Chris’ POV
Tinitigan ko ang babaeng payapang natutulog sa aking braso. Hinalikan ko ang kanyang noo at tumingala sa halos sira-sira nang bubong ng aming bahay. Bumuntong-hininga ako. Hindi ang ganitong klaseng buhay ang hangad kong ibigay kay Rosalie. Kung tutuusin ay hindi siya nararapat sa lugar na ito. Ang lugar kung saan ako lumaki. Isang lugar na pinandidirihan ng mga taong matataas ang antas sa buhay. Ang buhay na kinabibilangan ni Rosalie. But she took the risk of losing it all just to be with me. Because she loves me.
Umungol ito at kumilos. She opened her eyes at nang magtama ang mata namin, matamis na ngumiti ito. "Anong oras na Topher?" namamaos pa ang boses nito.
"Alas-sais ng gabi." tipid kong sagot at gumanti din ng ngiti.
Gulat ang mukha nito na nakatingin sa akin. "Bakit hindi ka pa gumagayak? Baka malate ka sa trabaho mo?"
Pang-gabi ang trabaho ko sa Dela Vega Suites. Isa akong crew ng Maintenance department. Tagalinis ako ng opisina ng Audit/Finance at sa Housekeeping department. Pero madalas ay sa exit at elevator landings ako nakatalaga. Pero depende pa rin kung saan ako iaa-sign ng head namin. Nag-aaral ako sa kolehiyo sa araw at sa gabi nga ay nagtatrabaho. Ito lamang kasi ang paraan para masuportahan ko ang aking pag-aaral at sa iba pang gastusin. Isa akong skolar pero may mga matrikula na kailangang bilhin. Wala akong mapagkukunan ng gastos din dito sa bahay kaya kailangan ko magtrabaho sa gabi.
"Ayoko kasi na madistorbo ko ang mahimbing mong tulog, Rosalie." Sagot ko sa babae. Umupo ito nang patalikod sa akin. Her body and skin were flawless. Para sa isang dukhang katulad ko, ang swerte ko na na minahal ako ng isang tulad niya.
Tinulungan ko itong ikabit ang kawit ng kanyang bra. Nang makapagbihis ay nagsalita ito. "Idadaan na lang kita sa hotel para hindi ka malate. Dala ko naman ang kotse ko." Ang kotse nito ay laging nakaparada sa malayo para hindi mapagtripan ng mga adik sa eskinita.
Tumango lamang ako at sumandal sa dingding kung saan nakadikit ang maliit kong higaan. "Gumayak ka na Christopher, at ipaghahanda kita ng hapunan." Dagdag pa nito.
Ngumiti ako dito. Sa kabila ng pagiging anak-mayaman niya, likas na hindi maarte si Rosalie. Ilang buwan pa lang kami pero nakikita ko ang kagandahan ng kanyang kalooban. Unang beses na dinala ko siya dito ay hindi ko man lang ito nakitaan ng pangmamata at pandidiri sa paligid. Alam ko noong nililigawan ko pa lang ito na malayo na ang agwat ng aming buhay. Sa umpisa pa lang ay naging tapat na ako sa kanya at sinabi kong wala akong maiaalay sa kanya sa ngayon. Pero dahil daw sa pagiging honest ko ay mas lalong minahal niya ako. Malapit din ang loob nito sa lola ko na ngayon ay tiyak akong nasa payak namin na sala at nanonood sa luma naming telebisyon.
"Uuwi ka ba sa inyo ngayon?"
Tumigil ito at humarap sa akin. "Oo. Uuwi si Daddy ngayong gabi at sa bahay daw maghahapunan. Bukas na lang tayo magkita sa school."
"Naiintindihan ko."
Huminga ng malalim si Rosalie bago umakyat sa kama at dumapa sa harap ako. Mabilis ko namang kinabig ang baywang nito.
"Sorry ha. Hindi kasi ako mapagtatakpan ng kakambal ko ngayon. Baka kasi magtaka si Daddy kung bakit halos gabi-gabi na lamang akong hindi umuuwi sa bahay. Ayokong mabuko tayo. Paghihiwalayin niya tayo, Topher." I could see the fear in her eyes.
"Wag kang mag-aalala, Rosalie. Naiintindihan ko ang sitwasyon natin. At kung sakali mang magkabukingan, handa kitang panagutan. Haharap ako sa ama mo kung kinakailangan." Hinaplos ko ang makinis nitong pisngi at ginilid ang buhok na tumatabing sa kanyang maamong mukha.
