Hindi ako makapaniwala na hindi ko man lang magawang hawakan ang mahiwagang ibon. Bakit? Naguguluhan ako. Ang sinabi ni Gurong Arnoux ay luluha lamang ito kapag naramdaman niya ang galit sa puso ng diwatang kaharap niya. Wala naman akong nararamdamang galit kahit na kanino, kaya bakit hindi niya ako magawang bigyan ng kanyang gintong plumahe? Hindi ako makapaniwala! Narito na sa aming harapan ang susi upang matulungan ako ng huling salamangkerong guro ngunit tila ba hindi pa ito magiging madali. “Nakikiusap ako sa ‘yo na pagkalooban mo ako ng iyong gintong plumahe, kaibigan, hindi ko batid kung bakit lumuluha ka sa tuwing ako’y lalapit gayong wala namang galit sa aking puso,” ang nagmamaka-awang saad ko. Ngunit hindi ako pinakinggan o nilingon man lang ng Ibon na Apoy, patuloy pa rin i