Simula
Elex Vespertine’s Dream…
Marahan kong iminulat ang mga mata ko nang makarinig ng mga katok mula sa nakasarang pinto ng kuwarto. Tumingin ako sa orasan na nasa bedside table at agad na kumunot ang noo ko nang mapansing alas dos na ng madaling araw.
Wala sana akong balak na tumayo dahil inaantok talaga ako pero baka may kailangan ang mga kaibigan ko. Kasama ko kasi ang dalawang matalik kong kaibigan sa apartment na ito.
Sina Nox at Siria.
Hindi ko alam kung gaano na kami katagal na magkakaibigan, ni hindi ko na nga rin alam kung saan at paano nagsimula. Nagsimula kaming magsamang tatlo sa iisang apartment noong tumuntong na kami sa kolehiyo, at kahit noong nakapagtapos at nakapagtrabaho na kami ay hindi na kami naghiwa-hiwalay pa.
Actually, they are not just my friends. I consider them as my second family. Sila ang tipo ng kaibigan na hindi ako iniwan sa lahat ng bagay. Sila ang tumutulong sa akin kapag may problema ako kaya mahal na mahal ko sila.
Mahina akong napabuntong-hininga bago nagpasyang tumayo mula sa kinahihigaang kama. Dahan-dahan din akong naglakad papunta sa pinto para pagbuksan ang kung sino mang kumakatok.
Bigla akong nakaramdam ng pag-aalala nang mapansin ang mugtong mga mata ni Siria, ang isa sa dalawang matalik kong kaibigan.
“Is everything okay?” kunot-noong tanong ko sa kanya, mabilis pa sa alas-kuwatrong umiling siya at yumakap sa akin.
“H-Hindi pa kasi umu-uwi si Nox, nag-aalala na ako,” ang sagot naman niya.
Magkasintahan sila ni Nox, at hindi na bago sa akin ang ganitong pangyayari. Madalas kasi ay late na talaga kung umuwi si Nox tapos ay lasing pa.
Iginiya ko siya papunta sa kusina ng apartment namin at agad na pinaupo sa isang silya, tapos ay naglakad ako patunong pridyider para ikuha at bigyan siya ng tubig.
“Hindi ba siya nagsabi kung saan siya pupunta? Hindi ba siya nagpa-alam o nag-text man lang sa ‘yo?” tanong ko ulit sa kanya, umiling naman siya.
“Hindi ko maintindihan pero pakiramdam ko ay hindi na siya ang Nox na nakilala ko. Parang ibang tao na siya. He’s been acting so weird lately, tapos… tapos sinaktan pa niya ako last week habang nasa duty ka,” kumunot ulit ang noo ko dahil sa huli niyang sinabi.
Sinaktan siya ni Nox? Kilala ko si Nox. Mas nauna kaming naging magkaibigan at hindi siya ang tipo ng tao na mananakit. Mabuting tao si Nox.
“Paanong sinaktan?” nag-aalalang tanong ko.
“He slapped me, Elex. I was so scared that night. He grabbed my hair and slapped me twice. Tapos inaakusahan niya ako na nangangaliwa sa kanya at kilala raw niya ang lalaki ko,” sagot niya.
“Bakit hindi mo agad sinabi sa akin?” tanong ko ulit.
“Kasi alam kong mag-aalala ka. Atsaka… nag-sorry rin naman siya agad, ang sabi niya ay nabigla lang siya,” napabuntong-hininga ako sa sinabi niya.
“Paano naman niya nasabi na nangangaliwa ka? May nakita ba siyang katrabaho na kasama mo? Baka nag-selos lang siya?” sunod-sunod na tanong ko.
“Hindi ko alam, Elex. Pero may suspetsa ako na dahil ito sa droga,” naguluhan naman ako sa sinabi niya.
“Ano?” hindi makapaniwalang tanong ko.
May isang maliit na plastic naman siyang kinuha mula sa bulsa niya at agad niya iyong inilapag sa mesa. Sa loob ng malinaw na plastic ay may mga maliliit na kulay berdeng tableta. I know this type of drugs. This is elixir.
Isa ito sa mga ipinagbabawal na gamot. Base kasi sa nabasa ko ay ang side effect daw nito ay mag-iisip ka ng kung ano-anong mga bagay at iisipin mo ring totoo iyon kahit na hindi naman. Nakakapraning daw.
“Saan mo nakuha ito?” tanong ko sa kanya.
“Sa bulsa ng isa sa mga jeans niya.”
“Kailan?”