Hinalikan ako nito sa labi saka ngumiti. "Bangon na, Attorney."
Tumawa ako. "Tawagin mo ako ng ganyan, dalawang taon mula ngayon."
"Alam ko na agad na magtatagumpay ka sa pag-aaral mo, Topher. Dahil isa kang masipag na estudyante. Bukod sa matalino at sobrang gwapo. Ngayon pa lang, proud na proud na ako sa'yo."
"Alam mo, may oras pa tayo eh." I changed our position at ako ang pumaimbabaw sa kanya. Panay ang halakhak nito dahil kinikiliti ko ang kanyang tagiliran. But when I silenced her with my mouth, everything was in deep silence as well.
**********
Pero hindi ko akalain na magiging magulo ang susunod na mangyayari. Kinabukasan sa canteen, si Carrie na kakambal ni Rosalie ang tanging namataan kong papalapit sa aking mesa. Usually, ay sabay-sabay kaming tatlong kumakain ng tanghalian dito.
"Si Rosalie?"
Carrie cleared her throat bago umupo sa harap ko. "May mga guards na nagmamasid sa akin ngayon, Topher. Hindi ako magtatagal. Nandito lang ako para sabihin sa'yong grounded ng isang linggo si Rosalie. Nalaman ni Daddy ang tungkol sa inyong dalawa. Pinagbabawalan na niya si Rosalie na makipagtagpo sa'yo kung hindi, dadalhin ni Dad si Rosalie sa America. I am sorry, Topher. Pero walang kahit sino ang makakabali ng desisyon ni Daddy, not even our Mom."
"Nagmamahalan kami." Sa ilalim ng mesa ay naikuyom ko ng husto ang aking kamao. Gusto kong magwala sa galit.
"Alam ko. Pero......pero ayaw ni Daddy sa isang......alam mo na....katulad mo....I am not judging you, Topher. Hell, I even lied many times to our parents para lang pagtakpan ang kakambal ko. But let's face it. Hindi ka tanggap ni Daddy. He hates your background. He hates your job. He hates your personality. He hates everything about you."
"He hates me because I am a nobody. Pero handa naman akong magsikap para mabigyan ng magandang kinabukasan si Rosalie. Gagawin ko ang lahat para sa kakambal mo."
"I know. Pero hindi ka kailanman matatanggap ni Daddy para sa pamilya namin, Topher. Kahit anong paliwanag ni Rosalie, ayaw niyang tanggapin."
"He simply doesn't like me."
"Exactly." Ginagap nito ang aking palad at pinisil ng marahan. "I am sorry pero kailangang ko ring dumistansya sa'yo. Take care Topher." she stood up at umalis sa harap ko.
Napasuntok ako sa mesa at halos baligtarin ko ito. Pinagtitinginan na ako ng ibang estudyante pero wala akong pakialam. Kailangan kong makausap si Rosalie. Pupuntahan ko ito sa bahay nila.
Matapos ang klase ko ay mabilis akong lumabas ng campus. Tumungo ako sa isang exclusive village kung saan nakatira doon si Rosalie. Sa labas pa lang ay hinarang na ako ng mga gwardiya. Nang maitawag sa bahay nito na gusto kong maka-usap si Rosalie ay pinapasok ang sinasakyan kong taxi.
Umalis din agad ang taxi matapos akong magbayad. Nagdoorbell ako at kinalampag ang gate nila.
"Rosalie! Mag-usap tayo!" Sigaw ko.
Bumukas ang gate at limang lalake ang lumabas mula roon. Hindi pa man bumuka ang bibig ko para magtanong ay agad na sinuntok ako ng isa. Natapon ang bag at mga libro kong dala sa kalsada. Hindi pa ako nakakatayo ay sinunggaban ulit ako at binigwasan. I fought back but they were too many and too large compared to my body built. Maskulado ang mga lalake at ang bawat suntok nila sa akin ay halos yumanig sa mundo ko.
Humandusay ako sa kalsada at hindi na makatayo pa. I could taste the blood dripping down my face. Halos hirap din akong makahinga dahil sa ilang beses na sinikmuraan ako ng mga ito. Napapapikit ako dahil nagdidilim ang aking paningin.
"Tama na, Dad. Please nakikiusap ako. Lubayan nyo na siya. Hindi na ako makikipag-usap pa sa kanya. Susundin ko lahat ng gusto nyo, pero please, tantanan nyo na siya. Wag nyo na siyang saktan. Mabuti siyang tao." Rinig ko ang mga hikbi ni Rosalie. Gusto kong kumilos at ibaling ang aking ulo sa kanyang direksyon pero sadyang hindi ko maigalaw ang aking katawan.
