babalik ka talaga kagabi."
"Nandyan na ba?" tanong ko.
"'Yung katawan nung lalaki? Oo," kumpirma niya.
Lumapit ako sa sliding door. Inilabas ko ang ID ko at itinapat 'yun sa isang maliit na camera sa itaas ng hawakan ng pinto.
Information confirmed.
Kusang bumukas ang sliding door.
I step forward but I felt that Gabrielle will follow me inside.
"Gab, ako lang."
"Pero---"
Bago pa man siya natapos magsalita ay awtomatikong nagsarado ang pinto at naiwan siya sa labas.
Sinalubong ako ng tahimik na kwarto. Dark green ang kulay ng buong kwarto na ito. Dingding, pader, kahit na ano. Wala namang ibang kagamitan sa kwartong ito at tanging ang kama lamang na may katawan sa ibabaw ang aagaw sa atensyon mo.
Nilapitan ko ang katawan sa ibabaw ng kama, ayokong tawagin na bangkay na ang isang ito—hindi ako sanay. Natatakpan ng puting tela ang katawan kaya naman ibinaba ko ang tela na tama lamang para makita ko ang mukha niya. Namumutla na ang kulay ng balat ng lalaki. Gaya nga ng inutos ko kay Gab, wala na itong naiiwang bakas ng dugo.
Alam kaya ng pamilya ng taong ito na patay na siya? Syempre, hindi. Pero bakit naatim niya na maging tauhan ng Phantom? Hindi ba siya natatakot sa maaaring kahihinatnan ng pamilya niya sa oras na mamatay na siya?
Umiling ako.
Matindi ang dinanas ng isang ito para mapapayag siya na maging tauhan ng Phantom. Matindi to the point na grabe ang takot niya at hindi niya sinasabi sakin ang plano ng boss niya at sa kahuli-hulihang hininga niya, loyal pa rin siya sa Phantom.
Hanggang ngayon ay hindi ko pa rin alam ang motibo nila. Kung bakit nila natakasan at nagawan ng paraan para makapasok sa lugar namin. Paano nila nalaman ang tungkol kay Sandra? Hindi kaya ang Phantom ang kumuha kay Dutch? Pero kung gano'n nga, ano ang meron kay Dutch at kukunin siya ng Phantom?
Naglakad ako palapit doon sa swiss army knife na nakasabit sa pader 'di kalayuan sa kama na hinihigaan ng lalaki.
Ang sigurado lang ako, babalikan nila si Sandra.
Naglakad ako pabalik doon sa kama ng lalaki nang dala-dala 'yung knife.
Tinitigan ko 'yung mukha ng lalaki. Hindi ko pa siya nakikita before at gusto kong matandaan yung mukha niya dahil may photographic memory ako.
"Iron---!"
Bigla akong napalingon kay Gabrielle.
"Iron! Tingnan mo!" gulat na sabi niya.
Itinuro niya 'yung katawan ng lalaki. Bagaman nababalutan ito ng puting tela, kitang-kita namin kung paano bumaon yung swiss army knife sa katawan nung lalaki.
"Iron! Pinatay mo siya!" sabi ni Gab.
Hindi ko alam kung anong gagawin ko. Kung anong uunahin kong gawin. Kung patatahimikin ko si Gab dahil sa lakas ng boses niya o huhugutin ko yung kutsilyo mula sa pagkakasaksak nito sa katawan ng lalaki.
I rolled my eyes at him.
"Patay na 'to," sabi ko.
"Teka, sandali! Iron---!"
Parang mauubusan ng hininga si Gab dahil umakto siyang pinapaypayan ang sarili at nasu-suffocate pero mas lumapit siya sa katawan ng lalaki.
Napako ang tingin niya doon sa pagkakabaon ng kutsilyo sa katawan na nasa harap namin.
"Tanggalin mo na, Iron!" sabi niya.
Unti-unti kong hinawakan at tinanggal yung kutsilyo mula sa katawan. At nang tuluyan ng makalayo ang kutsilyo...
