Kasalukuyan kaming nasa hapag kainan nina Nox at Siria kasama si Gurong Artemis. Hindi mawala sa aking labi ang ngiti dahil sa wakas ay ganap ko nang nagagamit ang aking mahika. Maging sina Nox at Siria ay sadyang natutuwa dahil sa nalaman. Ngunit hindi ko pa nababanggit sa kanila ang sinabi sa akin ni Gurong Artemis patungkol sa aking bangungot. Ngunit sa tingin ko ay hindi na muna iyon mahalaga sa ngayon, saka ko na sila kakausapin tungkol doon kapag tapos na ang kaguluhan sa aming mundo. Habang nakaupo ay nakatitig ako sa aking mga kamay at paminsan-minsang naglalabas ng pinaghalong kulay puti at itim na mahika. Ramdam ko rin na tila ba ang mahikang aking taglay ay mas binigyan ako ng pisikal na lakas. “Hindi na ako makapaghintay na maging maayos ang lahat,” nakangiting saad ni Siria