"Siguro naman ay magtatanda ka na." Isang tadyak sa tagiliran ang ginawa pa sa akin at napaubo ako.
"Tama na kasi! Ano ba! Topher, I'm so sorry. I am so sorry, babe." Rosalie screamed in anguish.
"Ito ba ang lalakeng pinagtatanggol mo, Rosalie? Na ang ina ay isang puta at hindi malaman kung sinong banyaga ang nakadali kaya naipanganak yan sa mundo? Huh! Isang anak ng mahirap. Anak ng isang bayarang babae na nagbebenta ng laman sa pipitsuging bar? Ganitong klaseng tao ba ang nararapat sa'yo, Rosalie! Hindi mo ginagamit ang sintido kumon mo! Ihatid nyo na yan sa nakakasulasok na lugar na pinaggalingan niyan!"
Hinila ako ng mga lalake at pabalyang ipinasok sa isang kotse. Nananakit ang buo kong katawan pero higit na masakit ang mga pang-iinsulto ng ama ni Rosalie sa akin. Oo, lahat ng iyon ay totoo. Kahit matagal nang namatay ang aking ina ay nasusuklam pa rin ako sa mga ginawa niya noon. Na namulat ako sa dahas. Sa mga pananakit na narasanan ko habang nagkakaisip ako sa kamay ng aking ina. Pero pinatawad ko na siya. Sa lahat ng ginawa niya sa akin. Dahil napawi ang lahat ng iyon sa pagmamahal ng aking lola sa akin.
Pero ang husgahan ang pagkatao ko ay sobrang nakakagalit. Walang kinalaman ang nakaraan ko o ang aking pinagmulan sa kung anong klaseng tao ako ngayon. Hindi iyon ang sukatan ng pagkatao. Nag-aaral akong mabuti. Nagtatrabaho ako ng marangal at halos hindi na nagpapahinga para lamang makaraos kami sa pang araw-araw na buhay. Hindi ako gumagawa ng bagay na ikakapahamak ko. Bakit hindi iyon ang makita niya? Bakit hindi ang kabutihan ko ang nakikita nila? Bakit ang pinagbabasehan nila ang pangit na mundong kinagisnan ko? Have they ever looked into my heart? Into my soul? Ganito ba talaga ang mayayaman? Ganito ba sila humusga ng pagkatao?
************
Dalawang gabi akong hindi pumasok sa trabaho, pero ngayon ay kailangan ko nang pumasok. Hindi ako pwedeng mawalan ng trabaho. Iniisip ko pa rin ang aking pag-aaral at ang kagustuhang makapagtapos. Dahil alam ko, ito lamang ang magiging susi ko para magbago ang aking kapalaran. Iniisip ko din ang kapakanan ni lola. Kailangan din kasi nito mag mintina ng gamot para sa kanyang altapresyon. Halos inatake nga ito sa puso noong gabing umuwi ako na puro galos at pasa. Hindi ko na lamang sinabi sa kanya ang totoo dahil ayokong mapasama ang tingin niya kay Rosalie.
Kumikirot pa rin ang ilang bahagi ng aking katawan at bakas ang mga pasa sa aking mukha pero pinilit ko pa ring gampanan ang aking trabaho. Ang dinahilan ko na lamang sa aking team leader ay napagtripan ako ng mga adik sa kanto. Tinalaga ako nito sa paglilinis sa likod ng hotel. Pati na rin ang ilang bahagi ng malawak na hardin nito. Laking pasalamat ko at dito ako naka-assign ngayon. Sa pagtatrabaho ay nakakalimutan ko rin kahit paano ang mga problema at ang sakit sa aking puso.
Mula alas siyete hanggang ala-una ng madaling araw ang oras ng trabaho ko. At may 45 minuto na break. Ang kagandahan sa hotel na ito ay libre ang pagkain ng lahat ng empleyado. Mabilis kong tinapos ang aking pagkain dahil naaasiwa ako sa paraan ng tingin ng ibang empleyado sa akin. Nagtataka siguro ang mga ito kung bakit may mga pasa ang aking mukha.
