Ang akala ko ay makakapagpahinga ako ng maayos sa silid na inihanda ni Gurong Arnoux, ngunit hindi pala. Masyadong magulo at maingay ang mga alaga niyang hayop. Pansin ko na maging sina Nox at Siria ay walang ibang nagawa kung hindi humiga na lang at titigan ang mga ahas sa taas. Mariin akong pumikit bago nagpasyang umupo. Napabuntong hininga rin ako kung kaya’t agad na napatingin sa akin sina Nox at Siria. “May problema ba, Elex?” tanong ni Nox. Nais ko sanang sabihin sa kanila ang tumatakbo sa aking isip ngunit hindi ko ito magawang isaboses lalo na at batid kong maraming tenga ang nakikinig sa amin. Hindi ko talaga maiwasang magduda kung mayroon ba talagang matutulong sa akin si Gurong Arnoux. Base kasi sa aking obserbasyon at nakikita ay tila ba lagi siyang wala sa kanyang sarili.