"Bakit walang dugo?" malungkot na tanong ni Gab.
"Ano ka ba, hindi ba't inutusan kitang linisin na ang katawan nito---"
"Iron, tumigil ka muna! Look!"
Nagpa-panic siyang itinuro sakin ang sinasabi niyang 'Look' at pareho kaming natulala sa nasaksihan namin.
Even me. Paanong nangyaring...
"Oh my gosh! Parang mutant powers ni Wolverine!"
I was speechless.
"Iron, tignan mo kaya 'yung hiwa sa likod niya. Hindi ba't yung likod niya ang unang tumama sa lupa?"
Tinitigan ko muna siya ng matagal bago nagsalita.
"Gabrielle, tawagin mo mula sa itaas sila Andrej at Arthur. I need them."
"Bakit?"
"Basta. Do it," utos ko.
Inilabas niya ang phone niya at nag-dial ng numero.
Hindi ako makapaniwala sa nakikita ko. Paanong...
Nang tanggalin ko na 'yung kutsilyo mula sa pagkakabaon nito sa katawan ng lalaki, ilang segundo lamang ang tinagal at mabilis itong naghilom. Para siyang sugat na nag-regenerate at parang walang nangyari.
Sabi nga ni Gabrielle, tulad ito ng kakayahan ni Wolverine ng X-men na mabilis maghilom ang sugat o hiwa.
Pero tao siya at wala siyang kahit na anong ipinagkaiba sa balat ko o kay Gab o sa kahit sino. Pero ano itong nakikita namin ngayon?
"Grabe Iron! Namamalikmata ba tayo? Hindi naman ako nagha-hallucinate di ba?"
"Tumigil ka nga. Nga pala, bakit mo ako tinawag kanina? Anong kailangan mo?"
"Tumawag sakin 'yung security sa labas kanina, ang sabi, may naghahanap daw sayo."
"Nalaman mo ba kung anong pangalan?"
"Ah oo. Kill yata. O Hill, ewan. Basta katunog nun."
"Chill Haugen?"
"Oo! 'Yun na nga!"
"Sabihin mo sa security, pauwiin niya na si Chill. Bukas na lang kami mag-uusap."
"Wala ka bang phone? Ikaw na lang."
"Gusto mo bang sayo ko itarak ito?" banta ko habang ipinapakita sa kanya yung kutsilyo.
"Madali naman akong kausap eh, hehehe."
"Miss Iron, Sir Gabrielle."
Nakuha ng atensyon ko ang dalawang pumasok.
"Kayo pala Andrej, Arthur."
"Ipinatawag niyo daw po kami."
"Ah oo."
Itinuro ko ang katawan ng lalaki na nakahiga sa kama at tsaka nagsalita.
"Baliktarin niyo ito at iharap ang likod."
Tumango ang dalawa at nagtulungan sa utos ko.
Nahagip pa ng mga mata ko na nanginginig si Gab. Ilang saglit lang ang itinagal at nagawa na nila.
Lumapit ako sa katawan ng lalaki at inilipat ko ang tingin ko kay Gab.
"Nasaan dito yung sugat na sinasabi mo?" tanong ko.
"D-Dyan! Dyan mismo sa spinal cord niya. Dapat may hiwa o kahit pasa na naiwan man lang, bakas na nahulog siya mula sa rooftop."
Pero kabaliktaran ng nakita namin ang sinasabi ni Gabrielle. Malinis ang likod ng lalaki at walang kahit anong marka na nagkaroon ito ng mga sinasabi ni Gab.
"Baliktaran niyo na ulit," utos ko.
Lumapit sakin si Gab. Kinalikot niya ang phone niya at pinakita sakin ang nasa screen nito.
"Tingnan mo, Iron! Dapat meron kahit konti niyan sa likod ng lalaki!"
"Bakit mo kinunan ng picture?"
"R-Remembrance?" depensa niya.
Tinitigan ko ng mabuti ang nasa screen ng phone ni Gab. Ipinapakita nito yung likod ng lalaki bago nila nilinis ang katawan nito na punung-puno ng dugo, sugat, pasa, at may mahabang hiwa sa gawing spinal cord ng lalaki.