“Last week din, pagkatapos niya akong saktan,” nagulat ako sa sinabi niya.
“Last week pa, Siria? Bakit hindi mo sinabi sa akin agad?” hindi makapaniwalang tanong ko.
“K-Kasi natatakot ako! Atsaka hindi pa naman tayo sigurado na gumagamit nga siya nito, eh,” sagot niya kaya napa-iling ako.
“Siria, alam nating pareho na hindi nananakit si Nox pero nagawa ka niyang pagbuhatan ng kamay, at ikaw na rin ang nagsabi na parang nag-iba ang ugali niya. I have to talk to him,” saad ko.
Inilabas ko ang cellphone ko mula sa bulsa ko para sana tawagan si Nox pero agad na nagbukas ang pinto ng apartment namin. Pumasok si Nox na mukhang lasing tapos ay namumula pa ang mga mata. Ngumisi at umiling pa siya nang makita niya kami ni Siria.
“S-Sinasabi ko na nga ba!” pagalit na saad niya kaya nalito ako. “Ang kakapal ng mga mukha niyong lokohin ako! Itinuring ko kayong kaibigan!” dagdag pa niya.
Magsasalita na sana ako pero agad niyang inilabas mula sa likod niya ang isang baril. Agad akong nakaramdam ng takot kaya mabilis kong itinago sa likod ko si Siria na halatang natatakot na rin.
“Nox, mali ka ng iniisip,” mahinahong saad ko habang iminumuwestra ng mga kamay ko na huminahon siya.
“Hindi ako tanga! Alam kong may relasyon kayo! Ano, ha? Masarap bang iputan ako sa ulo? Masaya ba na pagmukhain akong tanga?” gigil na saad niya kaya mabilis akong umiling.
“Hindi, Nox! Nagkakamali ka. Hindi ko magagawa sa ‘yo ang sinasabi mo kasi kapatid na ang turing ko sa ‘yo,” sagot ko naman.
Pinipilit siyang paniwalain sa katotohanan kahit na hindi ko alam kung may epekto ba dahil sa estado niya ngayon. He looks so drunk and under the influence of drugs, and this is not good.
“A-Ano ba ang ginawa ko sa inyo para lokohin niyo ako, ha?” pagalit na tanong niya habang nakatutok sa akin ang baril, mabilis naman akong umiling dahil sa takot.
“Nox, huminahon ka, please…” pagmamaka-awa ko.
Ramdam ko naman ang mga kamay ni Siria na nakakapit sa likod ng tee shirt ko na nanginginig, rinig ko rin ang mahihinang hikbi niya.
“Nox…” ang tawag ni Siria, tapos ay lakas na loob na lumabas mula sa likod ko. Aawatin ko sana siya pero nagpumiglas siya. “Nox, h-hindi kita magagawang lokohin kasi mahal kita,” saad niya.
“H-Hindi! Hindi ako naniniwala! Mga hayop kayo!” sagot naman ni Nox.
“Nox, m-matulog na tayo, please… ibaba mo na ‘yan,” ang mahinahong saad Siria habang dahan-dahan siyang naglalakad palapit kay Nox.
“Huwag kang lalapit!” nakaramdam ako ng takot sa galit ni Nox, gusto kong awatin si Siria sa paglapit sa kanya pero natatakot akong gumalaw dahil baka mas lalo siyang magalit.
“N-Nox, plea—”
“Tumigil ka!” hindi na natapos ni Siria ang sasabihin dahil sa pagsigaw ni Nox na parang nababaliw, tapos ay paulit-ulit pa niyang pinaputok ang hawak na baril na parang nawawala na talaga siya sa katinuan.
Mabilis ang mga nangyari, nahanap ko ang sarili ko na nakahandusay sa malamig na sahig at nakatingin kay Siria na ngayon ay wala ng malay habang ang ang masaganang dugo ay lumalandas mula sa ulo niya.
Wala naman akong maramdamang sakit pero ramdam ko ang init sa kaliwang bahagi ng dibdib ko, para akong namamanhid pero ramdam ko rin ang pagbigat ng aking mga mata at dahan-dahang panlalabo ng mga ito.
“S-Siria… Elex…” ang narinig kong saad ni Nox.
Bago ako tuluyang nawalan ng malay ay nakita ko pa siyang lumuhod sa harap namin ni Siria habang umiiyak na parang nahimasmasan dahil sa nangyari. Nakita ko rin kung paano niya itapat ang hawak niyang baril sa sentido niya.
Ito na ba ang katapusan? Hindi ko alam…