Palabas ako ng canteen area nang masalubong ko ang may-ari ng hotel. Lawrence dela Vega. Tantiya ko ay magkasing edad lang kami. Naulila ng maaga ang mga ito at sa murang isip ay binalikat nito ang responsibilidad ng kompanya. Twenty years old, so young, yet, so powerful. Ang alam ko ay ginagabayan pa ito ng ilang matatanda para sa pagpapatakbo ng hotel. Ni hindi pa nga ito tapos sa pag-aaral.
Pumasok sa isip ko ang kanyang bunsong kapatid na isang beses ko lang ata nakasalamuha sa malayuan. She was throwing a party last month matapos itong makapagtapos sa high school. At may isang binatilyong gustong manakit sa kanya. Buti na lamang ay nasa paligid lang ako. Pauwi na dapat ako noon after ng duty ko nang mapadaan ako doon. She was a spoiled brat, alright, but she didn't deserve to be treated like that. Muntik ko na talagang masuntok yung binatilyo kung nanlaban lamang ito.
Pero hangga't maaari ay ayokong makisawsaw sa buhay ng mga mayayaman. Alam ko na kasi agad na hindi nila kailanman maiintindihan ang isang taong katulad ko. The society they are in will never accept someone that is below their level. At napatuyan ko nga iyon nung isang araw.
*************
Dahil may tatlumpung minuto pa akong natitira, tumungo ako sa likuran ng hotel at pumasok sa stock room. Kahit madilim dahil walang bombilya, kabisado ko na ang bawat gamit na narito. Maliit lamang ito at halos puno ng mga kasangkapang panlinis. Pero kadalasan ay mga sirang makinarya ang naka-stock dito.
Inayos ko ang mga kagamitan dito noong una. Ang dalawang mahabang mesa ay pinagdikit ko para kasya ang aking katawan. Humiga ako sa mesa at pinatong ang ulo ko sa aking mga brasong nakataas. Gustong-gusto ko dito dahil kahit madilim, nakakahanap ako ng kapayaan. Pag nandito ako, para akong nasa ibang mundo. Malayo sa ingay at gulo. Dito nakakapag-isip ako. Nakakarelax ako. Napapanatag ako.
Pero napabalikwas ako sa pagkakahiga nang bumukas ang pinto at pabagsak na sinara ng kung sino. Rinig ko ang mabilis na paghahabol nito ng hininga.Sa labas ay rinig ko ang mga yapak ng iilang tao na mukhang may hinahanap. Hanggang sa nawala ang tunog ng mga yapak na iyon.
"Yes, natakasan ko sila!" Boses ng babae ang narinig kong nagsalita. Somehow, parang narinig ko na ang boses na iyon. Hindi ko lang alam kung saan at kailan. The next thing I heard was the clicking of the switch. "Damn. Walang ilaw?"
I smirked. Marahan akong bumaba sa mesa at kumilos ng maingat palapit dito. Panay pa rin ang pag switch on and off ng babae kahit hindi naman talaga sisindi. Ang kulit din ng isang ito. Habang papalapit ako sa kanya ay nalanghap ko ang kanyang pabango. It was sweet at hindi masakit sa ilong. Muntik pa akong mapapikit dahil sa amoy nito.
"Ano ba yan ang dilim. Hindi pa ako pwedeng lumabas. Alam kong nasa paligid lang sila." bulong pa nito.
"Bakit ka nagtatago dito?"
Isang malalim na singhap ang sunod kong narinig mula dito. Hindi pa man ay nangingiti na ako sa kanyang reaksyon. Kung nakikita ko ito ay baka tumawa na ako. Alam ko sa oras na magsalita ako, ay mabibingi ako sa tili nito. Kaya inunahan ko na ito at tinakpan ang bibig.
Nagpumiglas ito kaya kinabig ko ang kanyang baywang. Nagulat ko dahil napagtanto kong ang nipis ng katawan ng babaeng ito. I swear, I could cup her waist with my hand.
"Wag kang sumigaw kung ayaw mong malaman nilang nagtatago ka dito. Tumango ka kung naiintindihan mo ako." Wika ko. And I could sense her nodding her head. Good girl.
Dahan-dahan kong tinanggal ang aking palad sa kanyang bibig.
"Hindi ako sisigaw." She said in a whisper once I freed her.
Ang hindi ko natantya ay ang distansya ko sa kanya. Nalanghap ko kasi ang kanyang mabangong hininga. She smelled like chocolate. Siguro ay kakakain lang nito ng matamis. At hindi ko mawari kong bakit napapalunok ako nang wala sa oras.
Sino kaya ang babaeng ito?