Pero kahit isa no'n ay wala kaming nakikitang kahit na anong bakas no'n ngayon.
"Sigurado ka bang likod niya nga ito?" tanong ko kay Gab na itinuturo yung lalaki.
"Sigurado ako! Promise!" sabi niya.
Huminga ako ng malalim. May mga bagay din akong gustong sagutin ngayon. Bakit may ganitong kakayahan ang lalaking tauhan ng Phantom? Mabilis maghilom ang sugat niya at walang kahit anong naiwang marka na bakas na patay na ito?
Shit.
"Arthur."
"Yes, Miss Iron?
"Gumawa ka ng mahabang hiwa sa dibdib niya gamit ang espada mo."
Tumango siya at sinimulan na.
"Iron, nakakadiri yung inuutos mo!" kunot-noong sabi ni Gab.
"Manahimik ka."
Nakita kong natapos na si Arthur sa paggawa ng mahabang hiwa sa dibdib ng lalaki kaya naman tinitigan ko ito.
Gaya ng nakita namin ni Gabrielle ay mabilis na naghilom ang hiwa na ginawa ni Arthur pero hindi 'yun ang nakakuha ng atensyon naming apat.
*kssssspp*
Habang nagdidikit 'yung magkabilang balat ng hiwa sa katawan ng lalaki, may nakita kaming biglang nag-spark sa loob ng hiwa ng katawan ng lalaki. Parang may biglang sumiklab sa loob nito ngunit mabilis ding nawala.
"Ano 'yun?" tanong ni Gab.
Naghihintay siya ng kasagutan mula sa isa sa amin ngunit maging kami rin ay mayroong tanong na tulad ng kanya.
"Gumawa ka ulit ng hiwa Arthur. Mula sa kanyang leeg pababa sa pusod niya," utos ko.
"Iron, tama na! Hindi ka ba nakokonsensya? Patay na nga 'yung tao, pinape-pyestahan mo pa yung katawan niya," pagpipigil ni Gab.
"Paano ko malalaman kung ano 'yung nasa loob ng katawan ng lalaki iyan..." itinuro ko yung lalaking nakahiga sa kama at namatay dahil sa pagkakahulog sa rooftop.
"Kung hindi natin hihiwain ang dibdib niya?"
"Miss Iron, tapos na," sabi ni Arthur.
Itinuon ko ang pansin ko sa katawan ng lalaki na ngayon ay may panibagong hiwa na naman.
This time, ako na ang gumawa ng paraan para alamin ang sagot sa tanong ko.
Isinuot ko ang gloves at hinawakan ang magkabilang side ng hiwa. Nang magawa ko na ito, ibinuka ko ang hiwa at nakita ang nasa loob.
My eyes widened.
Bakit... bakit ganito ang nasa loob?
"Yuck!" kumento ni Gabrielle.
Malalim na tingin lang ang ipinukol ni Andrej sa hiwa. Marahil ay nag-iisip din ito.
I can't believe this. Bakit ganito?
Nang ibinuka ko ang hiwa, nakita ko na may maliliit na kable na nakasaksak sa isang maliit na machine. 'Yung ibang kable ay nanatiling nakasaksak sa kani-kanilang saksakan ngunit yung iba naman, putol na. At 'yung iba ay halatang sumabog.
Ang ipinagtataka ko, bakit may ganitong mga bagay dito sa loob ng katawan ng lalaking ito na tauhan ng Phantom?
Tahimik ang lahat dahil sa nasaksihan namin ngunit binasag iyon nang magsalita si Arthur.
"Walang puso ang isang ito."
Napatingin sa kanya si Gab.
"Patay na nga, sinabihan mo pa ng walang puso."
"I'm sorry Sir Gabrielle. Pero hindi 'yun ang ibig kong sabihin."
Ikinabigla namin ang naging sagot ni Arthur kaya napatingin kami dito.
"Hindi siya ordinaryong tao, robot siya."